Anong Masama sa Poligamya?
Ang Pangmalas ng Bibliya
Anong Masama sa Poligamya?
Ang problema ni Jane ay nagsimula nang ang tatay niya ay nakasumpong ng trabaho sa isang lungsod. a Doon, malayo sa kanilang tahanan sa bukid sa Aprika, ang tatay ay nakisama sa ibang babae. “Ang buhay ay hindi madali para sa amin,” sabi ni Jane, “sapagkat hindi kami pinansiyal na sinusustentuhan ng aking tatay; sinusuportahan niya ang kaniyang pangalawang asawa at ang kaniyang mga anak. Sa mga huling taon ko sa pag-aaral, madalas akong matulog na gutom. Ang aming tahanan ay gibang-giba. Kung mga dulo ng sanlinggo sinisikap kong tulungan ang aking nanay sa pagtitinda ng prutas, subalit hindi pa rin namin mapagkasiya ang mga pangangailangan. Madalas akong umiyak gabi-gabi.”
ANG karanasan ni Jane ay nagpapakita sa mga kahirapan na dulot ng maraming asawang kaayusan ng pag-aasawa sa walang malay na mga tao. Ang mga taong nagsasalita-ng-Venda sa timog Aprika ay may pangalan, muhadzinga, na maaaring itawag ng isang asawang babae sa ibang asawa sa isang kaayusan ng sambahayang maraming asawa. Galing ito sa isang salitang nangangahulugang “inihaw,” na marahil ay mainam na naglalarawan sa problema na gawa ng poligamya sa pagitan ng mga asawang babae.
‘Ngunit,’ maitatanong mo, ‘masama ba ang poligamya? Kung gayon, bakit ang ilang kilalang tauhan sa Bibliya ay maraming asawa?’
Poligamya sa Bibliya
Ang poligamya ay pinayagan ng Diyos sa loob ng isang panahon, yamang ito ay nakatulong sa katuparan ng kaniyang pangako kay Abraham: “Gagawin kitang isang malaking bansa.” (Genesis 12:2; Exodo 1:7) Noong panahong iyon, ang asawa ni Abraham, si Sara, ay walang anak. Sa wakas, nakiusap siya kay Abraham na bigyan siya ng anak sa pamamagitan ng kaniyang aliping babae, si Hagar. Kapansin-pansin, maliwanag na inilalarawan ng Bibliya ang mga problema na idinulot nito sa sambahayan ni Abraham.—Genesis 16:5, 6; 21:8-10.
Kung tungkol kay Jacob, ang apo ni Abraham, nais niyang mapangasawa ang isa lamang babae, si Raquel. (Genesis 44:27) Ang biyenang-lalaki ni Jacob, si Laban, ang luminlang sa kaniya na mapangasawa ang dalawang anak na babae ni Laban, si Raquel at si Leah. (Genesis 29:21-28) At sa paghimok ng mga asawang ito na si Jacob ay nagkaanak sa kanilang mga aliping babae, sina Bilha at Zilpa. Minsan pa, hindi itinatago ng Bibliya ang maraming problema na dulot ng poligamya sa malaking sambahayan ni Jacob.—Genesis 29:30, 31; 30:1-3, 15, 16, 20; 37:2-4; 44:20-29.
Iniuulat din ng Bibliya ang kuwento tungkol kay Elcana, na ama ni Samuel na propeta, at ang dalawang asawa ni Elcana, sina Ana at Peninna. Si Ana ay pinagmamalupitan ni Peninna anupa’t madalas siyang umiyak at mawalan ng gana. Si Peninna, sa kaniyang bahagi, ay malamang na nagseselos sapagkat si Elcana ay nagpapakita ng higit na pag-ibig kay Ana.—1 Samuel 1:4-7.
Oo, ang kaugalian ng poligamya ay nagdulot ng kahirapan. Bagaman ito ay pinayagan sa sinaunang bayan ng Diyos, maliwanag na ipinakikita ng Bibliya kung baga orihinal na nilayon ng Diyos na ang lalaki ay magkaroon ng maraming asawa.
Ang Orihinal na Pamantayan ng Diyos
Upang maunawaan ang pamantayan ng Diyos sa pag-aasawa, kailangang bumalik tayo sa pasimula ng kasaysayan ng tao. Inilalarawan ng Salita ng Diyos ang pagkaakit na nadama ni Adan nang siya’y ipakilala sa kaniyang bagong kalalalang na asawa, si Eva. “Ito sa wakas ay buto ng aking mga buto at laman ng aking laman,” sabi niya. “Iyan ang dahilan,” patuloy ng Bibliya, “na iiwan ng lalaki ang kaniyang ama at ang kaniyang ina at makikipisan sa kaniyang asawa at sila’y magiging isang laman.”—Genesis 2:21-24.
Para sa pag-aasawang Kristiyano, isinauli ni Jesus ang orihinal na pamantayan ng Diyos—monogamya. (Mateo 19:4, 5) Isa pa, ipinakita niya na ang mga mag-asawa ay dapat ngayong manghawakan sa pamantayang ito ng Diyos. Gaya ng sabi niya: “Kaya nga hindi na sila dalawa, kundi isang laman. Samakatuwid, ang pinagsama nga ng Diyos ay huwag papaghiwalayin ng tao.” (Mateo 19:6) Kaya, dapat ingatan ng isang Kristiyanong may-asawa ang pagsasama ng “isang laman” na umiiral sa pagitan niya at ng kaniyang legal na asawa. b Ang seksuwal na pakikipagtalik sa ikatlong tao ay lumalapastangan sa kaayusang iyon ng Diyos. Ang gayong pagkilos ay ipinagbabawal sa kongregasyong Kristiyano.—1 Corinto 5:11; 6:9, 16, 18; Hebreo 13:4.
Hindi kataka-taka, kung gayon, na may pagsang-ayong binabanggit ng Bibliya ang mga Kristiyanong may isa lamang asawang babae. (1 Corinto 9:5; 1 Timoteo 3:2) Ang Bibliya ay nagpapaliwanag: “Hayaang ang bawat lalaki ay magkaroon ng kaniyang sariling asawa [hindi mga asawa] at bawat babae ay magkaroon ng kaniyang sariling asawa [hindi isang lalaki na mayroon nang legal na asawa].”—1 Corinto 7:2; Kawikaan 5:18.
Nang malaman ang tungkol sa pagbabawal ng Bibliya sa poligamya, lakas-loob na iniayon ng iba ang kanilang buhay sa kalooban ng Diyos. Isaalang-alang si Juan, na nakatira sa isang lungsod sa sentral Aprika. c Dati’y mayroon siyang tatlong asawa. Subalit pagkatapos mag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova, si John ay personal na nagpasiya at sinangguni ang kaniyang mga asawa. Pagkatapos na gumawa ng mga kaayusan para sa hinaharap na sustento ng kaniyang ikalawa at ikatlong asawa at ng kanilang mga anak sa dating kaayusan ng maraming asawa, sila’y nagbalik sa kani-kanilang tahanan sa bukid. Sa ganitong paraan si John ay naging kuwalipikado para sa pribilehiyo na maglingkod sa Diyos na kasama ng kongregasyon doon. Naranasan din niya ang iba pang pagpapala.
“Gabi-gabi,” sabi niya, “umuuwi ako sa isang bahay na punô ng problema. Halimbawa, pipintasan ng isang asawa ang mga anak ng ibang asawa, at ang mga bata ay magkakampihan. Ang unang bagay na kailangan kong gawin ay ayusin ang gulo. Ngayon na natutuhan kong makipisan sa isang asawa, ang aking tahanan ay naging isang dako ng kapahingahan at kapayapaan.”
Oo, ang kapayapaan kasama ng pagpapala ng Diyos ay sulit sa pagsisikap.—Roma 12:1, 2.
[Mga talababa]
a Hindi ginamit ang tunay na pangalan.
b Binabanggit ng The New International Dictionary of New Testament Theology na ang Griegong ekspresyong isinaling “isang laman” sa Mateo 19:5b ay may pantanging kahulugan na gaya ng salin sa mga salitang Hebreo sa Genesis 2:24 at nagpapahiwatig ng “isang ganap na pagka-kasama ng lalaki at babae na hindi maaaring sirain nang hindi pinipinsala ang mga kasali rito.”
c Hindi ginamit ang tunay na pangalan.
[Blurb sa pahina 27]
“Ang seksuwal na pagseselos at pagtataltalan ay karaniwang mga problema sa kaayusan ng pamilya [na maraming asawa]; at ang asawang lalaki ay kailangang maging matalino, malakas, diplomatiko, at listo upang maingatan ang pagkakaisa.”—The New Encyclopædia Britannica
[Larawan sa pahina 26]
Terra-cotta na ceramic ng grupo ng pamilyang Aprikano; lalaking Igbo at mga asawa
[Credit Line]
Sa kagandahang-loob ng Britanong Museo