Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pagdalaw sa Isang Pasyente—Kung Paano Ka Tutulong

Pagdalaw sa Isang Pasyente—Kung Paano Ka Tutulong

Pagdalaw sa Isang Pasyente​—Kung Paano Ka Tutulong

ISANG kaibigan ang naospital, at talagang gusto mong dalawin siya. Ano ang dapat mong sabihin o gawin? Ano ang maaari mong dalhin? Ano kaya ang talagang makatutulong? At anong mga bagay ang dapat mong iwasang sabihin o gawin?

Nais mong maging kapaki-pakinabang ang iyong pagdalaw, hindi lamang basta “Kumusta,” isang asiwang “Kumusta ka na?” pagkatapos ay isang mabilis na “Sige,” marahil ay may pahabol pang “Pagaling ka.” Paano mo ba gagawin ito?

Isang panimulang payo: Gumamit ng mabuting pagpapasiya tungkol sa oras ng iyong pagdalaw. Maaari mong itanong sa pasyente o sa kaniyang pamilya kung ano ang pinakamabuting panahon, kung kailan hindi siya abala sa ibang bisita o malapit na mga kamag-anak. Marahil ay mas mabuting dumalaw sa gabi bago ang operasyon kung kailan ang pasyente ay maaaring makinabang sa ilang masaya, magulong usapan kaysa pagkatapos na pagkatapos ng operasyon, kung kailan siya ay maaaring naliliyo o nasasaktan pa.

Mga Salitang Patungkol at Mula sa Pantas

Maaari nating isaalang-alang ang pariralang ‘masayang usapan.’ Asahan mong ikaw ang manguna sa panahon ng pagdalaw, at panatilihing masaya ang usapan. Ang taong nararatay sa higaan ay hindi dapat mabahala sa pag-istimang mabuti sa iyo. Maaari mong akuin ang pananagutang iyan na para bang walang anuman ito sa iyo at sa pamamagitan ng palakaibigang pangmalas. Ngayon, kung ano ang dapat sabihin, kung ano naman ang hindi dapat sabihin.

Huwag kang pumaroon na may malungkot o pormal na mukha, kahit na waring hindi mabuti ang kalagayan ng pasyente. “Ang masayang puso ay mabuting kagamutan,” sabi ng pantas na manunulat ng Kawikaan, “ngunit ang bagbag na diwa ay tumutuyo ng mga buto.” (Kawikaan 17:22) Kaya, tandaan, pananagutan mo na panatilihing nakapagpapatibay at kaaya-aya ang pag-uusap.​—Kawikaan 25:11; ihambing ang Isaias 41:13.

Ang pinakahuling balita buhat sa pamilya ng pasyente o buhat sa kongregasyon ay maaaring maging kawili-wili at nakapagpapatibay, lalo na kung mayroon kang mabuting balita. At, huwag kaligtaan ang epekto ng pagpapatawa sa paggaling; humanap ng mga pagkakataon upang pangitiin o patawanin ang pasyente. Mahalaga rito ang pagkakatimbang. Ikaw ay dumadalaw hindi bilang isang taong mapagbiro o tagapagpatawa kundi upang magpahayag ng tunay na pagmamalasakit at simpatiya.

Kailangan din ng pasyente ng pagtitiwala. Kaya, mag-ingat na huwag magsalita ng negatibo tungkol sa doktor o sa ospital. Karaniwan nang pinakamabuting huwag ihambing ang kalagayan ng pasyente sa iba na may gayunding problema, maliban na lamang kung ang kinalabasan ay masaya. Ang lahat ay magkakaiba, at ang kalagayan ng bawat pasyente ay natatangi.​—Kawikaan 18:13.

Ang pangwakas na obserbasyon sa inyong usapan: Naranasan mo na ba ang makasama ang isa na ang mga salita ay parang mga bala ng machine-gun, parang malakas na agos ng tubig na dumadagundong sa Talón ng Iguaçú? Nakakapagod, di ba? Kaya pakisuyong huwag maging gayon kapag dumadalaw sa iyong kaibigan o kamag-anak na naospital. Bagaman ang iyong pagsasalita ay dapat na maging masaya at nakapagpapatibay, kontrolin ang dami at bilis nito. Hindi mo kinakailangang nerbiyusin, na para bang dapat mong punan ang bawat segundo ng mga salita. Ang ilang tahimik na panahon na kasama niya ay maaari ring makaaliw. Oo, mag-ingat na huwag pagurin ang pasyente sa pamamagitan ng walang katapusang daloy ng mga bisita na makadaragdag sa higit pang walang tigil na daloy ng mga salita.

Gaano Katagal Dadalaw?

Sa ilang bahagi ng daigdig, ang pamilya ay talagang tumitira sa ospital na kasama ng pasyente. Sila ay maaaring asahang mag-asikaso sa pagpapaligo sa pasyente at maglaan ng pagkain, kaya ang pagdalaw ay maaaring mapahaba. Subalit sa maraming ospital, ang oras ng dalaw ay limitado upang ang pasyente ay huwag masyadong mapagod at sa gayo’y magawa ng mga kawani sa ospital ang kanilang mga tungkulin. Kaya, sa karamihan ng mga kaso ang iyong pagdalaw ay dapat na hindi lalampas ng isang oras kung ikaw ay isang kamag-anak o isang malapit na kaibigan ng pasyente, at kalahating oras kung ikaw ay isa lamang kakilala. Ano naman kung hilingin ka ng pasyente na huwag munang umalis? Makabubuti pa rin na takdaan ang iyong dalaw, baka pagod siya at hindi malinaw ang kaniyang paghatol. Mangyari pa, dapat mong gamitin ang iyong matalinong pagpapasiya, ngunit ang mahalagang punto ay, huwag namang magtagal nang husto.

Ang payong iyon ay nangangailangan ng pantanging pagdiriin kung ang pasyente ay waring may higit nang mga bisita kaysa makabubuti sa kaniya o sa rutina ng ospital. Sa katunayan, mas mabuti ang pagsasagawa mo ng maiikling pagdalaw at nagpapakita na ikaw ay nababahala kaysa isang mahabang pagdalaw. Tandaan din, ang pangangailangan para sa taktika kung ang pasyente ay may mga kamag-anak na marahil ay galit o minamasama pa nga ang iyong pagkanaroroon.​—Ihambing ang Kawikaan 25:17.

Ang Iyong Praktikal na Tulong

Kahit na bago ka pa dumalaw, makatutulong ang isa pang uri ng patiunang paghahanda. Mayroon ka bang madadalang makatutulong? Isang bagay na mababasa? Marahil nang araw ring iyon ay tinanggap mo sa koreo ang iyong pinakabagong labas ng magasin na kinagigiliwan din ng pasyente. Maaaring maantig ang damdamin ng pasyente sa iyong pagkukusang ipahiram sa kaniya ang iyong pinahahalagahang bagong labas na magasin. Maaari mo pa ngang basahan siya ng isa o dalawang artikulo na nasumpungan mong lubhang kawili-wili.

Anong mga bagay pa ang maaari mong dalhin? Ang munting alaala na gaya ng mga bulaklak o prutas ay maaaring magpasaya sa kaniyang araw. Maaari ring dalhin ang paboritong kendi ng pasyente o kaya’y lutong-bahay na pagkain​—kung ito ay pinapayagan. Maaari mong itanong sa pamilya ang tungkol sa mga pagkaing iyon o itanong mo sa narses bago dalhin ito sa silid.

Maaari mo ring itanong sa doktor o sa mga narses kung may anumang bagay ka bang madadala para sa pasyente o may magagawa ka ba para sa kaniya na magpapagaang sa kanilang pasan o gagawa sa kaniya na mas maginhawa. Baka tanggapin nila ang iyong tulong.

Nais mo bang tumulong sa iba pang paraan? Tanungin mo ang pasyente tungkol sa maliliit na praktikal na mga bagay. Sino ang kumukuha o nagdadala ng kaniyang mga sulat? Gusto mo bang tingnan ang kaniyang bahay o apartment, magpatulong pa nga sa ilang kaibigan na linisin ito bago umuwi ang pasyente sa bahay? Mayroon bang magpapala ng niyebe sa daanan, magdidilig sa mga halaman, o gagawa ng mga hakbang upang ang bahay ay magtinging para bang may-tao at sa gayo’y huwag makaakit sa mga manloloob? Nag-aalala ba siya kung sino ang mag-aalaga sa alagang hayop? Ang mga ito at ang iba pang bagay ay maaaring nasa isip ng pasyente ngunit hindi niya masabi hangga’t hindi mo tanungin. Ang iyong mabait na mga pagtatanong ay makatutulong din sa diwa na idiniriin mo na ikaw ay talagang nagmamalasakit.

Nararapat ang wastong kilos samantalang dumadalaw sa ospital. Maaaring kakatuwa, ang paraan ng iyong pananamit at pagkilos ay maaaring makaapekto sa paraan ng pagtrato ng mga tauhan ng ospital sa pasyente. Maaaring magkabisa sa kanila kung mapansin nila ang isang pasyente na dinadalaw ng mga bisitang ayos na ayos. Kung ang ilan sa kapita-pitagang mga bisitang iyon ay mapansing nagtatanong tungkol sa kalagayan ng pasyente, ang mga kawani sa ospital ay maaaring maghinuha na ang pasyenteng ito ay malamang na isang kagalang-galang na tao, na, mangyari pa, ay gayon nga. Binabanggit ng Bibliya ang paggayak sa sarili ‘sa paraang nararapat sa mga taong nag-aangking may kabanalan sa Diyos,’ at sa paggawa ng gayon, baka mahikayat mo ang mga kawani na tratuhin ang pasyente nang nararapat.​—1 Timoteo 2:9, 10.

Kung May Malubhang Problema

Paminsan-minsan, ang pasyenteng iyong dinadalaw ay baka may mabigat na problema sa pakikipagtalastasan sa mga kawani sa ospital. Ang mabuting tanong, nang hindi naman nanghihimasok sa personal na buhay ng pasyente, ay, “Ano naman ang sabi ng doktor tungkol sa iyong kalagayan?” Kung hindi mabuti ang mga bagay, at ikaw ay isang responsableng miyembro ng pamilya o ministro, baka sakaling makatulong ka. Para sa kapakanan ng pasyente, baka kailangang ikaw na ang kumuha ng higit na impormasyon mula sa mga tauhan ng ospital. O marahil sabihin mong ikaw na ang sasama sa pamilya, na sa ilang kadahilanan ay atubiling makipag-usap sa doktor.

Kung ganito nga ang kalagayan, ang mahalagang bagay na dapat isaisip ay huwag matakot sa kapaligiran o sa mga tauhan ng ospital. Ang pasyente ay maaari pa ngang nasa intensive-care unit, napaliligiran ng lahat ng uri ng makina at mga taong grabe ang sakit. Ang mga kawani ay maaaring mukhang napakaabala o marahil ay walang galang. Ang hilig ay matakot na abalahin sila, o kaya’y magsalita ng anumang bagay na para bang isang hamon. Ngunit kung ikaw ang alalay ng pasyente, ikaw (at siya) ay karapat-dapat tumanggap ng maliwanag na mga kasagutan at mga mapagpipilian. Huwag tumigil hanggang nagawa mo ang iyong atas. Bagaman nag-iingat na huwag makaabala, gunitain na idiniin ni Jesus sa isang ilustrasyon na kung minsan kinakailangang patuloy na magtanong upang makuha ang pangangalaga o impormasyon kung saan may karapatan ka.​—Lucas 18:1-6.

Ginugunita ang Iyong Pagdalaw

Pagkatapos mong dumalaw, na umaalis na may masayang himig, maaari mong repasuhin kung ano ang iyong sinabi at ginawa. Ang gayong pagbubulaybulay ay maaaring tumulong sa iyo na maunawaan kung papaanong ang iyong susunod na pagdalaw, sa pasyenteng ito o sa iba, ay maaaring maging mas mabisa at kasiya-siya.

Lahat-lahat, malaki ang magagawa mo sa pagdalaw sa ospital. Tandaan ang paghahanda at ang pagnanais na makatulong. Sa pagsamantala sa pagkakataon, magagawa mo ang pinakamabuting magagawa mo tungkol dito at patunayan mong ikaw ay “isang kaibigang mas malapit pa sa isang kapatid [sa laman].”​—Kawikaan 18:24.

[Kahon sa pahina 10]

Ang Iyong Nakatutulong na Pagdalaw sa Isang Pasyente

1. Maging handa.

2. Isaalang-alang ang kalagayan ng pasyente. Huwag pakatagalin ang iyong pagdalaw.

3. Magdamit nang angkop.

4. Manguna sa pag-uusap, subalit takdaan ang iyong mga salita.

5. Maging matulungin sa kung ano ang iyong dadalhin o iaalok na gawin.

6. Maging masigla at nakapagpapatibay-loob.

7. Magbalik para sa isa pang maikling pagdalaw.