Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang Kuwento ng Asbestos—Mula sa Pagiging Tagapagligtas-Buhay Tungo sa Banta ng Kamatayan

Ang Kuwento ng Asbestos—Mula sa Pagiging Tagapagligtas-Buhay Tungo sa Banta ng Kamatayan

Ang Kuwento ng Asbestos​—Mula sa Pagiging Tagapagligtas-Buhay Tungo sa Banta ng Kamatayan

HINDI pa natatagalan kinailangang ipagbili ng lahat ng mga residente sa isang trailer park sa Arizona, E.U.A., ang kanilang mga tahanan at mga pag-aari sa gobyerno at umalis. Ang lahat sa parke, mula sa mga trailer hanggang sa mga muwebles hanggang sa mga laruan ng mga bata, ay sistematikong sinira​—niyupi at ibinaon sa ilalim ng mga suson ng papel na panala, graba, at pang-ibabaw na lupa. Bakit? Radyasyon? Lasong mga kemikal? Maruming tubig? Hindi; ang trailer park ay nasa ibabaw ng mga labí ng isang dating gilingan. Ito’y nadumhan ng asbestos.

Ito’y napakagulong dantaon para sa asbestos​—isang nakahihilong pagbaba mula sa tugatog ng popularidad tungo sa kalaliman ng pag-alimura. Dati-rati’y sinta ng industriya at pinagpipitaganang tagapagligtas ng di-mabilang na buhay mula sa apoy, ang asbestos ngayon ay pinararatangan ng kamatayan ng literal na daan-daang libo katao. Sa asbestos nagtutungo ang kahina-hinalang pagkakilala ng siyang nagbago sa industriya ng konstruksiyon​—hindi minsan, kundi makalawa: una, sa pangglobong hilig na ilagay ito sa mga gusali; ikalawa, sa kung minsan ay pagmamadaling alisin na muli ang asbestos.

Ang mga gusaling paaralan, opisina, at mga apartment ay isinara, sa napakalaking halaga sa mga nagbabayad ng buwis, mga may-ari ng lupa, at mga residente. Isang daluyong ng mga asunto ang dumagsa sa legal na sistema. At binago ng takot ang mga buhay​—lahat ay dahil sa asbestos.

Subalit ano ba ang asbestos? Saan ito galing? Talaga bang ito’y gayon kapanganib?

Iba’t Ibang Nakalipas

Kabaligtaran ng maaaring iniisip ng iba, ang asbestos ay hindi isa lamang kasiraan ng modernong teknolohiya, isang nagkamaling imbensiyon sa laboratoryo. Hindi, ang asbestos ay isang mineral na minimina sa lupa. O, mas wasto, ang asbestos ay isang uri ng mineral​—may anim na iba’t ibang uri, lubhang kakaiba ang bawat isa. Subalit ang lahat ay mahibla sa kayarian, at pawang lubhang di-tinatablan ng apoy.

Libu-libong taon nang ginagamit ng tao ang asbestos. Maraming dantaon bago si Kristo, inihahalo ito ng mga taga-Finland sa paggawa ng palayok at ipinapasak sa mga bitak sa kanilang mga kubo. Ginamit ito ng sinaunang mga Griego sa paggawa ng mitsa para sa mga lampara. Hinabi ng sinaunang mga Romano ang mga hibla ng asbestos upang gawing tuwalya, lambat, at mga lambong pa nga sa ulo ng mga babae. Ang mga telang ito ay madaling linisin: basta ihagis mo ito sa nagliliyab na apoy at hanguin mo ito na maningning at maputi!

Noong Edad Medya iniulat na kinumbinsi ni Emperador Charlemagne ang kaniyang mga panauhing barbaro na mayroon siyang sobrenatural na mga kapangyarihan nang kaniyang ihagis ang isang mantel na asbestos sa apoy at hatakin ito mula roon nang hindi man lamang nasunog. Ang ibang masigasig na negosyante noong Edad Medya ay nagbili pa nga ng mga krus na yari sa asbestos, binabanggit na hindi ito tinatablan ng apoy bilang patotoo na ito ay yari mula sa kahoy “ng tunay na krus”!

Gayunman, hanggang noong dakong huli ng ika-19 na siglo, ang asbestos ay wala kundi isang pag-uusyoso. Iyan ay nagbago dahil sa industriyal na panahon. Noong 1800’s, natanto ng industriya na ang asbestos ay hindi lamang di-tinatablan ng apoy; ito rin ay hindi naaagnas at mahusay na gamitin sa insulasyon. Hindi nagtagal at ang asbestos ay ginamit din sa paggawa ng bubong, mga tisa sa kisame, mga baldosa sa sahig, insulasyon, mga halo sa kongkreto, mga tubo ng semento, aspalto, mga kurtina sa sinehan, mga brake lining, at mga panala pa nga. Sa wakas, may mga 3,000 gamit na nasumpungan dito.

Hindi nagtagal, sinuportahan ng asbestos ang isang lumalagong pangglobong industriya. Malalaking deposito ang natuklasan sa Bundok na Ural sa Unyong Sobyet, sa Alps ng hilagang Italya, sa Vermont sa Estados Unidos, at sa Timog Aprika. Noong kalagitnaan ng 1970’s, ang produksiyon ng asbestos ay halos anim na milyong tonelada sa bawat taon.

Ang Nakasisindak na Halaga

Gayunman, ang mabilis na popularidad nito ay may mga ugong ng agam-agam. Sa katunayan, mga 19 na siglong mas maaga, binanggit ng Romanong mananalaysay na si Pliny na ang mga aliping nagtrabaho sa mga minahan ng asbestos ay waring may mga suliranin sa paghinga. Siya lamang ang una sa maraming tinig na nagbababala.

Noong maagang 1900’s, napansin ng mga doktor sa Europa na ang mga manggagawa sa asbestos ay namamatay sa mga karamdaman sa palahingahan. Noong 1918 ang ilang kompaniya sa seguro ay tumanggi nang saklawin ang mga manggagawa sa asbestos, binabanggit ang kanilang di-karaniwang maiikling haba ng buhay. Noong 1930’s, pinatunayan ng mga autopsiya na ang labis na pagkalantad sa asbestos ay maaari ngang makamatay. Ang napakaliit, hugis-karayom na mga kristal ng maraming uri ng asbestos ay maaaring magtungo sa bagà, o sa abdominal cavity pa nga, at manatili roon, kung minsan ay nagdadala ng sakit pagkalipas ng mga dekada. Ang sumusunod ay ilan sa karaniwang sakit na nauugnay sa asbestos:

Asbestosis. Ang pinakakaraniwang sakit, lalo na sa gitna niyaong matagal nang nalantad sa asbestos. Ang paggasgas sa himaymay ng bagà na unti-unting nagpapangyari sa bagà na tumigas at binabarahan ang mga espasyo ng hangin sa loob ng bagà. Ang asbestosis ang dahilan ng mahirap na paghinga at ginagawa nito ang mga bagà na madaling tablan ng mga impeksiyon na gaya ng pulmunya at brongkitis, na mas mapanganib sa mga taong nasa gayong kalagayan. Ang asbestosis ay walang lunas, at maaaring makamatay.

Kanser sa Bagà. Pangkaraniwan din, ito ay pumapatay ng mas maraming tao kaysa asbestosis. Gayunman, kapansin-pansin na kapag ang pagkalantad sa asbestos ay sinamahan pa ng bisyo ng paninigarilyo, ang pagkakaroon ng kanser sa bagà ay talagang dumarami​—mas marami kaysa panganib ng paninigarilyo at ng pagkalantad sa asbestos kung basta pagsasamahin.

Mesothelioma. Pambihira ngunit lubhang nakamamatay na anyo ng kanser. Sinasalakay nito ang lamad na sumasapin sa dibdib o abdominal cavity. Maaari itong mangyari kahit na pagkatapos ng limitadong pagkalantad sa mineral, at maaaring lumitaw pagkatapos ng isang pag-antala na kasinghaba ng 40 taon.

Sang-ayon sa International Journal of Health Services, ang asbestos ang magiging sanhi ng mula dalawa hanggang tatlong daang libong di-napapanahon at masakit na kamatayan sa pagitan ng 1986 at ng taóng 2000 sa Estados Unidos lamang. Kung totoo ito, halos katumbas nito ang bilang ng tauhang militar ng E.U. na namatay sa labanan noong Digmaang Pandaigdig II.

Isang Labis na Reaksiyon?

Gayunman, maraming siyentipiko ay nagparatang na labis-labis ang reaksiyon sa panganib ng asbestos. Sinasabi nilang pinalaki ng ibang siyentipiko ang mga panganib, na humantong sa isang malaganap na “fiber phobia,” isang pagkataranta na nakagawa ng higit na pinsala kaysa kabutihan.

Halimbawa, inakay ni Brooke Mossman, sa University of Vermont College of Medicine, ang isang pangkat ng mga siyentipiko sa pagsulat ng isang report na lumitaw sa babasahing Science. Pinulaan ni Mossman at ng kaniyang mga kasama ang pagkalaki-laking halaga ng salapi na ginugol sa pag-aalis ng asbestos mula sa mga gusaling tanggapan at mga paaralan, kadalasan ay upang hadlangan ang mga antas ng pagkalantad na napakababa, sabi nila, na ito’y halos hindi nakapipinsala.

Sa katunayan, sabi nila na sa ilang mga gusali na nakatalang alisan ng asbestos, sa katunayan ay kaunting asbestos lamang sa hangin sa loob ng gusali kaysa labas! Binanggit ang mga estadistikang nagpapakita na ang mga bata ay mas nanganganib sa pagsakay sa mga bisikleta o mula sa ligaw na mga kidlat kaysa gayong kababang antas ng asbestos. Isa pa, maraming proyekto sa pag-aalis ng asbestos ay madalian at walang-ingat na ginawa, aktuwal na pinararami ang antas ng asbestos sa mga gusali sa pamamagitan ng paggalaw sa lahat ng alabok. Sa gayong mga kaso mas mabuti pang pabayaan na lamang ang asbestos at takpang mabuti.

Higit pa riyan, gaya ng kinikilala ng maraming bansa sa Europa sa kanilang mga batas tungkol sa asbestos, hindi lahat ng iba’t ibang uri ng mineral ay may mga hibla na hugis-karayom. Ang asbestos na chrysotile ay binubuo ng mas mahaba, kulot na mga hibla na madaling nasisilo at inilalabas ng bagà. Mga 95 porsiyento ng mga asbestos na ginagawa sa buong daigdig ay uring chrysolite. Ang amphibole asbestos, ang uri na waring siyang dahilan ng karamihan ng kaso ng mesothelioma, ay bihirang gamitin.

Pinawalang-saysay din ni Mossman at ng kaniyang mga kasama ang ‘teoriya na isang-hibla’​—ang ideya na kahit na ang isang hibla ng asbestos ay maaaring makamatay. Tutal, ang asbestos ay likas na lumilitaw. Sang-ayon sa isang editor ng magasing Science, lahat tayo ay lumalanghap ng halos isang milyong hibla ng asbestos sa bawat taon!

Gayunman, ang mga puntong ito ay hindi pa rin pumapayapa sa lahat ng mga siyentipiko. Iginigiit ni Dr. Irving J. Selikoff, na gumawa ng mahalagang pag-aaral tungkol sa mga panganib ng asbestos noong 1964, na ang mababang antas ng pagkalantad sa asbestos ay maaari ngang maging mapanganib. Maraming siyentipiko ang pumanig sa kaniya. Sila ay lalo nang nababahala sa mga gusali ng paaralan. Ang basta pagsukat sa nilalamang asbestos sa hangin sa gayong mga gusali ay walang saysay, sabi nila, yamang ito ay napakaespisipikong punto ng pinagmumulan ng asbestos na nagdadala ng panganib, gaya ng may insulasyong mga tubo at boilers. Ang mausyuso at pilyong mga bata ay malamang na masumpungan at guluhin ang mga pinagmumulang iyon; ang mga katiwala at mga dyanitor ay maaaring regular na malantad.

Ang mga siyentipiko ay hindi rin sang-ayon sa mga panganib ng chrysolite na asbestos. Isang internasyonal na komperensiya ng mga siyentipiko noong tagsibol ng 1990 ang tumugon sa report ni Mossman sa Science sa paggiit na ang chrysolite ay mapanganib na gaya ng iba pang uri. Isa pa, sabi ng iba na ang mga siyentipiko na minamaliit ang mga panganib ng asbestos ay basta ginagamit ng industriya ng asbestos, na nagbabayad sa ilan sa kanila upang tumestigo sa korte.

Ang Salik na Kasakiman

Ang gayong mga akusasyon, kung totoo, ay nagtatanda sa akusado na sakim. Gayunman, ang totoo ang kasakiman ay malaon nang paksa sa kasaysayan ng asbestos sa siglong ito.

Ang industriya ng asbestos ay pinaratangan ng napakasamang kasakiman sa hindi pagsasabi sa mga manggagawa tungkol sa mga panganib ng pagkalantad sa asbestos. Maraming pasiya ng hukuman ang nagpataw ng parusa laban sa mga tagagawa ng asbestos dahil sa hindi pagbibigay-alam sa mga manggagawa tungkol sa mga panganib na kanilang nakakaharap. At sa kabila ng lahat ng kontrobersiya, ang mga kompaniya ng asbestos ay nagluluwas pa rin ng kanilang mga produkto sa hindi gaanong maunlad na mga bansa na hindi pa ipinagbabawal ang materyal​—at kung saan ang mga manggagawa sa pabrika ay hindi laging wastong napagsasanggalang dito.

Ang mga paratang ng kasakiman ay masasabi rin sa industriya na nag-aalis ng asbestos. Pinintasan ng mga kritiko ang napakamahal na halaga, na kadalasang mula $250 hanggang $500 sa bawat metro kudrado, mahigit na isang daang beses sa halaga ng pag-iinstala ng asbestos. Nariyan din ang ulat tungkol sa katiwalian. Maraming kompaniya na nag-aalis ng asbestos ay nahuling sinusuhulan ang mga opisyal sa gobyerno upang huwag nilang pansinin ang ilegal at mapanganib na mga paraan ng pag-aalis at pagtatapon nito. Ang tiwaling mga may-ari ng lupa ay napag-alamang umuupa ng walang konsiyensiyang mga kompaniya upang di-wastong alisin ang asbestos upang makapagtipid lamang ng salapi. Ang mga manggagawang inuupahan nila ay karaniwang walang kaalam-alam sa mga panganib ng kanilang trabaho, ay hindi nagsusuot ng proteksiyon, at ilegal na itinatambak ang asbestos​—kahit sa mga parke.

Asbestos at Ikaw

Gayunman, may pag-asa pa sa nakatatakot na kuwentong ito. Ang kabatiran sa iba’t ibang panganib ng asbestos ay lumalaganap sa buong daigdig. Maraming gobyerno ang nagtatakda sa paggamit ng asbestos o sa paano man ay tinitiyak na ang mga manggagawa na nakikitungo sa mineral ay magsuot ng pananggalang na kasuotan.

Ano naman kung inaakala mong may asbestos sa inyong tahanan o sa iyong dako ng trabaho? Una sa lahat, tanging isang pagsubok sa laboratoryo ang makapagsasabi nang tiyak kung ito ay talagang asbestos o hindi. Ikalawa, huwag mataranta. Ang pagkataranta ay umakay sa ilan na alisin ang asbestos sa ganang kanilang sarili, na kadalasan ay ilegal at mas mapanganib kaysa hayaan mo lamang ito. Kumuha ng payo mula sa mga dalubhasa bago magsagawa ng anumang pagkilos. Tanging isang kagalang-galang, may lisensiyang kompaniya lamang ang dapat hayaang mag-alis ng asbestos o takpan ito, depende sa kung ano ang hinihiling ng kalagayan.

Kung wala kang gaanong magagawa kundi ang magtrabaho sa asbestos, napakahalaga ng pagsusuot ng pananggalang na kasuotan, gaya ng pagpapanatili sa materyal na basa upang hadlangan ang mga hibla nito na lumipad sa himpapawid​—gaano man sa wari’y nakaaabala ang lahat ng ito. Nasumpungan ng isang surbey sa 405 manggagawa sa Ehipto na tanging 31.4 porsiyento lamang sa kanila ang nagsusuot ng pananggalang na mga aparato kapag nagtatrabaho sa asbestos.

Katapus-tapusan, huwag manigarilyo! Sa isang pag-aaral sa E.U., 34 na porsiyento ng mga manggagawa sa asbestos ay nasumpungang mga maninigarilyo, sa kabila ng lubhang pagkabahala nila tungkol sa kanser at sa kabila ng katotohanan na ang mga maninigarilyo ay mga 50 beses na mas malamang magkaroon ng mga sakit na nauugnay sa asbestos.

Mangyari pa, ang mga dalubhasa ay nagtatalo pa rin sa kung gaano nga kapanganib ang asbestos at kung baga ang anumang antas ng pagkalantad ay ligtas. Marahil patuloy silang magtatalo, galit na magbabatuhan ng mga estadistika at mga pag-aaral sa isa’t isa, hanggang sa araw kapag ang tao sa wakas ay huminto na sa “pagpahamak sa lupa” at sa maling paggamit ng mga yaman nito. (Apocalipsis 11:18) Subalit hanggang sa panahong iyon, marahil ang matalinong landasin ay ang magkamali sa panig ng kaligtasan.

[Larawan sa pahina 12]

Tipikal na kaayusan sa gawaan ng asbestos, pati na ang silid na nag-aalis ng dumi. Mula sa kaliwa pakanan: 1. dakong gawaan; 2. silid ng mga gamit; 3. air lock; 4. shower; 5. air lock; 6. malinis na silid