Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang Walang-Takot na Pumapatay ng Ahas

Ang Walang-Takot na Pumapatay ng Ahas

Ang Walang-Takot na Pumapatay ng Ahas

MALIIT at mabalahibo, ang mongoose ay hindi kapani-paniwalang pumapatay ng ahas. Gayunman, sabi ng awtor na si R. O. Pearse, “marahil ang pinakamahigpit na kaaway ng ahas . . . ay ang mongoose.” Susog pa ni Pearse: “Ang munting kinapal na ito ay tiyak na nagbaon ng malaking tipak ng lubos, payak na lakas-loob sa kaniyang munting katawan na gaya ng iba pang kinapal sa iláng . . . Ang mga pagsalakay niya sa ahas ay maalamat.”

Ano nga ba itong kahanga-hangang matapang na kinapal na ito? Ang mongoose ay kabilang sa malaking pamilya na gumagala-gala sa maraming bahagi ng Aprika, Asia, at gawing timog ng Europa. May ilang uri at mahigit na 40 klase ng maliit na mammal na ito. Iba-iba ang laki nito mula sa bulilit na mongoose, mahigit lamang sa 0.3 metro ang haba, hanggang sa mongoose na kumakain-ng-alimasag sa timog-silangang Asia, na 1.2 metro ang haba. Ang karamihan ay may maiikling paa, mahaba’t mabalahibong buntot, at mahabang katawan na natatakpan ng makapal, magaspang na balahibo, abuhin hanggang kulay kayumanggi. Ang kanilang mga tainga ay maliit at ang kanilang ilong ay karaniwang matulis.

Ang iba ay nag-iisa at panggabing mga nilikha. Ang iba ay lumalabas sa umaga at lubhang palakaibigan, gaya ng dilaw na mongoose, na namumuhay sa mga kawan ng hanggang 50. Ang kanilang tahanan? Karaniwan na, sa mga siwang ng bato o sa mga lungga sa ilalim ng lupa. Kung minsan sila mismo ang humuhukay nito, subalit kadalasan basta sila tumitira sa mga lungga na iniwan na ng ibang hayop. Napag-alaman din na sila’y lumilipat sa walang laman na mga bunton ng anay at mga punsó.

Bagaman ang mongoose ay maaaring magtinging hindi nakapipinsala, huwag kang magkakamali: Ito ay isang maninila​—alisto, matapang, at maliksi. Kabilang sa kaniyang pagkain ang mga insekto, uwang, bulati, susô, butiki, palaka, at alimasag, gayundin ang itlog at prutas. Ang mongoose ay matalino at tuso. Ang banded mongoose, halimbawa, ay sinasabing nakatatayong tuwid sa pamamagitan ng mga paa nito sa hulihan at pagkatapos ay babagsak nang patakilid. Bakit? Upang palapitin ang mausisang guinea fowl​—at mahuli ito!

Gayunman, ang reputasyon nito bilang isa na pumapatay ng ahas ang nagpatanyag sa mongoose.

Ang Ahas Laban sa Mongoose

Ngunit talaga bang matatalo ng munting kinapal na ito ang isang nakatatakot na cobra sa labanan? Inilalarawan ng manunulat sa Timog Aprika na si Laurens van der Post ang isang karaniwang sagupaang ahas-mongoose sa kaniyang aklat na The Heart of the Hunter: “Nakita ko [ang isang mongoose], hindi na hahaba pa ng tatlumpu’t tatlong centimetro mula ulo hanggang buntot at marahil ay labintatlong centimetro lamang ang taas, na nakipaglaban sa isang 1.8 metro na cobra. Pagkatapos ng sunud-sunod na bihasa at maliksing panlalansi kung saan ang ahas ay paulit-ulit na sumalakay, hahagingan siya ng halos kabuhok, siya ay susugod, susunggaban ang cobra sa batok upang agad na kagatin sa gulugod.”

Ang matinding pagtitiwala at tibay-loob ng munting mongoose, pati na ang tulad-kidlat na kakayahan nitong ilagan ang mga pagsalakay ng ahas, ay siyang nagpapangyari rito na talunin ang nakamamatay na kalaban nito.

Ang Tuklaw ng Ahas

Gayunman, ang mongoose ba ay di-tinatablan ng kamandag ng ahas? Hindi naman. Subalit nangangailangan ng maraming kamandag upang mapatay ang isang mongoose. Isang awtoridad ang nagsasabi na walong ulit ng nakamamatay na dosis para sa isang kuneho ang kailangan upang mapatay ang isang mongoose. Bihira sa isang mongoose na mamatay mula sa isang kagat ng ahas.

Mas malamang na mamatay ang isang mongoose sa pagkain ng isang nakalalasong ahas! Oo, pagkatapos patayin ang mapanganib na kaaway nito, kinakain ito ng nagwagi, nagsisimula sa ulo. Ganito ang sabi ng The International Wildlife Encyclopedia: “Ang ilan [sa mga mongoose] ay nasumpungang patay at ipinakikita ng pagsusuri pagkamatay nito na sila ay nakakain ng ahas na ang mga pangil ay binutas ang pinaka-dingding ng tiyan anupa’t ang lason ay pumasok sa daluyan ng dugo.”

Gayunman, kahit na pumapatay ng mga cobra, ang mga mongoose ay medyo hindi matagumpay sa pagpatay ng mga ulupong. Sa isang bagay, tinatablan sila ng kamandag ng ulupong. Isa pa, ang mga ulupong ay mas mabilis kaysa cobra sa kanilang kakayahang sumalakay.

Ang mga Mongoose Bilang Alagang Hayop?

Gayunman, huwag kang maghinuha na ang mongoose ay likas na masama. Sa kabaligtaran, ang ilang uri ng mongoose ay napaamo at nagawang kaibig-ibig, matalinong mga alagang hayop. Sa Sauce for the Mongoose, ang awtor na si Bruce Kinloch ay nag-uulat tungkol sa kaniyang alagang hayop, isang banded mongoose na ang pangala’y Pipa. a Punô ng kapilyuhan at kakatuwang ugali, si Pipa sa tuwina’y pinagmumulan ng kaaliwan ng pamilya. Isang kakatuwang ugali​—na karaniwan sa mga mongoose​—ang lubhang nagpatawa sa pamilya nang una nila itong makita. Inilalarawan ng awtor ang nangyari:

‘Nasumpungan ni Pipa ang isang mabilog na puting kabibi at nagmaneobra hanggang sa siya ay nakatalikod sa isa sa aming mga kahon na pampiknik. Hinawakan niyang mahigpit ang kabibi sa pagitan ng kaniyang mga paa, umindayog pataas at pababa, paroo’t parito, sa buong panahon ay inuugoy ang kabibi sa kaniyang mga paa, para bang isang pitser ng baseball na naghahandang maghagis ng bola. Walang anu-ano siya ay lumukso sa himpapawid at inihagis ang kabibi pabalik sa pagitan ng kaniyang mga paa sa likuran upang ihampas sa kahon na tumunog na parang putok ng baril. Sa wakas ay naunawaan namin. Sa pamamagitan ng katutubong ugali, sinisikap ni Pipa na basagin ang kabibi kung paano binabasag ng mongoose ang isang itlog.’

Sa gayon ang aming mabalahibong kaibigan ay kaibig-ibig​—at mahirap talunin. At bagaman ang papel nito paminsan-minsan bilang pumapatay ng ahas ay maaaring magpangyari sa atin na medyo matakot, tayo naman ay binibigyan nito ng malaking tuwa sa pamamagitan ng mga katawa-tawang kilos nito.

[Talababa]

a Sabi ni Kinlock: “Karamihan ng mga mongoose ay nag-iisa, panggabing mga hayop at sa gayo’y hindi magandang mga alagang hayop.”

[Picture Credit Line sa pahina 17]

Johannesburg Zoological Gardens