Pagmamasid sa Daigdig
Pagmamasid sa Daigdig
Kombensiyon sa Mozambique
Pagkatapos ipagbawal ang kanilang gawain sa loob ng maraming taon, pinahahalagahan ng mga Saksi ni Jehova sa Mozambique na sila’y binigyan ng higit na kalayaan sa pagsamba ng mga awtoridad. Kamakailan, isang apat na araw na “Dalisay na Wikang” Pandistritong Kombensiyon ang idinaos sa Costa do Sol isports istadyum sa Maputo, ang kabisera ng Mozambique. Nag-uulat tungkol sa kombensiyon, binabanggit ng Tempo, isang babasahing lathala sa Maputo, na may mga anim na libo ang naroroon sa pasimulang sesyon ng kombensiyon. Ang mga pahayag ay binigkas sa mga wikang Portuges at Tsonga. Sinabi pa ng Tempo na ang layunin ng kombensiyon ay upang “patibayin ang pagkakaisang Kristiyano sa kabila ng mga pagkakaiba ng wika na naging dahilan ng pagkakabaha-bahagi sa gitna ng mga tao.” Ipinaliwanag ng artikulo na ang mga Saksi ni Jehova ay nagsisikap upang maabot ang layuning ito sa buong lupa, anumang “bansa, lahi, edukasyon, at katayuan sa lipunan.”
Taggutom, Gayunma’y May Sapat na Pagkain
“Ipinakikita ng mga pag-aaral ng World Bank na nitong nakalipas na mga taon, lumala ang taggutom, lalo na sa Latin Amerika,” sabi ng ekonomistang Pranses na si Jacques Chonchol sa isang seminar na idinaos sa São Paulo, Brazil. Bagaman “Taggutom—Ang Hamon ng ’90’s” ang tema nito, walang gaanong pag-asa ang nasabi para sa 1,116,000,000 katao sa buong daigdig na itinuturing na hindi sapat na nakakakain. “Ang problema, sabi ng mga espesyalista, ay hindi dahil sa kakulangan ng pagkain,” ulat ng O Estado de S. Paulo. “Ang daigdig ay umaani ng sapat upang matugunan ang pangangailangan ng 5.3 [bilyong] maninirahan nito. Subalit ang mga tao ay walang pambili ng pagkain.” Bakit? Diumano, ang taggutom ay lumalala dahil sa inihintong mga programang panlipunan bunga ng mga negosasyon ng internasyonal na pagkakautang. Ang isa pang dahilan, ayon kay Chonchol, ay: “Ang taggutom ay lumalala dahil sa pagsisiksikan ng mga tao sa lungsod.”
Mga Pulitikong Naninigarilyo
Pinagtibay kamakailan ng gobyerno ng Mexico ang isang panukalang-batas upang pangalagaan ang mga hindi naninigarilyo. Sang-ayon sa Visión, isang magasin sa Latin Amerika, ang paninigarilyo ay ipinagbabawal na ngayon sa mga aklatan, sentrong pangkalusugan, sinihan, sasakyang gamit para sa transportasyon ng publiko, at sa mga tanggapan ng gobyerno na naglilingkod sa bayan. Ang mga restauran at mga kapiterya ay hinihiling na magkaroon ng mga lugar para sa hindi naninigarilyo. Yaong mga lalabag ay maaaring magmulta ng hanggang $30. Gayunman, binanggit ng Visión, na “sa loob ng Kamara ng mga Kinatawan at ng Kapulungan ng mga Representante (ang mga lupon sa paggawa ng batas na sumang-ayon sa kautusan), ang panukalang-batas ay hindi kumakapit sapagkat hindi mapigil ng mga pulitikong Mexicano ang kanilang mga sarili sa paninigarilyo sa panahon ng pagtatrabaho.”
Nagsasama na Hindi Kasal?
Sang-ayon sa Le Monde, isang pahayagan sa Paris, ang pag-aasawa ay humihina sa Pransiya. Ang hilig sa nakalipas na 20 taon ay nagpapakita na pinipili ng parami nang paraming lalaki’t babae na magsama nang hindi kasal. Iniuulat ng National Institute of Demographic Studies sa Pransiya na hindi kukulanging kalahati niyaong mga nagpapakasal ay nagsasama na, sa ilang kaso ay sa loob ng ilang taon. Maraming mag-asawa ang nag-aakala na mas malaki ang tsansa na maging matagumpay sa pag-aasawa ng nagsasama bago mag-asawa, subalit kabaligtaran naman ang ipinakikita ng mga katibayan. Binabanggit ng Le Monde na “ang pagsasama bago ang kasal ay hindi nagpapatibay sa buklod ng pag-aasawa” at na ang gayong “mga pagsasama ay lumilitaw na hindi gaanong matibay sapagkat ito’y kadalasang nauuwi sa paghihiwalay.” Ipinakikita ng estadistika na ang mga lalaki’t babae na nagsasama bago mag-asawa ay mas nauuwi sa diborsiyo kaysa roon sa mga hindi nagsasama bago ang kasal.
Mga Batang Walang Kibo
Mahigit na kalahati ng mga batang Hapones sa pagitan ng edad na 10 at 15 ay may kani-kaniyang sariling telebisyon at mga computer games sa TV, at ang sangkatlo sa kanila ay may sariling telepono, sang-ayon sa 1990 White Paper on Young People ng pamahalaan ng Hapón. Ginugugol ng karamihan ng mga kabataan ang kanilang panahon ng paglilibang sa loob ng bahay, nanonood ng telebisyon, nagbabasa ng komiks, o naglalaro ng mga video game, sa halip na gugulin ito sa labas ng bahay. Iniuugnay ng report ang walang kibong gawain ng mga bata sa loob ng bahay sa kanilang limitadong kakayahang makisalimuha sa iba, pati na sa kani-kanilang pamilya, at sa kanilang kakulangan ng pakikibahagi sa mga laro sa pamayanan. Sang-ayon sa pag-aaral, halos 90 porsiyento ng mga batang Hapones ay nagsabi na hindi nila maipahayag ang kanilang pinakamalalim na kaisipan at mga damdamin.
Pag-ukit sa Nuwes
Isang buto ang ginagamit ngayon bilang hilaw na materyales para sa
paggawa ng mga butones, alahas, at mga pigurin para sa komersiyal na gamit. Ang ilang produkto ay ginagawa na nang maramihan upang matugunan ang mga kahilingan ng mga kompaniya ng damit. Ang buto na pinag-uusapan ay ang buto o nuwes ng tagua, isang buto na sinlaki ng bola ng golf na tumutubo sa kagubatan ng Ecuador. Binabanggit ng magasing National Geographic na ito “ay nagtatanda sa pagbabalik ng tagua, na ginagamit na butones bago ito lubhang pinalitan ng plastik noong 1930s.” Nasumpungan ng mga mananaliksik sa Conservation International ang katibayan na ang pag-ukit sa tagua ay ginagawa na sa Timog Amerika noon pang nakalipas na 250 taon. Sang-ayon sa National Geographic, ang mga nuwes ay “maaari ring ihalili sa garing, ngayo’y ipinagbabawal sa internasyonal na kalakalan.”Pagpupuslit ng Ibon
Ang World Wildlife Fund ay nag-uulat na “hindi kukulanging 225,000 ibon na nagkakahalaga ng mga $50 milyon kung bibilhin nang tingian ay alin sa ipinupuslit o inaangkat taun-taon na may dayang mga dokumentasyon.” Ang mga loro, halimbawa, ay hinuhuli ng lokal na mga tao sa mga kagubatan ng Aprika, Indonesia, Mexico at Timog Amerika at ipinagbibili ng ilang dolyar. “Sa panahong ang mga ibon ay makarating sa mga mamimili sa E.U. o sa Europa, ang ilang ibon, gaya ng malaking imperial amazons ng Dominica, sa Caribbean, ay nagkakahalaga ng $100,000 ang bawat isa,” sabi ng The Wall Street Journal. Maraming uri ng loro ang sinasabing nanganganib na malipol sa kagubatan. Inaakalang halos 90 porsiyento ng mga ibong ipinupuslit ay “namamatay sa pagdadala dahil sa di-wastong pagpapakain at malupit na mga kalagayan.”
AIDS sa Asia
Noong Pebrero 1990, may 2,000 iniulat na mga biktima ng AIDS sa Asia. Gayunman, binabanggit ng isang bagong ulat ng United Nations na tinataya ng WHO (World Health Organization) na isang kabuuang 500,000 katao sa Asia ang kasalukuyang nahawaan ng HIV virus. Sang-ayon sa magasing Asiaweek, ang “U.N. ay nag-ulat pa lamang na ang bilang ng mga kaso ng AIDS sa Asia ay lubhang darami pa.” Upang malutas ang problema, iminumungkahi ng WHO ang mas mainam na mga kampanyang pang-edukasyon at pang-impormasyon.
Tribong Nanghuhuli ng Daga
Sinubok ng mga magsasaka sa Tamil Nadu, India, na gamitin ang mga kemikal, pestisidyo, at mga pain upang sugpuin ang problema sa daga. Palibhasa’y nabigo, inupahan ng mga magsasaka ang mga lalaking kabilang sa tribo ng Irula upang hulihin ang mga daga, ulat ng India Today. Noong unang taon, ang mga Irula ay nakahuli ng halos 140,000 daga sa isang 16,000 ektaryang sukat. Ang mga Irula ay “hindi gumagamit ng mga pestisidyo kundi ang kanilang pamamaraan ay batay sa isang kaalaman tungkol sa ugali ng mga daga.” Hinuli nila ang mga daga sa kanilang mga lungga sa pamamagitan ng pagbara sa mga labasang butas. Sapagkat napakaraming daga ang kanilang nahuli, sinaliksik ngayon ng mga Irula ang posibilidad ng paggamit sa laman ng daga bilang patuka sa manok at pagkain ng isda at ang paggamit sa balat ng daga na pinaka-katad. Sinasabi ng India Today na “pinatutunayan ng eksperimento na ang paraan ng Irula ang pinakasegurado” at pinakamurang paraan ng pagsugpo sa mga daga.
Mga Korales na Namamatay Dahil sa Init
“Ang unang patotoo ng pag-init ng globo ay maaaring dumating sa pagputi ng mga korales,” sabi ni Ernest Williams ng University of Puerto Rico. Ang mas maiinit na temperatura sa dagat ay nagpapangyari sa mga korales na maglabas ng pagkaliliit na mga algae na kinakain ng mga korales. Nag-iiwan ito ng puting mga mapa sa mga batuhan ng korales, kaya ang terminong “pagputi.” “Kung wala ang kapareha nitong algae, ang korales ay nanghihina at humihinto sa pagpaparami.” Ang mga namuti at masasakiting mga batuhan ng korales ay nakita sa maraming dako, pati na sa Bahamas, Bermuda, Florida, Hawaii, Jamaica, Okinawa, at Puerto Rico. Binabanggit ng The Toronto Star na ang dekada ng 1980’s ang pinakamainit sa nakalipas na sandaang taon at na “hinuhulaan ng maraming eksperto sa klima na ang temperatura ay patuloy na iinit ng ilang digris sa susunod na dantaon,” nagiging patuloy na banta sa mga batuhan ng korales.
Pag-aalisan ng mga Katolikong Hispaniko
Iniuulat ng magasing Hispanic na sa Estados Unidos, halos isang milyong Hispaniko ang umalis na sa Iglesya Katolika sa nakalipas na 15 taon. “Taun-taon, ang bilang na iyan ay dumarami sa pagitan ng 60,000 at 100,000.” Ayon sa isang pag-aaral kamakailan na iniutos ng isang katulong na obispo sa archidiocesis ng San Francisco, ang mga dating Katolikong Hispaniko ay naghahanap ng “mas malalim na pagkasangkot sa kanilang pananampalataya at sa kasulatan.” Gayunman, nagkokomento sa problema, binanggit ng isang paring Katoliko na “dapat nating tingnan ang Iglesya Katolika sa kung ano ito: isang malaking institusyon na may tatag na paraan ng paggawa ng mga bagay. Napakahirap pakilusin ang isang malaking institusyon sa isang bagong paraan ng paggawa ng mga bagay.” Ang artikulo ay nagkokomento: “Halos hindi ka na napapansin sa isang karaniwang parokyang Katoliko na may 4,000 pamilya.” Sa kabilang dako, “nadarama mong ikaw ay mahalaga at kilala sa isang malapít ang ugnayang kongregasyon [hindi Katoliko] na binubuo ng 200.”