Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mula sa Aming mga Mambabasa

Mula sa Aming mga Mambabasa

Mula sa Aming mga Mambabasa

Mga UFO Ginugol ng aming samahan ang nakalipas na 18 taon sa pag-iimbestiga sa tinatawag na mga nakitang UFO, at ang karamihan ng mga nakita ay maibibilang na maling interpretasyon. Habang pinaghahambing namin ang mga literatura tungkol sa UFO mula sa buong daigdig, ang inyong artikulo (Nobyembre 8, 1990) ay isang magandang pagbabago. Nais naming batiin ang mga manunulat ng gayong makatotohanan at makatuwirang paglalarawan. Bagaman hindi kami nakikiisa sa inyong mga palagay tungkol sa pananampalataya, nais naming ipahayag ang aming pagpapahalaga sa artikulong ito.

H. K., Central Research Network for Extraordinary Heavenly Phenomena, Alemanya

Mga Sakit na Kaugnay ng Pagkain Maraming salamat sa inyong mga artikulo tungkol sa mga sakit na kaugnay ng pagkain. (Disyembre 22, 1990) Ako’y pinahirapan ng anorexia dalawang taon na ang nakalipas, at kahit na ngayon kung minsan nasusumpungan ko ang aking sarili na bumabalik sa dating mga paraan at saloobin. Ang paglapit kay Jehova ay tiyak na nakatulong sa akin. Nakabubuting makita kung paanong ang Gumising! ay nagbibigay ng tulong at ginhawa sa mga pinahihirapan nito sa maibigin at maunawaing paraan.

L. H., Inglatera

Karaniwan nang hanga ako sa paraan ng pagtalakay ng inyong magasin sa kontrobersiyal na mga paksa na kalimita’y hindi naming pinapansin na mga Katoliko. Subalit ang artikulo tungkol sa mga sakit na kaugnay ng pagkain ay nakasira ng loob ko. Ako’y may anorexia sa loob ng 11 taon. Tinatawag ninyo itong isang kahinaan at iminumungkahi ninyo na dapat tayong bumaling sa Diyos para sa kapatawaran. Subalit ang anorexia ay hindi lamang isang kahinaan; ito’y isang malubhang sakit. Higit pa ito sa pagnanais na palugdan ang iba; isa itong pagsisikap na makayanan ang takot na ikaw ay hindi mahal.

J. W., Alemanya

Hindi namin minamaliit ang kaselangan ng mga sakit na kaugnay ng pagkain subalit ipinakita namin na ang mga ito ay resulta ng ‘matinding pagkabalisa ng damdamin.’ Ang ‘takot na ikaw ay hindi mahal,’ halimbawa, ay kadalasang nagpapabanaag sa kawalang kakayahan ng pinahihirapan nito. Sa gayon idiniin ng aming artikulo ang pagkakaroon ng pagpapahalaga-sa-sarili salig sa mga pamantayan ng Bibliya at ang pakikipagkaibigan sa Diyos. Kung mangyari ang mga sagwil sa pagtatagumpay sa karamdamang ito, ang pinahihirapan nito ay makakukuha ng kaaliwan sa pagkaalam na pinatatawad at nauunawaan ng Diyos ang dahilan ng ating mga kahinaan.​—ED.

Nagkahiwalay na mga Magulang Ang artikulong “Paano Ko Pakikitunguhan ang Aking Humiwalay na Magulang?” (Nobyembre 8, 1990) ay nagpagunita sa akin ng karanasan ko noong aking pagkabata nang iwan kami ng aking tatay. Ako’y siyam na taóng gulang at nadama kong ako’y ipinagkanulo, iniwan, at galit. Ang mga damdaming ito’y nanatili sa akin hanggang isang araw ay nabasa ko ang Awit 27:10. Natanto ko noon na si Jehova ang lumingap sa akin bilang isang Ama.

H. S., Estados Unidos

Ang awit ay kababasahan: “Sakaling pabayaan ako ng aking sariling ama at ng aking sariling ina, ako’y kukupkupin ni Jehova.”​—ED.

Tatlong taon na ang nakalipas kami ng mister ko ay nagdiborsiyo. Noong nakaraang taon siya ay umalis ng bayan nang hindi mang lamang nagpapaalam sa kaniyang mga anak. Labis-labis na nasaktan ang kanilang damdamin at ang akala nila siya ay napopoot sa kanila. Ang artikulo ay isang tagumpay sapagkat ipinakita nito na ang mga bata ay hindi dapat sisihin. Inaasahan ko na balang araw paniniwalaan nila ito.

L. M., Estados Unidos

Ako’y isang ina ng tatlong mga anak, at nasusumpungan ko ang aking sarili na nasasangkot sa gulo ng diborsiyo ng akin mismong mga magulang. Ang inyong artikulo ay tumulong sa akin na baguhin ang aking pag-iisip mula sa nakasisirang kaisipan tungo sa positibong kaisipan. Katatapos ko lamang sumulat sa aking tatay, at sinisikap kong alisin ang agwat sa pagitan namin.

K. Y., Hapón

“Quadriplegic” Salamat sa inyong artikulo na “Sinabi Nilang Hindi na Ako Muling Makalalakad!” (Agosto 22, 1990) Pagkatapos ng isang grabeng aksidente noong 1980, ako man ay naging isang quadriplegic (lumpo ang kamay at paa). Mauunawaan naman, hindi alam ng karamihan ng mga tao kung ano ang kahulugan at kasali rito. Subalit ibinigay ng artikulo ang uri ng impormasyon na kailangan ng mga tao upang makatulong sa iba na pinahihirapan nito bunga ng kapaha-pahamak na mga sakuna.

W. K., Estados Unidos