Pagkahibang sa Loterya—Ang Sugal ng Daigdig
Pagkahibang sa Loterya—Ang Sugal ng Daigdig
“ANG kailangan mo lamang ay isang dolyar at isang pangarap.” Ang pangarap ay mapanalunan ang jackpot na 45 milyong dolyar sa loterya sa New York. Isang dolyar ay nagbibigay ng tsansang manalo. Ang mga nangangarap ay angaw-angaw. Pumipila upang bumili ng kanilang tiket, pinag-uusapan nila ang tungkol sa mga yate at mga mink coat at mga mansiyon—mga bagay na bibilhin nila kung mapanalunan nila ang premyong salapi. Noong minsan, sa buong estado, kinuha nila ang mga tiket sa bilis na 28,000 sa bawat minuto. Sa panghuling tatlong araw bago ang bola, sila’y bumili ng 37.4 milyong tiket.
Sa Hapón ang negosyo ay laging mabilis sa 10,000 awtorisadong tindahan ng tiket ng loterya kung saan nagkakalipumpon ang mga tao upang bumili ng mga tiket para sa Year-End Jumbo Takarakuji (Loterya). Sa isang tindahan ng tiket sa Tokyo kung saan iniulat na ipinagbili ang limang unang-gantimpalang mga tiket sa nakalipas ng mga taon, halos 300 katao ang nakapila na nang ang tindahan ay magbukas. Isang dalaga, na naniniwala na susuwertihin ang isa na maaga, ay naghihintay na mula ala–1:00 n.u. Ang pinakahahangad na jackpot noong nakaraang taon: isang rekord na 100 milyong yen ($714,285, U.S.)
Sa isang kabisera sa Kanlurang Aprika, laging siksikan sa lugar na tinatawag ng mga tagaroon na Lotto College ng mga taong pumupunta roon upang bumili ng mga tiket at pag-isipan ang mga numero sa hinaharap. Ang mahahabang listahan ng dating numero na nanalo ay ipinagbibili sa mga umaasang makasusumpong sa mga ito ng ilang himaton sa hinaharap na mga kombinasyon. Doon sa mga naniniwala sa mistikong kaalaman, naroon ang mga propeta ng lotto, na binabayaran, upang hulaan ang mga numerong tatayaan.
Nabubukod na mga pangyayari? Hindi. Ang pagkahibang sa loterya ay laganap. Pinagliliyab nito ang bawat kontinente. Nasusunog ito sa mayayaman at mahihirap na bansa. Pinag-aalab nito ang damdamin ng bata’t matanda sa lahat ng pangkabuhayan, panlipunan, at pang-edukasyong antas ng lipunan.
Oo, ang loterya ay malaking negosyo, at ang negosyo ay lumalakas. Sa Estados Unidos lamang, ang mga loterya ng Estado ay kumita ng $18.5 bilyon noong 1989. Mga 27 taon lamang ang nakalipas, ang bilang na iyan ay sero. Ngunit ngayon ang mga loterya ang ikalawang-pinakamalaking uri ng pagsusugal sa Estados Unidos, at ang industriya ay lumalago ng 17.5 porsiyento taun-taon, kasimbilis ng industriya ng computer.
Ayon sa pinakahuling bilang na makukuha sa magasing Gaming and Wagering Business, ang kabuuang benta ng loterya sa buong daigdig noong 1988 ay $56.38 bilyon, isang pagkalaki-laking halaga. Iyan ay katumbas ng mahigit na sampung dolyar sa bawat lalaki, babae, at bata sa lupa! At iyan ay sa loob lamang ng isang taon!
Bagaman walang makapagkakaila na ang mga loterya ay sumasagana, marami ang matinding tumututol dito. Sinusuri ng susunod na dalawang artikulo ang lumalagong popularidad ng mga loterya at ang kontrobersiya sa likuran nito. Habang isinasaalang-alang mo ang mga katotohanan, makapagpapasiya ka kung baga ang loterya ay para sa iyo. Matalino bang maglaro nito? Gaano kadaling manalo? Maaari kayang matalo ka nang higit pa sa salapi?