Kinulayang Salamin—Mula Noong Edad Medya Hanggang sa Modernong Panahon
Kinulayang Salamin—Mula Noong Edad Medya Hanggang sa Modernong Panahon
ANG mga sinag ng araw sa umaga ay sumilay na sa abot-tanaw, isang taong kagigising lamang ay binati ng mabrilyong tulad-hiyas na mga kulay sa kinulayang-salamin na bintana. Ang namumulang kulay ay lumikha ng mapayapang kalagayan na nakatutulong sa pag-iisip at pagbubulaybulay.
Ang lalaki kaya ay nagtungo sa simbahan upang manalangin at saka nakatulog? Hindi, siya ay nasa kaniyang sariling silid at isa siya sa dumaraming bilang ng mga may-ari ng bahay na ginagayakan ang kanilang mga bahay ng kinulayang-salamin na mga bintana, marahil ay ginawa mismo ng may-ari ng bahay.
“Bibliya ng mga Dukha”
Bagaman ang mga rekord ng may larawang mga bintana na yari sa may kulay na mga salamin ay noong pang ika-9 na siglo, noong ika-12 siglo, sa paglitawan ng Gothic na mga katedral, umunlad ang anyong ito ng sining. Ang pagkalaki-laking mga gusaling ito na yari sa bato, kabilang sa pinakamalaking isahang mga gusali na itinayo sapol noong pagtayo ng mga piramide, ay dinisenyo upang maginhawang mailulan sa isang panahon ang buong populasyon ng bayan, ang ilan ay hanggang 10,000 mananamba.
Katangian ng arkitekturang Gothic ay ang balangkas na konstruksiyon at ang sobrang taas nito, na ang mga looban ay mula 27 metro hanggang 46 metro ang taas. Ang malalaking panel ng tulad-hiyas na mga salamin ang nagbibigay-liwanag sa animo’y kuwebang mga gusaling iyon, bagaman hindi gaanong maliwanag, sa gayo’y lumilikha ng isang mistiko, nakasisindak na kapaligiran para sa mga mananamba.
Kawili-wili, ang mga bintana ay nagsisilbi para sa isa pang layunin. Yamang ang karamihan ng mga mamamayan ay hindi makabasa, ang mga bintanang may larawan ay isang paraan upang ang mga tao ay maging pamilyar sa mga tauhan at mga pangyayari sa Bibliya, gayundin sa mga doktrina ng simbahan. Ang mga bintana ay nakilala bilang Biblia pauperum, o “Bibliya ng mga Dukha.”
Sa Chartres, isang bayan na 77 kilometro timog-kanluran ng Paris, ay may isang katedral na naglalaman ng pinakamaraming koleksiyon ng orihinal na mga bintana na mula pa noong mga 1150 hanggang 1240, mahigit na 170 sa mga ito ang maayos pa. Isa sa kapansin-pansin, ang “Punungkahoy ni Jesse,” ay inilalarawan ang mga ninuno ni Jesus mula sa ama ni David, si Jesse. Ang mga eksena mula sa ministeryo ni Jesus at ang kaniyang mga parabula tungkol sa mabuting Samaritano, ang mayamang lalaki at si Lazaro, at ang alibughang anak ay inilarawan din sa mga salamin. Ang iba pang pagtatanghal ay nagsasaysay ng kuwento sa pamamagitan ng sunud-sunod na maliliit na bintana na tinatawag na mga medalyon. Yamang si Maria ay sinasamba ng Iglesya Katolika Romana, siya ang paksa ng maraming bintana at kadalasang kinakatawan sa pamamagitan ng isang katagang hango sa sinaunang pagano: “Reyna ng Kalangitan.” a
Ang Sining ay Humina
Dati-rati ang gawang-kamay na ito ay kinasasangkutan ng paggamit ng isang kayumangging enamel na tinatawag na grisaille upang punan ang mga detalye gaya ng mga hitsura ng mukha, mga daliri, at mga tupi sa kasuotan. Unti-unti, higit pa kaysa mahahalagang mga detalye ang sinimulang ipinta, at habang ginagawa ang may kulay na mga enamel, ang walang-kulay na salamin ay naging canvass para sa mga pintor sa salamin. Gayunman, ang resultang mga ipininta sa salamin ay walang brilyo at kagandahan ng mga obramaestra noong Edad Medya.
Noong ika-14 na siglo, ang salot ng Itim na Kamatayan ay sumalanta sa buong Europa, apektado ang lahat ng sining. Karamihan ng kaalaman tungkol gawang-kamay sa paggawa ng may kulay na salamin ay naglaho. Ipinagbawal ng mahigpit na mga mongheng Cisterciano ang makulay na mga
bintanang may larawan, lalo pang nakatulong sa paghina ng sining na ito. Ang mga salik na ito ang dahilan kung bakit ang paggawa ng kinulayang salamin ay nawalang sining sa pagtatapos ng ika-17 siglo.Noong ika-19 na siglo, sa muling pagsasauli ng Gothic na mga katedral, nagkaroon muli ng bagong interes sa kinulayang salamin. Sa gayon nagsimula ang isang kilusang kilala bilang Gothic Revival, kung saan noong panahong iyon ang mga bagong gusali, relihiyoso at sekular, ay itinayo sa gayong istilo. Karaniwang kasali rito ang kinulayang-salaming mga bintana sa kanilang disenyo.
Paghahambing ng mga Pamamaraan
Upang mapahalagahan kung ano ang nasasangkot sa sanlibong-taóng-gulang na sining, ihambing natin ang pamamaraan ng sinaunang mga artisano sa kaniyang modernong-panahong katapat.
Ang pangunahing paraan, na binubuo ng pagputol sa salamin, pagbalot sa mga gilid nito ng tingga, at paghihinang nito, ay nanatiling walang pagbabago. Una, isang padron, o cartoon, ay iginuguhit, isinasaalang-alang ang mga limitasyon sa pagputol ng salamin upang magkahugis at ang paglalagay ng mga guhit na susundan para sa balangkas ng salamin. Ang balangkas na ito ay ipinuwesto upang pagandahin sa halip na bawasan ng ganda ang panlahat na epekto minsang makompleto ang salamin.
Si Louis C. Tiffany (E.U.A., 1848-1933), isang dalubhasa sa kinulayang-salamin sa istilong Art Nouveau, ay pinararangalan sa pagpapakilala ng paggamit ng tansong foil upang balutin ang mga piraso ng salamin, na nagbunga ng mas pinong linya na sinusundan kaysa tingga at mas matibay na produkto. Ang foil ay mas sumusunod at karaniwang ginagamit sa paggawa ng orihinal na Tiffany na mga lampshade.
Palibhasa’y isang maliit na piraso lamang ng salamin sa bintana ang makukuha, ang mga unang gawa ay may kaleidoscopic look. Nang magtagal, mas malalaking piraso ang ginamit, ang natatanging epektong ito ay nawala. Kung tungkol sa aktuwal na pagputol, babakatin ng manggagawa sa salamin ang hugis sa salamin sa pamamagitan ng isang pinong guhit ng likido. Pagkatapos ay uulitin niya ang guhit sa pamamagitan ng isang mainit na plantsa, inaasahang ang salamin ay mababasag ayon sa plano. Saka ginagamit ang isang grozing iron upang kutkutin ang mga tabi hanggang sa ang salamin ay sukat na sukat sa padron. Isinasaalang-alang ang sinaunang mga kagamitang ito, ang isa ay magtataka sa natapos na gawa sa paglikha ng isang bintana na sumusukat ng 7.6 metro por 2.7 metro, gaya ng “Punungkahoy ni Jesse” na nabanggit kanina. Ngayon, ginagawang posible ng cutting wheels at de kuryenteng mga panghasa ang pagputol ng masalimuot na mga hugis.
Ang mga salamin noong ika-12 siglo ay nagtataglay ng mga dumi, gaya ng mga pirasong metal, at hindi pantay ang kapal at ang kinis ng ibabaw. Dahil sa mga pagbabago na pinangyari ng panahon at lagay ng panahon, ang refractive effects ng liwanag sa mga di-kasakdalang ito ay gumawa sa mga bintana ng panahong ito na walang kaparis sa brilyo.
Mas maraming mapagpipiliang kulay at kinis ng
salamin na makukuha ngayon kaysa mapagpipilian noon ng mga dalubhasa sa sining na ito noong Edad Medya, na ang ginamit na kulay ay pula at asul. Kung makatotohanan ang ninanais na epekto, ang isang modernong artisano ay makapipili ng rippled-water na salamin para sa isang lawa, may bahid ng asul at puti para sa langit, o salamin na kulay kayumanggi na may haspe para sa katawan ng punungkahoy.Hindi Lamang Para sa mga Simbahan
Nitong nakalipas na mga taon ang kinulayang salamin ay dumanas ng muling pagsilang at hindi na natatakdaan sa relihiyosong mga paksa sa mga bintana ng simbahan. Isinasama na ng mga arkitekto ang mga kinulayang-salamin na mga bintana at mga skylight sa mga bagong gusali. Isang Assembly Hall ng mga Saksi ni Jehova sa New Jersey, E.U.A., ay mayroon ding kinulayang-salamin na gawa ng mga Saksi. Kadalasang itinatampok din ng mga restauran ang anyong ito ng sining bilang isang mahalagang bahagi ng decorasyon, lumilikha ng kaaya-ayang kapaligiran sa pagkain. Maraming makukuhang padron, na naglalarawan ng mga tanawin, mga ibon, bulaklak, at iba pang hindi relihiyosong paksa.
Naglitawan ang mga studio sa maraming lungsod at bayan, kung saan ang mga bintana, room dividers, ilawan, salamin, mga kahon ng alahas, at marami pang ibang palamuti subalit praktikal na mga bagay ang ginagawa. Sa pamamagitan ng ilan lamang leksiyon, kadalasang ibinibigay sa isa sa mga studio na ito, o kahit na ang isang aklat na nagsasabi kung paano ito gagawin, ang isa ay maaaring masiyahan sa mapanlikhang gawang-kamay na ito sa bahay.
Kaya sa susunod na panahong hangaan mo ang isang bintana o isang bagay na yari sa kinulayang-salamin, maaari mo itong pahalagahan bilang isang sining na may mahaba nang kasaysayan at ngayon ay mas popular higit kailanman.—Isinulat.
[Talababa]
a Tingnan Ang Bantayan ng Abril 1, 1988, pahina 19.
[Larawan sa pahina 23]
Ang “Punungkahoy ni Jesse,” katedral ng Chartres, Pransiya
[Credit Line]
Notre-Dame de Chartres, Chartres, Pransiya
[Mga larawan sa pahina 24]
Detalyado mula sa Tanawin sa Taglagas, bintana ni Tiffany; (itaas) kinulayang salamin na mga bintana, Assembly Hall ng mga Saksi ni Jehova, Jersey City, New Jersey, E.U.A. (kaliwa)
[Credit Line]
The Metropolitan Museum of Art, Gift of Robert W. de Forest, 1925. (25.173)