Alopecia—Pananahimik Dahil sa Pagkalugas ng Buhok
Alopecia—Pananahimik Dahil sa Pagkalugas ng Buhok
Gaya ng isinaysay ng isang pinahihirapan ng alopecia
‘ALOPECIA?’ maitatanong mo. ‘Hindi ko natatandaang narinig ang tungkol sa sakit na iyan.’ Ang mga taong sinasalot nito ay maaaring hiyang-hiyang sabihin ito sa iyo. Inililihim nila ito. Mayroon akong alopecia, kaya hayaan mong sabihin ko sa iyo ang tungkol dito.
Isip-isipin ang pagkasindak na madarama mo kung nakikita mong biglang-biglang nalulugas ang iyong buhok. ‘Paano ito maaaring mangyari? Hindi ito totoo,’ maaaring sabihin mo dahil sa hindi ka makapaniwala.
Nang maglaon, nalaman mo na hindi lamang ikaw ang may alopecia. Sinasalot nito ang 1 sa bawat 100 tao, at pinahihirapan nito kapuwa ang mga lalaki at mga babae. Nakalulungkot naman, ang paggamot sa sakit na ito ay kadalasang hindi matagumpay.
“Tutal, buhok lang naman ito,” sabi sa akin ng mga tao. Totoo. Gayunman, apektado ng alopecia ang lahat ng bahagi ng buhay ko, at nakadaragdag pa sa pasanin, mahirap itong ipaliwanag sa iba. Bakit? Sapagkat ang karamdaman ay nalalambungan ng isang misteryo.
Halimbawa, karaniwan na kapag may bumabanggit ng isang sakit, kaagad ay may larawan ka sa isipan kung ano nga ba ang sakit na iyon. Hindi gayon sa alopecia. Ang sanhi nga nito ay hindi maipaliwanag. At kung isasaalang-alang ang paghampas ng alopecia—dagli at walang babala—kadalasang nasusumpungan ng biktima ang kaniyang sarili na hindi handang ipakipag-usap ito. Kaya, ang isang tao ay maaaring hindi lamang nawawalan ng buhok kundi ng dignidad din naman.
Ano ba Ito?
Ang alopecia ay isang karamdaman na kaming mga biktima ay walang kontrol dito. Hindi ito nakahahawa, at samakatuwid ay hindi ito makukuha ng iba sa amin. Ang mga biktima ay hindi mamamatay dahil dito, subalit ang sakit ng damdamin dahil sa kahihiyan, kabiguan, at pagkapahiya ay maaaring maging isang humahamon na karanasan.
Ang alopecia ay hindi dapat ipagkamali sa ordinaryong pagkakalbo ng mga lalaki. Kaya, kapag binibigyang kahulugan ang alopecia, pinipili ng ilan sa amin ang katagang “pagkalugas ng buhok” sa “pagkakalbo.”
Ang katagang alopecia areata ay tumutukoy sa kalagayan kung saan ang ilang bahagi ng anit ay dumaranas ng pagkalugas ng buhok. Ito ang uri ng alopecia na mayroon ako. Kung ang lahat ng buhok sa ulo ay malugas, ang sakit ay tinatawag na alopecia totalis. At kung kasama naman sa sakit ang pagkalugas ng lahat ng buhok sa katawan, ito ay tinatawag na alopecia universalis. Para sa ilan na pinahihirapan ng sakit, ang karamdaman ay sumusulong nang higit pa sa alopecia areata. Ang iba ay dumaranas ng likas na pagtubong muli ng buhok nang hindi tumatanggap ng anumang paggamot. Gayunman, ang iba ay nawawalan ng mga kilay at pilikmata. Ito ay maaaring humantong sa mga impeksiyon sa mata sapagkat wala nang buhok upang ipagsanggalang ang mga mata mula sa alabok at pawis.
Ano ang Sanhi Nito?
Ipinakikita ng medikal na pananaliksik na ang alopecia ay marahil isang autoimmune na karamdaman, yaon ay, isang alerdyi sa ilang bahagi ng iyo mismong katawan. Ang isa pang autoimmune
na karamdaman na maaaring mas pamilyar ka ay ang lupus. Ang sistema ng imyunidad ng tao na may alopecia ay may kamaliang nakikilala ang buhok bilang isang di-kilalang bagay. Ang sistema ng imyunidad ay tumutugon sa pamamagitan ng pagpapadala ng pumapatay na mga selulang T (lymphocites) sa dakong iyon. Ang mga ito ay nagkalipumpunan sa palibot ng hair follicle at sinasalakay at sinisira ito. Sa walang takdang yugto ng panahon, ang hair follicle ay nahahadlangan sa paggawa ng normal na paglago ng buhok.Ang medikal na paggagamot ay iba-iba. Sa pinakamabuti, nangangailangan ng mahabang panahon upang magkaroon ng mga resulta, at kadalasan ang mga resulta ay hindi siyang inaasahan natin. Ang buhok, halimbawa, ay maaaring tumubong muli, ngunit ito ay maaaring maging napakanipis at mapusyaw ang kulay. Maaaring magkaroon ng kabiguan kung muling lumitaw ang alopecia at ang paggamot na noong minsa’y umubra ay hindi na muling umuubra. Kaya ang biktima ay maaaring palipat-lipat ng doktor, sinusubok ang iba’t ibang paggamot. Ang alopecia kung gayon ay maaaring maging isang pinansiyal gayundin isang emosyonal na pasanin.
Dati’y sinisisi ng pamayanang medikal ang kaigtingan bilang siyang salarin. Alisin mo ang kaigtingan, sabi nila, at magbabalik ang buhok. Kaya marahil may kamaliang naniniwala ang biktima na siya ang may sala sa pagkalugas ng kaniya mismong buhok, o gaya ng iminumungkahi ng ilang doktor, na ang kabiyak ang maaaring gumawa ng kaigtingan. Gayunman, ngayon nauunawaan nang ang kaigtingan ay hindi siyang sanhi. Ang pinahihirapan ng alopecia ay walang dahilang makonsensiya o sisihin ang kaniyang sarili dahil sa kaniyang kalagayan.
Mga Hamong Nakakaharap
Binabago ng pagkalugas ng buhok ang hitsura, kaya ang mga pinahihirapan ng alopecia ay paminsan-minsang inuuri sa ilang grupo. Kung ang isang tao ay walang buhok, o kung ano ang itinuturing ng iba na napakakaunting buhok, at pinaiiksian ito na gaya ng buhok ko, ang mga nagmamasid ay baka maghinuha agad na ang isa na may alopecia ay gumagawa ng sosyal o pulitikal na pahayag.
Sa tuwina’y isang hamon ang paghahanap ng trabaho, ngunit lalo na sa mga may alopecia. Ang ilang potensiyal na mga maypatrabaho ay maingat sa mga panahong ito dahil sa takot sa AIDS. Yamang yaong mga may alopecia ay may kaunti o walang buhok, ang mga maypatrabaho ay maaaring magtaka kung sila ay may AIDS. Mangyari pa, ang alopecia ay hindi katulad ng sakit na AIDS. Ipinalalagay naman ng iba na ang mga pinahihirapan ng alopecia ay nagpapa-chemotherapy.
Kung minsan ang walang ingat na mga pananalita ay maaaring maging lubhang mapangwasak anupa’t kaming may alopecia ay natatakot umalis ng bahay. Ang padalus-dalos na mga payo mula sa mga bumabati ay maaaring maging masakit din. Maaaring sabihin nila: “Kung ako sa iyo, hindi ko na lamang ito iintindihin. Tatawanan ko na lamang ito.” Mas madaling sabihin kaysa gawin. Batid ni Haring Solomon na “maging sa pagtawa man ang puso ay maaaring nasasaktan.” (Kawikaan 14:13) Yamang maaaring lubhang baguhin ng alopecia ang ating hitsura at dahil sa gayong kabiglaan, pinahahalagahan namin kung hindi ipinaaalaala sa amin ang tungkol sa aming hitsura.
Bakit Hindi Ka Gumamit ng Peluka?
“Bakit hindi ka gumamit ng peluka? Kung ako gagamit ako ng peluka,” maaaring sabihin ng mga tao. Subalit karamihan ng mga peluka ay idinisenyo para sa mga babae na, dahil sa moda, ay nagnanais magbago ng istilo ng buhok. Ang mga ito ay hindi ginawa upang isuot sa isang ulo na walang buhok. Ang mga pelukang pantanging idinisenyo
para sa mga pinahihirapan ng alopecia ay karaniwang mas mahal, at hindi makakayanan ng lahat na bumili at wastong panatilihin ito.Ang mga babaing may alopecia ay mas matagumpay sa paghahanap ng tamang peluka kaysa mga lalaki at mga bata. Ito’y dahilan sa ang mga babae ay maraming mapagpipiliang istilo ng buhok. Gayunman, sa halip ay pinipili ng ibang mga babae na gumamit ng kaakit-akit na bandana. Para bang, ang karamihan ng mga pelukang idinisenyo para sa mga lalaki ay hindi mukhang natural. At nariyan din ang mga katanungang: ‘Kailan mo isusuot ang peluka? Sa lahat ng panahon? Isusuot mo ba ito kapag ikaw ay nag-iisa sa bahay sakaling may dumalaw nang di inaasahan?’ Kaya, sa ilang kadahilanan, ang mga biktima ng alopecia ay maaaring hindi gumagamit ng mga peluka. Sa kabilang panig naman, ang karamihan ng mga biktima ay dumaranas ng pagkalugas ng buhok sa isang natatakdaang dako na maaaring takpan ng buhok sa paligid at walang dahilan upang isaalang-alang ang paggamit ng peluka.
Kung Paano Ko Pinakitunguhan Ito
Paminsan-minsan ang mga biktima ng alopecia ay maaaring maging mahiyain at ibukod ang sarili, nakadarama ng masama dahil sa paraan ng pagkakilala sa kanila ng iba. Sa mahihirap na panahon, mahalagang magkaroon ng malinaw na pagtanaw sa mga prayoridad sa buhay at tandaan na kung ano tayo sa loob natin ang siyang nagkakamit ng paggalang ng iba.
Samakatuwid, nabubuhay ako sa araw-araw at sinisikap kong huwag lubhang mag-alala tungkol sa susunod na araw upang ang aking problema ay hindi maging umuubos ng panahon. Nasusumpungang kong nakatutulong ang kasabihan ng Bibliya: “Huwag kayong mabalisa sa araw ng bukas, sapagkat ang araw ng bukas ay mababalisa sa kaniyang sarili.”—Mateo 6:34.
Totoo, maraming ibang tao ang mayroong mas malubhang mga problema. Gayunman, para roon sa mga may alopecia, ang alalay at pag-unawa mula sa iba ay kadalasang wala. Mga ilang taon ang nakalipas, mayroon silang kaunting pagkakataon na ipakipag-usap ang kanilang nadarama sa iba na pinahihirapan ng alopecia, subalit ngayon maraming pangkat na sumusuporta sa buong Estados Unidos. Sa pamamagitan ng mga pangkat na ito yaong mga may alopecia ay makakukuha ng tulong ng kuwalipikado at may kabatirang mga doktor, na may bagong medikal na mga pamamaraan at inilalantad ang dating mga alamat.
Kung minsan wala akong magawa kundi isipin kung papaano sana naiiba ang buhay ko. Gayunman ay tinatamasa ko ang pribilehiyo ng pagiging isa sa mga Saksi ni Jehova at sa gayo’y naibibigay ko ang aking sarili upang tulungan ang iba na matuto tungkol sa magandang mga pangako ng Diyos sa hinaharap. (Apocalipsis 21:3, 4) Ang isa pang tulong upang ako’y magpatuloy ay ang nakapagpapatibay-loob na mga salitang masusumpungan sa Bibliya sa Awit 55:22: “Ilagay mo ang iyong pasan kay Jehova mismo, at kaniyang aalalayan ka.”
[Kahon sa pahina 13]
Isang Pinahihirapan ng Alopecia
Ang aktor na si Humphrey Bogart ay isa na pinahihirapan ng alopecia. Ang kaniyang asawa, si Lauren Bacall, ay sumulat: “Napansin niya ang isang dako sa kaniyang pisngi kung saan hindi tumutubo ang kaniyang balbas. Ang dakong iyon ay lumawak—paggising niya sa umaga ay makasusumpong siya ng kimpal ng buhok sa unan. Nakabahala iyan sa kaniya. Isang bagay ang maging kalbo na may buhok sa gilid, ang isang aktor ay maaaring gumamit ng tupey, subalit kung walang buhok sa gilid kinakailangang gumamit ng peluka. Mientras mas maraming buhok ang nalulugas, lalo siyang nininerbiyos, at mientras lalo siyang nininerbiyos, mas maraming buhok ang nalulugas. Sa huling eksena sa Dark Passage siya ay gumamit ng kompletong peluka. Nag-panic siya—ang kaniyang buong kabuhayan ay nakabitin sa alanganin. Isang pagdalaw sa doktor ang isinaayos. . . . Ang opinyon ay na siya ay may sakit na kilala bilang alopecia areata.”
[Kahon sa pahina 14]
Anong Paggamot ang Gumagana?
Ang alopecia ay maaaring gamutin ng mga iniksiyon ng cortisone sa pagsisikap na hadlangan ang pagsalakay. Ang cortisone ay isang gamot na pinaiimpis ang pamamaga sa dako ng hair follicle upang ito ay tumanggap ng dugo at pagkain.
Ang isa pang paggamot ay DNCB (dinitrochlorobenzene). Ito’y isang asido na tuwirang ipinapahid sa apektadong lugar sa pagsisikap na pangyarihin ang isang artipisyal na alerdying reaksiyon—hindi gaya ng masamang kaso ng poison ivy—sa pag-asang lituhin ang mga lymphocyte. Ang resulta ay maaaring maging lubhang masakit sa ilan.
Ang paggamit sa gamot na tinatawag na minoxidil ay sinubok din. Bagaman orihinal na ginawa upang gamutin ang mataas na presyon ng dugo, bilang masamang epekto nito, ang gamot na ito ay nasumpungang nagpapatubo ng buhok. Gayunman, gaya ng karamihan ng mga paggamot para sa alopecia, ang antas ng tagumpay ay nakasisiphayong mababa. Karamihan ng mga napababalita sa mga pahayagan ay tungkol sa gamit nito sa paggamot sa pagkakalbo ng mga lalaki, hindi sa alopecia.
Mahigit na 16 na iba’t ibang gamot at paggagamot ang inirereseta para sa alopecia, at ang bawat isa ay dapat gamitin nang palagian para sa walang katapusang yugto ng panahon. Yamang kadalasang kumukuha ng anim na buwan upang matiyak kung baga ang isang partikular na gamot ay magiging mabisa, ang paggagamot ay maaaring umuubos-ng-panahon at nakasisiphayo. Kaya, sa kasalukuyan, walang tunay na lunas para sa alopecia.