Isang Gabi sa Isang Tahanang Hapones
Isang Gabi sa Isang Tahanang Hapones
Ng kabalitaan ng Gumising! sa Hapón
IKAW ba’y interesadong makilala ang iba’t ibang tao, matutuhan ang kanilang mga kaugalian, at alamin kung paano sila namumuhay? Kung gayon, sumama ka sa akin, sapagkat kami’y inanyayahan sa isang hapunan ng isang pamilyang Hapones. Habang daan ay ipaliliwanag ko sa iyo nang kaunti ang tungkol sa kung ano ang maaasahan.
Una muna, bibili tayo ng isang maliit na regalo. Iyan ang inaasahan sa atin. Isang kahon ng wagashi (kending Hapones) o senbei (ampao) ay nababagay. Gayunman, yamang tag-araw ngayon, pumili tayo ng isang mainam na basket ng prutas. Makukuha natin ito sa tindahan ng mga prutas, nakabasket na, nakabalot ng papel, at ribon, para lamang sa layuning ito.
Pagdating Namin
Ang buong pamilya ay nasa pinto upang salubungin kami. Ang katuwaan ng mga maliliit na bata ay nagsasabi sa amin na ito ay isang pantanging okasyon para sa pamilya. Masdan mo! Ang mga tsinelas ay maayos na nakalagay sa labas ng pinto—isang tipikal na kaugaliang pagtanggap ng mga Hapones. Hindi isinusuot ng mga Hapones ang kanilang sapatos na panlakad sa loob ng bahay. Hindi lamang ito tutulong upang mapanatiling mas malinis ang kanilang bahay kundi iniingatan rin nito na huwag masira ng sapatos ang madaling masirang makapal na banig na yari sa dayami (tatami) na ginagamit sa karamihan ng mga tahanang Hapones.
Kaya iwan natin ang ating mga sapatos dito sa genkan (balkon) bago tayo pumasok sa bahay. Tingnan mo! Itinatalikod na ni Lola ang ating sapatos at inihahanay ito para sa ating pag-alis. Kung ang sapatos mo ay nangangailangan ng kaunting pagpapakintab o paglilinis, ito ay karaniwan ding ginagawa, bago ka umalis.
“Nauuna ang Panghimagas?”
Ang nabanggit ay isang karaniwang tugon ng karamihan sa mga dayuhan kapag nakikita nila ang tsa at mga matamis na inihahain bago ang hapunan. Ang kulay tsokolateng mga kakaning iyon na animo’y halaya na parang chocolate fudge ay yari sa matamis na balatong at tinatawag na yōkan. Masarap ito na kasama ng o-cha (berdeng tsa).
Ngunit bago mo kainin ang yōkan at inumin ang tsa, magparepresko ka muna sa pamamagitan ng pinalamig, mamasa-masang tuwalya sa kamay na iniaalok sa iyo ng maypabisita. Ito ay tinatawag na o-shibori, sa literal ay nangangahulugang “pigain.” Sa taglamig, ang mga bisita ay sinisilbihan ng mainit na tuwalya.
Pansinin ang magandang hardin at fishpond sa labas ng naitutulak na mga bintanang salamin. Halos ang bawat tahanang Hapones ay may ilang uri ng hardin, mayaman man o mahirap ang mga tao. Maraming Hapones ang gugugol ng hanggang kalahati ng kanilang panahon sa paggawa sa
hardin na gaya ng panahong ginugugol nila sa isang bagong bahay.Ang paraan ng pagkakaayos sa mga bato, maliliit na puno ng pino, at iba pang halaman ay gumagawa sa hardin na magtinging isang likas na maliit na tanawin ng kabundukan. Ang talón ng tubig at ang tahimik na lawa na punô ng malalaki, makulay na karpa ay idinisenyo upang tulungan kang magpahingalay at makaragdag sa iyong kasiyahan sa gabi. Sa dakong huli, karaniwang ipakikita ng maypabisita sa mga bisita ang iba pang bahagi ng hardin.
Ang silid na kinaroroonan natin ay isang natatanging silid. Ito ang o-kyakuma, o silid para sa bisita. Nakikita mo ba iyong medyo nakaangat na munting silid? Ito’y tinatawag na tokonoma. Noon, ang isa ay makakakita ng baluti ng samurai [mandirigmang Hapones] at ng dambana ng pamilyang Budista roon. Sa ngayon ito ay isang palamuting dako kung saan ang mahahalagang plorera, nakabiting mga balumbon, at iba pang minanang kagamitan ng pamilya ay nakadispley.
Yamang ikaw ay isang panauhing pandangal, walang alinlangan na ikaw ay pauupuin na pinakamalapit sa tokonoma. Pansinin ang dalubhasang pagkakaukit ng haligi sa tabi ng tokonoma. Ang haligi ay tinatawag na tokobashira. Ito’y yari sa kahoy na ebony o sandalwood, na pinakikintab at binabarnisan upang palabasin ang natural na haspe at kagandahan nito. Ang isang haligi ay maaaring nagkakahalaga ng isang libong dolyar o higit pa!
Handa Na ang Hapunan
Kasasabi lamang ng ating maypabisita na ang hapunan ay malapit na. Ngunit nag-iisip siya kung gugustuhin mong maligo muna. Hindi, hindi naman sa iniisip niyang kailangan mong maligo, kundi nasusumpungan ng mga Hapones na ang isang mainit na paligo bago kumain ng hapunan ay nakarerepresko. Karaniwang ang bisita ang unang inaanyayahang pumasok. Ayaw mong maligo bago maghapunan? Ayos lang, ngunit kahit paano ay tingnan mo muna ang o-furo, o paliguan.
Bagaman mayroon pa ring paliguang pampubliko, karamihan ng mga tahanang Hapones ngayon ay may kani-kaniyang o-furo. Ito ay isang malalim na batya na yari sa kahoy, baldosa, o plastik at nasasangkapan ng panggatong na kahoy o propane, na nagpapainit sa tubig hanggang sa apatnapung digris Celsius.
Ang paligong Hapones ay naiiba sa paligo ng mga Kanluranin sapagkat ang isang tao ay nagsasabon muna at nagbabanlaw bago pumasok sa batya upang magbabad sa mainit na tubig. Sa ganitong paraan magagamit ng buong pamilya ang tubig ring iyon na pampaligo, basta na lamang iniinit ito ng kaunti bago gamitin. Ang batya ay malalim anupat kapag ang isang tao ay nauupo rito, ang mainit na tubig ay umaabot sa kaniyang leeg. Ito’y lubhang nakarerepresko at isang bagay na dapat gawin bago matulog sa isang malamig na gabi ng taglamig.
Isang Bangkete ng Pagkain
Ang aming maypabisita ay tumatawag at sinasabing oras na para sa aming hapunan, o dapat kong sabihin ay bangkete. Tingnan mo ang lahat ng pagkain na nakahain sa mesa! Ito’y makulay at maingat na inayos. Sa Hapón ang pagkain ay isang gawain ng sining, kung saan ang pang-akit sa mata ay halos kasinghalaga ng amoy at lasa. Ang bungkos ng makulay na mga pirasong iyon sa bandihadong itim ang barnis ang paborito ng Hapones, ang sushi. Ang bawat piraso ay maingat na hinugis na kimpal ng kanin na may kaunting asukal at suka at nilagyan ng pula o puting hiwa ng hilaw na tuna o iba pang masasarap na pagkaing dagat.
Ang isa pang ulam na inihanda ay inihaw na tai, o pulang isdang snapper, buong gandang inayos sa pinggan sa hugis na kalahating-buwan, na buong-buo ang ulo at buntot ng isda. Ang sopas ay mainit na sabaw na yari sa halamang dagat na may kudradong hiwa ng malambot na tofu. At, mangyari pa, maraming kanin para sa lahat. Mayroon ding sariwang ensalada ng mga gulay sa mesa, at mga prutas na inihanda sa istilong Hapones ang kukompleto sa menu. Kaysarap na handa!
Magalang na Pag-uusap
Kasunod ng hapunan ay ang berdeng tsa, kasabay ng ating pag-uusap. Ngunit ano ba ang dapat pag-usapan? Bueno, ang mga Hapones ay lubhang interesado sa iyo at sa iyong bansa. Nais din nilang malaman kung ano ang palagay mo sa kanila at sa kanilang bansa, tungkol sa pagkain, at sa pagkaing Hapones sa pangkalahatan. Natutuwa sila kapag ikaw ay nagpakita ng interes sa mga bagay na Hapones at matuto ng ilang salita sa kanilang wika.
Ngayon maaaring sabihin ng maypabisita, “O-kuchi ni awanakute gomen nasai,” ibig sabihin, “Ikinalulungkot ko na ang pagkain ay hindi ninyo naibigan.” Gusto niya lamang malaman kung naibigan mo ba ang pagkain. Kaya, sabihin mo sa kaniya, “Oishikatta desu!” (Masarap!) Ang ibang bisita ay maaaring magdagdag ng papuri, “Gochiso samadeshita,” literal na nangangahulugang, “Salamat sa iyong pagpaparoo’t parito [sa kusina at sa silid kainan] upang paglingkuran kami.”
Masusumpungan mo na sa mga taga-Kanluranin ang Hapones ay maaaring magtinging malabo kapag sila’y nagkukuwento tungkol sa kanilang sarili at atubiling maging espisipiko sa ilang paksa. Halimbawa, kung itatanong mo sa asawang babae kung papaano niya nakilala ang kaniyang asawa, maaari siyang sumagot sa pamamagitan ng basta pagngisi. O maaaring hangaan mo ang isang magandang plorera at itanong mo ang halaga nito. Ang sagot ay malamang na, “Chotto takakatta desu.” (May kamahalan ng kaunti.) Malabo? Marahil. Subalit iyan ay magalang na pag-uusap na Hapones. Kaya kailangan nating matutong huwag maging masyadong pamilyar o maurirat sa ating sinasabi o itinatanong.
Isang Kaiga-igayang Gabi
Napakabilis ng oras at panahon na upang magpaalam sa ating magiliw na maypabisita. Samantalang isinusuot namin ang aming sapatos sa balkon, ang maypabisita at ang kaniyang ina ay yumuko nang husto sa amin, na nakatungo ang mga ulo. Ipinipilit rin nila na magdala kami ng tirang pagkain na nakalagay sa malaki, matingkad ang kulay na furoshiki, o bandana. Gayundin, kasama rito ang maliit na regalo para sa bawat isa sa amin.
Samantalang ang buong pamilya ay lumalabas para sa pangwakas na sayonara, marahil naiisip mo ang naiisip ko, ‘Anong kasiya-siyang gabi!’ Isip-isipin ang panahon at trabahong ginugol sa paghahanda ng pagkain. Bilang mga bisita, nadama naming kami’y malugod na tinanggap, sa katunayan, natatangi. Talagang maalalahanin sila! Ang kanilang kasiyahan ay tiyak na nagmumula sa pagkaalam na kami’y kanilang lubusang napaligaya.
Hindi ka ba natutuwa na ikaw ay sumama sa amin sa pagdalaw? Maaaring akalain mo medyo mas nakikilala mo na ngayon ang mga Hapones. Bueno, kailangang bumalik ka agad at matuto pa ng higit tungkol sa pambihirang bansa na ito at sa mapagpatuloy na mga tao nito.