Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Gawing Maluwang ang Tirahang Dako!

Gawing Maluwang ang Tirahang Dako!

Gawing Maluwang ang Tirahang Dako!

‘KAILANGAN ko ng mas maluwang na tirahang dako!’ Ilang beses mo nang narinig​—o sinabi—​ang karaniwang reklamong iyan? Ang lunas ba ay isang mas malaking bahay o apartment? Marahil ay hindi. Hindi kaya ng karamihan sa atin ang lumipat. At sa maikling panahon maaaring matuklasan niyaong iba sa atin na kayang lumipat na ang problema sa lugar ay minsan pang lumilitaw.

Ang totoo ay, gaano man kaliit ang ating tirahan, may sapat na lugar para sa mga bagay na kailangan natin. Ang mga ekstra ang karaniwang lumilikha ng problema. At kapag ang bahay ay magulo at makalat, ito ay maaaring maging isang laging pinagmumulan ng kahirapan, kabiguan, at kaigtingan. Kaya, ituon natin ang ating pansin sa tatlong paraan upang “tuklasin” ang higit na lugar sa mismong dakong tinitirhan mo​—ang iyong tahanan! a

No. 1: Itapon ang Hindi Kailangang mga Bagay

Sa maraming tahanan ang paglilinis kung tagsibol o taglagas ay isang ritwal ng paglilipat-lipat ng mga bagay, paglilinis at saka pagsasauli ng mga bagay sa kanilang dating lugar. Subalit bakit hindi ito gamitin bilang isang pagkakataon upang itapon ang hindi kailangang mga bagay?

Naging ugali mo na ba na itago ang mga lumang diyaryo at magasin? Subukan mong gupitin ang mga artikulo na talagang gusto mong itago (itala rito ang pangalan ng peryodiko, petsa, at pahina para sa reperensiya sa hinaharap) at saka itapon ang diyaryo o magasin. Magugulat ka sa kung gaano karaming lugar ang magagawa nito!

Tingnan mo rin ang muwebles na pag-aari mo. May ilan ba na kaunti lamang ang silbi at nakadaragdag lamang sa kalat? Marahil may mas mabuting gamit rito ang isang kaibigan. At kumusta naman ang iyong mga maliit na silid (closet)? Ang mga ito ba ay punô ng damit na hindi mo ginagamit sa loob ng mga taon? Bakit hindi alisin ang anumang bagay na hindi mo na isinusuot sa loob ng isang taon o higit pa?

Ipagpalagay na, ito sa wari ay isang malaking proyekto, at maaaring gayon nga. Kaya gawin itong isang proyekto ng pamilya. Isangkot ang mga bata at ang iyong asawa. Kapag ang iyong mga anak ay napasangkot sa diwa ng proyekto, baka sila man ay magkusang alisin ang ilang hindi kailangang mga bagay na pag-aari nila. Ang resulta? Marahil ang simula ng isang habang-buhay na huwaran ng kaayusan.

No. 2: Gamitin ang Lahat ng Magagamit na Lugar

Ngayon magpasyal tayo sa iyong tahanan at ating kilalanin ang lahat ng maaaring gawing imbakang dako. Kasali rito ang mga dingding, istante, pinto, pasilyo, closet, at kisame. Ang mumurahing basket o mga patungan ay maaaring ibitin sa mga dingding ng pasilyo o sa mga pintuan upang paglagyan ng mga sapatos, tuwalya, at iba pa. Ang mga kahon o kaing ay maaaring gamiting lalagyan ng mga aklat, laruan, mga photo album, at iba pang bagay na naipasiya mong itago. Sa paglalagay nito sa mga sisidlan sa loob ng iyong maliit na silid, magagamit mo ang aksayadong lugar o espasyo.

Nakukuha ba ng mga silyang de tiklop ang maraming lugar? Marahil ang mga ito ay maaaring itago sa ilalim ng sopa o sa likod ng iyong kurtina. Ang mahalagang lugar ba sa sala ay kinukuha ng maliliit na istante ng aklat? Bilang kahalili, bakit hindi maglagay ng mula sahig-hanggang-kisameng istante ng aklat sa inyong pasilyo? Kung lalagyan mo ito ng mga pintuan, ito ay maaari ring magsilbing imbakan ng iba pang bagay maliban sa mga libro.

Huwag mong kaligtaan ang espasyo sa ilalim ng iyong kama. Ang plastik o cardboard na mga kahon ay maaaring ilagay roon upang pagtaguan ng wala-sa-panahong gamit sa kama. At kumusta naman ang iyong mga dingding? Ang malalaking ispiker ng stereo ay maaaring ikabit sa dingding at magkaroon ng karagdagan lugar. Kung ang mga laruan ay nagkalat sa sahig sa silid ng iyong anak, maglagay ng mababang mga istante sa dingding. Ang mga ito ay nagbibigay ng lugar kung saan mailalagay ng iyong anak ang kaniyang mga laruan, sa halip na itambak ito sa isang malaking baol. Ang mga laruan ay nakikita ng mga bata, at ang mga istante ay maaaring itaas sa dingding habang lumalaki ang bata. Ang mga istante ay magaling din sa iyong banyo para lagyan ng mga tuwalya, sabon, at mga gamit sa banyo.

No. 3: Ayusing-muli ang Inyong Tirahang Dako

Ang lugar sa tirahan ay kadalasang maaaring gawin sa pamamagitan lamang ng pag-aayos na muli ng ilang mga bagay. Inilalagay ng maraming maybahay ang lahat ng kanilang mga muwebles sa may dingding, iniiwan ang gitna ng silid na walang laman. Subukan mong maglagay ng dalawang istante ng aklat na magkatalikod upang magsilbing dibisyon ng mga silid. O pag-isipan mong maglagay ng mula sahig-hanggang-kisameng istante ng aklat na magsisilbing isang imbakan at dibisyon ng silid. Ngayon ang silid ding iyon ay maaaring gamitin sa dalawang layunin​—isa para sa pag-aaral, at isa para sa panlahat na gawain ng sambahayan. Ang mga dibisyon ng silid ay kapaki-pakinabang lalo na kapag ang mga magkakapatid ay magkasama sa isang silid. Nakadaragdag ito ng privacy sa mababang halaga.

Gayunman, kung limitado ang lugar sa tirahan, kung minsan kahit na ang pinakamagaling na mga pagsisikap at reorganisasyon ay hindi rin nakaaabot sa hinahangad na resulta. Marahil sa paano man ay makagagawa ka ng ilusyon ng pagiging maluwang sa paggamit ng mga salamin sa dingding o pagpipinturang-muli ng iyong tahanan ng maliwanag na mga kulay. Ang paggawa ng alin man dito ay lilikha ng mas maluwang na tingin sa iyong tahanan.

Kung ang problema ay ang limitadong lugar sa tirahan, bakit hindi subukin ang payak na mga mungkahing ito? Maaaring matuklasan mo na kung ang iyong tahanan ay malinis at maayos, ito’y nakadaragdag sa mabuti at payapang kaisipan ng buong pamilya​—isang angkop na gantimpala sa paggawang maluwang ng tirahan!

[Talababa]

a Bagaman ang mga mungkahing ibinigay rito ay kumakapit lalo na sa mga nakatira sa industrialisadong mga bansa, ang ilang simulain ay maaari ring kapaki-pakinabang sa mga mambabasa sa nagpapaunlad na mga bansa.