Mga Loterya—Bakit Napakapopular?
Mga Loterya—Bakit Napakapopular?
BAKIT ba naglalaro ng loterya ang mga tao? “Ito’y nakalilibang, ito’y nakatutuwa,” sabi ng isang babaing tagapagsalita ng lupon ng loterya. Marahil nga, subalit ang pangunahing pang-akit ay tiyak na ang premyong salapi. Magagamit ng halos lahat ang kaunting ekstrang salapi. At ang mga loterya ay nangangako ng maraming salapi. Sa di-tiyak na daigdig ngayon ng tumataas na mga presyo, mga pagbagsak ng stock-market, at walang-asensong trabaho, angaw-angaw na mga tao ang naniniwala na ang pagwawagi sa loterya ang tanging maiisip na paraan upang sila’y maging di kapani-paniwalang mayaman.
Nakadaragdag pa sa pang-akit, ang mga loterya ay simple at madaling laruin. Maraming klaseng loterya, gaya ng Lotto, mga numero, at mga laro kung saan kinukuskos mo ang papel upang makita ang natatagong mga numero, subalit ang lahat ng ito ay may dalawang bahagi. Ang una ay na ang mga naglalaro ay nananalo kapag ang bilang na nasa kanilang tiket ay katugma niyaong binubunot ng mga tagapagsaayos nito. Ikalawa, di-gaya ng ibang klase ng sugal, walang pantanging kasanayan o kaalaman ang kinakailangan upang manalo. Ang panalo o pagkatalo ay ganap na nagkataon lang.
Ang mga tao’y naglalaro rin ng loterya sapagkat madaling bumili ng mga tiket. Karamihan ng mga Amerikano ay makabibili nito sa lokal na mga tindahan ng groseri. Saanman, kung walang malapit na tindahan ng tiket ng loterya, ang mga manlalaro ay maaaring tumaya sa pamamagitan ng koreo, telepono, telex, o fax.
Ano ang Bago sa mga Loterya?
Ang mga loterya ba’y bago? Hindi. Sa mga kapistahan sa sinaunang Roma, ang mga emperador na sina Nero at Augustus ay nagbigay ng mga alipin at mga ari-arian bilang mga premyo. Ang isa sa unang naitalang premyong salapi ay malamang na ibinayad noong 1530 sa isang loterya sa Florence, Italya. Sa sumunod na mga dantaon, ang mga loterya ay umunlad sa Europa. Ang mga loterya ay lumago rin sa maagang Amerika, nagdadala ng pera na tumulong upang tustusan ang Jamestown, ang Continental Army, at ang pagtatayo ng kilalang mga unibersidad, gaya ng Harvard, Dartmouth, Yale, at Columbia.
Gayunman, noong ika-19 na siglo, ang negosyo ay nagkaproblema. Ang mga mananalansang ay nagreklamo laban sa lansakang pagsusugal at nagparatang na ang mga pagbunot ay may daya. Ang mga loterya ay punô ng panunuhol, katiwalian, at krimen. Ang pribadong mga tagapagtaguyod ang
humahakot ng pagkalaki-laki pakinabang. Bunga nito, ang mga loterya sa Estados Unidos, Pransiya, at Britaniya ay ipinagbawal.Wakas ng kuwento? Maliwanag na hindi. Ang mga loterya ay patuloy na umunlad sa ibang lugar—sa Italya, halimbawa, at sa Australia. Si Carlos III ng Espanya ay gumawa ng isang loterya noong 1763; ang modernong bersiyon nito ay itinatag ng batas noong 1812. Itinaguyod ng bansa at bansa ang loterya.
Noong 1933, inalis ng Pransiya ang pagbabawal nito at itinatag ang Loterie nationale. Noon ding 1930’s, itinayo ng Ireland ang kilalang Irish Hospitals’ Sweepstake nito. Ang Takarakuji ng Hapón ay nagsimula noong 1945. Sinang-ayunan ng Britaniya ang taya sa football at pagbunot ng premium bond, mga loterya nga ngunit hindi nga lang sa pangalan. At noong 1964 ang Estados Unidos ay nagbalik sa negosyong ito.
Pagkatapos noong 1970’s, dalawang pangyayari ang bumago sa operasyon ng loterya. Ang una ay ang pagpapakilala ng mga computer na nauugnay sa mga retail terminal. Ngayon posible nang magsaayos ng maramihan, madalas na mga laro kung saan maaaring piliin ng mga manlalaro ang kanila mismong numero. Hindi na kinakailangang maghintay ng mga linggo o buwan upang malaman kung sila’y nanalo; malalaman ng mga manlalaro ang resulta sa loob ng ilang araw, oras, o minuto pa nga.
Ang ikalawang pangyayari ay ang pagpapakilala ng Lotto, isang laro kung saan ang tsansang manalo ay malaki. Sa Lotto, kapag hindi napanalunan ang jackpot, ito ay isasama sa susunod na mga laro. Sa wakas, ang premyong salapi ay maaaring maging milyun-milyong dolyar. Sa Lotto, lumakas ang benta, at ang negosyo ay lumaki, talagang malaki.
Pang-akit sa mga Tagapagtaguyod
Bakit itinataguyod ng mga gobyerno ang pagsusugal? Sapagkat ito’y isang madaling paraan upang magkaroon ng pera nang hindi tinataasan ang mga buwis. Kung ibinabalik ng mga slot machine at roulette ang 95 porsiyento ng nakukuha nitong pera bilang premyong salapi, wala pang 50 porsiyento ang ibinabalik ng mga loterya. Halimbawa, sa Estados Unidos noong 1988, halos 48 sentimos ng bawat dolyar sa loterya ang ibinayad sa mga premyo at 15 sentimos ang nagtungo para sa pagpapalaganap, benta, at administrasyon. Ang natitirang 37 sentimos ay ginamit upang tustusan ang pangmadlang mga pagpapabuti, edukasyon, pangangalaga sa kalusugan, at tulong sa mga matatanda na. Sa buong bansa, iyan ay umabot ng $7.2 bilyon.
Subalit hindi inoorganisa ng mga gobyerno ang mga loterya upang kumita lamang ng salapi. Kung hindi sila sasali sa negosyo, maaari silang malugi. Ang kanilang mga mamamayan ay maaaring maglaro sa ibang lugar. Kaya kapag ang isang bansa o estado ay nagsisimula ng isang loterya, ang mga kalapit nito ay nagigipit na gawin din iyon. Ang mabilis na paglaganap nito ay kitang-kita sa Estados Unidos. Noong 1964 may isang lamang loterya ng Estado; noong 1989 may 30.
Mga Pangarap sa Kayamanan
Mangyari pa, maraming tao ang nagnanais makakuha ng isang piraso ng dolyar ng bumibili ng tiket. Kaya paano ba kinukumbinsi ng mga tagapagtaguyod ang publiko na gumastos ng salapi sa mga loterya? Pag-aanunsiyo! Tawagin ang propesyonal sa panghihikayat!
Idiniriin ba ng mga anunsiyo na ang bahagi (maliit na bahagi) ng nalikom na salapi ay tutulong upang tustusan ang edukasyon o maglalaan ng pangangalaga para sa mga may edad na? Hindi nga! Bihira iyang binabanggit. Sa halip, idiniriin ng anunsiyo kung anong laking katuwaan ang manalo ng milyun-milyong dolyar. Narito ang ilang halimbawa:
◻ “Ang Hindi Kapani-paniwalang Istilo ng Pamumuhay ng Mayayaman & Tanyag ay Maaaring Maging Iyo Kaagad . . . Kapag Ikaw ay Maglalaro ng Kilalang, Multi-Milyong Dolyar na LOTTO 6/49 ng Canada.”
◻ “ANG LOTERYA NG FLORIDA . . . Yumaman sa Pinakamalaking Loterya ng Amerika.”
◻ “Perang Gawa sa Alemanya—TAMAAN ITO at maging Milyonaryo sa magdamag.”
Matinding panghihikayat? Tiyak iyan! Ang mga pagsisikap upang bawasan ang pag-aanunsiyo ay karaniwang nagwawakas kapag ang mga tiket ay hindi mabenta. Sa katunayan, ang mga tagapagtaguyod ay bumabaling sa mas matinding mga laro at pagbebenta upang akitin ang bagong mga manlalaro at panatilihing interesado ang dating mga manlalaro. Ang mga tagapagtaguyod ay dapat na laging nag-aalok ng isang bagay na mukhang bago. Ganito ang sabi ng direktor sa loterya ng Oregon na si James Davey: “Mayroon kaming mga tema para sa pagsusugal, gumagawa kami ng matatayog na mga tagumpay. Kung Pasko ay gumagawa kami ng Pera para sa Kapaskuhan. Sa pamamagitan ng Masuwerteng mga Bituin nilalaro namin ang mga tanda sa astrolohiya ng mga tao. Nasumpungan namin na kung magsasaayos ka ng dalawa o tatlo, apat o limang laro nang sabay-sabay, mas maraming tiket kang maipagbibili.”
Subalit ang pinakamalaking pang-akit sa paano man ay ang pagkalaki-laking jackpot. Sa Lotto, nang ang premyong salapi ay tumaas, gaya nang ito’y umabot ng $115 milyon sa Pennsylvania noong 1989, ito’y naging isang malaking balita. Ang mga tao ay nagmadali sa pagbili ng mga tiket sa kung ano ang tinawag ng isang awtor na isang “matinding pagkabalisa sa pagkain ng sugarol.” Sa gitna ng histerya, kahit na yaong karaniwang hindi naglalaro ng loterya ay bumili ng tiket.
[Kahon sa pahina 6]
Pagkahibang sa Pagsusugal at Relihiyon
“Ang Iglesya Katolika ang nagturo sa akin na magsugal. Bingo at mga paripa ay tiyak na walang pinagkaiba sa mga loterya. Kung ang Iglesya Katolika ay mangunguna at ihihinto ang lahat ng pagsusugal, isasaalang-alang ko ang ideya na huwag maglaro ng loterya. Kung ako’y masakim, ito’y dahilan sa ito’y halos isang sakramento sa Simbahan.”—Mambabasa sa magasing U.S. Catholic.
“Pagkatapos ng Misa kung Linggo, ang ikalawang pinakamaraming dumadalong pagtitipon sa mga simbahang Katoliko ay ang lingguhang mga palaro ng bingo, sang-ayon sa isang surbey ng mga parokyang Katoliko na isinagawa ng Notre Dame University.” Gayunman, sinasabi ng ilang pari na ang karamihan niyaong dumadalo sa mga palaro ng bingo ay hindi nagsisimba.—The Sunday Star-Ledger, New Jersey, E.U.A.
“Si San Pancras ay Nagdala ng Suwerte sa Madrid” ang paulong-balita sa lingguhang babasahing Kastila na ABC, internasyonal na edisyon. Ang artikulo ay nagpapatuloy: “ ‘Si San Pancras’ paulit-ulit na bulalas ng dalawang empleado ng tindahan ng loterya . . . kung saan ipinagbili nila ang tanging serye ng 21515, ang ‘gordo’ [malaking] halaga na 250 milyon [pesetas, o ngayon, ay $2,500,000, U.S.], na ipinamahagi sa Madrid. Ipinagtapat [ng mga empleado] na sila ay nagdasal sa santo, na ang imahen ay namumuno sa kanilang bahay-kalakal at kung saan sila ay naglagay ng isang munting sanga ng parsley, upang magkaroon ng suwerte na ipagbili ang Pamaskong ‘gordo.’ ”
“Sinisikap na humanap ng paraan upang ipaliwanag ang kanilang mabuting kapalaran, ang mga dating nanalo ay naniniwalang pinili sila ng Diyos at ng kapalaran na manalo ng salapi. . . . ‘Nais naming maniwala na ang mabuting kapalaran at ang masamang kapalaran ay ipinalalagay na bunga ng isang bagay, hindi nagkataon lamang,’ sabi ni Dr. Jack A. Kapchan, isang propesor sa sikolohiya sa University of Miami. ‘At ano pa ang maipalalagay mo rito kundi na ito’y buhat sa Diyos?’ ”—The New York Times.
Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa suwerte? Sa di-tapat na Israel, sinabi ni Jehova: “Ngunit kayo na nagpapabaya kay Jehova, na nagsisilimot ng aking banal na bundok, na naghahanda ng dulang para sa Magandang Kapalaran at pinupuno ang saro ng alak na haluan para sa diyos ng Tadhana.”—Isaias 65:11.
Ilan sa kakaunting nanalo ang huminto at nag-isip na ang kanilang mabuting kapalaran ay batay sa masamang kapalaran ng milyun-milyong natalo? Ang pagsusugal ba sa anumang paraan ay nagpapabanaag ng ‘pag-ibig sa kapuwa’? Makatuwiran ba o maka-Kasulatan bang isipin na dapat isangkot ng Soberanong Panginoon ng sansinukob ang kaniyang sarili sa gayong mapag-imbot na mga bisyo na gaya ng pagsusugal?—Mateo 22:39.