Pagmamasid sa Daigdig
Pagmamasid sa Daigdig
Krisis ng Katoliko
“Nakakaharap ngayon ng iglesya Katolika ang dumaraming krisis sa loob ng mga ranggo nito, habang nagreretiro ang nakatatandang [mga] pari, isang nakatatakot na bilang ng may kabataang mga pari ang nagbibitiw, at ang bilang ng bagong mga kalap ay pinakamababa sa lahat ng panahon,” ulat ng The Wall Street Journal. “Marami sa mga paring nananatili ay labis na nagrereklamo tungkol sa sobrang gawain at kalungkutan.” Sa nakalipas na 30 taon nakita ang 89-porsiyentong pagbaba sa bilang mga paring nagsasanay sa seminaryo, mula sa 40,000 noong 1960 tungo sa wala pang 4,500 ngayon. Ngayon, maraming parokya ang pinaglilingkuran ng isang “paring paroo’t parito sa mga parokya na marahil ay gumugugol ng higit na panahon sa pagbibiyahe kaysa altar.” Ang problema ay “natatangi sa Katolisismo,” sabi ng artikulo, at siyang larawan ng “pagiging hindi popular ng kahilingan ng simbahan tungkol sa panatang hindi pag-aasawa ng mga pari.” Ganito ang sabi ng propesor sa Notre Dame University na si Richard McBrien: “Dito sila’y gumagawa ng tuntunin—isang tuntuning gawang-tao—mas mahalaga kaysa Eukaristiya.” Ang mga pakana sa pagkakalap ng mga baguhan sa pagkapari ay hindi matagumpay, at ikinatatakot na ang krisis ay nagpapangyari sa simbahan na luwagan ang mga pamantayan nito sa mga maaaring maging pari, tinatanggap pa nga ang maraming “makasarili . . . na may pangit na mga pagkatao,” gaya ng pagkakasabi rito ng isang Katolikong administrador.
“Napakaraming Sandata”
“Nakasusumpong pa rin kami ng may bisang mga bala ng kanyon mula sa Digmaang Franco-Prussian ng 1870. May mga lawang punô ng nakalalasong mga granada mula sa Digmaang Pandaigdig I. Kadalasan, nadaraanan ng isang magsasakang sakay ng traktora ang isang mina ng pansabog-ng-tangke na mula sa Digmaang Pandaigdig II at bigla na lamang itong sasabog, gayon ang nangyayari. Ang mga bagay na ito ay nasa lahat ng dako.” Gayon ang sabi ni Christian Gabardos, hepe ng isang pangkat ng démineurs—propesyonal na mga dalubhasa ng Pransiya sa pag-aalis ng bomba. Mula noong Digmaang Pandaigdig II, “sila’y nakapag-alis na sa lupa ng 16 na milyong bala ng artilyerya, 490,000 bomba at 600,000 mga mina sa ilalim ng tubig,” sabi ng The New York Times. “Mahigit na walong daang libong ektarya ng bukid ang nailigtas na, subalit libu-libong ektarya pa ang nananatiling nababakuran, napakaraming sandata at napaliligiran ng mga paskil na nagbababala: ‘Huwag Hihipuin. Ito’y Nakamamatay!’ ” Mahigit na 600 démineurs ang nasawi. Ang mga manggagawang naghuhukay ng bagong daan sa labas ng Paris para sa bullet train ng Pransiya ay nakakahukay araw-araw ng dalawang toneladang mga mina, bala ng artilyerya, at mga sisidlan ng mustard-gas mula sa Digmaang Pandaigdig I, “mga labí ng daan-daang tambak ng mga munisyong natira mula sa mga digmaan sa mga pintuan ng lungsod.”
$51,260 sa Bawat Otter
Pagkatapos ng kalunus-lunos na pagkatapon ng langis noong 1989 mula sa Exxon Valdez, ang kompaniya ay naglaan ng $18.3 milyon upang hulihin at gamutin ang 357 otter na naapektuhan ng langis. Sa kabila ng malawakang pagsisikap upang iligtas ang mga ito, mahigit na sangkatlo ang namatay. Sa 225 na natitirang otter, ang karamihan ay ibinalik sa kanilang likas na tirahan, at ang iba ay inilagay sa mga akuwaryum. “Tinataya ng mga marine biologist na nagkahalaga ng $51,260 upang gamutin ang bawat sea otter na nasagip,” sabi ng report ng New York Times, “subalit naniniwala ang mga siyentipiko na ang kaalamang natamo nila mula sa proyekto ay tutulong upang iligtas ang mga biktima ng gayunding aksidente sa hinaharap.” Isang mahalagang tuklas ay na ang langis ng krudo ay mas nakakalason sa mga hayop kaysa dating inaakala. Napansin na ang proyekto ay “pangunahin nang isang mahabaging pagtulong,” yamang ang mga sea otter ay hindi nanganganib malipol na uri at “marami sa mga hayop ang nakaligtas mula sa nakamamatay na langis.” Sinasabing kinilala ng mga opisyal ng Exxon na “ang namamatay, tigmak-ng-langis na mga otter ay lalo nang nakapipinsala sa larawan ng korporasyon.”
Sunod sa Modang Mangmang
“Ang mga T-shirt na may mga sulat ay maaaring uso ngayon,” sabi ng India Today. Subalit nasumpungan ng isang dalaga sa Calcutta na ang pagsisikap na maging sunod sa moda sa ganitong paraan ay maaaring magkaroon ng seryosong mga disbentaha. Habang siya’y naglalakad, “suot ang usong maluwang na pantalon at nakatatawag-pansin na T-shirt,” napansin niya ang ilang mga lalaking Intsik na itinuturo siya at malakas na nagtatawanan. Tinanong niya sila at siya’y sinabihan na ang sulat sa kaniyang T-shirt ay isang mensahe sa Intsik na nagsasabing: “Ako’y kalbong baboon. At dapat akong pagtawanan ng sinumang makabasa nito yamang ako ang pinakadakilang mangmang upang itanghal ang isang sulat sa isang wika na hindi ko kayang basahin o isulat.”
Mga Tsuper, Mag-ingat
Ang mga kotseng nagsisikap na unahan ang mga tren sa mga krosing ay karaniwan sa halos bawat biyahe, sabi ng mga inhinyero ng tren. Waring pinatutunayan iyan ng mga estadistika. Noong 1989 may 5,766 banggaan sa mga krosing sa buong Estados Unidos, pumapatay ng 798 katao at sinusugatan ang 2,588. Sa karamihan ng kaso, winawalang-bahala ng mga tsuper ng kotse ang mga tarangkahan at ang kumikislap na ilaw na nagpapahiwatig sa dumarating na tren. Bakit ba nakikipag-unahan ang mga tsuper sa isang krosing ng tren? Malamang na sapagkat inaasahan nilang ang tren ay kikilos na gaya ng kotse, sabi ng mga opisyal. Subalit hindi ito nakakakilos
na gaya ng kotse. Sa isang karaniwang tren na pangkargada, ang makina lamang ng tren ay tumitimbang ng mahigit na 160 tonelada. Nagbibiyahe sa bilis na 80 kilometro isang oras, kakailanganin ang mahigit na isang kilometro at kalahati upang huminto ang tren minsang ito’y ipreno. At dapat tandaan ng mga tsuper ng kotse: Ang tren ang laging panalo.Mga Amang Naninigarilyo
Ang pinsalang maidudulot ng naninigarilyong ina sa kaniyang di pa isinisilang na anak ay kilalang-kilala. Subalit kumusta naman ang tungkol sa mga amang naninigarilyo? “Dapat tanggapin ng amang naninigarilyo,” babala ng South African Medical Journal, “ang gayunding pananagutan sa mga ibubunga kung ang ina ay patuloy na maninigarilyo sa panahon ng kaniyang pagdadalang-tao. Kailangan ng ina ang suporta ng kaniyang asawa kung siya ay hihinto sa paninigarilyo at ang ipinagbubuntis na sanggol ay tiyak na walang depensa sa mga epekto ng paninigarilyo ng ama.” Ang babasahin ay nagbababala rin tungkol sa pinsalang dala ng walang tutol na paninigarilyo pagkasilang ng bata. Ang mga batang nalalantad sa mga usok ng sigarilyo sa kanilang mga tahanan ay may mataas-kaysa-katamtaman na “pagliban sa paaralan dahil sa karamdaman” at “mas malamang na maging mga maninigarilyo mismo.”
Elektronikong Pagmumura
Ito ay tinatawag na Pangwakas na Salita. Pambulsa, ito ay iprinogramang elektronikong voice box na kahawig ng isang beeper. Ito’y idinisenyo upang magsalita para sa mga taong masyadong mahiyaing magsalita mismo ng masasakit na salita. Kapag pinaandar, ito’y naglalabas ng sunud-sunod na pagmumura. “Ito ang pinakapopular na bagay na kailanma’y mayroon kami,” sabi ng isang may-ari ng tindahan. “Nakalulungkot nga, pero ito ang gusto ng mga tao.” Orihinal na ito’y lumabas sa dalawang bersiyon. Ang mas mahinahon, na nagsasabi ng mga bagay na gaya ng, “Manigas ka” at, “Tanga ka,” ay hindi mabili.
Mga Piyesa na Negosyo ng India
“Ang India ngayon ay may kahina-hinalang karangalan na pagkakaroon ng marahil ay pinakamaraming mga transplant ng bató (kidney) na kinuha mula sa buháy na mga nagkaloob na walang kaugnayan sa pasyente,” sabi ng India Today. Tinatayang mahigit na 2,000 bató mula sa buháy na mga nagkaloob ay ipinagbibili ngayon taun-taon sa bansa. Ang pagkakautang at karalitaan ang dahilan ng karamihan sa mga pagbebenta. “Hirap na hirap kami at ang tanging mapagpipiliang para sa akin ay maging kontrabandista o isang lokal na dada na kasangkot sa krimen,” sabi ng isang ama ng tatlong anak. Siya at ang kaniyang asawang babae ay nagbili bawat isa sa kanila ng isang bató. “Pinili namin ang marangal na paraan,” sabi niya. Palibhasa’y napakalaking halaga ang ibinabayad para sa mga sangkap ng katawan, ang pagbibili ng mga cornea ng mata at balat mula sa buháy na mga nagkaloob ay dumarami rin. “Ang komersiyal na pagnenegosyo ng mga sangkap ng katawan ng tao ay naging pinakamalaking usapin sa medikal na etika sa bansa,” sabi ng isang kilalang doktor.
Tuklas na Tubig ng Ehipto
Sa lahat ng bansang apektado ng kakapusan ng tubig, ang Ehipto ang namumukod tangi. Ang Ilog Nile, ang tanging pinagmumulan nito ng tubig, ay sakop pa rin ng dumaraming kahilingan ng iba pang mga bansa sa salunga ng agos. At ang populasyon ng Ehipto na 55 milyon ay dumarami sa bilis na 1 milyon sa bawat siyam na buwan. Sa ngayon kailangan nang angkatin ng bansa ang 65 porsiyento ng panustos na pagkain nito. Gayunman, ngayon isiniwalat ng satelayt ang isang pagkalaki-laki, di-inaasahang panustos na tubig sa ilalim ng lupa sa Kanluraning Disyerto ng Ehipto. “Naniniwala ang mga siyentipiko na maaaring ito’y naglalaman ng mas maraming tubig sa lupa na inaakalang umiiral sa buong Aprika,” sabi ng World Press Review. “Ipinahihiwatig ng isang pagsubok na pagbutas na may sapat na tubig sa isang balon ‘para sa pagsasaka sa 80,000 ektarya para sa 200 taon,’ sabi ni Dr. Farouk al-Baz, ang Ehipsiyong direktor ng Center for Remote Sensing ng Boston University.”
Ang Europa ay Hindi Na Hiwalay
Sa loob ng tatlong taon, ang paghuhukay ay nagpatuloy sa ilalim ng dagat-lagusan na naghihiwalay sa Britaniya mula sa Pransiya. Sa wakas, noong Oktubre 30, 1990, ang dalawang panig ay nagtagpo nang mapasok ng makinang pambutas ng Pransiya ang tisa na nagsisiwalat ng isang butas ang nabarena mula sa panig ng Britaniya. Ang larawang kuha ng satelayt pati na ang mga sistema ng laser ang buong husay na naggiya sa mga pangkat ng mga inhinyero anupa’t ang dalawang bahagi ay wala pang 0.5 metro ang layo ng lapat sa isang 50-kilometrong tunél, ulat ng The Times ng London. Ang aktuwal na pagsulong ng kaalaman ay dumating noong Disyembre 1 pagkatapos na ang natitirang metro ng tisa ay tinapyas upang lumikha ng sinlaki-ng-tao na bukasan upang pahintulutan ang mga manggagawa sa magkabilang panig na magtagpo at magkamayan. Ang trabaho ngayon ay nagpapatuloy upang tapusin ang service tunnel na ito at ang dalawang pangunahing tunél ng tren, isa sa bawat panig nito.
“Matamis na Paghihiganti”
Ang problema: kung paano papayuhan ang mga grupo ng mga tinedyer na huwag gumala-gala sa tindahan at takutin ang ibang parokyano. Ang solusyon: maglagay ng panlabas na mga ispiker at magpatugtog ng musikang hindi nila maiibigan. Sa paano man iyan ang solusyon na naisip ng ilang tindahan ng 7-Eleven sa hilagang-kanluran ng Estados Unidos at sa kanlurang Canada, at ito naman ay may mahusay na resulta. Ang musika? Nakaprogramang musika na nagtatampok sa mga orkestra na gaya ni Montavani at Ray Conniff. “Ito’y pawang mga musika na kinaiinisan ng mga kabataan, mga musikang gaya ng ‘Moon River,’” sabi ng isang superbisor ng tindahan. Inaasahang ang iba pang tindahan ay gagaya rin. Sabi ng magasing Time: “Maaaring malasin ito niyaong mga sinalakay ng maiingay na kahon ng mga tinedyer bilang matamis na paghihiganti.”