Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pangangalaga sa mga May Edad—Isang Lumalagong Problema

Pangangalaga sa mga May Edad—Isang Lumalagong Problema

Pangangalaga sa mga May Edad​—Isang Lumalagong Problema

MAY kuwento tungkol sa isang batang babae na nagtanong sa kaniyang nanay: “Bakit si Lola ay kumakain sa mangkok na kahoy samantalang ang lahat ng iba pa sa atin ay kumakain sa ating magagandang pinggan?” Ang kaniyang nanay ay nagpaliwanag: “Nanginginig ang kamay ni Mama, at baka maibagsak niya ang ating mahuhusay na pinggan at mabasag ang mga ito, kaya sa halip ay mangkok na kahoy ang gamit niya.” Pagkatapos mag-isip na sandali, ang munting bata ay nagtanong: “Kung gayon iingatan po ba ninyo ang mangkok na kahoy para sa akin para maipagamit ko sa inyo paglaki ko?” Ang patiunang pag-iisip na ito ng darating na mga pangyayari ay maaaring nakagulat sa ina, nakagitla pa nga sa kaniya nang bahagya. Subalit nang bulaybulayin, maaari rin itong nagbigay katiyakan sa kaniya​—ang kaniyang munting anak na babae ay nagpaplano na pangalagaan siya!

Ang hinaharap para sa maraming may edad ay maaaring hindi gaanong maaliwalas. Sila ay naging ang pinakamabilis lumagong bahagi ng populasyon sa maraming bahagi ng daigdig. Ang World Press Review ng Agosto 1987 ay nag-ulat na mga 600 milyong tao, 12 porsiyento ng populasyon ng planeta noong panahong iyon, ay mahigit na 60 anyos.

Sa Estados Unidos, nahigitan ng mga may edad ang populasyon ng mga tinedyer sa kauna-unahang pagkakataon. Ang editor ng siyensiya sa isang pahayagang sa Lungsod ng New York ay nag-ulat: “Tatlumpong milyong Amerikano ngayon ay 65 anyos o mas matanda pa​—isa sa bawat walo sa atin, mahigit kaysa dati, at: Ang mas matandang populasyon ay doble ang bilis ng pagdami gaya ng iba pa sa populasyon. . . . Ang katamtamang inaasahang haba ng buhay ng mga Amerikano ay 35 noong 1786. Para sa isang batang Amerikano na isinilang noong 1989, ito ay 75.”

Sa Canada ang bilang ng napakatanda na, edad 85 at pataas, ay inaasahang dadami nang mahigit na tatlong ulit sa pagtatapos ng dantaon.

Sa Europa isang daang taon na ang nakalipas, ang mga may edad ay 1 porsiyento lamang ng kaubuuang populasyon nito. Ngayon ang kanilang bilang ay tumaas tungo sa 17 porsiyento.

Isang report ng Kawanihan ng Sensus ng E.U. tungkol sa “Pagtanda sa Third World” ay nagsabi: “Apat-na-kalima ng pagdami ng mga may edad ay nagaganap sa Third World.”

Apat na dekada ang nakalipas ang inaasahang haba ng buhay ng mga Intsik ay halos 35 anyos. Noong 1982 ang bilang ay lumukso sa 68 anyos. Ngayon mahigit na 90 milyong mga Intsik ang ibinibilang na may edad, at tinatayang sa pagtatapos ng dantaon, ang bilang ay tataas pa tungo sa 130 milyon o 11 porsiyento ng populasyon.

Pantanging Pagsisikap Upang Pangalagaan ang Ganang Iyo

Habang ang bilang ng mga napakatanda na ay dumarami sa buong daigdig, ang nakalilitong tanong sa kung paano sila pangangalagaan ay nagiging malubhang problema. Noong panahon ng Bibliya ang problema ay hindi kasinghirap. Mayroon silang karagdagang pamilya, kung saan ang mga anak, mga magulang, at mga ninuno ay magkapisan. Ang mga anak at mga ninuno ay kumikilos sa kapakinabangan ng isa’t isa, at maaaring ilaan ng mga magulang ang kinakailangang materyal na mga paglalaan at tiyakin din na ang anumang pantanging pangangalaga na kinakailangan ng mga may edad sa sambahayan ay maaaring kunin. Ang gayong karagdagang mga pamilya na nangangalaga sa mga may edad ay totoo pa rin sa ibang bansa ngayon. (Para sa mga halimbawa, pakisuyong tingnan ang kahon sa pahina 8.) Subalit hindi iyan ang kalagayan sa mas mayayamang bansa kung saan ang pamilya ay natatakdaan sa mga magulang at mga anak. Kapag lumaki na ang mga anak at mag-asawa at magkaroon ng kanilang sariling pamilya, kadalasang nakakaharap nila ang problema ng pangangalaga sa kanilang may edad, mahina, at kadalasang may talamak na sakit na mga magulang.

Sa kasalukuyang sistema ng mga bagay, ang paggawa nito ay maaaring maging isang mabigat na problema nga! Kung paanong ito’y hindi kaaya-aya, sa ilalim ng kasalukuyang mga kalagayan sa kabuhayan, baka kailanganin na magtrabaho ang kapuwa mga magulang. Ang pagkain ay mahal, ang upa sa bahay ay mataas, dumarating ang mga kuwenta. Kahit na ang dalawang kinikita ay mabilis na naglalaho. At kung ang maybahay ay hindi magtatrabaho sa labas, maaari namang siya ay abala sa mga bata, sa pamimili, paglilinis​—isang buong-panahong trabaho sa ganang sarili. Hindi ibig sabihin nito na ang may edad nang magulang, o mga magulang, ay hindi dapat pangalagaan sa tahanan. Ang sinasabi nito ay na ito ay maaaring maging isang napakahirap na atas. Ang mga may edad ay may mga sakit at kirot, at mauunawaan naman na kung minsan sila ay nagrereklamo at sumpungin, hindi laging kalugud-lugod at masayahin. Hindi naman ito nangangahulugan na hindi na kinakailangang magsikap upang pangalagaan ang isang may edad na magulang sa bahay.

Kadalasan, ang pananagutan ay naaatang sa balikat ng nabubuhay na mga anak na babae. Isinisiwalat ng mga pag-aaral na bagaman ang mga lalaki ay maaaring magbigay ng pinansiyal na tulong, ang mga babae lalo na ang naglalaan ng personal na pangangalaga. Sila ang nagluluto ng pagkain para sa mga may edad​—kadalasan ay sinusubuan sa pagkain—​pinaliliguan at binibihisan sila, pinapalitan sila, inihahatid sila sa mga doktor at mga ospital, binibigyan ng kanilang medikal na mga panustos. Kadalasang sila ang mga mata, tainga, at isip ng kanilang may edad nang mga magulang. Ang kanilang trabaho ay isa na napakahirap, at ang kanilang pagkukusa na gawin ito sa kabila ng mga kahirapan nito ay tunay na kapuri-puri at kalugud-lugod sa Diyos na Jehova.

Ang paniniwala na ang karamihan ng mga adultong anak ay ipinadadala ang kanilang mga magulang sa isang nursing home upang doon gugulin ang mga huling taon ng buhay ay hindi totoo, ayon kay Carl Eisdorfer, M.D., Ph.D., direktor ng Center on Adult Development and Aging sa University of Miami, Florida, E.U.A. “Ipinakikita ng mga pag-aaral na ang karamihan ng pangangalaga sa mga may edad na ay inilalaan ng kani-kanilang mga pamilya,” aniya.

Ang kaniyang pag-aangkin ay pinatutunayan ng mga estadistika. Sa Estados Unidos, halimbawa, 75 porsiyento niyaong mga tinanong ay nagsabi na nais nilang ang kanilang mga magulang ay pumisan sa kanila, kung hindi na nila kayang mamuhay nang mag-isa. “Pinatutunayan nito na nais ng mga pamilya na pangalagaan ang ganang kanila,” sabi ni Dr. Eisdorfer. At isang report sa magasing Ms. ay nagsabi: “Tanging 5 porsiyento lamang niyaong mahigit na 65 ang nasa mga nursing home sa anumang isang panahon sapagkat mas gusto kapuwa ng mga may edad at ng karamihan ng kanilang mga kamag-anak ang tahanan kaysa sa pangangalaga ng institusyon.”

Ipinakikita ng sumusunod na kaso ang pagsisikap na ginagawa ng iba upang pangalagaan ang isang may edad na magulang. Ang report ay mula sa isang naglalakbay na kinatawan ng mga Saksi ni Jehova na dumadalaw sa mga kongregasyon sa buong Estados Unidos. Ipinaliwanag niya kung paanong siya at ang kaniyang maybahay ay disididong isama ang 83-anyos na ina ng kaniyang misis kaysa ilagay siya sa isang nursing home. “Nagugunita ko pa ang kasabihang,” komento niya, “na mapangangalagaan ng isang ina ang 11 anak, ngunit hindi mapangalagaan ng 11 anak ang isang ina. Bueno, kaming dalawa ay disididong pangalagaan ang isang may edad nang ina. Bagaman siya ay nasa maagang yugto ng sakit na Alzheimer, siya ay naglalakbay na kasama namin sa treyler.

“Sa simula ay sumasama siya sa amin kapag kami’y nangangaral ng mensahe ng Kaharian sa bahay-bahay. Nang maglaon kailangang isama namin siya sakay ng silyang de gulong. Waring pinahahalagahan ng mga maybahay kung paano namin inaalagaan siya. Kung minsan may sasabihin siyang mga bagay na hindi tama, subalit hinding-hindi namin siya ipinahiya sa pamamagitan ng pagtutuwid sa kaniya. Gayunman, mapagpatawa pa rin siya. Babalaan ko siya at sasabihin, ‘Watch your step, Mother,’ (Bantayan ninyo ang hakbang ninyo, Inay,) at siya naman ay tutugon, ‘Wala akong stepmother.’ Inalagaan namin siya hanggang sa mamatay siya, sa gulang na 90.”

Kung Kinakailangan ang mga Nursing Home

Halos dalawang milyong may edad na ang nakatira sa mga nursing home sa Estados Unidos. Gayunman, sa karamihan ng mga kaso hindi ito “walang damdaming pagtatambak sa mga may edad na,” gaya ng tawag ng iba sa paglalagay sa mga may edad sa mga nursing home. Bagkus, kadalasan nang ito ang tanging mapagpipilian upang sapat na mapangalagaan yaong hindi maalagaan ang kanilang mga sarili. Kadalasan na, ang mga anak ng mga may edad ay wala sa kalagayan na pangalagaan ang kanilang may edad nang mga magulang, marami sa kanila ay maaaring malubhang pinahihirapan ng sakit na Alzheimer’s disease o nararatay sa banig dahil sa ibang nakapanghihinang karamdaman na nangangailangan ng pantanging buong-panahong pangangalaga. Sa gayong mga kaso ang mga nursing home ay maaaring ang tanging dako na nakatutugon sa pantanging pangangailangang ito.

Isang misyonero ng Samahang Watch Tower sa Sierra Leone, Aprika, ang nagsabi tungkol sa sama ng loob na dinanas ng kaniyang ina nang ilagay niya ang kaniyang ina sa isang nursing home: “Kamakailan inilagay ng aking nanay ang kaniyang ina, si Helen, sa isang nursing home. Napakahirap na disisyon ito para sa kaniya. Inalagaan niya si Helen sa loob ng apat na taon, subalit ngayon kailangan ni Helen ang buong-panahong pangangalaga sa isang nursing home. Sinuportahan ng mga kaibigan, pamilya ni nanay, at ng iba’t ibang social workers at mga doktor ang disisyon na paglalagay kay Helen sa nursing home, subalit ito ay isang napakahirap na disisyon. Inaakala ng aking nanay na yamang siya’y inalagaan ng kaniyang nanay nang siya’y bata pa, tama lamang ngayon na alagaan niya ang kaniyang nanay sa kaniyang katandaan​—ang kabayaran, o ang ‘nararapat na kagantihan,’ na binabanggit ni apostol Pablo. Gayunman, gaya nang nangyari, si Helen ay higit na napangalagaan sa nursing home kaysa maaaring gawin sa kaniya sa bahay ni inay.”​—1 Timoteo 5:4.

Isa pang Saksi, na nagtatrabaho sa pandaigdig na punong tanggapan ng mga Saksi ni Jehova, ay nagsabi tungkol sa pakikipagbaka ng kaniyang ama sa kanser. “Ang tatay ko ay isang masigasig na Saksi sa loob ng mahigit na 30 taon. Sa huling siyam na taon ng kaniyang buhay, siya ay may kanser. Ginugol namin ng misis ko ang aming mga bakasyon na kasama niya at kumuha kami ng pinalawig na bakasyon (leave of absence) upang makasama siya at makatulong. Ang iba pang mga kamag-anak ay tumulong sa iba’t ibang paraan. Subalit karamihan ng panahong iyon, siya’y pinangangalagaan ng kaniyang asawa at isang may-asawang anak na babae na nakatira sa tabi nila. Dinadalaw rin siya ng mga miyembro ng kongregasyon ng mga Saksi na dinadaluhan niya. Ang huling dalawang taon, siya’y labas-masok sa ospital, at ang huling limang buwan, ay ginugol niya sa isang extended-care facility kung saan makukuha niya ang pantanging pangangalaga na kailangan niya.

“Ang pasiya na ilipat siya mula sa bahay tungo sa pasilidad ay isang pasiya ng pamilya, na kasali siya. Ipinasiya niya na ang pangangalaga sa kaniya ay nagiging lubhang nakapapagod, imposible pa nga, para sa pamilya sa loob ng bahay. ‘Papatayin kayong lahat nito! ’ aniya. ‘Panahon na upang magtungo sa extended-care facility na ito. Mas mabuti para sa inyo; mas mabuti para sa akin.’

“Kaya siya’y umalis. Sa karamihan ng siyam ng taon, inalagaan siya ng pamilya, at tanging huling paraan na lamang na siya ay nagtungo sa extended-care facility para sa pantangi, lahat-ng-panahong pangangalaga na kinakailangan.”

Bilang huling paraan, kung ang isang nursing home ay kinakailangan para sa sapat na pangangalaga, dapat hanapin ng pamilya ang isa na malinis at may mababait at mahuhusay na tagapangalaga. Kung maaari, magsaayos ng isang bisita araw-araw​—isang miyembro ng pamilya, isa mula sa kongregasyon, kahit paano’y isang tawag sa telepono​—upang hindi akalain ng matanda nang tao na siya ay pinababayaan, kinalimutan, ganap na nag-iisa, at mag-isip na walang nagmamalasakit. Kapag ang iba sa nursing home ay may bisita, ngunit walang dumadalaw sa iyong mahal sa buhay​—ito ay nakapanghihina-ng-loob. Kaya sikaping dalawin nang regular ang taong iyon. Dalawin siya. Pakinggan siya. Manalangin na kasama niya. Ang huling banggit ay napakahalaga. Kahit na sa wari’y siya’y nasa coma, manalangin pa rin. Anong malay mo baka nakaririnig siya!

Kapag nagpapasiya tungkol sa mga magulang, sikaping gawin ito na kasama nila sa halip na para sa kanila. Ipadama sa kanila na siya pa rin ang may kontrol ng kanilang buhay. Mag-alok ng kinakailangang tulong taglay ang lahat ng posibleng pag-ibig at pagtitiis at kinakailangang unawa. Kung gayon panahon na upang magbayad, gaya ng isinulat ni apostol Pablo, sa pagkakautang natin sa ating mga magulang at sa mga ninuno.

“Ang Buong Katungkulan ng Tao”

Sa apurahan at abalang buhay sa modernong panahong ito, madali na isaisang-tabi na lamang ang mga may edad na. Lalo na, ang mga kabataang kapapasok pa lamang sa takbuhin ng buhay at nagmamadali sa kanilang buhay ay waring nakadarama na ang mga may edad na ay nakasasagabal lamang sa daan, anupa’t nawalan ng saysay ang kanilang kahalagahan. Marahil tayong lahat ay kailangang mag-isip: Ano ang nagpapangyari sa buhay na kapaki-pakinabang? Napakadali para sa mga kabataan na pawalang-halaga ang buhay ng mga may edad na at bigyan ng napakalaking halaga ang kanilang sariling buhay.

Gayunman, hindi lamang ang matatanda na at mahihina ang para bang kaunti lamang o walang silbi. Malimit na tinukoy ni Haring Solomon sa aklat ng Eclesiastes ang mga gawain ng mga tao sa pangkalahatan bilang walang kabuluhan. Binanggit niya ang tungkol sa mga kabataan at sa kanilang pansamantalang kalakasan at ipinakita kung paanong pinipinsala ng paglipas ng panahon ang kanilang mga katawan gaya ng nagawa na nito sa katawan ng angaw-angaw pang iba. Ang lahat ay nagwawakas sa alabok at nagkakaroon ng ganitong pagtasa: “Walang kabuluhan!” sabi ni Solomon. “Ang lahat ay walang kabuluhan.”​—Eclesiastes 12:8.

Ngunit pinuri niyang labis ang mga salita ng mga pantas at binuod ang mga obserbasyon niya sa buhay sa mga pananalitang ito: “Ang wakas ng bagay, pagkatapos na marinig ang lahat, ay: Ikaw ay matakot sa tunay na Diyos at sumunod sa kaniyang mga utos. Sapagkat ito ang buong katungkulan ng tao.” (Eclesiastes 12:13) Iyan ang pormula sa isang kapaki-pakinabang na buhay, hindi kung gaano kabata o katanda ka o kung anong uri ng marka ang ginawa mo sa materialistikong matandang sanlibutang ito na lumilipas.

Upang pamahalaan ang ating mga kaugnayan sa tao, si Jesus ay nagbigay ng pumapatnubay na simulain na nakilala bilang ang Ginintuang Tuntunin: “Lagi mong pakitunguhan ang iba na gaya ng nais mong pakikitungo nila sa iyo.” (Mateo 7:12, The New English Bible) Upang ikapit ang tuntuning iyan, dapat na mailagay natin ang ating sarili sa kalagayan ng iba, upang makita kung paano natin nais na pakitunguhan kung tayo ang nasa kalagayan niya. Kung tayo ay matanda at mahina at nangangailangan ng tulong, paano natin nanaising pakitunguhan ng isa sa ating mga anak? Gagantihin ba natin ang ating mga magulang sa 20 taon na pangangalaga at pagtangkilik na ipinadama nila sa atin nang tayo ay walang kayang mga bata sa pamamagitan ng pangangalaga sa kanila ngayon na sila ay walang kaya sa kanilang katandaan?

Habang inaasikaso natin ang ating may edad nang mga magulang sa kanilang pangangailangan, marahil magugunita natin ang ating pagkabata at gunitain ang lahat ng ginawa nila para sa atin nang tayo’y mga sanggol, mga bata, na inaalagaan tayo sa mga karamdaman ng bata, pinakain at dinamtan nila, inasikaso nila sa mga pamamasyal para sa ating katuwaan. Pagkatapos, taglay ang maibiging pagkabahala sa kanilang kapakanan, isaalang-alang kung ano ang pinakamabuti upang matugunan ang kanilang mga pangangailangan.

Maaaring iyon ay ang paggawa ng mga kaayusan na kinakailangan upang hangga’t maaari’y panatilihin sila sa bahay. Sa kabilang dako, ang pinakamabuting kaayusan para sa lahat ng nasasangkot, pati na ang may edad na mga magulang, ay maaaring ang isang extended-care facility o nursing home. Anuman ang pasiyang nagawa, dapat itong igalang ng iba. Gaya ng sabi sa atin: “Bakit humahatol ka sa iyong kapatid? O bakit mo hinahamak ang iyong kapatid?” At minsan pa: “Sino ka na humahatol sa iyong kapatid?”​—Roma 14:10; Santiago 4:12.

Anuman ang magaling para sa may edad nang mga magulang, ito man ay ang pagtira na kasama ng kanilang mga anak o sa isang nursing home, kung matino pa rin ang kanilang isip, maaari pa silang magkaroon ng isang makabuluhang buhay. Maaari nilang matutuhan ang tungkol sa layunin ni Jehova para sa lahat ng masunuring sangkatauhan na mabuhay magpakailanman sa kalusugan sa isang paraisong lupa. Maaari silang makasumpong ng isang bagong karera, isang masaya at kasiya-siyang karera na paglilingkod sa kanilang Maylikha, ang Diyos na Jehova. Ito sa gayon ang nagiging lipos ng layunin at maligayang panahon ng kanilang buhay. Nalaman ng ilan sa kanilang katandaan, kung kailan ang iba ay suko na sa buhay mismo, ang tungkol sa mga pangako ni Jehova na buhay na walang-hanggan sa isang bagong sanlibutan ng katuwiran nang walang katapusan at nakasumpong ng isang bagong kagalakan sa pakikipag-usap sa iba tungkol sa pag-asang iyon.

Sa katapusan narito ang isang halimbawa. Isang babae sa California, sa gulang na 100, ay nakaalam tungkol sa ipinangakong mga pagpapalang ito sa pamamagitan ng isang nars sa nursing home, at sa gulang na 102, siya’y nabautismuhan bilang isa sa mga Saksi ni Jehova. Tinapos niya ang kaniyang buhay, hindi sa ‘walang kabuluhan,’ kundi sa pagtupad ng kaniyang ‘buong katungkulan sa buhay,’ yaon ay, ang ‘matakot sa tunay na Diyos at sundin ang kaniyang mga utos.’

[Blurb sa pahina 6]

Sinasabing noon mapangangalagaan ng isang ina ang 11 anak; ngayon hindi mapangalagaan ng 11 anak ang isang ina

[Kahon sa pahina 8]

Paggalang sa Pamamagitan ng Pangangalaga sa mga May Edad​—Mga Komento Buhat sa Palibot ng Daigdig

“Sa Aprika may ilan o walang paglalaan ang gobyerno para sa mga may edad​—walang mga nursing home, walang Medicare o mga pakinabang ng Social Security, walang mga pensiyon. Ang mga may edad ay kinakalinga ng kanilang mga anak.

“Isang mahalagang dahilan kung bakit ang pag-aanak ay napakahalaga sa mga tao sa nagpapaunlad na mga bansa ay na ang kanilang mga anak ang titingin sa kanila sa hinaharap. Kahit na ang mahihirap na tao ay mag-aanak nang marami, nangangatuwiran na mientras mas maraming anak, mas mabuti ang mga pagkakataon na ang ilan ay mabuhay at kakalinga sa kanila.

“Bagaman ang mga pamantayan ay nagbabago sa Aprika, sa kalakhang bahagi, dinidibdib ng mga pamilya ang pananagutan na pangalagaan ang kanilang mga may edad. Kung walang mga anak, ang ibang miyembro ng pamilya ang kakalinga sa kanila. Kadalasang yaong naglalaan ng pangangalaga ay nasa mahinang pinansiyal na kalagayan, subalit ibinabahagi nila kung ano ang mayroon sila.

“Ang isa pang paraan ng pangangalaga ng mga anak sa kanilang mga magulang ay ipahiram ang kanila mismong mga anak. Kadalasang ang mga apo ang nagtatrabaho sa bahay.

“Sa maunlad na mga bansa, ang mga tao ay nabubuhay nang mas mahaba dahil sa mga pagsulong sa medisina. Sa nagpapaunlad na mga bansa, hindi ganito ang kalagayan. Ang mahihirap ay namamatay sapagkat hindi nila kaya kahit na ang limitadong medikal na tulong na makukuha. Isang kawikaan sa Sierra Leone ay: ‘Walang mahirap na tao ang may sakit.’ Yaon ay, yamang ang mahirap na tao ay walang pera para sa pagpapagamot, siya ay alin sa malusog o patay.”​—Robert Landis, misyonero sa Aprika.

“Sa Mexico ang mga tao ay may mataas na paggalang sa mga may edad na magulang. Ang mga magulang ang naiiwan sa kanilang tahanan kapag nag-asawa ang kanilang mga anak na lalaki, subalit kapag ang mga magulang ay tumanda na at nangangailangan, dinadala sila ng mga anak sa kanilang tahanan at pinangangalagaan sila. Ipinalalagay nila itong isang obligasyon.

“Karaniwan nang makita ang mga lolo’t lola na nakatira sa iisang bahay na kasama ng kanilang mga anak at mga apo. Minamahal at iginagalang ng mga apo ang kanilang lolo’t lola. Ang pamilya ay malapit sa isa’t isa.

“Sa Mexico bihira ang mga tahanan para sa mga taong may edad sapagkat pinangangalagaan ng mga anak na lalaki at babae ang mga may edad. Kung maraming anak na lalaki, kung minsan ang kahulihang mag-asawa ang nananatili sa bahay at nakikipisan sa mga magulang.”​—Isha Aleman, buhat sa Mexico.

“Sa Korea kami’y tinuturuan sa tahanan at sa paaralan na igalang ang mga taong may edad. Sa pamilya ang panganay na anak na lalaki ang dapat na mag-alaga sa kaniyang may edad nang mga magulang. Kung hindi niya kayang tustusan sila, isa pang anak na lalaki o babae ang gagawa niyaon. Maraming mag-asawa ang nakatira at inaalagaan ang kanilang may edad na mga magulang sa ilalim ng iisang bubong. Inaasahan ng mga magulang na tumirang kasama ng kanilang mga anak, at gusto nilang turuan at alagaan ang kanilang mga apo. Itinuturing na nakahihiya para sa isang may kabataang mag-asawa na ipadala ang kanilang may edad nang magulang sa isang nursing home.

“Ang tatay ko ang panganay na anak na lalaki, at kapisan namin sa bahay ang aming lolo’t lola. Kailanma’t kami’y umaalis ng bahay, ipinaaalam namin sa kanila kung saan kami pupunta at kung kailan kami babalik. Pagbalik namin, pupunta muna kami sa kanilang silid at babatiin sila na ang aming ulo’y nakayuko at ipinaaalam namin sa kanila na kami’y nakauwi na sapagkat sila’y nababahala sa kapakanan ng buong pamilya.

“Kapag may ibinibigay kami sa kanila, hinahawakan namin ito nang dalawang kamay. Kawalang-galang na ipasa ang anumang bagay nang isa lamang kamay sa mga taong iginagalang, gaya ng mga magulang, mga nuno, guro, o matataas na opisyal sa paglilingkod sa publiko. Kung mayroon kaming pantanging pagkain, isinisilbi muna namin ito sa aming mga ninuno.

“Ang paggalang sa mga may edad ay hindi natatakdaan sa mga miyembro lamang ng pamilya kundi sumasaklaw din ito sa lahat ng mga may edad na. Mula sa paaralang primarya hanggang sa high school, may mga klase sa etika. Sa panahon ng klaseng iyon, natututuhan namin sa pamamagitan ng mga kuwentong ada o sa lektyur kung paano irerespeto at igagalang ang mga may edad.

“Kapag isang may edad na tao ang pumasok sa silid, ang mga kabataan ay inaasahang tatayo. Kung isang kabataan ay nakaupo sa isang bus at isang may edad na lalaki o babae ay walang upuan, kung gayon isang kaugalian para sa nakababata na ipagkaloob ang kaniyang upuan. Kung isang matandang lalaki ay nagdadala ng mukhang-napakabigat na bitbit, huminto ka at tanungin mo kung nangangailangan ba siya ng tulong o hindi. Kung sumagot siya ng oo, maaari mong buhatin ang bitbit niya sa kaniyang patutunguhan.

“Gaya ng inihula ng Bibliya, sa mga huling araw na ito ng sistema ng mga bagay, ang moral na pamantayan ay bumababa sa araw-araw. Ang Korea ay apektado rin ng impluwensiya nito. Gayunman, ang uring ito ng magalang na saloobin sa mga taong may edad na ay nananatili sa puso ng maraming Koreano.” (2 Timoteo 3:1-5)​—Kay Kim, buhat sa Korea.

[Larawan sa pahina 7]

Ang pagdalaw sa mga may edad ay isang mahusay na ginugol na panahon