“Taglay Nila ang Moral na Lakas”
“Taglay Nila ang Moral na Lakas”
PAGKARAAN ng 40 taon ng pag-uusig sa Czechoslovakia, ang mga Saksi ni Jehova ay nakapagdaos ng pansirkitong mga asamblea roon. Ang isa sa Ostrava, noong Mayo 1990, ay iniulat ni Jiří Muladi sa pahayagang Nová Svoboda (Bagong Kalayaan). Kabilang sa ibang bagay ay isinulat niya:
“Tungkol sa mga Taong Ganap na Tao”
“Sa loob ng tatlong araw bago ang pangyayaring ito, mga 90 katao ang nagsama-sama sa Tatran Hall at nilinis ito na mas malinis kaysa pagkalinis dito sa loob ng 40 taon. Ganito pa ang masasabi ko, na ang bulwagan ay gayundin kalinis pagkatapos ng dalawang araw [na asamblea], na wala kahit isang papel o upos ng sigarilyo sa lapag. Siyanga pala, ang mga Saksi ni Jehova ay hindi naninigarilyo.
“Ang unang araw ng pansirkitong asamblea, may 1,600 ang dumalo. . . . Sila’y nagsimula sa pamamagitan ng isang awit na inawit ng lahat. Maraming kompositor ang magugulat sa kung gaano kagaganda ang mga awit na ito. . . . Ang lahat ng bagay ay ginagawa nang walang tokata. Walang introduksiyon ng mga nakatataas. (Kaya hindi ko alam kung sino ang pinakamataas ang ranggo at isipin mo hindi ito iniintindi ng sinuman.) Walang pagyuko at pagsigaw ng mga sawikain. Kapakumbabaan, kabaitan, at pakikipagkapuwa.”
Impormasyon Tungkol sa mga Saksi
“Jehova ang pangalan ng Diyos. Sa Bibliyang Czech, ang kaniyang pangalan ay isinalin (o pinalitan) ng pangalang Hospodin [Panginoon]. Iginigiit ng mga Saksi ni Jehova ang paggamit sa orihinal na pangalan ng Diyos, at sa pamamagitan ng kanilang pakikitungo sila ay disididong magpatotoo tungkol sa kaniyang pag-iral at sa kaniyang mga pagkilos. . . .
“Ang pananampalataya ng mga Saksi ni Jehova ay nagbabawal sa paggamit ng mga sandata laban sa mga tao, at yaong tumanggi sa paglilingkod sa militar at hindi nagtrabaho sa mga minahan ng karbón ay nagtungo sa bilangguan, ng hanggang apat na taon.
“Mula rito maliwanag na taglay nila ang moral na lakas. Magagamit natin ang walang pag-iimbot na mga taong iyon kahit na sa pinakamataas na tungkulin sa pulitika—subalit hinding-hindi natin sila makukuha roon. Iginigiit ng mga Saksi ni Jehova na pinamamahalaan ng mga tao ang kanilang sarili sa kanilang sariling kasamaan. Mangyari pa, kinikilala nila ang awtoridad ng mga pamahalaan subalit naniniwala sila na tanging ang Kaharian lamang ng Diyos ang makalulutas sa lahat ng mga suliranin ng tao. Subalit mag-ingat—hindi sila mga panatiko. Sila’y mga tao na interesado sa sangkatauhan. At ngayon, maaari mong isipin kung ano ang gusto mong isipin tungkol sa kanila.
“P.S. Hindi ako kabilang sa mga Saksi ni Jehova, bagaman nakikiayon ako sa marami nilang mga paniwala.”
[Larawan sa pahina 25]
Asamblea sa Lucerna Hall, Prague, Czechoslovakia