Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Peregrinasyong Katoliko—Batay sa Katotohanan o sa Alamat?

Peregrinasyong Katoliko—Batay sa Katotohanan o sa Alamat?

Peregrinasyong Katoliko​—Batay sa Katotohanan o sa Alamat?

Ng kabalitaan ng Gumising! sa Espanya

TUWING tag-araw nasasaksihan ng Europa ang malalaking peregrinasyon. Sakay ng bus, kotse, at eruplano, milyun-milyon ang nagkukulumpulan patimog sa paghahanap ng dagat at sikat ng araw. Ang kanilang paboritong dakong pinupuntahan? Ang mga dalampasigan ng Espanya. Subalit hindi nalalaman ng karamihan ng mga mahilig sa dalampasigan, ang ilan sa mga turistang ito ay naglalakbay sa mismong ruta na nilakaran ng kanilang mga ninunong Katoliko mga dantaon na ang nakalipas.

Mangyari pa, ang mga peregrino noong Edad Medya ay ibang uri. Ang kanilang tunguhin ay isang dambana, hindi ang sikat ng araw; ang kanilang ipinangakong gantimpala, ang banal na kapatawaran, hindi ang pagiging kulay-kayumanggi. Ang mga manbubukid, prinsipe, sundalo, at mga taong tampalasan ay naglalakad nang libu-libo mga 1,000 kilometro sa ibayo ng liblib na lugar sa gawing hilaga ng Espanya, patungong Santiago de Compostela, isang maliit, may umidong lungsod sa liblib na hilagang-kanlurang dulo ng Iberian Peninsula.

Anong karapat-dapat sambahing bagay ang gumanyak sa mga taong iyon na lumakad ng daan-daang kilometro sa ibayo ng nagniniyebeng tuktok ng bundok at nakapapasong mga kapatagan, lakas-loob na sinalunga ang mga tulisan at ang gutom, sakit at kamatayan pa nga? Ito’y ang pinaniniwalaang dambana ni “Saint” James, Santiago, ang “santong” patron ng Espanya. Ang kaniyang “sagradong mga relikya” ay lubhang nakaakit sa mga tapat sa buong Europa noong Edad Medya. Ngayon isang katedral ang nakatayo sa lugar na iyon. Paano ito nagsimula?

Isang Lungsod na Itinayo sa Isang Pangitain

Nagsimula ito sa isa sa “makahimalang” mga pangitaing iyon na madalas lumitaw sa mga pahina ng kasaysayan sa Espanya. Isang gabi noong 813 C.E., isang ermitanyo na nagngangalang Pelagius ay nakakita ng isang makalangit na kababalaghan. Tinawag niya ang kaniyang obispo, at sa wakas isang marmol na libingan ang natuklasan. Ang mga bangkay na nilalaman nito ay ipinalagay na yaong bangkay ni apostol Santiago at ng dalawa sa kaniyang mga alagad. Dinalaw ng hari sa lugar na iyon, si Alfonso the Chaste, ang lugar, ipinahayag na ang mga labí ay tunay, at ipinahayag si Santiago na “Tagapagsanggalang ng Espanya.”

Sa gayon, nagsimula ang “santong” patron ng bansa. Ang panahon ng tuklas na iyon ay masuerte para sa “mga Kristiyanong” nakahanda sa pakikipagbaka sa mga pamayanan sa gawing hilaga ng Espanya, na napaliligiran ng mga Muslim. Ito ang relikya na kailangan nila upang tapatan ang ‘bisig ni Propeta Muḥammad,’ na nasa Córdova, gawing timog ng Espanya, na ipinalalagay na gumagawa sa mga Moor na hindi malupig. Di-nagtagal si “San” Santiago ay naging abanderado kung saan ang mga tao ay maaaring tipunin upang lumaban sa mga Moor, na sumasakop sa kalakhang bahagi ng peninsula.

Noong ika-11 siglo, isang katedral ang itinayo sa libingan, at ang lungsod ng Santiago de Compostela (sa literal, “San Santiago sa bukid ng bituin”) ay lumitaw sa mismong dako kung saan nakita ni Pelagius ang kaniyang mabituing pangitain. Sa maikling panahon, ang Santiago ay naging isa sa kilalang sentro ng peregrinasyon ng Sangkakristiyanuhan​—nahihigitan lamang ng Jerusalem at Roma. Subalit bakit gayon na lamang kahalaga ang mga buto ng ipinalalagay na apostol na ito?

Ang Paggawa sa Alamat

Pinagsama-samang alamat, katha-katha, at relihiyosong mga tradisyon ang naglagay kay “San” Santiago sa pantanging dako sa kasaysayan ng Espanya. Ayon sa ilang mananalaysay na Katoliko, ang apostol na ito ang unang misyonerong Kristiyano sa Espanya. Sinasabing gumugol siya ng ilang taon sa pangangaral sa Galicia (hilagang-kanluran ng Espanya) mga ilang taon pagkamatay ni Jesus. Subalit siyam lamang ang nakumberte mula sa kampaniyang iyon. Marahil ay nasiraan ng loob dahil sa kaunting tagumpay, natungo siya pasilangan at pinalakas-loob siya ng isang kagila-gilalas na pagpapakita ni Maria, ang ina ni Jesus (na, sa paano man, ay nabubuhay pa sa Palestina). Si Maria’y nagpakita sa kaniya sa ibabaw ng isang haliging marmol at sa “lamang mortal” sa Romanong bayan na tinatawag na Ceasaraugusta (nang dakong huli’y nakilala bilang Zaragoza), sa hilagang-silangan ng peninsula. Ang alamat ay nagsasabi na nang umalis si Maria, ang haligi ay nanatili, at pagkalipas ng mga dantaon ito ay naging isang dambana ng peregrinasyon. a

Di-nagtagal, si Santiago ay nagbalik sa Jerusalem, kung saan siya ay dumanas ng isang martir na kamatayan sa kamay ni Haring Herodes. (Gawa 12:1-3) Sang-ayon sa alamat, iniligtas ng kaniyang mga alagad ang bangkay, dinala ito sa baybayin, at mula sa Jaffa ay isinakay sa isang makahimalang barko na yari sa bato. Pagkatapos ng isang linggong paglalakbay (na sumaklaw ng mahigit na 5,000 kilometro!), sila’y dumating sa Galicia, kung saan inilibing nila ang kanilang panginoon sa isang libingang walang tanda, ang kinaroroonan sa wakas ay hindi na makita.

Lumipas ang mga dantaon, at ang libingang ito ang ipinalalagay na natuklasang muli ng ermitanyo. At ang katha-katha ay naging katotohanan sa “mga Kristiyanong” sundalo. Nang maglaon, si “Santiago” mismo ay nakitang nakikipagbaka alang-alang sa “mga Kristiyano.” Sang-ayon sa tradisyon, siya’y nagpakita sa isang pangwakas na digmaan sa Clavijo at, sakay ng isang puting kabayo, ay tumulong upang lupigin ang mga Moor. Pagkatapos ng tagumpay siya ay popular na nakilala bilang Santiago Matamoros (San Santiago, ang pumapatay sa mga Moor).​—Ihambing ang Mateo 26:52.

Iba pang makahimalang mga kapangyarihan ng kagandahang-loob ay ipinatutungkol sa kaniya. Isang alamat ang nagsasaysay tungkol sa isang binata na nakasakay sa isang kabayo sa kahabaan ng tabing-dagat upang salubungin ang kaniyang nobya. Walang anu-ano, nilamon siya ng isang pagkalaki-laking alon, at siya ay tinangay. Ang kaniyang katipan ay humingi ng tulong kay “San” Santiago, na mapagbigay na pinangyaring ang binata ay lumabas mula sa dagat, ang kaniyang kasuotan ay punô ng puting mga kabibi. Kaya ang kabibi ay naging sagisag ng “santong” patron ng Espanya at ng mga peregrinong naglakbay sa kaniyang dambana.

Ang Hiwaga sa Likuran ng Alamat

Halos sa buong panahon ng Edad Medya, ang mga relikya ng kilalang “mga santo” ang nagpakilos sa mga lalaki at mga hari. Ang mga ito’y pinagkakatiwalaang magsasanggalang sa mga relihiyoso mula sa panganib​—si William the Conqueror ay nagkuwintas ng ilang relikya sa kaniyang leeg sa Digmaan ng Hastings, kung saan tinalo niya si Haring Harold ng Inglatera. Tinitiyak sa mga peregrino na ang pakikipag-ugnayan sa kapita-pitagang “banal” na mga buto na ito ay gagarantiya ng pagsang-ayon ng Diyos.

Ang mga relikya ay mas mahalaga pa kaysa ginto, at walang katedral sa Sangkakristiyanuhan ang kompleto kung wala nito. Unti-unting lumakas ang negosyo ng mga relikya, at may mga kaso pa ng lantarang pandaraya. Isang padre superyor noong ika-12 siglo ang tumutol na kung ang dalawang ulo ni Juan Bautista ay nakatago sa dalawang magkaibang simbahan, alin sa si Juan ay may dalawang ulo o na ang isa ay huwad.

Gayumpaman, ang mga relikya ang pinaniniwalaan at ipinakikipaglaban ng mga tao. Sa pangalan ni “San” Santiago, ang mga hukbong Kastila ay nakipagdigma sa mga Moor at sa iba pang mga kapangyarihan sa Europa. Ginawa nilang isang kolonya ang Bagong Daigdig sa pangalan niya, at ang mga lungsod na ipinangalan kay Santiago ay naglitawan sa buong Latin Amerika.

Ang Paglalakbay Noong Edad Medya

Binanggit ng isang mananalaysay na noong panahon ng Edad Medya, “ang mga peregrinasyon sa lugar ng mahahalagang relikya . . . ay naging pangunahing motibo ng paglalakbay.” Hindi kataka-taka, ang ipinalalagay na dambana ng gayong manggagawa ng himala na si “San” Santiago ay nakaakit ng mga tapat mula sa malapit at malayo. Kaya, noong kasikatan ni Santiago noong Edad Medya, naranasan ng Espanya ang unang malakas na negosyo ng mga turista.

“Mga hari at karaniwang mga tao, mga obispo at mga monghe, mga banal at makasalanan, mga kabalyero at maginoo”​—kalahating milyon sa kanila taun-taon—​ay dumaragsa sa Santiago mula sa buong Europa, ginagawa “Ang Daan ni San Santiago” na pinakaabalang haywey sa Europa. Ito’y napakalaking bilang, yamang ang kabuuang populasyon sa Europa noong ika-11 siglo ay halos 30 milyon lamang at na ang paglalakbay sa Espanya ay kumuha ng ilang buwan.

Matapos bagtasin ang Pyrenees mula sa Pransiya, ang mga peregrino ay kailangan pang lumakad ng 1,000 kilometro sa ibayo ng matarik na bundok at maalikabok na mga kapatagan ng hilagang Espanya. Titipunin niyaong nakatiis sa mahabang lakad na ito ang anumang natitirang lakas upang makarating sa pangwakas ng takbuhin. Ang unang makakita sa tulis ng katedral sa Santiago ay sisigaw, “Mi gozo!” (Ligaya ko!) at hinihirang na “hari” ng grupo na kasama niya sa paglalakbay. Sa gayon nabuo ang apelyido ng maraming pamilya. Marami na tinatawag na King, König, Rey, Leroy, o Rex ay malamang na kinuha ang kanilang pangalan sa ilang ninuno noong una na may lakas pa rin na tumakbo at sumigaw pagkatapos ng ilang buwang paglalakad sa daan patungo sa Santiago.

Ngayon maaaring hangaan ng ilan ang espiritu niyaong malalakas na manlalakbay na isinakripisyo ang marami nilang panahon, kalusugan, at salapi sa kung ano ang maaaring maging ang kanilang huling paglalakbay. Walang alinlangan ang karamihan ay napakilos ng taimtim na paniniwala, paniniwala sa isang relikya na hindi nila kailanman nakita​—ang mga buto ay nasa loob ng isang maadornong kabaong sa likuran ng mga harang na bakal. Sa katunayan, sa loob ng tatlong daang taon, ang mga buto ay nawawala. Ang mga ito ay itinago nang ang dambana ay pinagbantaan at hindi ibinalik kundi noong 1879.

Saligan para sa Tunay na Pananampalataya

Ang mga apostol ni Jesus ay naglakbay nang malayo, hindi upang magtatag o dumalaw sa mga dambana, kundi bagkus upang ipangaral ang ebanghelyo. Ginugol nila ang maraming panahon upang pag-aralan ang Salita ng Diyos, isang bagay na talagang magpapatibay ng nagtatagal na pananampalataya. Ang gayong pananampalataya, batay sa tumpak na kaalaman, ay maaaring magsanggalang sa atin na maging biktima ng mga alamat at mga tradisyon ng tao, na lumiligaw pa rin sa marami.​—Mateo 15:9; 1 Timoteo 2:3, 4.

Gaano man kakatuwa ang relihiyosong mga tradisyon at mga alamat, hindi pa rin ito maihahalili sa tunay na pananampalataya. Ayon sa Kasulatan, walang dahilang maniwala na si Santiago ay dumalaw kailanman sa Espanya. (Tingnan ang kahon.) Kahit na kung siya ay dumalaw at ang kaniyang mga buto ay inilibing sa Santiago, hindi dahilan iyan upang sambahin ito. Tayo ay hinihimok ng Kasulatan na maglagak ng ating pananampalataya sa buháy, di-nakikitang Diyos at sa kaniyang Salita, ang Bibliya, at hindi sa mga relikya.​—2 Corinto 5:7; 1 Tesalonica 1:9; ihambing ang Mateo 23:27, 28.

[Talababa]

a Ang “Nuestra Senyora del Pilar” ay malawakan pa ring pinagpipitaganan sa Espanya at sa mga bansa sa Latin-Amerika. Inaamin ng ilang babasahing Katoliko na ang dambanang ito ay hindi binabanggit sa mga akda noong unang pitong siglo C.E.

[Kahon sa pahina 24, 25]

Nagpunta ba sa Espanya si Santiago?

1. Walang ulat sa Kasulatan na si apostol Santiago ay nangaral sa labas ng Palestina. Si Pablo, na ang paglilingkod misyonero ay nagsimula noong 49 C.E., ang siyang nakilala bilang “isang apostol sa mga bansa,” hindi si Santiago.​—Roma 11:13; tingnan din ang Gawa 9:15; Galacia 2:7.

2. Noong taóng 55 C.E., ipinahayag ni Pablo, nang sumusulat sa mga Kristiyano sa Roma, ang kaniyang “layon na ipangaral ang mabuting balita hindi roon sa napagbalitaan na kay Kristo.” Gayunman, binalak niyang magpunta sa Espanya sapagkat wala nang “teritoryong hindi pa napapangaralan” para sa kaniya sa Asia Minor at sa Gresya. Ipinahihiwatig nito na ang Espanya ay hindi pa nakatatanggap ng mensaheng Kristiyano noong panahong iyon.​—Roma 15:20, 23, 24.

3. Sa kaniyang Historia de la Iglesia Católica (Kasaysayan ng Iglesya Katolika), inamin ng Jesuitang propesor na si Bernardino Llorca na para sa mga ekspertong Katoliko, tungkol sa pagpunta ni Santiago sa Espanya, “ang katotohanan na walang tiyak na mga balita tungkol dito ang nasumpungan hanggang noong ikaanim na siglo pagkatapos ng mga pangyayari ay siyang pinakamalaking problema nito laban sa pagiging totoo ng bagay na ito.”​—Pahina 122-3.

[Mapa sa pahina 24]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

ESPANYA

Paris

Vézelay

Poitiers

Limoges

Arles

Toulouse

Pamplona

Burgos

Astorga

Santiago de Compostela

Karagatang Atlantiko

[Mga larawan sa pahina 23]

Katedral ng Santiago de Compostela at (nakasingit) si Santiago sakay ng isang puting kabayo

[Credit Line]

Photo: Godo-Foto