Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Namamatay ba ang Kaluluwa?

Namamatay ba ang Kaluluwa?

Namamatay ba ang Kaluluwa?

ANG tanong na iyan ay maaaring bumangon sa isang taong nagbabasa ng magasing Time ng Hulyo 30, 1990. Tinatalakay ang dumaraming trapiko sa daan sa Silangang Alemanya bago ang pagkakaisa ng dalawang Alemanya noong Oktubre 3, 1990, iniulat ng magasin sa artikulo nitong “Speeding Over the Bumps”: “Ang mga kamatayan sa lansangan sa Silangan ay dumami ng 60% sa unang anim na buwan ng 1990, na sumawi ng 1,078 mga kaluluwa.”

Maliwanag na tinutukoy ng artikulo na 1,078 mga tao ang namatay sa mga aksidente sa kotse; sila’y namatay. Ngunit namatay ba ang 1,078 mga kaluluwa? Nagkamali ba ang magasing Time sa paggamit nito ng katagang “kaluluwa” para sa mga taong laman at dugo? Ano nga ba ang kaluluwa?

Sa buong kasaysayan, may iba’t ibang ideya tungkol sa kaluluwa. Maraming sinaunang tao ang naniniwala na isang espiritung kaluluwa ay patuloy na nabubuhay pagkamatay, na ang kamatayan ay, sa wari, isang pintuan patungo sa iba pang buhay. Ang ilang pinuno noong sinaunang panahon ay pinapapatay pa nga ang kanilang mga alipin sa panahon ng kanila mismong kamatayan sa paniniwalang ang mga kaluluwa ng mga taong ito ay patuloy na maglilingkod sa kanila.

Bagaman marami ngayon ang naniniwala rin na ang kaluluwa ay nangangahulugan ng isang hindi materyal, o espiritung, bahagi ng isang tao na nakaliligtas sa kamatayan ng pisikal na katawan, hindi ito itinuturo ng Bibliya. Sa katunayan, sa Bilang 6:6, binabanggit nito ang tungkol sa “anumang patay na kaluluwa.” Hindi, ang kaluluwa ay hindi isang espiritung bagay sa loob mo. Ikaw ang kaluluwa. Ang kaluluwa ay maaaring mamatay, gaya ng iniulat ng magasing Time.

Ang The Jewish Encyclopedia (1910) ay nagsasabi: “Ang paniwala na ang kaluluwa ay patuloy na umiiral pagkatapos mamatay ang katawan ay isang pilosopikal o teolohikal na bagay sa halip na isang payak na pananampalataya, at ito ay hindi itinuturo saanman sa Banal na Kasulatan.”​—Tomo VI, pahina 564.