Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang mga Manlililok ng Kahoy ng Kavango

Ang mga Manlililok ng Kahoy ng Kavango

Ang mga Manlililok ng Kahoy ng Kavango

Ng kabalitaan ng Gumising! sa Namibia

ANO ang nangyari? Nagulantang, ako’y naupo. May gumising sa akin. Balisa, tumingin ako sa labas sa gabi sa Aprika. Mga bituin lamang ang nakita kong maningning na kumikislap sa mga sanga ng punung camel-thorn.

Pagkatapos ay napansin ko ito​—narinig ito! Ang katahimikan!

Huminto ang mga tambol. Sa buong magdamag, ang tunog na tom-tom-te-tum-tum ang saliw sa iba pang ingay sa kagubatan ng Aprika, subalit ngayon ang mga ito ay tahimik. Ito’y nakatatakot sa umpisa. Pagkatapos ang normal na mga ingay sa gabi ay muling mapapansin. Ang ingay ng mga kuliglig at ang huni ng mga lamok, ang garalgal, siyap, ugong, at huni ng laksa-laksang mga insekto na bumubuo sa musika sa gabi sa tropiko. Gising na gising na ako ngayon. Nakahiga ako’t nag-iisip tungkol sa kahali-halinang mga tunog ng tambol na ito at kung paano namin minasdan ang paglilok sa mga ito.

Kami ng misis ko ay natutulog sa aming trailer sa pampang ng Ilog Okavango. Dinadalaw namin ang kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova sa Rundu, isang pamilihang nayon sa Lalawigan ng Kavango sa gawing hilaga ng Namibia sa hangganan ng Angola. Sa aming paglalakbay sa kagubatan, nakatawag ng aming pansin ang mga pagawaan sa labas, kung saan ang mga manlililok ay abalang kinakayas at sumisipol, tinatapyas at pinuputol, nilalagare at nililiha ang mga katawan ng punungkahoy.

Kabilang sa mga nililok ang mga maskara na ginagamit sa seremonyal na mga sayaw gayundin ang “mga posteng palatandaan” sa labas ng mga kraal kung saan may mga taong maysakit. Ang mga maskarang ito ay nagbababala sa mga dumadalaw at upang itaboy ang masasamang espiritu. Bagaman nasusumpungan ng marami na ang mga maskarang ito’y nakahahalina, ang mga Kristiyano sa Kavango ay hindi nag-iingat nito sa kanilang mga tahanan dahil sa kaugnayan nito sa mga balakyot na espiritu. Kaya nga nakabubuting makita na marami sa mga bagay ay hindi na nilililok na kasama ang mga maskarang ito bilang ang pangunahing bahagi, kundi lahat ng uri ng geometrikong mga disenyo ay ginagamit ngayon para sa dekorasyon.

Ang kahoy na ginagamit ay ang teak. Nakalulungkot nga na ang magandang kahoy na ito ay mahirap nang makuha sa Kavango. Inaasahang, higit na pansin ang ibibigay sa pagtatanim ng bagong mga punungkahoy, yamang ito ay kumukuha ng 50 taon upang ang mga ito ay gumulang. Ang kahoy ay may kaakit-akit na haspe, may maliwanag at madilim na mga disenyo, na mabisang itinatampok sa mga lilok. Isang angkop na puno ang pinipili at saka pinuputol o sinusunog ang pinakapunò. Pagkatapos ito ay kinakaladkad sa kubong gawaan, kung saan ito ay nilalagare sa bilog na mga tuod o makapal na mga tabla, depende sa kung ano ang gagawin dito.

Isang Lagarian sa Gubat?

Pinagmamasdan ang mga manlililok na nagtatrabaho sa isa sa mga kubo, napansin ko ang ilan sa makinis ang pagkakalagare na mga tabla sa isang sulok. Nagtataka ako kung paano ito pinutol, yamang wala namang lagarian o kuryente sa gubat. Tinanong ko si Joakim, na tinatapyas ang isang tambol.

“Bueno, alam mo, Tatekulu [Isa na Nakatatanda],” paliwanag niya, “napakasimple nito. Itinutulak namin ang punungkahoy sa ibayo ng butas. Si Jonas ay mananaog sa butas, at ako naman ay tatayo sa itaas, sa punungkahoy. Hahatakin ni Jonas ang lagare pababa sa butas, at hihilahin ko naman ito pataas. Kaming dalawa ay patuloy sa paghatak. Hindi magtatagal at natatapos namin ang paglagare sa punungkahoy, at nagagawa namin ang mga tabla.”

“Ngunit tiyak,” sabi ko, “napakatagal niyan, at tiyak na pagod na pagod kayo.”

“Hindi, Tatekulu, hindi naman. Ang araw ay sumisikat at kami’y nagtatrabaho. Ang araw ay lumulubog at kami’y nagpapahinga. Bukas sisikat na muli ang araw. Sa susunod na araw muli, at sa susunod pa. Napakaraming araw, napakaraming panahon. Panahon upang magtrabaho at magpahinga.”

Mga Taksi sa Okavango

Mga taksi sa gitna ng kagubatan ng Aprika? Oo, subalit ito ay hindi mga taksi sa Lungsod ng New York o ang mga ricksha sa Yangon. Ang mga tao sa Ilog Okavango ay gumagawa rin ng kakaibang uri ng paglilok. Ang mga taksi sa Okavango ay mga mawato, o mekoro gaya ng tawag dito sa ibaba pa roon ng ilog. Ang mga ito’y bangka, nililok mula sa buong mga katawan ng puno.

Alam mo, ang Ilog Okavango ang gawing hilagang hangganan sa pagitan ng Kavango at Angola at nag-aalok ng pinakamadaling paghahatid​—sa itaas, ibaba, o sa ibayo ng ilog. Pasalunga man sa agos patungo sa Owambo, pasunod sa agos tungo sa Botswana, o sa ibayo patungo sa Angola, ang mawato, o mga taksi sa tubig, ay makapaglalakbay sa haywey na ito ng tubig anumang hangganan o gawang-taong mga hangganan.

Gayunman, may dalawang maninirahan sa ilog na dapat taimtim na igalang ng mga pasahero ng wato (pang-isahan). Sa kabila ng panghihimasok ng tao sa kanilang likas na tirahan, ang mga buwaya at hipopotamus ay makikita pa rin​—at kinatatakutan! Kamakailan, nang tumaob ang isang wato malapit sa Rundu, isang sawing-palad na pasahero ang napakabagal at hindi niya narating ang pampang. Siya ay napatay ng isang buwaya!

Tungkol naman sa “panginoon ng ilog,” ang hippo, aba, isang nagbababalang ungal, kahit na sa malayo, ay nagpapakarimot sa mamamangka sa kaniyang taksi sa tubig tungo sa pampang hanggang sa matiyak niya na siya ay ligtas na tumawid. Alam niya na ang nakatatakot na mga panga ng hippo ay kayang-kayang ngalutin ang isang wato.

Subalit ang mga taksi ay hindi natatakdaan sa paglalakbay sa tubig. Habang ang isang wato, o mokoro, ay nagkakaedad, at nagkakaroon ng mas malaki at mas mapanganib na mga butas, ito ay inaalis sa paglilingkod nito sa tubig at nagiging isang paragos na gamit sa lupa o trailer. Marami kaming nakitang matatandang bangka, punô ng kahoy o paninda mula sa kalapit na tindahan, na nakatali sa likuran ng baka o buriko at mabagal na dumadausos o dumudulas sa malambot na buhangin ng Kavango.

Ang mga taksi na ito ng Okavango, ngayo’y nasasangkapan ng mapagkakatiwalaang isang-burikong-lakas, ay makapaghahatid ng mga paninda at mga paglalaan sa lupain kung saan ang modernong sasakyang katumbas ng maraming lakas ng kabayo ay tumitirik sa makapal na buhanginan. Sinauna? Marahil. Matagal at nakapapagod? Maaari. Mabagal? Oo, gaya ng ipinalalagay ng ibang tao na kabagalan. Subalit ang Aprika ay isang lupain ng walang-hanggan! Gaya ng sabi ng manlililok-ng-kahoy na si Joakim: ‘Bukas sisikat na muli ang araw. Napakaraming araw.’

Kaya, ito ang mga manlililok-ng-kahoy ng Kavango. Anong laking kasiyahan na ibahagi sa kanila ang mensahe ng kapayapaan na darating sa pamamagitan ng Kaharian ng Diyos! (Mateo 24:14) Ang pamahiin ay laganap sa maraming tribo, subalit ang mga binhi ng katotohanan ng Bibliya ay nagkaugat na.

Tatlong taon ang nakalipas may 23 bautismadong mga Saksi sa Kongregasyon ng Rundu. Sila’y nagtitipon sa isang maliit na Kingdom Hall na may dingding na kahoy at mababang bubong na yari sa yero. “Siksikang makapaglululan ito ng 40 katao,” gunita ni Christo, isang naglalakbay na tagapangasiwa ng mga Saksi ni Jehova, “subalit 56 ang dumating upang makinig sa pahayag pangmadla. Ito ay isang tropikal na rehiyon ng Aprika, at napakainit at maalinsangan. Ang aking kamisadentro ay basa ng pawis samantalang ako ay nagpapahayag. Siksikan sa maliit na Kingdom Hall, at hindi komportableng magsuot ng Amerikana.”

Sa kabila ng di kaaya-ayang mga kalagayan, ang bilang ng mga taong interesado na dumadalo sa mga pulong ay patuloy na dumarami. Kaya naging apurahan ang mga plano para sa pagtatayo ng isang mas malaki at mas angkop na bulwagan. Ang mga Saksi roon ay may kabaitang nagbigay ng lupa para sa layuning ito.

Ang mga Saksi mula sa ibang bahagi ng Namibia at Timog Aprika ay tumugon sa panawagan at dumating sa liblib na rehiyong ito sa kanilang sariling gastos upang tumulong sa pagtatayo ng bulwagan. Ang mga tao roon ay naging interesado rin sa proyekto. Halimbawa, ang kabataang sina Ambiri at Willem, bagaman hindi mga Saksi, ay may kabaitang nag-alok ng kanilang tulong. Hindi nagtagal sila kapuwa ay nag-aaral ng Bibliya at dumadalo sa mga pulong. Ngayon sila man ay bautismadong mga Saksi na.

Isa pang taong interesado na tumulong sa gawaing pagtatayo ay isang takas mula sa Angola na nagngangalang Pedro. Bilang isang sarado Katoliko, si Pedro ay nasangkot sa isang relihiyosong talakayan sa mga Saksi sa kaniyang dako ng trabaho. At pagkatapos ay nag-isip siyang mabuti: ‘Ano’t posibleng alam na alam ng mga Saksi ni Jehova ang Bibliya?’ Saka siya gumawa ng isang plano. Hihilingin niya sa mga Saksi ang isang pag-aaral ng Bibliya. Pagkatapos, kapag mayroon na siyang sapat na kaalaman, hihinto na siya ng pag-aaral at gagamitin niya ang Bibliya upang patunayan na ang mga Saksi ay mali. Nagtagumpay ba ang kaniyang plano? “Pagkatapos ng ikatlong pag-aaral,” gunita ni Pedro, “umuwi ako ng bahay at sinabi ko sa aking nanay: ‘Inay, mula ngayon, hindi na po ako isang miyembro ng Iglesya Katolika.’ ” Bagaman siya ay sinalansang ng kaniyang pamilya, si Pedro ay gumawa ng mabilis na pagsulong at di-nagtagal siya’y nagbitiw mula sa Iglesya Katolika. Siya’y nabautismuhan noong Disyembre 1989 sa “Maka-Diyos na Debosyong” Kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova sa Windhoek, Namibia.

Ang iba pang mga taong interesado ay tumulong din sa pagtatayo ng Kingdom Hall. “Natatandaan ko ang isang bagay na nangyari samantalang kami ay abalang nagbubuhos ng pundasyon,” sabi ni Christo, ang naglalakbay na tagapangasiwa. “Halos 40 sa amin ang abala sa trabaho. Napansin ko ang isang tao na para bang malayo. Kaya ipinakilala ko ang aking sarili at tinanong ko siya: ‘Sino ang nakikipag-aral sa iyo ng Bibliya?’ Ang kabataang si Mateus ay sumagot: ‘Dapat mong kausapin ang mga taong ito kasi ayaw nilang makipag-aral ng Bibliya sa akin. Maraming beses na hiniling ko sila na tulungan ako, ngunit wala silang ginawa.’ Ang dahilan ay sapagkat ang mga Saksi roon ay nagdaraos ng napakaraming pag-aaral sa Bibliya anupa’t inilagay nila si Mateus sa waiting list. Gayunman, naisaayos ko ang isang pag-aaral sa Bibliya, at ngayon si Mateus ay isa nang bautismadong Saksi.”

Noong Hulyo 1989 inialay ng Kongregasyon ng Rundu ang kanilang bagong Kingdom Hall. Mula nang gamitin nila ang bulwagan, 10 baguhan ang nabautismuhan, na nagdadala sa kabuuang bilang ng bautismadong mga Saksi sa 33. Marami pang iba ang sumusulong tungo sa bautismo, at sa nakaraang pagdalaw ng naglalakbay na tagapangasiwa, 118 ang dumalo sa pahayag pangmadla.

Inaasahan namin na nasiyahan kayo sa maikling paglalakbay na ito sa Kavango​—taglay ang kahanga-hangang ilog, magandang kagubatan, may kakayahang mga manlililok-ng-kahoy, at mga taksing yari sa puno—​kung saan ang mensahe ng Kaharian ni Jehova ay nakasusumpong ng mga nakikinig at tumutugong puso.

[Mga larawan sa 16, 17]

Mula kaliwa pakanan:

▪ Mga mamamahayag sa harap ng dating Kingdom Hall

▪ Bagong Kingdom Hall sa Rundu

▪ Buwaya at hippo sa Ilog Okavango

▪ Iba’t ibang maskara at mga nililok