Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Bakit Hindi Sila Namamatay sa “Heatstroke”?

Bakit Hindi Sila Namamatay sa “Heatstroke”?

Bakit Hindi Sila Namamatay sa “Heatstroke”?

Ng kabalitaan ng Gumising! sa Timog Aprika

Pinananatili ng karamihan ng mga mammal ang temperatura ng katawan na halos 37 digris Celsius. Kung ang temperatura ng iyong katawan ay tumaas pa sa 41 digris Celsius, ang mahahalagang selula sa utak ay maaaring mapinsala, kung minsan ay nagbubunga ng kamatayan. Ano ang nagsasanggalang sa iyo mula sa heatstroke o atake dahil sa matinding init? Namamatyagan ng isang “thermostat” sa iyong utak kapag ang temperatura mo ay tataas sa normal, at isang mensahe ang ipinadadala sa angaw-angaw na maliliit na glandula sa iyong balat. Pagkatapos ikaw ay lubhang pagpapawisan. Habang sumisingaw ang pawis, pinalalamig nito ang iyong katawan. Ito ay isang kahanga-hangang mekanismo, karaniwan sa maraming mammal.

Ngayon, tingnan mo ang larawang ito ng magandang oryx, o gemsbok, na kuha sa Disyerto ng Namib sa Aprika. Yamang bihira ang tubig, hindi maaaring aksayahin ng oryx ang mahalagang mga likido ng katawan. Ano ang ginagawa nito sa halip na magpawis?

“Upang ipagsanggalang ang utak nito mula sa lubhang uminit na dugo,” paliwanag ng soologong si Richard Goss sa aklat na Maberly’s Mammals of Southern Africa, “marami itong pinong mga ugat na malapit sa ibabaw ng ilong; ang dugo ay nagdaraan sa mga ugat na ito at napalalamig ng hanging labas-masok sa ilong ng gemsbok habang ito’y humihingal; ang malamig na dugong ito ay saka ginagamit upang pababain ang temperatura ng mainit na dugo na patungo sa utak sa katulad na paraan kung paanong ang tubig ay ginagamit upang palamigin ang isang mainit na makina.”

Dahil sa sistemang ito ng pagpapalamig, ang oryx ay nabubuhay sa mainit, tigang na mga disyerto ng Aprika. Sabi ng The Encyclopedia of Wild Life: “Inaakalang ang Oryx ay maaaring mabuhay magpakailanman nang walang tubig, sinisipsip ang anumang tubig na kailangan nito mula sa mga halaman sa disyerto. Tiyak na para bang napakaligaya nito sa totoong napakainit na temperatura​—hanggang 40° C.” At kumusta naman kung ang temperatura ng oryx ay umabot ng mapanganib na 41 digris Celsius? Magbunga kaya ito ng heatstroke? Hindi. “Makakayanan [ng oryx] ang pagtaas ng temperatura ng katawan ng lima o anim na digris na mataas sa 37° C na itinuturing na normal para sa karamihan ng mga mammal,” paliwanag ng propesor sa soolohiya na si John Skinner ng Timog Aprika.

Oo, ang tao ay hindi siyang unang nagdisenyo ng isang mahusay na radyetor!