Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang Gitara—Kung Ano ang Yari ay Siyang Tunog

Ang Gitara—Kung Ano ang Yari ay Siyang Tunog

Ang Gitara​—Kung Ano ang Yari ay Siyang Tunog

ANDRÉS Segovia, Carlos Montoya, at Chet Atkins ay mga pangalang kilala ng milyun-milyong tao sa buong daigdig. Sa ano sila magkakatulad? Inaaliw nila ang mga tagapakinig sa pamamagitan ng pagtugtog ng isang delikado, yari sa kahoy, de-kuwerdas na instrumento​—ang gitara.

Ang tunog ng gitara ay naririnig sa buong daigdig, tinutugtog kapuwa ng isang amatyur at propesyonal. Ang isa na may pananagutan sa lubhang paggalang dito ay ang yumaong pangkonsiyertong gitaristang Kastila na si Andrés Segovia, na nagpatanyag sa gitara at ginawa itong isang klasikal na instrumentong pangkonsiyerto.

Bakit napakapopular ng gitara? Malamang na dahil sa ang tunog nito, maging sa istilong flamenco, klasikal, o moderno, ay pumupukaw ng magkakaibang damdamin. At ang isa pang salik ay na ito ay napakadaling dalhin.

Anuman ang maaaring dahilan ng popularidad nito, ang paraan ng pagkakagawa ng isang gitara ay mahalaga sa tunog nito. Ang pinakamahuhusay na gitara ay kalimitan na ginagawa taglay ang matinding pag-ibig at pangangalaga ng isang tao na kilala bilang isang luthier (manggagawa ng mga instrumentong de-kuwerdas). Dalawin natin ang pagawaan ng isang luthier sa Tennessee, E.U.A., at panoorin natin ang paggawa ng isang gitara.

Kung Saan Inilalagay ang Kalidad sa Paggawa

Habang tayo’y tinatanggap sa loob ng kaniyang pagawaan, ang ating pansin ay napatuon sa napakaraming bunton ng mga kahoy. Ngunit hindi ito basta kung anong klase ng kahoy lamang. Ang bawat piraso ay maingat na pinili at inimbak para sa gagawing gitara sa hinaharap. Ang abeto rojo at ang sedro ay para sa ibabaw; ang palo de rosa, kamagong, at arce ay para sa likod at mga tagiliran; at ang kamagong at sedrong Kastila para sa pinaka-leeg. Para sa mga gitarang flamenco ang sipreng Kastila at sikomoro ay kalimitang ginagamit para sa likod at mga tagiliran. Nang kunin namin ang isang piraso, napuna namin na mayroon itong nakatatak na petsa. Ang kaibigan naming luthier ay nagpapaliwanag: “Hindi ko ginagamit ang anumang kahoy hanggang sa ito ay likas na tuyo na sa loob ng mga limang taon.” Bakit ganoon? “Sapagkat ang matagal na karanasan ay nagpapatotoo na ang edad, ang kalidad ng kahoy, at ang kasanayan ng isang luthier ang magpapasiya ng pangwakas na mga katangian ng isang gitara.”

Panoorin natin ang ating luthier samantalang siya ay gumagawa ng isang klasikal na gitara. Sa pangkalahatan ang mga gitara ay nababahagi sa dalawang kategorya: klasikal, o Spanish, at steel string. Anu-ano ang mga pagkakaiba? Sagot niya: “Ang mga pagkakaiba ng dalawa ay marami, subalit ang pagpili ng materyales para sa kuwerdas ang pinakamadaling paraan upang makilala ang bawat uri. Tulad ng ipinahihiwatig ng pangalan nito, ang steel-string na gitara ay may mga kuwerdas na metál. Ito ay ginawa sa maraming sukat at hugis. Sa kabilang panig naman, sa klasikal na gitara ang nylon o bituka ng hayop, catgut, ang materyales na ginagamit para sa tatlong kuwerdas at metál na may ikid na seda para naman sa tatlo pa.”

Mas gusto ng aming luthier na dalawin ng bawat mamimili ang kaniyang pagawaan upang mapakinggan niya itong tumugtog. Sa ganitong paraan ay maibabagay niya ang isang gitara para sa kaniyang kliyente. Papaano? Ganito ang paliwanag ng aming manggagawa: “Pinagmamasdan ko kung gaano kalakas nila kinakalabit ang mga kuwerdas, ang uri ng tunog na nililikha nila. Nais ko ring malaman kung papaano nila gagamitin ang gitara. Sa gayon ay maiaangkop ko ang paraan ng paggawa upang maibagay sa kanila nang personal. Sila ba ay tumutugtog nang marahan? Kung gayon ay tinitiyak kong mas manipis o mas maliit ang isang bahagi ng gitara upang mas madali itong makalikha ng tunog. Sila ba’y agresibo? Kung gayon ang gitara ay kailangang gawing mas mabigat ng kaunti.”

Paggawa​—Hakbang-Hakbang

Ang ibabaw na katawan, o sound table: Ang aktuwal na paggawa ay nagsisimula sa pagpili ng mga kahoy na gagamitin. Ang aming luthier ay maingat na pumipili mula sa salansan ng abeto rojo at manakanaka’y inilalapit ang isang piraso sa kaniyang tainga at tinatapik ito ng kaniyang daliri. Pinakikinggan niya ang maraming bagay; ang tunog ba ay malinaw, malakas, musikal, at pangmatagalan, o ito ba ay may mahina at hindi magandang tunog? Halos lahat ng ibabaw at likod ng katawan ay ginawa mula sa dalawang magkatugmang piraso ng kahoy. Ang mga ito ay nilagari mula sa isang tabla lamang at pagkatapos ay ibinuka na parang isang aklat. Sa ganitong paraan ang dalawang magkahati ay magkatulad na magkatulad at may iisang potensiyal sa musika.​—Tingnan ang larawan sa ibaba.

Ang roseta: Ang ibabaw ay pinaninipis hanggang sa humigit-kumulang ay 3 milimetro at ang napakagandang pampatibay sa sound-hole, o roseta, ay buong ingat na iniaakma sa loob ng isang bambang na inukit para roon. Ang roseta ay gawa mula sa mga piraso ng kahoy na may iba’t ibang kulay at isang dako kung saan maipahahayag ng isang luthier ang kaniyang kakayahan sa sining. Kadalasan ay nangangailangan ng maghapong paggawa upang gawin at ikalupkop ang isang roseta. Kapag ang kola ng roseta ay lubusang natuyo, ang ibabaw ay pinaninipis pa, kalimitan ay hanggang mga 2.5 milimetro. Ang ibabaw ngayon ay kokortehan sa balangkas ng isang gitara, at lahat ng mga nagpapatibay na suhay ay ikinokola sa ilalim ng pang-ibabaw ng bahagi. Ang mga suhay na ito ay mahalaga sa paglikha ng tunog at sa tibay ng isang gitara. Halos lahat ng mga luthier ay sumasang-ayon na ang ibabaw ang lumilikha ng karamihan sa mga tunog at siyang tanging pinakamahalagang bahagi ng isang gitara.

Ang palo de rosa mula sa Brazil ay kalimitang unang pinipili ng luthier para sa likod at mga tagiliran dahil sa magaganda nitong haspe, sarisaring kulay, at mga katangian sa paglikha ng tunog.

Ang Maselan na Gamit ng Kahoy

Mga tagiliran ng katawan: Susunod ay paninipisin ng luthier ang tagiliran ng gitara na yari sa kahoy na palo de rosa ng hanggang mga 2.4 milimetro. Pagkatapos ay ang isa sa pinakamahirap na hakbang, ang pagkukurba sa mga tagiliran sa hugis ng isang gitara. Ang mga tagiliran na yari sa palo de rosa ay kadalasang ibinababad sa tubig sa loob ng 24 oras, saka huhubugin sa pamamagitan ng pagdiriin nito sa isang mainit na tubo. Ang tubig sa kahoy ay sisingaw, na magpapalambot sa kahoy, na magpapangyari rito na unti-unting mahutok sa ninanais na hugis. “Aba, oo,” ang sabi ng aming luthier, “ako ay nakasira ng ilan noong ako’y nag-aaral pa lamang.” Pinipili ng luthier na gumagawa ng ilang pirasong gitara lamang na hubugin ang mga tagiliran sa ganitong paraan sapagkat ipinahihintulot nito na mabago niya nang bahagya ang kurba ng mga tagiliran sa bawat gitara, at bihirang ang dalawa sa kaniyang mga gitara ay magkatulad na magkatulad sa hugis.

Ang pinaka-leeg: Ngayon ay narito na ang patiunang paghuhugis ng pinaka-leeg. Ang mga kahoy na kalimitang ginagamit ay ang kamagong at sedrong Kastila. Ang mga kahoy na ito ang pinipili dahil sa kanilang tibay, katatagan, at pagiging magaan. Yamang ito ay isang klasikal na gitara, susundin nito ang paraan ng paggawa ng Kastila, na nangangahulugang ang mga tagiliran ay ikokola sa makikipot na butas na nasa leeg, at ang pinaka-leeg ay hindi tanggalin, gaya ng ibang mga gitara. Magagawa lamang ang pangwakas na paghuhugis pagkatapos na ang gitara ay ganap nang nakolahang sama-sama.

Ang ibabaw ngayon ay ikinokola sa mga tagiliran, subalit yamang ang mga tagiliran ay napakanipis, ang mahaba’t makitid na pilas ng kahoy na tinatawag na lining ay hinuhubog at ikinokola sa mga gilid. Ang kahoy na willow kung minsan ang pinipili dahil ito ay magaan at madaling hubugin kapag nababad sa tubig.

Ang likod: Susunod, pasisimulan ng aming luthier na gawin ang likod na yari sa Brazilianong palo de rosa. Mas gusto ng karamihan sa mga luthier na gumamit ng isang likod na katugma ng kulay at haspe ng mga tagiliran. Pakinggan mong mabuti habang pinaninipis nang kaunti ng ating manggagawa ang likod, hinahawakan ito at susubukan ang katigasan nito sa pamamagitan ng pagbaluktot nito, tatapikin ito at pakikinggan ang taginting nito, at pagkatapos ay ninipisan pa. Kapag sapat na ang nipis ng kahoy, ang tunog nito ay parang taginting ng hinampas na metál. Ang tatlong magkakrus na mga suhay ang susunod na ikokola. Ang mga ito ay kadalasang yari mula sa abeto rojo o kamagong, na pinili dahil sa kanilang tibay, gaang, at katatagan sa pagbabagu-bago ng kahalumigmigan. Ang kanilang tibay ay mahalaga, yamang ang likod ay napakanipis. Para sa susunod na hakbang, ang likod ay ikinokola na katulad ng ginawa sa ibabaw.

Ngayon ay magsisimula na itong magtinging isang gitara. Ang ibabaw at likod ay hinayaan na medyo malaki nang kaunti, kaya ito ngayon ay tinatabas sa pangwakas na hugis. Para pangalagaan ang mga gilid ng gitara, ang maninipis na pilas ng kahoy ay ikinokola sa paligid ng mga gilid ng ibabaw at likod. Ang palo de rosa ay kalimitang pinipili dahil sa ganda at tibay nito.

Kung Saan Nagsisimula ang Musika

Ang fingerboard at ang bridge: Tanging ang fingerboard na de ebano at ang bridge na yari sa palo de rosa ang hindi pa naikokola. Ang fingerboard ay pinaninipis ng hanggang 6 na milimetro at nilalagari sa pangwakas na balangkas nito. Ang metal na mga fret o ridges, ay saka ilalagay sa mga hiwa sa fingerboard sa wastong layo na mga pagitan. Ang mga pagitan ay itinatakda sa pamamagitan ng isang tiyak na sukat at ang kanilang eksaktong kinalalagyan ay napakahalaga. Kapag ito ay wala sa tamang kinalalagyan, agad-agad maririnig ang pagkakamali, at ang gitara ay magiging hindi kasiya-siya. Ang fingerboard ay ikinokola sa patiunang hugis ng pinaka-leeg, at pasisimulang gawin ang huling mahalagang piraso, ang bridge.

Ang bridge ay isang maliit na piraso ng palo de rosa, na ikinokola sa ibabaw ng katawan, kung saan nakatali ang mga kuwerdas. Ang kinalalagyan nito ay kasing-halaga rin ng paglalagay ng agwat sa fret at itinatakda rin nang katulad na tiyakang sukat. Hindi, hindi kailangang kalkulahin ito ng ating luthier sa bawat gitara. Gagawa lamang siya ng gitara na iisa ang sukat at gagamitin ang gayong agwat sa bawat isa. Ang paraan ng pagkokola ng bridge ay mahalaga. Ang ilang mga gitarista ay nagkaroon ng nakahihiyang karanasan na nakalas ang bridge! At isip-isipin lamang, kung maaalaala mo na ang binanat na kuwerdas ng gitara ay gumagamit ng lakas na mahigit na apatnapu’t limang kilo, at idagdag mo pa rito ang puwersa na malilikha ng pagyanig ng mga kuwerdas.

Isang Makinis na Pagkagawa

Subalit medyo nauuna yata tayo. Natatandaan mo pa ba iyong patiunang hinugis na pinaka-leeg? Aba, kailangan itong ukitin sa pangwakas na hugis nito. Ang ating luthier ay nagpapaliwanag: “Gusto kong naririto sa pagkakataong ito ang may-ari ng bagong gitara para sang-ayunan niya ang hugis ng pinaka-leeg, yamang mahahalata ng isang mahusay na gitarista kahit na ang 1 milimetrong diperensiya sa kapal! ”

Ang ating gitara ay halos tapos na. Ang natitira na lamang ay ang pangwakas na paglilinis, pagpapakinis, at pagliliha. Minsang nasiyahan na ang ating luthier sa kinis at hugis ng kaniyang ginawa, babarnisan na niya ito para mapangalagaan ang gitara.

Iba-iba ang opinyon ng mga luthier sa kung ano ang pinakamahusay na barnis para sa gitara. Gayumpaman, karamihan sa makabagong mga luthier ay gumagamit ng isang madaling matuyong barnis, na ini-isprey. Kung barnis ang ginamit, ang gitara ay maaari nang kinisin at ang instrumento ay maaari nang patugtugin sa loob ng dalawang linggo. Aling pamamaraan ng pagbabarnis ang makagagawa ng pinakamahusay ang tunog na gitara? Ang ating kaibigan ay sumasagot: “Iba-iba ang mga palagay, subalit marami sa matatandang gitara mula sa Espanya ay ginamitan ng isang uri ng barnis na Pranses. Gayunman, ang ganitong pagbabarnis, ay kalimitan nang nangangailangan na ulitin pagkalipas ng mga limang taon.”

Musika sa Wakas!

Habang natatapos ang gitara ay lalo naman tumitindi ang ating pananabik! Ang mga kuwerdas ay ikinakabit sa bridge at sa kabilang dulo sa pihitang pantono, o pegs, na nasa uluhan ng gitara. Sa wakas ay ang pagtotono. Ihihinto na ang pagpihit sa kuwerdas at pinananatiling nasa tono, sa tamang nota. Sa wakas, pagkatapos ng matagal at matiyagang pamamaraan, mayroon na tayong isang gitara!

Subalit hindi pa iyan handa para sa propesyonal na gamit. Ganito ang paliwanag ng luthier: “Kalimitang ang isang bagong gitara ay hindi pa nakaaabot sa pinakamagaling na kalagayan nito kundi pagkatapos lamang ng mga anim na buwan na paggamit nito. Sa pangkalahatan, marami kang masasabi tungkol sa potensiyal ng isang gitara sa sandaling matapos ang pagkakagawa nito. Ang mga nota ba nitong mababa ay buung-buo at dumadagundong? Ang matataas na nota ba ay tumataginting na parang isang maliit na kampanilyang kristal? Ang gitara ba ay tumutugon sa katimbang na tunog saanmang dako ng fingerboard ito tugtugin? Ang kalidad ng mga tunog na nililikha ng isang musikero ay nakasalalay nang malaki sa kasanayan ng isang luthier na pumili ng pinakamahusay na materyales at pagsama-samahin ito sa isang disenyo na magpapangyari na magamit ang pinakasukdulang potensiyal nito.”

Kaya sa susunod na pagkakataon na ikaw ay mabighani na makinig sa ilang mahuhusay na manunugtog ng gitara, tandaan na ang yari ng gitara, ang pagpili sa materyales at ang kasanayan ng luthier, ang nagpapasiya kung ano ang tunog nito.​—Isinulat.

[Mga larawan sa pahina 15]

Kaliwa: Ang tabla ng kahoy na kung saan ginawa ang dalawang magkahati na ibabaw ng katawan

Kanan: Ang pag-aakma ng roseta at ang paghuhubog sa mga tagiliran

[Mga larawan sa pahina 16]

Itaas: Pag-aakma ng mga suhay sa ibabaw na katawan

Ibaba: Paglalapat ng mga tagiliran

[Larawan sa pahina 17]

Pag-aakma ng mga fret sa pinaka-leeg