Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pagmamasid sa Daigdig

Pagmamasid sa Daigdig

Pagmamasid sa Daigdig

Personal na mga Pagdalaw​—Lipas na?

Bakit hindi umunlad ang istilong-Amerikano na pag-eebanghelyo sa telebisyon sa Hapón? Sinabi ni Mr. Kenji Ishii ng Agency for Cultural Affairs sa Gumising! na hindi pinapayagan ng mga brodkaster ng Hapón ang mga programa na nangingilak ng salapi o nagpapalaganap ng hindi makasiyentipikong mga turo sa himpapawid. Gayunman, ang mga organisasyong relihiyoso ay nakasumpong ng mga paraan upang daigin ang mga pagbabawal na iyon. Marami ang umasa sa mga video, mga satelayt na komunikasyon, mga network ng computer, at mga makinang fax upang ipalaganap ang kanilang pananampalataya. Para sa ilan, nahigitan ng gayong teknolohikal na ministeryo ang personal na mga pagdalaw na ginamit ng mga mangangaral noong panahon ng Bibliya at na matagumpay na ginagamit ng mga Saksi ni Jehova ngayon sa Hapón. “Natanto namin na ang pagsasagawa ng personal na mga pagdalaw, ang ating tradisyunal na istilong misyonero, ay naging lipas na,” sabi ng opisyal para sa publisidad ng isang anim-na-milyong-miyembrong organisasyon ng mga Budista. “Ito’y pangongomersiyo ng relihiyon,” sabi ni Mr. Ishii sa paggamit ng mga makinang fax para maghandog ng mga panalangin. “Basta sinasamantala ng mga pangkat ng relihiyon ang uso.”

Mga Paglalakbay Para sa Aborsiyon

Ang mga batas ay kadalasang hindi matagumpay na gaya ng relihiyon sa pagsawata sa nakatatakot na daluyong ng aborsiyon. Noong 1989 isang batas ang ipinasa sa Republika ng Ireland na nagbabawal sa paglalathala ng impormasyon sa kung paano at kung saan maaaring magpalaglag; halimbawa, kailangang tanggihan ng mga magasin ang mga anunsiyo para sa mga klinika ng aborsiyon. Gayumpaman, parami nang paraming mga babaing Irlandes ang naglalakbay tungo sa Inglatera at Wales para sa mga aborsiyon. Sang-ayon sa Irish Times ng Dublin, 981 mga babae ang gumawa ng gayong paglalakbay sa unang tatlong buwan ng 1989. Sa gayon ding yugto ng panahon noong 1990, ang bilang ay tumaas sa 1,027. Sa Hilagang Ireland na kontrolado ng mga Britano, ang batas ng 1967 na nagpapahintulot sa mga aborsiyon sa Inglatera ay hindi kapit, kaya inihaharap ng Ulster Pregnancy Association sa mahigit na isang libong mga babae isang taon ang mga klinika ng aborsiyon sa Britaniya.

Mga Tabak Tungo sa mga Susod​—Papaano?

“Ang problema ay, paano mo sisirain ang isang piraso ng kagamitan na pantanging idinisenyong hindi mawawasak?” tanong ng The Wall Street Journal. Kasuwato ng kasunduan sa pagkontrol ng armas, nakakaharap ng Unyong Sobyet ang atas na alisin ang 40,000 mga tangke. Kabilang sa mungkahing mga lunas upang pawalang-bisa ang mga tangke ay ang pagpapasabog dito ng mga eksplosibo, paghuhulog sa mga ito mula sa isang taas upang masalanta ito at pagtatambak nito​—puwera ang langis, pintura at hydraulic fluid—​sa karagatan. Naisip pa nga na gawin itong kagamitan para sa sibilyang gamit na gaya ng mga malalaking traktora at mga makina ng bombero, subalit ang gayong “mabagal, malakas sa gasolinang dambuhala” ay natiyak na hindi praktikal. Mas pinapaburan ang planong magtayo ng mga hurno na maaaring tutunaw sa mga tangke at gamitin ang mga tira-tirang metal. Yamang kailangan pang gawin ang teknolohiya, ang mahahabang tren na punô ng mga tangke ay ipinadala “pasilangan sa Urals tungo sa mga depo na hindi maaabot ng takdang panahon ng kasunduan at ang mga kahilingan nito na ang mga tangke ay sirain at pasabugin.”

Tambak na Lana

Biglang natuklasan ng mga rantsero ng tupa sa Australia, na naglalaan ng 70 porsiyento ng lana (wool) na ginagamit sa pananamit ng daigdig, ang kanilang mga sarili na may napakaraming tupa. Halos 20 milyon na mas marami, ulat ng Sunday Correspondent ng London, Inglatera. Palibhasa’y bumagsak ang presyo ng tupa na kasimbaba ng limang sentimos sa bawat isa, ang mga rantsero ay gumugugol ng higit sa mga bala sa pagpatay sa mga tupa kaysa halaga ng mga tupa. Bakit ang bumabang pangangailangan para sa lana? Ang Correspondent ay nagbibigay ng tatlong dahilan: Inihinto ng krisis sa Persian Gulf ang kalakalan sa mga bansang Arabe; binawasan ng demilitarisasyong pandaigdig ang pangangailangan para sa mga uniporme ng militar, na karaniwang yari sa lana; at binawasan ng pangglobong pag-init ng kapaligiran ang pangangailangan para sa mainit na pananamit na yari sa lana.

Homoseksuwal na mga Magulang

Maaga noong 1991, iniulat ng magasing Newsweek na may pitong milyong bata sa Estados Unidos ang kapisan ng isang homoseksuwal na magulang at ng kaseksong kalaguyo ng magulang. Ayon sa ilang pag-aaral, karamihan ng mga magulang na ito ay mga tomboy, na pinili ng marami sa kanila na magkaanak sa pamamagitan ng artipisyal na paglalagay ng binhi. Inaakala pa nga ng ilang dalubhasa na ang Estados Unidos ay dumaranas ng ‘pagdami ng mga anak ng tomboy.’ Nilayon ng isang tagapaglathala ang gayong mga sambahayan para sa mga aklat na pambata. Isang bagong aklat para sa mga batang mula dalawa hanggang anim na taóng gulang ay tungkol sa isang batang lalaki na kung minsan ay nakatira na kasama ng kaniyang tatay at ng lalaking kalaguyo ng kaniyang tatay. Isang aklat naman para sa mga tatlo hanggang walong taóng gulang ay tungkol sa isang batang babae na kasama ng “dalawang nanay.” Ang mga aklat ay idinisenyo upang kumbinsihin ang mga bata na ang gayong mga pamilya ay normal at na ang homoseksuwalidad ay “basta isa pang uri ng pag-ibig.”

Biglang Paglakas ng mga Credit Card sa India

Hinihikayat ng malalaking kompaniya ng credit card ang pangungutang ng pera na malaon nang palatandaan ng kalagitnaang klase ng mga tao sa India. Ang magasing Asiaweek ay nag-uulat na bagaman 400,000 mga credit card lamang ang ginagamit sa India, parami nang paraming miyembro ng kalagitnaang klase, na may bilang na 150 milyon, ay “sumusunod sa ideya na pamumuhay ngayon at bahala na bukas.” Kaya, ang ibang mga bangkero ng India ay punô ng pag-asa tungkol sa hinaharap. Gaya ng sabi ng isa sa Asiaweek: “Kung ang paglawak at pag-unlad ay magpapatuloy gaya ng isinaplano, ang India ay magiging No. 2 credit-card market ng daigdig sa pagtatapos ng dantaon​—ikalawa lamang sa E.U.”

Mga Kabataang Pranses at ang Pagpapakamatay

Ang pagpapakamatay ay pangalawa na ngayon sa mga aksidente ng awto bilang sanhi ng kamatayan ng mga kabataang Pranses. Ang pahayagan ng Paris na Le Figaro ay nag-uulat na sa loob ng nakaraang dalawang dekada, nasaksihan ng Pransiya ang 130-porsiyentong pagdami ng mga pagpapatiwakal sa gitna ng mga lalaking mula 15 hanggang 25 anyos at isang 35-porsiyentong pagdami sa gitna ng mga babae sa katulad na edad. Tanging 3 porsiyento lamang ng mga pagpapakamatay na ito ay ipinalalagay na dahil sa ilang uri ng grabeng sakit sa isip. Sa karamihan ng mga tangkang pagpapakamatay ng mga kabataan, wala namang taimtim na pagnanais na mamatay kundi, bagkus, isang desperado, kung minsan ay nakamamatay, na paghahangad ng tulong. Ipinalalagay ng mga dalubhasa ang lumalagong kawalan ng pag-asa ng mga kabataan ngayon sa pagkasira ng pamilya, materyalismo, at sa araw-araw na pagbaba ng panlipunan at espirituwal na mga pamantayan.

Maagang Pagiging Ina

“Isa sa bawat pitong anak na ipinanganganak sa Amerikas ay anak ng isang tinedyer na ina, isang kabuuang bilang na 2.5 milyong mga sanggol taun-taon,” sang-ayon sa isang pag-aaral sa Hilagang Amerika na kinomentuhan sa O Estado de S. Paulo, isang pahayagan sa Brazil. Ang Brazil ang unang banggit na may 601,023 mga sanggol na isinilang sa mga inang tinedyer, ang Mexico ang pangalawa na may 498,277, at ang Estados Unidos ang pangatlo na may 430,389. Ang matataas na bilang ay nakagulat sa mga may-akda ng pag-aaral, na umaasang ang mga pagbabago sa lipunan at sa kabuhayan sa nakalipas na 25 taon ay dapat sanang nakabawas sa pagdadalang-tao ng mga tinedyer. Kumusta naman ang tungkol sa mga solusyon? Inirekomenda ng pag-aaral ang pagbibigay sa mga kabataan ng mga pangganyak na manatiling matagal sa paaralan, pagbutihin ang katayuan ng mga babae, at itaguyod ang pagkabirhen hanggang sa pag-aasawa.

Mga Paring May Asawa

Kamakailan, inawtorisa ni Papa John Paul II ang ordinasyon ng dalawang may asawang paring Braziliano. “Ang bagong mga pari ay lumagda ng mga dokumento kung saan sila’y nangako na hindi pananatilihin ang seksuwal na kaugnayan sa kani-kanilang asawa,” ulat ng pahayagan sa Brazil na O Estado de S. Paulo. Sang-ayon sa pahayagan, itinuturing ni Aloísio Lorscheider, kardinal ng Fortaleza, “ang ordinasyon ng mga lalaking may asawa na isang lunas sa kakulangan ng mga pari.” Binatikos din ng kardinal ang kahilingan ng simbahan na celibato (panatang hindi pag-aasawa ng mga pari). “Sang-ayon kay Dom Aloísio, ang celibato ay isang ‘lipas nang’ institusyon na walang saligan sa Bibliya,” sabi ng magasing Veja. “Ang celibato ay hindi nilikha ng Banal na Kasulatan at, samakatuwid, ay isang bagay na maaaring tanggihan.” Gayunman, patuloy na pinipili ng Vaticano ang mga paring celibato.

Pagbabayad-pinsala?

Sang-ayon sa National Catholic Reporter, ang pamahalaan ng Newfoundland ay nangangakong magbibigay ng pinansiyal na bayad-pinsala sa mga biktima ng seksuwal na pag-abuso sa mga bata sa bahay-ampunan ng Mount Cashel. Noong 1975 inimbestigahan muna ng pulisya ang mga paratang na ang ilan sa mga “Christian Brothers” na namamahala sa bahay-ampunan ay pisikal at seksuwal na inabuso ang mga batang lalaki roon. Ang imbestigasyon ay inihinto, at walang ginawang pag-aresto pagkaraang ang dalawa sa mga akusado ay sumang-ayon na umalis sa Newfoundland at ang tatlo pa ay umalis sa bahay-ampunan. Gayunman, noong 1989, ang imbestigasyon ay muling binuksan; walong “Christian Brothers” ay akusado ngayon ng pag-abuso sa bata. (Tingnan ang Gumising! ng Nobyembre 8, 1990, pahina 31.) Ipinahayag ng Attorney General na si Paul Dicks na ang gobyerno ay bigo sa tungkulin nito na pangalagaan ang inabusong mga ulila at magbabayad-pinsala kung kailangan. Gayunman, iginiit niya na ang pangunahing pananagutan na magbago ay nasa “Christian Brothers” at sa kanilang mga amo.

Paggasta sa mga Bata

Sa Latin-Amerika, sa 30 milyong batang abandonado mula sa edad na 6 hanggang 15 anyos, mga 2,000 ang namamatay araw-araw dahil sa malnutrisyon o karahasan, ulat ng pahayagan sa Brazil na O Estado de S. Paulo. Ngunit sang-ayon sa presidente ng UNICEF na si James Grant, ang perang ginagasta ng daigdig sa pakikipagbaka sa mga sakit ng bata at pambuong-daigdig na gutom ay “katumbas ng halagang ginagasta taun-taon sa [pag-aanunsiyo] ng mga kompaniya ng sigarilyo sa Estados Unidos.” Binabalak ng UNICEF na $2,500,000,000 ang dapat gugulin sa dekadang ito upang turuan ang madla tungkol sa mga suliranin ng mga bata. Binanggit ni Grant na ang daigdig ay gumugugol ng higit pa sa armas araw-araw at na ang mga mamimili sa Hilagang Amerika ay higit pa ang ginagasta taun-taon upang pakanin ang kanilang mga alagang hayop.