Kung Gayon Bakit Mo Ginagawa Ito?
Kung Gayon Bakit Mo Ginagawa Ito?
“Bilang isang maninigarilyo mismo, hindi ko matutulan ang bagay na isang kamangmangan ang sumunod sa isang bisyo. Nalalaman ngayon ng sinuman na hindi pa makapagpasiyang huminto na isinasapanganib ng paninigarilyo ang kalusugan ng isa. Ito’y marumi, napakaruming bisyo na nagkakahalaga ng malaki. . . . Para sa mga maninigarilyo, ang buhay ay isang mahabang pagkakasunud-sunod ng maruruming abuhan, mga mantsa ng nikotina, mga marka ng sunog at magastos na kuwenta sa dry-cleaning—ang resulta ng mga damit na nangangamoy usok.”—Diane Francis, magasing Maclean, Canada.
“Ang mga maninigarilyo ay makakaasa ng mas maikling buhay kaysa mga hindi maninigarilyo: halimbawa, ang buhay ng isang 25-anyos na nagsisigarilyo ng 2 kaha ng sigarilyo isang araw ay mababawasan ng 8.3 taon kaysa isa na hindi naninigarilyo. Ang mga maninigarilyo ay 3 ulit na malamang na mamatay dahil sa kanser kaysa mga hindi naninigarilyo.”—The Columbia University College of Physicians and Surgeons Complete Home Medical Guide.
“Taun-taon ang mga sigarilyo ay pumapatay ng mas maraming Amerikano kaysa napatay sa Digmaang Pandaigdig I, Digmaan sa Korea, at Vietnam na pinagsama-sama; halos kasindami ng namatay sa Digmaang Pandaigdig II. Taun-taon ang sigarilyo ay pumapatay ng limang ulit na mas maraming Amerikano kaysa namamatay sa mga aksidente sa trapiko. Ang kanser sa bagà lamang ay pumapatay ng kasindaming tao na namamatay sa daan. Ang industriya ng sigarilyo ay nagbebenta ng isang nakamamatay na sandata.” (Senador Robert F. Kennedy, Unang Pandaigdig na Komperensiya sa Paninigarilyo at Kalusugan, Setyembre 11, 1967)—The Cigarette Underworld, inedit ni Alan Blum, M.D.
“Ang tabako ay pumapatay ng humigit-kumulang dalawa at kalahating milyon katao sa bawat taon sa buong daigdig. Ito ang kaisa-isang, maiiwasang sanhi ng kamatayan sa daigdig ngayon. . . . Nakukuha sa anumang anyo, ito ay mapanganib, magastos at nakasusugapang bisyo.”—Dr. Judith Mackay, ehekutibong direktor ng Hong Kong Council on Smoking and Health, sinipi sa magasing World Health.
“Kung ang kamay na minsang nagpakain sa akin ay ang industriya ng tabako, kung gayon ang kamay ring iyon ang pumatay sa angaw-angaw na mga tao at patuloy na papatay ng angaw-angaw pa malibang ang mga tao’y magising sa mga panganib ng sigarilyo. . . . Nais kong tulungan ang mga tao na magising sa kung gaano nakalalason ang mga sigarilyo.”—Patrick Reynolds, apo ng nagtatag ng R. J. Reynolds Tobacco Company.
Kung gayon bakit angaw-angaw na mga lalaki, babae, at mga kabataan ang humihitit ng tabako? Para sa iba ang sagot ay maaaring dahil sa panggigipit ng mga kasama, ang pagnanais na magtinging sopistikado. Ngunit para sa marami ang sagot ay simpleng pagkasugapa na humahantong sa pamimilit. Gaya ng sabi ng isang awtoridad sa medikal na pagpapayo: “Ang tunay na dahilan kung bakit nagsisigarilyo ang karamihan ng mga tao ay na sila ay sugapa sa isang malakas na droga na masusumpungan sa tabako—ang nikotina.”
Kung gayon paano maaaring huminto ang isang maninigarilyo? Sa pagkakaroon ng malakas na pangganyak, mas malakas kaysa paghahangad ng katawan sa nikotina. Para sa isang tao na nagsisikap makaabot sa mga pamantayang Kristiyano, ito’y mangangahulugan ng pagkakaroon ng pag-ibig sa Diyos at sa kapuwa na nakahihigit sa masakim na pagnanasa ng laman.—Mateo 22:37-40; 1 Corinto 13:5, 7, 8.
Gaya ng sinasabi ng sinipi kaninang aklat sa medisina: “Dapat tandaan ng mga maninigarilyong nais huminto ang nakasusugapang katangian ng droga na nikotina at maging handang tanggapin ang withdrawal symptoms bilang isang natural na resulta ng paghinto. Dapat nilang tandaan, na ang withdrawal ay pansamantalang kalagayan lamang na, bagaman hindi kaaya-aya, ay hindi nakapipinsala. Bawat gumagamit ng tabako, gaano man kasugapa, ay maaaring huminto sa paninigarilyo.”—The Columbia University College of Physicians and Surgeons Complete Home Medical Guide.
Kung nais mo ng tulong upang magkaroon ng pangganyak na kinakailangan upang huminto sa paninigarilyo, malayang makipag-alam sa mga Saksi ni Jehova sa kanilang lokal na Kingdom Hall o sa pamamagitan ng direksiyon ng mga tagapaglathala ng magasing ito.