Binago Ka ba ng Telebisyon?
Binago Ka ba ng Telebisyon?
ISANG “bintana sa daigdig.” Ganiyan inilarawan ang telebisyon. Sa aklat na Tube of Plenty—The Evolution of American Television, binanggit ng awtor na si Erik Barnouw na noong maagang 1960’s, “para sa karamihan ng mga tao [ang telebisyon] ay naging bintana nila sa daigdig. Ang tanawin na iniaalok nito ay para bang ang daigdig. Pinagkakatiwalaan nila ang pagiging totoo at pagiging ganap nito.”
Gayunman, hindi mapipili ng isa lamang bintana ang tanawin na inihaharap nito sa iyo; hindi nito matitiyak ang liwanag o ang anggulo ng tanawin; ni mababago man nito kaagad ang tanawin upang mapanatili lamang ang iyong interes. Magagawa ito ng TV. Ang mga salik na iyon ay lubhang humuhubog sa iyong mga damdamin at mga konklusyon sa kung ano ang iyong pinanonood, gayunman ito ay kontrolado ng mga taong gumagawa ng mga palabas sa TV. Kahit na ang mga balita at mga dokumentaryong lubhang walang kinikilingan ay napasasailalim din sa gayong impluwensiya, ito man ay hindi sinasadya. a
Isang Dalubhasang Manghihikayat
Gayunman, kadalasan nang talagang sinisikap ng mga taong kumukontrol sa telebisyon na impluwensiyahan ang mga tagapanood. Sa pag-aanunsiyo, halimbawa, may kalayaan nilang ginagamit ang bawat mapanghikayat na gimik na magagamit nila upang akitin kang bumili. Kulay. Musika. Magagandang tao. Seksuwal na pagnanasa. Magagandang tanawin. Napakarami nilang suplay, at may kadalubhasaan nilang ginagamit ito.
Isang dating ehekutibo sa pag-aanunsiyo ang sumulat tungkol sa kaniyang 15 taon sa larangang ito: “Natutuhan ko na posibleng magsalita nang tuwiran sa pamamagitan ng media [gaya ng TV] sa mga isip ng tao at pagkatapos, tulad ng isa na may sobrenatural na kapangyarihan, ay mag-iwan ng mga larawan sa loob ng isip na magpapangyari sa mga tao na gawin kung ano ang maaaring hindi nila naiisip na gawin.”
Na ang telebisyon ay may gayong kalakas na kapangyarihan sa mga tao ay maliwanag na noong 1950’s. Isang kompaniya ng lipstik na kumikita ng $50,000 isang taon ay nagsimulang mag-anunsiyo sa telebisyon sa E.U. Sa loob ng dalawang taon, ang benta ay lumakas nang husto tungo sa $4,500,000 isang taon! Isang bangko ang biglang natabunan ng $15,000,000 mga deposito pagkatapos na ito ay mag-anunsiyo ng mga paglilingkod nito sa isang programa sa TV na popular sa mga babae.
Ngayon, ang katamtamang Amerikano ay nanonood ng mahigit 32,000 patalastas o komersiyal taun-taon. Ang mga anunsiyo ay humihikayat sa mga damdamin. Gaya ng isinulat ni Mark Crispin Miller sa Boxed In—The Culture of TV: “ Totoo na tayo ang naiimpluwensiyahan ng napapanood natin. Ang mga komersiyal na laganap sa araw-araw na buhay ay walang patid na nakaiimpluwensiya sa atin.” Ang impluwensiyang ito, susog niya, “ay tiyak na mapanganib sapagkat kadalasang ito’y mahirap makilala, kaya hindi ito mabibigo hanggang sa matutuhan nating maunawaan ito.”
Ngunit ang telebisyon ay hindi lamang nagbebenta ng lipstik, pulitikal na mga palagay, at kultura. Nagbebenta rin ito ng moral o asal—o ng kawalan nito.
TV at Kagandahang-asal
Iilang tao ang magugulat na malaman na ang seksuwal na paggawi ay lalong madalas na inilalarawan sa TV sa Amerika. Nasumpungan ng isang pag-aaral na inilathala noong 1989 sa Journalism Quarterly na sa 66 na oras ng mga palabas sa TV kung gabi, lahat-lahat ay may 722 halimbawa ng seksuwal na paggawi, ito man ay ipinahiwatig, berbal na binanggit, o aktuwal na inilarawan. Ang mga halimbawa ay mula sa erotikong paghipo hanggang sa pagtatalik, masturbasyon, homoseksuwalidad,
at insesto. Ang katamtaman ay 10.94 na mga halimbawa sa bawat oras!Ang Estados Unidos ay hindi natatangi sa bagay na ito. Ang mga pelikula sa TV sa Pransiya ay naglalarawan ng maliwanag na sadismo sa sekso. Ang pagbuburles ay lumilitaw sa TV sa Italya. Ang gabing-gabi nang mga palabas sa TV sa Espanya ay nagtatampok ng mararahas at erotikong mga pelikula. Ang listahan ay nagpapatuloy pa.
Ang karahasan ay isa pang uri ng imoralidad sa TV. Sa Estados Unidos, pinuri kamakailan ng isang kritiko sa TV para sa magasing Time ang “nakakikilabot na katatawanan” sa isang bunton ng mga programang horror. Itinatampok ng serye ang mga eksena ng pagpugot ng ulo, pagputol sa iba’t ibang bahagi ng katawan, pagbabayubay, at demonikong pagmamay-ari. Mangyari pa, karamihan ng karahasan sa TV ay hindi gaanong kakila-kilabot—at mas madaling ipagwalang-bahala. Nang ang Kanluraning telebisyon ay ipakita kamakailan sa isang liblib na nayon sa Côte d’Ivoire, Kanlurang Aprika, isang nalilitong matandang lalaki ang nagtanong: “Bakit ba ang mga puti ay laging nagsasaksakan, nagbabarilan at nagsusuntukan sa isa’t isa?”
Mangyari pa, ang sagot ay sapagkat nais ibigay ng mga prodyuser at ng mga isponsor ng telebisyon sa mga tagapanood kung ano ang gustong makita ng mga tagapanood. Ang karahasan ay umaakit sa mga tagapanood. Gayundin ang sekso. Kaya ang TV ay nagbibigay ng sapat na mga bahagi ng karahasan at sekso—subalit hindi napakarami kaagad, kung hindi ay magsasawa ang mga tagapanood. Gaya ng pagkakasabi rito ni Donna McCrohan sa Prime Time, Our Time: “Karamihan ng pangunahing mga palabas ay gumagamit ng pagmumura, sekso, karahasan, o iba pang paksang kayang tanggapin ng mga manonood; pagkatapos, kapag nasagad na, nagpapakalabis na sila hanggang sa masanay na rito ang mga tao. Sa dakong huli, ang publiko ay handa na sa bagong hanggahan.”
Halimbawa, dati-rati ang paksa tungkol sa homoseksuwalidad ay itinuturing na lampas “sa hanggahan” ng mabuting palabas para sa telebisyon. Subalit minsang ang mga tagapanood ay nasanay na rito, handa na nilang tanggapin ang higit pa. Isang peryudistang Pranses ang nagpahayag: “Walang prodyuser ang mangangahas na iharap ang homoseksuwalidad bilang isang naiibang bagay ngayon . . . Bagkus ang lipunan at ang hindi pagpaparaya nito ang kakaiba.” Sa cable television ng Amerika, isang ‘homoseksuwal na dramang de serye’ ang ipinalabas sa unang pagkakataon sa 11 lungsod noong 1990. Ang programa ay nagtampok ng mga eksena ng mga lalaking magkasama sa kama. Sinabi ng prodyuser ng palabas sa magasing Newsweek na ang gayong mga eksena ay idinisenyo ng mga bakla upang “gawing manhid ang mga tagapanood nang matalos ng mga tao na kami’y walang pinag-kaiba.”
Guniguni Laban sa Katotohanan
Binanggit ng mga awtor ng pag-aaral na iniulat sa Journalism Quarterly na yamang ang TV ay halos hindi kailanman nagpapakita ng mga resulta ng ipinagbabawal na sekso, ang “walang tigil na pagpapalabas ng seksuwal na nakakikiliting mga larawan” nito ay katumbas ng isang kampanya upang palabuin ang katotohanan. Binanggit nila ang isa pang pag-aaral na naghinuha na ang mga dramang de serye sa TV ay ipinalalaganap ang mensaheng ito nang higit sa lahat: Ang sekso ay para sa mga walang asawang magkapareha, at walang sinuman ang nagkakasakit mula rito.
Ito ba ang daigdig na gaya ng nakikilala mo? Ang pagsisiping bago mag-asawa nang walang mga pagbubuntis ng mga tinedyer o mga sakit na seksuwal na naililipat? Ang homoseksuwalidad o dalawang seksuwalidad nang hindi natatakot na magkaroon ng AIDS? Karahasan at sadyang pagpinsala na nag-iiwan sa mga bayani na matagumpay at sa mga kontrabida na napahiya—ngunit sila kapuwa ay kadalasa’y nakapagtatakang walang pasâ? Ang TV ay lumilikha ng isang daigdig kung saan ang mga kilos ay walang kapinsalaan. Ang mga batas ng budhi, ng moralidad, at ng pagpipigil-sa-sarili ay pinapalitan ng batas ng kagyat na kasiyahan.
Maliwanag, ang telebisyon ay hindi isang “bintana sa daigdig”—sa paano man hindi sa tunay na
daigdig. Sa katunayan, isang bagong aklat tungkol sa telebisyon ay tinatawag na The Unreality Industry (Ang Industriya ng Hindi Totoo). Sinasabi ng mga awtor nito na ang TV ay “naging isa sa pinakamalakas na puwersa sa ating buhay. Ang resulta ay na hindi lamang binibigyan kahulugan ng TV kung ano ang katotohanan, kundi mas mahalaga at nakababalisa, binubura ng TV ang mismong pagkakakilanlan, ang mismong linya, sa pagitan ng katotohanan at ng hindi katotohanan.”Ang mga salitang ito ay maaaring makatakot sa mga nag-aakala na sila ay hindi tinatablan ng impluwensiya ng telebisyon. ‘Hindi ko pinaniniwalaan ang lahat ng aking nakikita,’ katuwiran ng iba. Ipagpalagay na, maaaring hindi natin pinagkakatiwalaan ang TV. Subalit ang mga dalubhasa ay nagbababala na ang kusang kawalan ng paniniwalang ito ay maaaring hindi mag-ingat sa atin mula sa tusong mga paraan ng pagsasamantala ng TV sa ating mga damdamin. Gaya ng pagkakasabi rito ng isang manunulat: “Ang isa sa pinakamahusay na daya ng TV ay ang hindi pagsasabi kung gaano nito naaapektuhan ang mga mekanismo ng ating kaisipan.”
Isang Makina ng Impluwensiya
Sang-ayon sa 1990 Britannica Book of the Year, sa katamtaman, ang mga Amerikano ay nanonood sa telebisyon ng pitong oras at dalawang minuto araw-araw. Inilalagay ng tayang mas katamtaman ang bilang sa halos dalawang oras isang araw, subalit iyan ay katumbas pa rin ng pitong taon na panonood ng telebisyon sa buong buhay ng isa! Paano nga hindi maaapektuhan ng gayong karaming dosis ng TV ang mga tao?
Tila hindi kataka-taka kapag nabasa natin ang tungkol sa mga taong nahihirapang makilala ang TV at ang katotohanan. Nasumpungan ng isang pag-aaral na inilathala sa babasahing Britano na Media, Culture and Society na ang TV nga ay nakahihikayat sa ilang tao na gumawa ng “isang mapagpipiliang pangmalas sa tunay na daigdig,” pinapaniwala sila na ang kanilang mga kagustuhan tungkol sa katotohanan ay katotohanan mismo. Ang iba pang mga pag-aaral, gaya niyaong tinipon ng U.S. National Institute of Mental Health, ay waring umaalalay sa mga tuklas na ito.
Palibhasa’y naiimpluwensiyahan ng TV ang popular na mga paniwala tungkol sa katotohanan, paano nga hindi maiiimpluwensiyahan nito ang mismong buhay at kilos ng mga tao? Gaya ng sulat ni Donna McCrohan sa Prime Time, Our Time: “Kapag ang isang nangungunang palabas sa TV ay lumalabag sa mga ipinagbabawal na kaugalian o mga hadlang ng wika, tayo’y nakadarama ng higit na kalayaang labagin ito mismo. Sa gayunding paraan, tayo’y naiimpluwensiyahan kapag . . . ang kahandalapakan ay itinuturing na karaniwan, o isang machong tauhan ay binabanggit ang kaniyang paggamit ng condom. Sa bawat pagkakataon, ang TV ay kumikilos—sa naantalang aksiyon—bilang salamin na kukumbinsi sa atin na tayo yaong pinapangarap natin, at samakatuwid ay magiging gayon nga.”
Tunay, nasaksihan ng pagsimula ng panahon ng TV ang pagdami ng imoralidad at karahasan. Nagkataon lamang? Hindi. Ipinakikita ng isang pag-aaral na ang bilang ng krimen at karahasan sa tatlong bansa ay dumami lamang pagkatapos na maipakilala ang TV sa bawat isa sa mga bansang ito. Kung saan ang TV ay ipinakilalang mas maaga, ang bilang ng krimen ay dumami na mas maaga.
Nakapagtataka, ang TV ay hindi man lamang nauuri bilang nakagiginhawang libangan na gaya ng palagay ng marami. Natuklasan ng mga pag-aaral na isinagawa sa 1,200 mga tao sa loob ng mahigit na 13-taon na sa lahat ng libangan, ang panonood ng telebisyon ay hindi nakagiginhawa sa tao. Bagkus, waring iniiwan nito ang mga tagapanood na walang kibo ngunit maigting at hindi makapagtuon ng isip. Ang matagal na mga panahon ng panonood ay lalo nang nag-iiwan sa mga tao sa mas masamang kalagayan kaysa nang sila’y magsimulang manood. Kung ihahambing naman, ang pagbabasa ay nag-iiwan sa mga tao na mas relaks, mas mabuting kalagayan, at mas nakapagtutuon ng isip!
Subalit gaano man nakabubuti ang pagbabasa ng isang mahusay na aklat, maaaring gawin ito ng TV, na alistong magnanakaw ng panahon, na pangalawang dako sa buhay ng tao. Nang ang telebisyon ay unang ipakilala sa New York City, ang mga aklatang bayan ay agad nag-ulat ng pagbaba sa sirkulasyon ng aklat. Mangyari pa, hindi ito nangangahulugan na isusuko na ng sangkatauhan ang pagbabasa. Gayunman, sinasabing ang mga tao ngayon ay wala nang gaanong tiyagang magbasa, na ang kanilang atensiyon ay humihina kung hindi sila pauulanan ng matitingkad na larawan. Maaaring hindi mapatunayan ng estadistika at mga pag-aaral ang gayong malabong pag-aalinlangan. Gayunman, ano ang mawawala sa atin sa personal na kalooban natin at disiplina kung tayo’y
aasa sa walang patid na pagpapalayaw sa pamamagitan ng isang patuloy na daloy ng paglilibang na idinisenyo, sa bawat sandali, upang mapanatili kahit ang pinakamaikling atensiyon?Mga Anak ng Kahon
Gayunman, may kaugnayan sa mga bata na ang paksa ng telebisyon ay talagang nangangailangan ng apurahang pansin. Karaniwan na, anuman ang maaaring gawin ng TV sa mga adulto, tiyak na magagawa nito sa mga bata—nang higit. Sabihin pa, mas madaling maniwala ang mga bata sa gawa-gawang daigdig na nakikita nila sa TV. Binanggit ng pahayagang Aleman na Rheinischer Merkur/Christ und Welt ang isang pag-aaral kamakailan kung saan nasumpungan na kadalasang “hindi makilala [ng mga bata] ang tunay na buhay sa kung ano ang nakikita nila sa puting-tabing. Inililipat nila ang nakikita nila sa di-tunay na daigdig tungo sa tunay na daigdig.”
Mahigit na 3,000 siyentipikong pag-aaral noong mga dekada ng pananaliksik ang umalalay sa konklusyon na ang karahasan sa TV ay may negatibong mga epekto sa mga bata at mga tinedyer. Ang kilalang mga organisasyon na gaya ng American Academy of Pediatrics, ang National Institute of Mental Health, at ang American Medical Association ay pawang sumasang-ayon na ang karahasan sa telebisyon ay nagpapangyari ng agresibo at laban sa lipunang paggawi sa mga bata.
Ang mga pag-aaral ay nagpakita ng iba pang nakababalisang mga resulta. Halimbawa, ang sobrang taba sa pagkabata ay iniuugnay sa labis-labis na panonood ng TV. Sa wari’y may dalawang dahilan. (1) Walang kibong mga oras sa harap ng kahon ay humahalili sa aktibong mga oras ng laro. (2) Ang mga patalastas sa TV ay magaling na nagbebenta sa mga bata ng mamantikang mga junk food na walang gaanong sustansiya. Ipinakikita ng iba pang pananaliksik na ang mga batang labis-labis sa panonood ng TV ay mahina sa klase. Bagaman ang konklusyon ay mas kontrobersiyal, iniulat kamakailan ng magasing Time na sinisisi ng maraming sikologo at mga guro ang TV sa lubhang pagbaba ng mga kasanayan sa pagbasa at pagganap sa paaralan ng mga bata.
Minsan pa, ang panahon ay isang mahalagang salik. Sa panahong ang isang katamtamang batang Amerikano ay magtapos sa high school, siya ay nakagugol ng 17,000 oras sa harap ng TV kung ihahambing sa 11,000 oras sa paaralan. Para sa maraming bata, ang TV ang kanilang pangunahing gawain sa kanilang malayang panahon kung hindi man ang kanilang pangunahing gawain. Binabanggit ng aklat na The National PTA Talks to Parents: How to Get the Best Education for Your Child na kalahati ng lahat ng mga nasa ikalimang grado (diyes-anyos) ay gumugugol ng apat na minuto sa isang araw sa pagbabasa sa bahay, subalit gumugugol ng 130 minuto sa panonood ng TV.
Sa pangwakas na pagsusuri, malamang na may iilan lamang seryosong tututol na ang TV ay hindi isang tunay na panganib kapuwa sa mga bata at sa mga adulto. Subalit ano ang ibig sabihin niyan? Dapat bang ipagbawal ng mga magulang ang panonood ng TV sa bahay? Dapat bang pangalagaan ng mga tao sa pangkalahatan ang kanilang sarili mula sa impluwensiya nito sa pagtatapon nito o sa pagtatago nito sa bodega?
[Talababa]
a Tingnan ang “Talaga bang Mapaniniwalaan Mo ang Balita?” sa Agosto 22, 1990, na labas ng Gumising!
[Blurb sa pahina 7]
“Bakit ba ang mga puti ay laging nagsasaksakan, nagbabarilan at nagsusuntukan sa isa’t isa?”
[Larawan sa pahina 9]
Isara ang TV, buksan ang mga aklat