Paano Ako Magiging Mahusay na Tagapag-alaga ng Bata?
Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .
Paano Ako Magiging Mahusay na Tagapag-alaga ng Bata?
‘Bantayan mo ang iyong maliliit na kapatid na lalaki at babae.’
Minamalas mo man ang gayong atas bilang isang nakaiinis na kaabalahan o isang kapahayagan ng pagtitiwala, ang iwan sa iyo ang iyong mga kapatid ay nakaliligalig sa iyo. ‘Paano kung gumawa sila ng kalokohan?’ maitatanong mo. ‘Ano kung may pumasok nang walang pahintulot o sunog? At ano kung ang isa sa kanila ay masaktan o magkasakit?’
May dahilan kang mabahala. Tutal, ang mga bata ay hindi mga bagay o laruan kundi mga tao na may pantanging mga pangangailangan. Sila ay mahalaga kapuwa sa kanilang mga magulang at sa Diyos. (Awit 127:3) Kaya ikaw man ay nag-aalaga ng mga kapatid o nag-aalaga para sa pakinabang, ang pangangalaga sa mga bata ay isang responsable at mahirap na trabaho. Gayunman, taglay ang tamang saloobin at mahusay na pagpaplano, maaari kang magtagumpay rito.
Diktador o Tagapangalaga?
Waring inaakala ng ibang kabataan na ang isang atas na mag-alaga ng bata ay isang paghirang upang maging isang diktador. “Ayaw ipagawa sa akin ng aking kapatid na babae ito, at ayaw niyang ipagawa sa akin iyon!” reklamo ng isang batang babae. “Sinabi ko sa kaniya na huwag niya akong mautus-utusan, at sinampal niya ako!” Sabi ng isang batang lalaki: “Inaalagaan ako ng aking kuya at ate, at nakapagtataka kung gaano kabilis umakyat sa kanilang ulo ang kapangyarihan!”
Ang pagsisigaw ng mga utos na parang nagsasanay na sarhento ay tila nakatutuwa. Subalit kung malaman ito ng inyong mga magulang—gaya ng malamang na malaman nila—ang iyong “paghahari” ay maaaring nakahihiyang biglang magwakas. Ang Kawikaan 11:2 ay nagbababala: “Dumating ba ang kapangahasan? Kung gayon darating ang kahihiyan.”
“Ang karunungan ay nasa mga mahinhin,” sabi pa ng kawikaang iyon. Kasangkot sa kahinhinan ang pag-alam ng iyong mga limitasyon. At ang totoo ay na ang mga magulang—hindi ang mga tagapag-alaga ng bata—ang binigyan-karapatan ng Diyos na magpalaki at magdisiplina sa mga bata. (Efeso 6:4) Ang iyong papel ay yaon sa tagapagkalinga at tagapangalaga.
Bihasang Pangangalaga sa Bata
Hindi ito nangangahulugan na ang mga bata ay maaaring pabayaang magtakbuhan upang masiyahan ka sa panonood ng TV o pagbabasa. “Ang batang lalaki [o babae] na binabayaan ay humihiya sa kaniyang ina”—at sakit sa ulo ng nag-aalaga! (Kawikaan 29:15) Nakalulungkot nga, sa tuwina’y hindi bihasang napangangasiwaan ng mga tinedyer ang mga batang gumagawa ng kalokohan.
Isang grupo ng mga tinedyer sa E.U. ang sinubok tungkol dito at tinanong kung papaano nila pangangasiwaan ang mga kalagayan na kadalasang bumabangon sa panahon ng pag-aalaga sa bata. Sang-ayon sa babasahing Adolescence, 8 porsiyento lamang sa mga kabataan ang nagpahiwatig na pangangasiwaan nila ang mga bagay sa isang paraan na isinasaalang-alang ang damdamin ng
mga bata. Ang natitira pang 92 porsiyento ay may hilig ay gumamit ng di-mabisang mga taktika, gaya ng mga pag-uutos, kagalitan, at mga pagbabanta. Ang mga mananaliksik ay naghinuha na ang mga tinedyer ay “may hilig na maging walang pakiramdam sa kanilang mga kaugnayan sa mas nakababatang kapatid.”Paano mo pakikitunguhan ang mga bata nang mabisa at may kasanayan? Ang Kristiyanong mga pastol ay hinihimok: “Dapat mong positibong alamin ang kalagayan ng iyong kawan. Tingnan mong mabuti ang iyong mga bakahan.” (Kawikaan 27:23) Sa gayunding paraan, dapat mong sikaping unawain ang pangangailangan at damdamin ng mga batang nasa iyong pangangalaga. Kilalanin sila bilang mga indibiduwal. Saka mo malalaman na ang maliliit na bata ay talagang hindi mahaba ang atensiyon, pagtitiis, o lakas ng isang adulto. Bagkus, “ang mga bata ay mahihina.” (Genesis 33:13) Sila’y lumalaki sa pag-ibig at atensiyon subalit maaaring mabilis mayamot at hindi mapakali.
Pagkakapit ng Ginintuang Tuntunin
Kaya, kung minsan ang mga bata ay maaaring madala ng kanilang laro at maaari kayong nerbiyusin. Maaaring isapanganib nila ang kanilang sarili sa walang-ingat na paggawi. O baka sikapin nilang subukin kung hanggang saan sila uubra. (“Kung minsan nilalansi ko ang aking mga tagapag-alaga,” sabi ng siyete-anyos na si Douglas.) Kapag nangyari ito, huwag mawalan ng damdamin ng pagiging palatawa. Ikapit ang Ginintuang Tuntunin: “Lagi mong pakitunguhan ang iba na gaya ng nais mong pakikitungo nila sa iyo.”—Mateo 7:12, The New English Bible.
Tandaan, “ang kamangmangan ay nakatali sa puso ng isang batang lalaki,” o isang batang babae, at malamang gayon din ang iginawi mo noong hindi pa natatagalan. (Kawikaan 22:15) Ituon ang pansin sa pagtutuwid sa problema (“linisin natin ang natapon”) sa halip na hatulan ang bata. Iwasang magalit at “magsalita nang walang pakundangan na gaya ng mga saksak ng isang tabak.” (Kawikaan 12:18) Ang pagsabi sa isang bata ng “estupido” o “tanga” ay paglait at lubhang nakasasama sa bata. Ang Kawikaan 29:11 (Today’s English Version) ay nagpapagunita sa atin: “Inihihinga ng mangmang ang buong galit niya, ngunit ang matinong tao ay nagtitiis at nagpipigil.” Ganito ang sabi ng isang Kristiyanong batang babae: “Kapag nadarama kong nais kung saktan ang aking otso-anyos na kapatid na babae, nananalangin ako, at iyan ay nakatulong sa akin na masupil ko ang aking galit.”
Ang mga problema kung minsan ay maaaring maiwasan kung ikaw ay kukuha ng positibong paglapit. Ang pagpapabuya sa mabuting pag-uugali ay maaaring makabuti sa iyo kaysa mga banta ng parusa. At, ang mga bata ay malamang na hindi mabagot at maging tahimik kung ikaw ay magpaplano ng kaaya-ayang mga gawain na nakatutuwa, gaya ng pinag-iisipang mga laro. (Ihambing ang Mateo 11:16, 17.) Marahil ay magugunita mo ang ilan sa mga laro na nilaro mo noon bilang isang bata—o maaaring umimbento ka ng ilang bagong laro. Maaaring subukin mo ring basahin ang paboritong bahagi ng bata sa mga publikasyong Pakikinig sa Dakilang Guro o Ang Aking Aklat ng mga Kuwento sa Bibliya. a
Kung minsan ang mga bata ay nangangailangan ng disiplina. Subalit pinakamabuting ipakipag-usap ito sa iyong mga magulang sa kung ano ang dapat gawin tungkol dito. Ito ay totoo lalo na kapag ikaw ay binabayaran sa pag-aalaga ng bata.Kawikaan 13:10 ay nagbababala: “Sa kapangahasan ang dumarating ay pagtatalo lamang, ngunit ang karunungan ay nasa nagsasangguniang sama-sama.”
Karamihan ng mga problema ay maaaring makapaghintay hanggang sa pag-uwi ng mga magulang sa bahay. At nanganganib kang saktan ang bata (huwag nang banggitin ang makagalitan ka ng magulang) kung mangangahas ka na gumamit ng pisikal na lakas. AngPinangangalagaan ang mga Bata Buhat sa Pinsala
Si Barbara Benton ay nagbababala sa kaniyang aklat na The Babysitter’s Handbook: “Ang kombinasyon ng kaniyang pagiging hindi matatag, ang kaniyang pag-uusyoso, at ang kaniyang ganap na kakulangan ng paghatol ay gumagawa sa isang batang paslit na isang pangunahing biktima para sa lahat ng katakut-takot na mga bagay na maaaring mangyari sa mga bata. Kailangan mong maging lubhang mapagbantay—at agad—na iligtas siya.” Natutuhan ng tinedyer na si Stephanie kung gaano katotoo ito. “Inaalagaan ko ang aking pamangkin,” gunita niya. “Walang anu-ano’y nahirinan siya ng isang Popsicle! Kinailangan kong hugutin ito mula sa kaniyang bibig, at ako’y talagang natakot!”
Ang karamihan ng malubhang mga aksidente ay maiiwasan kung babantayan mong maigi ang mga bata. Iminumungkahi ni Barbara Benton ang iba pang hakbang: “Gumawa ng isang inspeksiyon na paglalakbay upang makita at alisin ang anumang potensiyal na panganib.” Dapat na alam mo ang kinaroroon ng mga bagay na gaya ng kahon ng fuse, pamatay ng apoy, at first-aid na mga panustos. Pag-aralan kung papaano gamitin nang wasto at ligtas ang mga kasangkapan sa bahay. Maaari ka pa ngang gumawa ng isang talaang pangkaligtasan na sumasaklaw sa mga bagay na gaya ng mga bintana (nakasara?), mga hagdan (walang mapanganib na mga bagay?), saksakan ng kuryente (wastong may takip?), lason at medisina (maingat na nakatabi sa dakong hindi maaabot ng mga bata?), mga kordon ng kuryente (nakatago?), mga susi ng bahay (ang ekstrang set ng mga susi upang huwag mong makandaduhan ang iyong sarili?).
Maihahanda mo rin ang iyong sarili nang pinakamahusay na magagawa mo upang pangasiwaan ang mga emergency. “Nag-aral ako sa isang klase ng pag-aalaga ng bata at natutuhan ko ang first aid para sa mga sanggol at mga batang paslit,” sabi ng isang tinedyer na babae. Marahil may gayong kurso sa inyong paaralan. Mahalaga rin na mag-ingat na isang listahan na nagtatala ng mga numero ng telepono ng pulisya, kagawaran ng pamatay-sunog, doktor ng pamilya, ospital, at sentro na bumabaka sa pagkalason. Alamin mo kung paano mabibigyan-alam ang iyong mga magulang at marahil ang ilang kapitbahay na maaaring tumulong sa panahon ng pangangailangan.
Kung may mangyaring aksidente o emergency, HUWAG MATATARANTA! “Ang pantas ay nagpipigil [sa kaniyang espiritu] na mahinahon hanggang sa wakas.” (Kawikaan 29:11) Ang isang bata ay maaaring nakalulon ng lason, halimbawa. Kaagad na tumawag sa ospital o sa sentro na bumabaka sa pagkalason. Kung iyan ay hindi posible, maingat na basahin ang mga tagubilin sa babala sa etiketa ng produkto. Ang mahinahon na pagtatasa sa kalagayan ay mas maigi kaysa may kamangmangang paggawa ng isang bagay (gaya ng pagpapasuka) na baka magpalala pa sa kalagayan. At kung paanong nakababalisa at marahil nakahihiya, tiyakin na ireport ang anumang pinsala o aksidente sa mga magulang ng bata. Karapatan nilang malaman kung ano ang nangyari, at sila ang makapagpapasiya kung ano pang mga hakbang ang dapat gawin.
Ang pag-aalaga ng bata ay maaaring magtinging isang napakalaking pananagutan—at gayon nga. Subalit isa lamang itong halimbawa ng kung ano ang ginawa ng iyong mga magulang sa nakalipas na mga taon ng pangangalaga sa iyo. Kaya dibdibin ang iyong trabaho. Habang ikaw ay nagkakamit ng pagtitiwala at karanasan, ito ay maaaring maging kapaki-pakinabang at kasiya-siya para sa iyo.
[Talababa]
a Inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.
[Kahon sa pahina 21]
Mga Tuntunin sa Pag-aalaga ng Bata
Maging propesyonal. Tiyakin na ang iyong bayad ay maliwanag na pinagkasunduan.
Makipagtalastasan. Itatag patiuna kung ano ang iyong magiging mga tungkulin.
Maging nasa oras at maaasahan.
Patiunang kilalanin ang mga bata.
Alamin ang mga tuntunin sa bahay.
[Larawan sa pahina 20]
Ang mga bata ay laging nangangailangan ng pansin kung sila ay iingatan mula sa pinsala