Pagsubaybay sa Albatross
Pagsubaybay sa Albatross
Ang gumagala-galang albatross, kilala sa paglipad nito na sumusunod-sa-bapor, ay malaon nang nakahalina sa mga marino. Ang tatlong-metrong haba ng pakpak nito ay nakatutulong sa maganda, waring walang kahirap-hirap na kakayahan nitong sumalimbay. Ang malalaking paa nitong parang pato ang umaalalay sa ibon kapag ito’y nakatayo; kapag ito’y lumilipad, ito’y nagbibigay ng kontrol sa paglipad, kumikilos na parang timon, yamang ito ay nakausli sa maikling buntot ng ibon.
Ang ibong ito, karaniwang tumitimbang ng halos 9 na kilo, ay may kahanga-hangang paraan ng paglipad. “Ang paglipad ng isang albatross ay erodinamikong kahawig ng isang eruplanong pandagat. Inuunat ang leeg nito at ibinubuka ang pakpak nito, napakabilis nitong sumagwan pataas sa hangin sa pamamagitan ng paa nito. Di-nagtatagal ang dibdib ng ibon ay nakalabas na sa tubig na ang mga paa na lamang ang kumukumpas sa ibabaw ng tubig. Sa sandaling ito’y nasa himpapawid na ang albatross ay nagbabalik sa erodinamikong hugis nito, ang leeg ay uurong at ang mga paa’y nakataas.”—The New Larousse Encyclopedia of Animal Life.
Ang dalubhasang ito ng maligalig na atmospera sa pagitan ng mga latitud ng 40 at 60 digris timog ay nagpupugad sa bukod na mga isla. Mula roon ito’y naglalakbay ng malalayong distansiya upang humanap ng pagkain. Subalit gaano kalayo ito gumagala?
Nilagyan ng mga siyentipiko ng maliliit na transmiter ang anim na gumagalang lalaking albatross na namumugad sa timog-kanluran ng Indian Ocean. Ginagamit ang mga satelayt upang subaybayan ang mga ito, ang mga mananaliksik ay namangha na masumpungan na ang mga albatross ay naglakbay sa pagitan ng 3,620 at 15,090 kilometro sa bilis na halos 80 kilometro sa bawat oras. Sa loob lamang ng 33 araw, ang mga ibong pandagat na ito ay naglakbay ng 16,000 kilometro, halos pitong ulit na mas malayo kaysa dating akala na magagawa nito.
Ang katangi-tanging kakayahang lumipad ng albatross ay tiyak na nagbibigay kapurihan sa Nagdisenyo nito.—Awit 148:10, 13.