Mga Loterya—Sino ang Nananalo? Sino ang Natatalo?
Mga Loterya—Sino ang Nananalo? Sino ang Natatalo?
ANG pangunahing katwiran na pabor sa mga loterya ng gobyerno ay na ito’y nagpapasok ng milyun-milyong dolyar sa gobyerno, salaping malamang ay makukuha lamang sa pagtataas ng mga buwis. ‘At napakadali nito! ’ sabi ng mga tagapagtaguyod. Para itong isang buwis na hindi hinihiling sa sinuman; ito’y boluntaryo. Sa katunayan, ang mga tao ay sabik na magbayad; pumipila sila upang magbayad!
Ngunit ano ba ang ilan sa mga paratang laban sa mga loterya?
Ang isa ay na ang mga anunsiyo sa loterya ay karaniwang hindi nagbibigay ng impormasyon o basta nakalilito. Itinataguyod nito ang ideya na ikaw ay mananalo. Karaniwan sa isang anunsiyo sa loterya sa Canada ay nagsasabi: “Ginagawa namin itong madali na . . . MANALO!! ”
Ngunit gaano kadaling manalo? Si Alie ay naglalaro sa isang loterya sa Kanlurang Alemanya. Ang anunsiyo ay nagsasabi: “Ang mga tsansa mong manalo ay hindi kapani-paniwala.” Gayunman, panangis ni Alie: “Ako’y naglaro ng loterya sa loob ng sampung taon, at kailanman ay wala akong napanalunan. At wala rin akong nakikilalang nanalo ng anuman.”
Sa bawat nanalo ng malaki, nariyan ang angaw-angaw na mga gaya ni Alie, mga talunan na naglalabas ng kanilang pera linggu-linggo, taun-taon, subalit wala namang nakukuhang kapalit. Sa Estados Unidos, yaong nananalo ng $1 milyon ay 0.000008 porsiyento ng 97 milyong mga nagsusugal ng loterya roon.
Ang tsansa na manalo ng isang unang premyo ay hindi lamang isa sa isang milyon (humigit-kumulang, ang tsansa na ang isang tao’y tamaan ng kidlat); ito ay maaaring isa sa maraming milyon. Halimbawa, nang maging maliwanag na mientras mas malaki ang jackpot, mas maraming tiket ang naibenta, ang tsansa na manalo sa larong Lotto ng New York ay tumaas mula sa 1 sa 6 na milyon tungo sa 1 sa 12.9 milyon!
Hindi kataka-taka na pinaratangan ng mga tao ang mga loterya sa pagtataboy sa walang ingat na mga mamimili na di alintana ang napakalaking tsansa laban sa kanila. Si Dr. Valerie Lorenz, direktor ng U.S. National Center for Pathological Gambling, ay basta nagsabi: “Loterya? Ito ang pinakamadayang pustahan. Ang tsansa ay napakasama laban sa iyo.”
At kumusta naman kung ikaw nga ay manalo ng isang milyong dolyar? Hindi mo makukuha itong lahat. Pagkatapos makuha ng mambubuwis ang kaniyang bahagi, ang mga nanalo sa Estados Unidos ay tumatanggap ng $35,000 bawat taon sa loob ng 20 taon. Iyan ay $700,000, nabawasan pa sa halaga dahil sa implasyon sa 20 taon.
Epekto sa Mahihirap
Ang isa pang puna ay na ang malalakas gumastos ay ang mahihirap na tao, yaong mga walang kayang bumili nito. Ang mga tagapagtaguyod ng loterya ay nangangatuwiran na hindi ito totoo, na ipinakikita ng surbey na ang loterya ay mas popular sa gitna ng mga taong may kainaman-kita. Ang mga loterya ay boluntaryo, sabi nila; walang pinipilit na maglaro nito. Gayumpaman, sadyang pinagniningas ng mga anunsiyo ang pagnanais ng mga manlalaro, at ang marami ay mahihirap. Sabi ng isang kahera sa isang tindahan sa Florida: “Mayroon kaming tiyak na grupo ng mga tao na nakikita namin linggu-linggo. Ang ilan ay bumibili ng 10 tiket araw-araw. Ang iba naman ay bumibili ng 100 sa bawat linggo. Wala silang pera para sa pagkain, pero naglalaro sila ng ‘Lotto.’ ”
Sa ilang di-gaanong maunlad na mga bansa, ang kalagayan ay mas masahol pa. Kamakailan sinuring-muli ng gobyerno ng Indonesia ang Porkas na loterya nito sa football nang iulat ng media na ang buong mga nayon ay “nahibang sa Porkas.” Ang magasing Asiaweek ay nag-ulat: “Ang mga pahayagan [sa Indonesia] ay punô ng kakila-kilabot na mga ulat: mga lalaking ginugulpe ang kani-kanilang asawa o mga anak; mga batang nagnanakaw ng pera mula sa kanilang mga magulang; mga anak na ginagasta ang pinagpagurang pera na pambayad sa eskuwela—lahat ay dahil sa Porkas.”
Sa pagdami ng mga loterya sa buong daigdig, parami nang paraming tao ang natutong magsugal. Ang iba, hindi lamang ang mahihirap, ay naging mapusok na mga sugarol—mga sugapa sa loterya. Si Arnie Wexler ang namiminuno sa Council on Compulsive Gambling sa New Jersey, E.U.A. Sabi niya: “Inaakala ng mga mambabatas na nakasumpong sila ng walang hirap, madaling paraang pangingilak ng salapi, gayong, sa katunayan, sinisira nila ang maraming pamilya, at ang
maraming negosyo, at ang maraming tao, at ang maraming buhay.”Isang Problema ng mga Pamantayan
Isa pang mahalagang pagkabahala ay na binago ng mga loterya ng gobyerno ang mga saloobin ng tao tungkol sa pagsusugal. Ang pinamamahalaan-ng-Estado na “Play 3” o “Lucky Numbers” na mga loterya ngayon ay nag-aalok ng isang-libo-sa-isa na tsansa subalit ibinabalik ang halos 50 porsiyento ng premyong salapi. Bago pumasok sa negosyo ang gobyerno, ang laro ay “masama,” labag sa batas na raket, isang bisyo. Ngayon ang laro ding iyon ay tinatawag na libangan, katuwaan, isang akto ng pananagutang pambayan!
Mangyari pa, ang malaking kaibhan sa pagitan ng ilegal na mga laro sa numero at sa mga loterya ng gobyerno ay na sa halip na mapunta sa mga bulsa ng mga kriminal ang mga kinita, sinusuportahan nito ang mga proyekto ng gobyerno. Gayumpaman, maraming nagmamasid ang nag-aalala tungkol sa epekto ng mga loterya sa etikal na mga pamantayan ng lipunan na ipinalalagay na nakikinabang dito.
Ito’y dahil sa ang mga loterya ay nagbibigay ng pag-asa at hilig na maging mayaman nang walang pagsisikap. Si Paul Dworin, patnugot ng Gaming and Wagering Business, ay nagsabi: “Noon, sinabi ng estado na kung ikaw ay magpapagal, aasenso ka. Ngayon, ito’y, ‘Bumili ka ng tiket at ika’y magiging milyonaryo.’ Iyan ay isang kakaibang mensahe na inihahatid ng estado.” At si George Will ay sumulat sa Newsweek: “Mientras mas maraming tao ang naniniwala sa kahalagahan ng suwerte, pagkakataon, tsansa, kapalaran, lalo silang hindi maniniwala sa kahalagahan ng mahigpit na mga pamantayan na gaya ng pagiging masipag, matipid, pag-antala sa kasiyahan, sikap, pagiging palaaral.”
Isa pang ideya, na mahalaga sa lipunan ng tao, ay ito: Ang mga indibiduwal ay hindi dapat makinabang sa kasawian ng iba. Gayunman, hinihimok ng mga tagapagtaguyod ng loterya ang opinyon na tama para sa isa na makinabang at masiyahan sa kalugihan ng iba. Ang gayong pag-iisip ay masakim; tinatanggihan nito ang payo ng Bibliya: “Iibigin mo ang iyong kapuwa na gaya ng iyong sarili.”—Mateo 22:39.
Sa kabila ng maraming pagtutol, ang mga loterya ay patuloy na lumalago sa buong daigdig. Isang bisita sa Kanlurang Aprika ang nakapansin na daan-daang tao ang nagkakatipon sa paligid ng gusali ng loterya ng Estado. “Bakit ba nilulustay ng mga taong ito ang kanilang salapi sa loterya,” tanong niya sa isang mamamayan, na ang sabi, “lalo na sila ay mahihirap?”
“Kaibigan, sila’y naglalaro ng loterya sapagkat nagbibigay ito sa kanila ng pag-asa,” sagot ng mamamayan. “Para sa marami sa kanila, ito ang tanging pag-asa nila sa buhay.”
Ngunit tunay bang pag-asa ang manalo sa loterya? Masahol pa ito sa isang ilusyon, isang malikmata, isang malayong mangyaring pangarap. Tiyak na hindi sasayangin ng isang maingat na Kristiyano ang kaniyang panahon at yaman sa walang kabuluhang paghahangad na yumaman mula sa pagsusugal. Lalo pang mainam na sundin ang payo ni apostol Pablo, na sumulat na ang mga taong pantas ay “naglalagak ng kanilang pag-asa, hindi sa kayamanang hindi nananatili, kundi sa Diyos, na nagbibigay sa ating sagana ng lahat ng mga bagay sa ating kasiyahan.”—1 Timoteo 6:17.
[Blurb sa pahina 8]
“Inaakala ng mga mambabatas na nasumpungan nila ang walang hirap, madaling paraan upang mangilak ng salapi, gayong, sa katunayan, sinisira nila ang maraming pamilya, at ang maraming negosyo, at ang maraming tao, at ang maraming buhay”
[Kahon sa pahina 9]
Pinakamahuhusay na Tip Para sa mga Sugarol
“Wala nang lalamig pa sa ngiti ng isang bangkero sa sugal na binabati ang isang nanalong kliyente. . . . Pambihira ang bangkero na hinahadlangan ang isang tumataya [sugarol] sa pagtaya sapagkat ang kaniyang kliyente ay natatalo nang malaki. . . . Tandaan din, na ang matagumpay na mga tumataya ay pambihira rin na gaya ng naghirap na mga bangkero sa sugal.”—Graham Rock, The Times, London.
“Ang garantisadong jackpot na $45 milyon sa bubunuting Lotto ngayong gabi ang pinakamalaki sa kasaysayan ng Estado ng New York. Subalit ang tsansa na manalo nito sa $1 na taya ay 12,913,582 sa 1.”—The New York Times.
“Ang mangmang at ang kaniyang salapi ay di-magtatagal at magkakahiwalay.” Kasabihan sapol noong ika-16 na siglo.—Familiar Quotations, ni John Bartlett.
“Sugarol, huwag kang magsaya; sinumang nananalo ngayon at matatalo bukas.”—Isang kawikaang Kastila.