1492—Hindi Lamang ang Pagkatuklas
1492—Hindi Lamang ang Pagkatuklas
BAKIT ang 1492 ay isang mahalagang petsa sa kasaysayan ng tao? Ito ay karaniwang ginugunita bilang ang taon ng paglalayag ni Christopher Columbus mula sa Espanya upang tuklasin ang Bagong Daigdig sa kanluran. Gayunman, sa kaniyang aklat na The Conquest of Paradise, ginunita rin ni Kirkpatrick Sale ang petsa sa iba pang kadahilanan. Sulat niya:
“Noong Agosto 2, 1492, ang araw bago lumayag si Colón [Columbus] mula sa Palos [Huelva, Espanya], dumating ang huling araw para sa pagpapalayas sa buong populasyong Judio mula sa Espanya. Sang-ayon sa isang utos ng hari . . . , lahat ng Judio, anuman ang edad o kalagayan o katayuan, ay palalayasin. Ang pinakamainam na tantiya na mga 120,000 hanggang 150,000 katao ang napilitang tumakas sa mga tahanan at lupain na tinirhan ng kanilang mga pamilya sa loob ng mga salinlahi, sa ilang kaso ay sa loob ng mga dantaon, at dala-dala lamang ang kanilang personal na mga pag-aari—gayunman, hindi ang kanilang ginto, pilak, alahas, o salapi, na naiwan para sa haring [Katoliko] at sa mga ahente nito.”
Sa aklat ni Sale, napaulat sa kasaysayan noong taon ding iyon ang isa pang napakasamang pangyayari:
“Noong gabi ng Agosto 10, 1492, sa pagtataguyod ng kapangyarihan at salapi ni Ferdinand ng Aragon, si Rodrigo de Borja, isang kilalang miyembro ng pamilya Borgia ng Espanya, ay nagsuhol, nagbanta, nakipagtalo, at nanguwalta sa pamamagitan ng pananakot upang maging ang kataas-taasang papa, ang Kinatawan ni Kristo at ang Papa ng Iglesya sa Roma, kinukuha ang papang pangalan na Alexander VI. Isang taong mayaman at tiyak na namumuhay sa mataas na lipunan, sa kabila ng kaniyang sagradong mga panata, siya ang ama ng maraming bata kapuwa sa Castile at Roma, pati na si Cesare at si Lucrezia, . . . at kahit na noong kaniyang panahon ay kinilala bilang ang ultimong sagisag ng pagkapapa na noo’y nasa isang siglo-ang-haba na pagbaba ng moralidad. Ang kaniyang pagkapapa ay tinandaan . . . ng hayagang subasta sa kapaki-pakinabang na eklesiastikong mga tungkulin sa pinakamayaman at pinakatiwali sa kaniyang sagradong curia, at ng kaniya mismong panlilinlang sa tanggapan, kasali na ang panunuhol, seksuwal na pagtatagpo, ibinabahay na mga kerida, at bibigang pagbasa ng pornograpya mula sa aklatan ng papa.”—The Conquest of Paradise, pahina 13, 16.