Ang Kahanga-hangang Gawa sa Inhinyerya ng Osong Polo
Ang Kahanga-hangang Gawa sa Inhinyerya ng Osong Polo
ANG osong polo ay maraming maituturo sa tao tungkol sa paggamit ng enerhiya ng araw, ayon sa ilang siyentipiko. Natawag ang pansin ng fisicong si Richard E. Grojean ng ideyang ito noong kalagitnaan ng 1970’s, pagkatapos magawa ang kawili-wiling tuklas tungkol sa mga hayop sa Artico.
Natuklasan ng mga tagakuha ng sensus ng mga hayop sa Canada na hindi sila makakuha ng pangkaraniwang larawan ng mga nilalang na ito mula sa himpapawid sapagkat kakulay sila ng puting kapaligiran. Wala ring magawa ang infrared film, na karaniwang angkop sa pagkuha ng larawan ng maiinit-dugong mga hayop. Ang mga hayop ay balot na balot upang maglabas ng sapat na init upang matunton ng pilm. Gayunman, nang ang ultraviolet na pilm ang ginamit, ang mga puting foca (seal) at osong polo ay malinaw na lumabas na itim sa puting kapaligiran. “Samantalang pinatatalbog ng niyebe ang mga silahis na ultraviolet, sinasagap naman ito ng mga hayop,” ulat ng The Toronto Star.
Bakit? Ayon sa fisicong si Grojean at Gregory Kowalski, isang kasamang propesor ng inhinyeryang mekanikal, nasa balahibo ng oso ang sagot. Sa di-nakikita, ultraviolet na dulo ng spectrum, sinisilo ng mga buhok sa balahibo ang 90 porsiyento ng liwanag na ultraviolet at inihahatid ito sa itim na balat sa ilalim, sa gayon ay pinaiinit ang oso. Sa Artico, kung saan ang temperatura ay bumababa sa -29 digris Celsius, ang kakayahan ng balahibo na panatilihing mainit ang hayop ay kamangha-mangha. Kung ihahambing, ang karaniwang tagaipon ng init ng araw na pambubong ay hindi gaanong mahusay. Sa katunayan, tinataya ni Kowalski na ang gawang-taong mga solar panel ay maaaring 50 porsiyentong mas mahusay sa pagkakapit ng mga simulaing makikita sa balahibo ng osong polo.
Sa nakikitang bahagi ng spectrum, ang mga buhok sa balahibo ay tumutugon sa salungat na paraan; pinatatalbog nito ang 90 porsiyento ng liwanag. Ito ang nagbibigay sa oso ng nakasisilaw na kaputian nito, kahit na hindi naman talagang puti ang indibiduwal na mga buhok mismo kundi malinaw at walang kulay. Ang kaputian ng balahibo ay nagpapapangyari sa oso na manila nang di nakikita sa maniyebeng kapaligiran ng Artico. Nakikita pa nga ng mga nagmamasid ang mga osong polo na tinatakpan ang kanilang itim na ilong habang lihim na sinusubaybayan ang kanilang hayop na sisilain, para bang alam nila na dapat silang maging kakulay ng niyebe.
Sa gayon ang balahibo ng osong polo ay tumutugon sa dalawang pangunahing pangangailangan ng hayop: magtinging puti at manatiling mainit ang katawan. Hindi kataka-taka, kung gayon, na purihin ng fisicong si Grojean ang balahibo na isang “kahanga-hangang gawa ng inhinyerya.” Sa kabuuan, ang kakaiba at maringal na nilalang na ito ay nagpapatotoo sa karunungan ng kaniyang Maylikha.