Kalaswaan na Isinasamusika
Kalaswaan na Isinasamusika
“ANG sagradong misyon ng mga bandang rock—na pagalitin ang hangga’t maaari’y maraming magulang—ay isang pahirap nang pahirap na atas sa isang kulturang pagaspang nang pagaspang sa araw-araw,” sabi ng isang editoryal kamakailan sa U.S.News & World Report. Gayunman, napansin na tinutugunan ng ibang bandang rock ang “hamong ito kung papaanong sisindakin ang manhid na” sa pamamagitan ng paggamit ng kakaibang malaswang wika—hindi lamang sa kanilang musika kundi kahit na sa mga pangalang kanilang pinipili para sa kanilang sarili. Ang editoryal ay nag-ulat: “Ngayon may hindi kukulanging 13 banda na ipinangalan sa seksuwal na sangkap ng lalaki, 6 sa seksuwal na sangkap ng babae, 4 sa binhi, 8 sa aborsiyon at isa sa impeksiyon sa ari ng babae.” Idinagdag pa nito na nasumpungan ng isang surbey ang hindi kukulangin sa sampung banda na ipinangalan sa “iba’t ibang seksuwal na gawain” at anim sa pagsusuka. Ipagpalagay na, ang karamihan ng grupong ito ay malayo sa kasalukuyang impluwensiya, gayunman nadarama pa rin ang kanilang impluwensiya.
Sa Florida, E.U.A., ipinahayag ng isang hukuman na malaswa ang isang album ng pangkat ng rock na 2 Live Crew na, sang-ayon sa isa sa mga kritiko nito, ay naglalaman ng “87 paglalarawan ng oral sex, 116 pagbanggit sa seksuwal na sangkap ng lalaki at babae at iba pa na tumutukoy sa pagpapatayo sa ari ng lalaki.” Nang maglaon ang pasiya ng hukuman ay inapela at nabaligtad. Gayunman, ang may-ari na nagtitinda ng rekord ay dinakip at nang maglaon ay nasumpungang maysala at nagmulta ng $1,000 sa mga paratang na kalaswaan sa pagbibili ng mga album o rekord. Binabalak ng kaniyang mga abugado na iapela ang kaso.
Gayunman, hindi lahat ay nagagalit sa pagsalakay na ito ng kalaswaan. Sa The Olympian, isang pahayagan sa Estado ng Washington, E.U.A., ipinagmalaki kamakailan ng isang tagarebista ang konsiyertong pagtatanghal ng isang popular na heavy-metal na banda. Binanggit niya na ang grupo ay ‘maaaring nakapagtala ng isang rekord’ sa paggamit ng mahalay, maliwanag na seksuwal na salita na “mahigit na 200 beses sa mga komento nito sa pagitan ng mga awit. Ang pulutong ay tumugon sa gayon ding paraan. Isa itong gabi ng kalaswaan, rock ’n’ roll at ang paraang Amerikano, at ang pulutong ay maligaya.” Ang pangkat, buod niya, “ay kahanga-hanga.”
Ang mga pamantayan ng ilan sa mga musika at kritiko ngayon ay tiyak na malayung-malayo sa matalinong payo ng Bibliya: “Walang masamang wika ang dapat lumabas sa iyong labi.” (Efeso 4:29, The New English Bible) Ang mga mahilig sa musika, kapuwa bata’t matanda, ay makabubuting huwag padaanin sa kanilang mga tainga ang gayong kalaswaan.