Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Kung Bakit Ako Bumagsak at Muling Lumipad

Kung Bakit Ako Bumagsak at Muling Lumipad

Kung Bakit Ako Bumagsak at Muling Lumipad

ANG aming isang-makina, anim-ang-sakay na Cessna 210 ay kalilipad lamang mula sa isang paliparan sa Sweden. Kami’y lumilipad sa mababang ulap nang biglang lumitaw mga ilang metro sa unahan namin ang isang madilim na bagay. Walang anu-ano, ang aming kanang pakpak, na punô ng gasolina, ay nasira at sumabog. Pagkatapos, ang pinto sa tabi ko ay lumipad. Ang nasusunog na eruplano ay bumulusok, tumama sa lupa, tumalbog, at sumadsad ng mga ilang metro sa kakahuyan bago huminto.

Bagaman naliliyo at ganap na wala sa sarili, isang bagay lamang ang nasa aking isip​—ang umalis sa nagliliyab na wasak na eruplanong ito. Nilamon ng apoy ang kaliwang pakpak, na punô rin ng gasolina. Kinapa ko ang aking safety belt at kinalag ito. Una muna ang ulo, sinagasa ko ang apoy at bumagsak ako sa putikan mga ilang metro ang layo. Noon ko lamang napansin na ang ibabang bahagi ng aking kaliwang paa ay nadurog.

Ang kasama ko, na siyang nagpiloto sa eruplano, ay nasindak subalit halos walang galos. Sumigaw ako sa kaniya na tulungan akong makalayo ng mga ilang metro. Pagkatapos gawin iyon, umalis siya upang humingi ng tulong. Gumapang pa ako nang papalayo. Nang ako ay halos bumagsak dahil sa pagod, ang kaliwang pakpak ay pumailanglang sa himpapawid at sumabog. Ang nasusunog na mga piraso ay naglipana sa palibot ko. Pagkatapos ay biglang katahimikan, maliban sa lagitik ng maliliit na apoy na sinimulan ng gasolina.

Samantalang naghihintay ng isang ambulansiya, na nakahiga sa putikan, natanto ko na kaming dalawa ay muntik na sanang namatay. Saka ko natalos na ang buhay ay hindi dapat ipagwalang-bahala kundi dapat pangalagaan at gamitin nang may katalinuhan.

Gayunman, makalipad pa kaya akong muli? Maraming tao ang nininerbiyos nang sumakay sa maliliit na eruplano, at ang mga ulat ng aksidente na gaya nito ay lalo pang nagpalala ng kanilang takot. Marahil ang tumpak na pagkaunawa sa mga panganib na nasasangkot at sa kung paanong ang gayong mga banta ay matagumpay na mahaharap ay tutulong upang mabawasan ang anumang di-kinakailangang takot na maaaring taglay mo tungkol sa pagsakay sa isang maliit na eruplano.

Kung Bakit Kami Bumagsak

Una akong sumakay sa isang pribadong eruplano 20 taon na ang nakalipas. Ako’y namangha. ‘Ito ay isang mahusay na paraan ng paglalakbay,’ naisip ko. ‘Malaki ang matitipid kong panahon sa aking trabaho bilang isang sales manager.’ Di-nagtagal ay natuto akong magpalipad, at sa ngayon ako’y nakapagpalipad na ng halos 2,000 oras. Ipinakikita ng aking sertipiko na ako rin ay kuwalipikadong magpalipad sa pamamagitan ng elektrikal o mekanikal na aparato sa pagpapalipad ng eruplano, na kahilingan kapag malabo ang tanaw.

Gayunman, noong madulang umaga na iyon, ako’y sumasakay bilang isang pasahero sa layo na halos 500 kilometro mula sa bayan ng Eslöv sa gawing timog ng Sweden tungo sa kabisera, ang Stockholm. Mayroon akong kukuning isang bagong eruplano at aking pipilotohin ito pabalik sa Eslöv. Subalit ang paglalakbay ay nagwakas 27 segundo pagkatapos nitong lumipad. Bakit? Pagkakamali ng tao​—namali ng pasiya ang piloto sa aming posisyon dahil sa ulap at napaaga ang pagkumpas nito ng pakpak. Kaya, nawalan kami ng puwersang umangat, kami’y bumulusok, at bumangga sa isang tore.

Ang kaligtasan sa himpapawid ay pangunahin nang depende sa tatlong salik​—sa pagkamaaasahan ng eruplano at sa pasiya at karanasan ng piloto. Gayumpaman, maraming pamamaraan ang nagawa na, kapag ikinapit, ay gagawang ligtas sa paglalakbay sa himpapawid.

Bago Lumipad

Bago lumipad, maingat na isasaalang-alang ng maingat na piloto ang mga salik na gaya ng kaniyang sariling mga kuwalipikasyon at kondisyon ng katawan, ang eruplano, ang panahon, ang mga pasahero, at ang kalagayan ng mga palapagan na ginagamit.

Ang modernong mga eruplano ngayon ay bihirang bumagsak dahil sa pisikal o mekanikal na mga depekto. Gayumpaman, may isang aklat-talaan sa bawat eruplano kung saan dapat itala ng piloto ang lahat ng mga paglipad at anumang sira na kaniyang makita. Ang mga sirang ito ay dapat na ayusin ng awtorisadong mga mekaniko bago ang susunod na paglipad. Higit pa riyan, ang mga bahagi ng eruplano, gaya ng makina, propeler, at karamihan ng mga instrumento, ay maaari lamang gamitin para sa isang takdang panahon bago kailanganin ang isang mantensiyon. Kapag tapos na ang panahon, hinihiling ng mga regulasyon sa paglipad na ito ay palitan o ganap na ioberhol​—kahit na ito ay umaandar pa nang maayos! Bago ang unang paglipad sa bawat araw, dapat suriin ng piloto ang eruplano na sinusunod ang isang detalyadong checklist. Karamihan ng mga piloto ay napakaingat na nanghahawakan sa pamamaraang pangkaligtasan na ito. Tutal, nakataya rin ang kanilang buhay.

Kawili-wili, ang ilang bahagi ng eruplano, gaya ng engine magnetos at ignition system, ang altimeter, at ang landing gear, ay may mga backup. Kung huminto ang primary system, ang backup ang aandar, at ang eruplano ay maaari pa ring lumapag nang ligtas. Ipagpalagay na, hindi maaasahan ng isang piloto ang bawat posibleng sira na maaaring mangyari sa eruplano, ngunit taglay ang sapat na kasanayan maaari niyang iwasan ang sakuna kung huminto ang ilang mekanikal na aparato.

Bago ang paglipad ang piloto ay magpapasiya rin kung siya ay lilipad ayon sa VFR (visual flight rules) o ayon sa IFR (instrument flight rules). Ang mga eruplanong lumilipad ayon sa IFR ay pinangangasiwaan ng air-traffic control na gumagamit ng radar. Gayunman, maraming piloto ng maliit na eruplano ang walang lisensiya sa gayong instrument flying.

Pagtatagumpay sa mga Panganib ng Paglipad sa Pamamagitan ng Paningin

Ang paglipad sa pamamagitan ng VFR ay posible lamang kung malinaw ang papawirin. Paano naman, kung sumamâ ang panahon? Ang piloto ay maaaring unti-unting bumaba at manatili sa ilalim ng mga ulap. Ito’y humihiling ng tunay na disiplina at ingat sa bahagi ng piloto. Maaaring mas mabuting bumalik at lumapag sa isang kahaliling palapagan. Kung siya’y magpasiyang magpatuloy, baka magkaroon siya ng mas maraming problema yamang ang radyo at mga gamit sa nabigasyon ng eruplano ay karaniwang walang bisa sa mababang altitud.

Kung imposibleng lumipad nang mababa, ang piloto ay maaaring agad na kumuha ng tulong mula sa air-traffic control. Gayunman, una muna dapat siyang tumaas sa mas ligtas na altitud. Ang paglipad sa mga ulap ay maaaring makalito sa isang piloto na hindi nasanay sa instrumento. Kaya, dapat siyang manatiling mahinahon at ituon ang isip sa pinakamahalagang bagay. Dapat siyang tumaas nang diretso sa wastong tulin at anggulo; di-magtatagal ang radyo at nabigasyonal na ugnayan ay muling maitatatag. Sa gayon ang eruplano ay maaaring makilala sa pamamagitan ng radar at sa gayo’y mabibigyan ng tulong na lumapag sa isang angkop na palapagan.

May iba pang panganib sa panahon ng walang-tulong na visual flight. Ang paglipad sa mga dakong maraming di-makontrol na trapiko ay nangangailangan ng palaging pagbabantay sa bawat direksiyon. Ang mga banggaan sa mga dakong iyon ay marami dahil sa maraming eruplano at mas mabilis na lipad. Ang mga pagkakamali sa nabigasyon at malakas na hangin ay maaaring humantong sa kakapusan ng gasolina.

Gayunman, ang karamihan ng mga problemang ito ay maiiwasan sa pamamagitan ng maingat na pagpaplano. Titingnan ng isang magaling na piloto ang kaniyang posisyon tuwing 15 o 20 minuto at gagawa ng kinakailangang pagtutuwid sa landas. Kung hindi niya matiyak ang kaniyang posisyon, maaari siyang makipag-alam sa air-traffic control. Mula roon ang kaniyang kinalalagyan ay maaaring makuha ng radar o sa paghahanap sa kaniyang radyo transmisyon. Kung hindi ito umubra, maaari siyang magtungo sa isang malaking lawa, isang ilog, o iba pang madaling kilalaning lugar. (Ang walang-kasanayang piloto ay maaaring umikut-ikot upang hanapin ang hindi makitang palatandaan. Ito ay karaniwang walang saysay at kumukunsumo ng mahalagang gasolina.)

Problema sa Pagyeyelo

Sa ilalim ng tiyak na kalagayang atmosperiko, maaaring magkaroon ng problema sa pagyeyelo. Karamihan ng mga pribadong eruplano ay may limitadong kagamitan o wala pa ngang kagamitan upang huwag magyelo. At kapag dumarami ang yelo sa iba’t ibang bahagi ng eruplano, maaaring unti-unting bumagal ang tulin hanggang sa ang eruplano ay mawalan ng kakayahang lumipad. Sa paglipad sa mas mataas na suson ng mga ulap, ang pagyeyelo ay isang potensiyal na panganib kahit na sa mainit na mga araw ng tag-araw.

Gayunman, kapag nagyelo, madaling maaalis ng piloto ang problema sa pamamagitan ng basta pagbaba sa mas mainit na antas. Gayunman, kumusta naman kung ang temperatura ay napakalamig sa lupa? Ito ay maaaring maging isang maselang na kalagayan, at dapat na maingat na timbangin ng isang piloto kung dapat bang lumipad. Ngunit kung ang hangin ay tuyo at malinaw, kaunti lamang ang panganib ng pagyeyelo sa kabila ng mababang temperatura.

Paglipad sa mga Ulap

Ang paglipad sa mga ulap (cumulonimbus) ay kinapapalooban ng isa pang potensiyal na panganib. Ang ilang maliliit na eruplano gayundin ang malalaking komersiyal na mga eruplano ay lubhang napinsala sa gayong mga ulap. Ang malaking panganib dito ay hindi ang kidlat kundi ang napakalakas na puwersa ng hangin at kung minsan ang ga-kamaong mga tipak ng yelo na maaaring makaengkuwentro. Karaniwang makikita ng mga piloto ang mga ulap na ito at iwasan ang mga ito. Gayunman, kung walang paraan upang lumipad nang ligtas sa gayong mga kalagayan, ano ang lunas? Nalalaman ng isang matalinong piloto ang kasabihang​—huwag kakayanin ang masamang lagay ng panahon. Manatili sa lupa.

Ito ang ilan sa mga panganib ng pagpapalipad ng maliliit na pribadong eruplano. At tapatan, hindi ka maaaring magpalipad ng isang pribadong eruplano nang walang anumang panganib. Subalit hindi ba totoo ito sa lahat ng uri ng sasakyan? Gayunman, kung nasasangkapan at napangangasiwaan nang wasto, ang pribadong eruplano ay lubhang ligtas at kombinyente. Kaya kung ikaw ay maglalakbay bilang isang pasahero, tiyakin mo na alam mong ang piloto ay hindi lamang kuwalipikado kundi matalino rin at maaasahan, isang taong gumagalang sa buhay.

Palibhasa’y palaisip ako sa mga salik na pangkaligtasan, patuloy ako sa paglipad. Bilang isang piloto, lagi kong tinatanong ang aking sarili kung may magagawa pa ako para sa kaligtasan at kung may sapat na mapagpipiliang hakbang sakaling may mangyari. Ang pagiging responsable sa buhay ng iba ay isang seryosong bagay. Kaya, ang paglipad ay hindi dapat na maging isang walang ingat na abentura. Ito’y dapat gamitin para sa pakinabang at kasiyahan ng isa. At higit sa lahat, ito’y dapat na maingat na gawin!​—Isinulat.

[Mga larawan sa pahina 15]

Hindi lahat ng pagbagsak ay nagbubunga ng pagkawasak at pinsala na gaya ng nangyari sa akin (itaas). Tatlo ang nakalakad palayo sa pagbagsak na ito (nakasingit)