Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Bakit ba Sinusupil ng Aking mga Magulang ang Buhay Ko?

Bakit ba Sinusupil ng Aking mga Magulang ang Buhay Ko?

Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .

Bakit ba Sinusupil ng Aking mga Magulang ang Buhay Ko?

“Ako’y humahanap ng pagkakataon upang kumilos, upang iunat ang aking mga kalamnan, upang madama ang aking lakas. . . . Nais kong malaman ang mapait mula sa matamis sa pamamagitan ng pagtikim, hindi sa pamamagitan ng pagsasalita. Ako’y gutom sa karanasan; pinakakain ako ng [aking mga magulang] ng mga paliwanag.” ​—Isang 16-anyos na lalaki.

“Kami ng nanay ko ay ganap na magkasalungat . . . Sinisikap niyang ituring ako na parang bata . . . Gusto kong lumayas; hindi ko matiis ang pagiging bilanggo. . . . Sinisikap kong lumaki at hindi niya ako pinapayagan.”​—Isang 17-anyos na babae.

ISANG karaniwang reklamo ng mga kabataan ay na sinisikap supilin ng kanilang mga magulang ang kanilang buhay. At marahil ikaw man ay may gayunding hinanakit. Sinasabi mong gusto mong magpagabi sa labas ng bahay; sinasabi nilang dapat kang umuwi nang maaga sa bahay. Sinasabi mong handa ka nang makipag-date; sinasabi nilang napakabata mo pa. Wari bang ang bawat ‘Maaari ba akong’ ay tinutugon ng ‘Hindi, hindi maaari.’

Kung sa bagay, hindi naman sa kinakampihan ang mga magulang, ang karamihan ng mga kabataan ay pinagbibigyan sa gusto nila kung minsan. At marahil ay isa ka roon. Karagdagan pa, malamang na nababatid ng iyong mga magulang na hindi ka na bata; sa malao’t madali isusuko rin nila ang pagsupil nila sa iyo mula nang isilang ka. At tulad ng karamihan sa mga magulang, malamang na gugustuhin nilang ikaw ay maging isang timbang, nagsasariling adulto.

Kung gayon, maaaring itanong mo: ‘Kung ganito ang nadarama ng aking mga magulang, bakit hindi nila ipakita iyon?’ Sa iyo para bang mahigpit ang hawak nila sa iyong buhay at ayaw pa nilang sumige ka sa iyong sarili. Gayunman, malamang nga na walang gaanong problema sa kung baga makakamit mo ang pagsupil sa iyong buhay. Ang tanging problema ay kailan. Nais mo ito ngayon. Subalit baka gusto naman ng iyong mga magulang na makamit mo ang pagsupil na iyon nang unti-unti.

Itinuring ito ng isang kabataan na “isang kapahayagan ng kawalan ng pagtitiwala” mula sa kaniyang mga magulang, isang nakaiinsultong pahiwatig na siya’y nagtataglay ng “nakapipinsala-sa-sariling hilig na kailangang sugpuin.” Subalit maaari kayang ang iyong mga magulang ay may mabuting dahilan upang kumilos nang gayon? Sa paano man, ang pag-unawa mo sa kanilang pangmalas ay tutulong sa iyo na sugpuin ang anumang hinanakit mo sa paraan ng pakikitungo nila sa iyo. Gaya ng sinasabi ng Kawikaan 19:11: “Ang unawa ng isang tao ay tiyak na nagpapabagal sa kaniyang galit.”

Kung Bakit Patuloy Silang Sumusupil

Una, unawain na ang daigdig ay higit at higit na nagiging mapanganib at tiwali mula nang tahakin ng iyong mga magulang ang kanilang landas sa kanilang kabataan. (2 Timoteo 3:1, 13) Isang magulang ang umamin: ‘Ang daigdig na nararanasan ng aming anak na lalaki o babae sa gulang na 14 o 15 o 16 ay mas mapanganib kaysa noong kami’y nagsisilaki. Hindi na gaanong ligtas na lumabas na nag-iisa. Mas maraming tinedyer ang nabubuntis ngayon kaysa noong aming panahon.’ Hindi kataka-taka na nais ng iyong mga magulang na pangalagaan ka!

Kung ang iyong mga magulang ay may takot sa Diyos, sila rin ay lubhang nababahala tungkol sa inyong espirituwal na kalusugan. Ang Bibliya ay nag-uutos na bigyan ng mga magulang ang kanilang mga anak “ng tagubilin, at pagtutuwid, na ayon sa pagtuturong Kristiyano.” (Efeso 6:4, The New English Bible) At alam nila na hindi mo kusang tatanggapin ang mga pamantayan at paniniwalang Kristiyano dahil lamang sa taglay nila iyon. Batid din nila na “ang batang lalaki [o babae] na pinababayaan ay humihiya sa kaniyang ina.” (Kawikaan 29:15) Bagaman maaaring hindi ka nila itinuturing na isang bata, maaaring nadarama pa rin nila na pananagutan nilang ipatupad ang mga curfew at magtakda ng iba pang limitasyon sa iyo.

Maaaring isipin mo na ang gayong mga pagsupil ay hindi nararapat sa iyong dignidad, parang sa bata. Subalit tandaan, hindi pa natatagalan ikaw ay talagang isang walang kayang sanggol sa bisig ng iyong mga magulang. At ngayon nais nilang pangalagaan ka mula sa moral na pinsala, na gaya ng ginawa nilang pag-iingat sa iyo mula sa pisikal na pinsala. Tandaan din, ang iyong mga magulang ay naging tinedyer din, at alam na alam nila ang mga problemang maaaring kasangkutan ng isang kabataan. Aba, maging ang taong matuwid na si Job ay umamin “ng mga kamalian ng [kaniyang] kabataan.” (Job 13:26) At bilang mga kabataan, ang ilang mga magulang ay nakagawa ng ilang malulubhang pagkakamali na labis na nagpasalimuot sa kanilang buhay.

Inamin ng isang ina: “Kailangan kong mag-asawa. Kasi napakabata ko pa nang ako’y magkaroon ng katipan. Ako’y nagdalang-tao sa gulang na disisais. Ngayon mayroon na akong tatlong anak, at ang dalawa sa kanila ay mga tinedyer. Pakiramdam ko ba ako’y singkuwenta na sa halip na trenta’y siyete. Naiwala ko ang aking kabataan.”

Marahil ang iyong mga magulang ay hindi kailanman nagkaroon ng gayong kapait na karanasan. Gayunman, malamang na sila’y labis na nababahala sa mga panganib ng maagang pakikipag-date at maaaring pagbawalan kang makipag-date. Mamasamain mo ba ang gayong paghihigpit? Kung mamasamain mo, isaalang-alang ang mga salita sa Kawikaan 27:12: “Nakikita ng taong matalino ang kasamaan at nagkukubli; ngunit dinaraanan ng walang karanasan at naghihirap.” Oo, kung susundin mo ang payo ng iyong mga magulang, maaaring maiwasan mo ang kapahamakan.

Isang Pagkataong Nasa Pagbabago

Gayunman, maaaring madama mo ang gaya ng sinabi ng isang kabataan: “Alam ko ang ginagawa ko. Hindi ko guguluhin ang aking buhay. Bakit hindi nila pabayaan akong mamuhay ng sarili kong buhay?” Ngunit ang problema ay maaaring ikaw ay walang kamalay-malay na nagbibigay sa iyong mga magulang ng nakalilitong mga palatandaan. Kung minsan ikaw ay kumikilos na parang isang may kakayahang adulto; kung minsan naman ikaw ay nagpapakita ng tulad-batang pangangailangan ng tulong mula sa magulang.

Sa aklat na How to Single Parent, binabanggit ni Dr. Fitzhugh Dodson ang tungkol sa karanasan ng isang ina na namimiling kasama ng kaniyang 15-anyos na anak na babae. Pagkatapos mauwi sa tatlong damit na pagpipilian, ang anak na babae ay nagtanong kung alin ang pinakamaganda para sa kaniya. Ang kaniyang ina ay nag-isip sandali at saka sumagot: “Sa palagay ko ang asul ang bagay na bagay sa iyo.” Ang tugon sa ganitong hiniling na payo? “Oh, Inay, lagi na lamang ninyong pinakikialaman ang buhay ko at sinasabi sa akin kung ano ang dapat kong gawin!”

Pagkalipas ng ilang buwan namili silang muli. Ang anak na babae ay pumili ng ilang kasuotan at nagtanong: “Inay, alin dito sa palagay ninyo ang bagay sa akin?” Nagugunita ang naunang pangyayari, ang ina ay nagpasiyang maging maingat at sumagot: “Alam kong kaya mong magpasiya sa ganang iyong sarili,” na sinagot naman ng kaniyang anak: “Oh, Inay, kailanma’y hindi ninyo ako tinulungan kung kailan kailangan ko kayo!”

Ang mga saloobin na pabagu-bago mula sa animo’y naghahamong katapangan tungo sa panghahawakan sa ugaling-bata ay nakalilito sa mga magulang. At sa ilang antas, lahat ng mga kabataan ay ginagambala ng pabagu-bagong paggawing ito; ito’y likas na bahagi ng paglaki. Subalit bagaman likas, sinasabi nito sa iyong mga magulang na taglay mo pa rin ang ilang “katangian ng isang bata” na dapat pagtagumpayan at na hindi ka pa handa sa ganap na pagsupil.​—1 Corinto 13:11.

Pagkakamit ng Higit na Pagsupil

Gayumpaman maaaring inaakala mo na mabubuhay ka nang wala kahit ang ilan sa alalay at pansin na iyon. At sa pagnanais mong magkaroon ng kalayaang hinahangad mo, kung minsan at baka matukso ka pa nga na bumaling sa lisyang pamamaraan. “Alam kong hindi ako dapat magsinungaling,” sulat ng isang tinedyer na babae, “ngunit ginawa ko lamang ito upang gawing simple ang mga bagay. Napakaistrikto [ni Inay] at hinding-hindi niya ako papayagang lumabas kung sasabihin ko sa kaniya ang totoo.” Gayunman, ang panlilinlang sa iyong mga magulang ay hindi kailanman gagawa sa mga bagay na simple. Kung matuklasan ang kasinungalingan (gaya ng malamang na mangyari), lalo lamang nitong gagawing masalimuot ang mga bagay.

Ang mga awtor ng aklat na Options ay matalinong nagsabi: “Ang pagsisinungaling sa [iyong mga magulang] kung kailan nais mong magtiwala sila sa iyo ay katulad ng pagnanakaw upang patunayan mo kung gaano ka katapat. Kapag nahuli ka nila, malamang na lalo ka nilang hihigpitan, dahil sa pagiging malihim.” Mas mahalaga, ang pagsisinungaling ay hindi sinasang-ayunan ng Diyos mismo. Ang Kawikaan 3:32 ay nagsasabi: “Ang suwail ay kasuklam-suklam kay Jehova.”

Kaya maging tapat sa iyong mga magulang. Sabihin sa kanila ang kompleto at tamang mga detalye kung saan mo gustong pumunta at kung sino ang kasama mo. Kapag ipinatutupad nila ang mga curfew, igalang sila. Ito ang kukumbinse sa kanila na ikaw ay maaasahan. Hindi sila labis na mag-aalala kapag ikaw ay malayo. At sa paglipas ng panahon maaaring higit silang magtiwala sa pagbibigay sa iyo ng higit na kalayaan. Gaya ng sinasabi ng Bibliya: “At sa sinumang binigyan ng marami ay marami ang aasahan sa kaniya, at sa sinumang pinagkatiwalaan ng marami ay lalo nang marami ang aasahan sa kaniya.”​—Lucas 12:48, Phillips.

Ang panahon upang pangasiwaan mo ang iyong buhay ay darating din. Samantala, maging matiyaga. Masiyahan ka sa iyong kabataan. (Eclesiastes 11:9) Makipagtulungan ka sa paninindigan ng iyong mga magulang tungkol sa pakikipag-date, mga tuntunin, curfew, at mga katulad nito. Ang paggawa ng gayon ngayon ay maaaring magligtas sa iyo sa mga pagsisisi at sama ng loob sa dakong huli. Kung inaakala mong ang ilang pagbabawal ay hindi angkop sa iyong edad o hindi makatuwiran, huwag maghimagsik. Mahinahong ipakipag-usap ang mga bagay sa iyong mga magulang. Marahil ay nakalimutan lamang nila kung ilang taon ka na nga o kung gaano na ang iyong inilaki. Anuman ang kalagayan, marahil ay masusumpungan mong talagang hindi sila interesadong supilin ang iyong buhay. Gusto lamang nilang tiyakin ang kaligayahan mo sa hinaharap.

[Larawan sa pahina 23]

Paano mo minamalas ang mga curfew at iba pang pagbabawal?