Mga Ibong Umaawit—Mga Virtuoso na Humahamon sa Unawa
Mga Ibong Umaawit—Mga Virtuoso na Humahamon sa Unawa
“SA MADALING araw, ako’y nagising sa mga tunog na kakaiba sa tainga ko na nasanay sa tunog sa lungsod. Kakaiba ngunit maganda. Ito’y tungkol sa mga umaawit na ibon. Hindi lamang isa o dalawa kundi marami. Maraming ibon. Ang ilan ay malapit, ang iba naman ay mas malayo, at silang lahat ay umaawit. Habang ako’y nakahiga sa kama at nakikinig, ako’y nag-isip. Bumangon ako at nagtungo sa bintana, binuksan ko ito, at lumuhod ako na ang aking mga siko ay nasa pasimano. Mas malapit ngayon, narinig kong lumakas ang tunog nito hanggang sa para bang ang lahat sa labas ng bahay ay punung-puno ng musika. Maraming ibong umaawit taglay ang kanilang maraming indibiduwal na mga awit subalit pawang nagkakatugma sa isang dakilang koro. Hindi ko pinansin ang lamig ng hangin. Ako’y nabighani.”
Ang nauna ay karanasan ng isang lalaking buhat sa Lungsod ng New York na dumadalaw sa mga kaibigan sa North Yorkshire, Inglatera. Ang kanilang tahanan ay napaliligiran ng bukás na parang at kakahuyan—at mga ibon. Nang batiin niya ang kaniyang mga maypabisita nang umagang iyon, siya ay masayang-masaya. Ipinaliwanag nila sa kaniya na nasaksihan niya ang ‘koro sa bukang-liwayway.’ Nangyayari ito tuwing tagsibol at hanggang sa kalagitnaan ng tag-araw. Mayroon ding ‘koro sa gabi.’ Mas malumanay, ngunit kahanga-hanga pa rin. Sa maraming bahagi ng daigdig, ang mga pagtatanghal na ito ay nagiging bihira; sa ibang dako ito ay naglaho pa nga.
May 9,000 kilalang uri ng mga ibon, halos 5,000 nito ay nauri bilang mga ibong umaawit, sa pamilya ng Oscines. Bagaman ang ilang babae ay umaawit, ang mga lalaki ang nagtatanghal ng musikal na mga palabas na ito sa umaga at sa gabi. Sinabi sa amin na sila ay umaawit upang panghawakan ang teritoryo at makakuha ng kabiyak, ngunit posible rin na nasisiyahan silang gumawa ng musika. Oo, kapag ang koro sa bukang-liwayway ay malapit na sa sukdulan nito at nagpapatuloy na hindi humuhupa sa loob ng 30 minuto, para bang nararating ng mga mang-aawit ang tugatog ng kasiyahan.
Iba’t Ibang Awit
Ang mga awit ay iba-iba mula sa simple hanggang
sa masalimuot at sa detalyado. Ang mayang puti-ang-korona ay waring kontento na sa isang simpleng awit, na walang katapusang inuulit-ulit. Ang umaawit na maya ay maraming awit, ang mga wren ay may daan-daang awit, at ang mga mockingbird ay maaaring umawit sa loob ng mga ilang oras ng kanilang malalambing na awit. Gayunman, para sa ganap na bilang ng mga awit, ang brown thrasher ay pinapupurihan dahil sa mahigit na 2,000 awit. Ang mga ibong nightingale, thrush, thrasher, finch, robin, meadowlark, blackbird, warbler, cardinal, napakahusay na mga lyrebird, robin chat, skylark, at marami pang iba mula sa lahat ng bahagi ng lupa ay maaaring mag-angkin ng katanyagan bilang virtuosong mga tagapagtanghal.Karagdagan sa panimulang mga awit ng mga koro sa bukang-liwayway at gabi, marami pang iba. Kawili-wili ang mga awit na “pabulong,” mahihinang awit ng maiikling awit buhat sa panimulang mga awit, na may pagkakaiba at karagdagan at maririnig lamang mga ilang metro ang layo. Kadalasang inaawit kapag ang mga ibon ay nakaupo sa pugad na nagpipisa ng mga itlog o nakatago sa pribadong makapal na palumpon, ang mahihina’t maiikling awit na ito na inaawit kapuwa ng lalaki at babae ay maaaring magpabanaag ng tahimik na pagkakontento.
Ang mga pares ng magkabiyak ng maraming uri ng ibon ay nagduduweto. Magkasama, maaaring awitin nila ang iisang awit, o magkaibang awit, o salit-salit na awitin ang iba’t ibang bahagi ng iisang awit. Ginagawa nila ito na tamang-tamang ang pagsasaoras anupa’t para bang isa lamang ibon ang umaawit. Ang pagitan kapag huminto ang isa at magsisimula naman ang isa ay sinusukat sa milliseconds. Ang tanging paraan upang matiyak na ang dalawang mang-aawit, hindi isa lamang, ang umaawit ay tumayo sa pagitan nila. Sa Timog Amerika ang kilalang duwetista ay ang musician wrens, na itinuturing ng marami na umaawit ng pinakamagandang awit na naririnig sa kagubatan doon.
Walang Hiyang Pamamalahiyo
Ang paggaya ng tunog ay isang paboritong gawain ng ilang uri ng ibon. Tinutukoy ito ng mga ornitologo (dalubhasa sa ibon) bilang isang palaisipang kababalaghan at hindi nila nauunawaan na ito ay may anumang silbi, bagaman iminumungkahi ng isang mananaliksik na ang mga ibon ay naglalaro lamang. Sa Hilagang Amerika ang mockingbird ang nangingibabaw diyan. Ang siyentipikong pangalan nito na Mimus polyglottos ay nangangahulugang “nagagaya ang maraming-wika.” Sa loob lamang ng isang oras na pag-awit, iniulat na nagaya ng isa ang 55 uri ng ibon.
Subalit hindi lamang ang mga mockingbird ang nanggagaya. Sa Australia ang napakahusay na lyrebird ay “may pinakamalakas at magandang
huni sa lahat ng mga awit ng ibon,” gayunman “sa mga awit niya ay idinaragdag pa niya ang mga awit ng halos lahat ng uri ng ibon na nakatira sa malapit.” Si Robert Burton, ay nag-uulat sa Bird Behavior, mga pahina 130-1, tungkol sa panggagaya ng bowerbirds, marsh warblers, at mga kanaryo. Ang mga bowerbird sa Australia “ay inirekord na ginagaya ang mga pusa, aso, mga palakol na nagsisibak ng kahoy, mga busina ng kotse at ang taginting ng mga alambreng bakod, gayundin ang iba’t ibang uri ng ibon. Isang bowerbird ang sinasabing nakagaya nang mahusay sa huni ng isang agila anupa’t ang isang inahing manok at ang kaniyang mga sisiw ay nagsipagtago.” Tunay, ang mga bowerbird na ito ay hindi umaawit upang manuyo sa mga palakol na pumuputol ng kahoy o habulin ang tumataginting na mga alambreng bakod sa kanilang teritoryo! Marahil ay nagkakatuwaan lamang sila, gaya ng mga taong nakikinig sa kanila.Ang marsh warbler ng Europa ay maraming ginagaya anupa’t “ang buong lawak ng pamamalahiyo nito ay natalos lamang sa pamamagitan ng isang pag-aaral na ginawa sa Belgium. Ang pagsusuri
ng mga sonagram (instrumentong sumusukat ng tunog) ay nagsisiwalat na malamang ang lahat ng awit nito ay binubuo ng mga panggagaya. Hindi lamang ang mga awit ng halos isang daang uri ng ibon sa Europa ang kinilala sa mga sonagram kundi yaon ding mahigit na isang daang uri ng ibon sa Aprika, na naririnig ng marsh warbler sa tirahan nito sa taglamig.”Ang mga kanaryo “ay walang pinipili at gagayahin ang anumang bagay, na gumagawa sa kanila na napakapopular bilang mga ibong-nakahawla. May kilalang halimbawa, mula noong maagang 1900’s, tungkol sa Eurasian bullfinch na naturuang sumipol ng awit na ‘God save the King’. Natutuhan ng isang kanaryo sa kasunod na silid ang himig sa loob ng isang taon at, nang ang bullfinch ay tumigil nang matagal sa dulo ng ikatlong linya, ang kanaryo ay sisingit at tatapusin ang himig.”
Ang iba’t ibang uri ay may tiyak na pinipili pagdating sa mga plataporma kung saan nila aawitin ang kanilang awit. Ang iba ay umaawit sa lupa, ang iba ay sa dulo ng damo, ang iba ay mula sa isang nakalantad na hapunán sa tuktok ng punungkahoy. Pinipili ng mga mockingbird ang lantad na mga dakong iyon na mataas at sa pana-panahon ay inilulunsad ang kanilang sarili na 3 o 6 na metro sa himpapawid at muling bababa sa kanilang mga hapunán, sa buong panahon ay umaawit. Ang mga ibon na nagpupugad sa bukás na mga parang ay kadalasang umaawit sa paglipad samantalang pumapailanglang sa kanilang mga teritoryo. Ito ang kalagayan ng skylark, gaya ng ipinakita ng makatang si Shelley sa kaniyang magandang “Ode to a Skylark,” kung saan binanggit niya ang tungkol sa “masayang espiritu” na ito na mataas na pumapailanlang at bigay na bigay “sa saganang mga awit ng katutubong sining.”
Tagsibol at maagang tag-araw ang panahon para sa mga korong pambukang-liwayway at panggabi. Ipinahihiwatig kahit na ng Bibliya na ito ay pantanging panahon para sa mga ibon upang umawit. Binabanggit ng Awit ni Solomon ang tungkol sa panahon pagkatapos ng taglamig, ang mga bulaklak ay namumukadkad, ang mga prutas ay nabubuo sa mga punungkahoy, ang mga ibong nandarayuhan ay nagbalik na mula sa kanilang mga tirahan sa taglamig, at “ang mga ibon ay aawit, at ang tinig ng batu-bato ay maririnig sa ating lupain.” (Sol 2:11, 12, The New English Bible) Gayunman, maraming ibon ay patuloy na aawit pagkaraan ng tagsibol at tag-araw, pagka natapos na ang gawaing pag-aasawa at pangingitlog.
Sabi ng isang manunulat na ang karamihan ng awit ng ibon ay palaisipan, at “ang pinakamalaking misteryo ay kung bakit ang masalimuot na mga awiting ito ay bigla na lamang lumitaw,” lubhang “napakasalimuot para sa anumang layunin.” Marahil dapat niyang isaalang-alang na ang “masalimuot na mga awiting” ito ay hindi basta lumitaw na lamang kundi ang Diyos na Jehova, na nababahala sa mga maya at sa mga inahing ibon na naglilimlim, ang nagbigay sa kanila ng musikal na kaloob na ito nang lalangin niya ang mga ito. (Deuteronomio 22:6, 7; Mateo 10:29) Marahil ang isa sa mga ‘layunin’ ay bigyan ng kasiyahan ang mga ibon. Ang mga mockingbird at ang iba pa ay kadalasang umaawit sa kalaliman ng gabi. Sino ang magsasabing hindi nila ginagawa iyon para sa kanilang sariling kasiyahan—at sa atin.
Kung Paano Nila Ginagawa Ito ay Isang Nagpapatuloy na Misteryo
Ang “pinakadakilang misteryo” ay maaaring hindi kung bakit sila umaawit ng masalimuot na mga awit na iyon; ito’y kung papaano nila ginagawa ito. May iba-ibang teoriya, at kahit na ngayon pagkatapos ng malawakang siyentipikong imbestigasyon, wala pa ring nagkakaisang kasunduan. Ang voice box ng ibon ay tinatawag na syrinx—isang mabuto, parang kahon na silid na umuugong na may elastikong mga lamad na kontrolado ng pantanging mga kalamnan. Iba-iba ito sa magkakaibang uri, ang pinakamasalimuot na anyo nito ay masusumpungan sa mga ibong umaawit. Naroon ito sa ibabang dulo ng lalagukan, o windpipe, at may dalawang magkahiwalay na pinagmumulan ng tunog. Ang bawat pinagmumulan ng tunog ay may kaniyang set ng mga ugat, kalamnan at lamad, na siyang dahilan kung bakit ang mga ibong umaawit ay sinasabing may ‘dalawang boses.’ Sa pamamagitan ng paghahali-halili ng tensiyon sa kalamnan sa mga lamad at pagbabago ng presyon ng hangin, nababago ng ibon ang tunog gayundin ang tono. Ang mga ibon na may pinakamaraming kalamnan sa syrinx ang may pinakamaraming potensiyal sa paggawa ng magkakaibang masalimuot na mga awit o huni. Ang pinakamaraming nalalaman sa mga ibong umaawit na ito ay may pito hanggang siyam na pares ng mga kalamnang ito.
Ipinakikita ni Robert Burton sa kaniyang aklat na Bird Behavior kung bakit ang pag-awit ng mga ibon ay mahirap nating unawain: “Ang paggawa ng tunog ay umaabot sa tugatog nito sa mga uri na gaya ng reed warbler at brown thrasher na umaawit
ng dalawang tono nang sabay na may iba-ibang nota na nanggagaling sa bawat hati ng syrinx na magkasabay. Sa isang punto sa awit nito, ang brown thrasher sa katunayan ay bumibigkas ng apat na magkakaibang tunog nang sabay-sabay, subalit hindi alam kung paano ito nagagawa.”Sa nakalipas na 20 taon, ang tinatanggap na teoriya sa kung paano umaawit ang mga ibon ay batay lamang sa syrinx. Ang ‘dalawang boses’ nito, na may kakayahang gumawa nang sabay-sabay na dalawang magkaibang tono, ang isa ay naiiba sa isa, ay sinasabing siyang dahilan ng kalidad at pagkakaiba-iba ng mga awit ng ibon. Pagkaraang ang dalawang tunog ay lumabas sa syrinx, ito’y kailangang magtungo sa itaas sa kahabaan ng lalagukan bago lumabas sa bibig. Gayunman, walang bahagi sa paggawa ng awit ang ibinibigay sa lalagukan at sa taginting nito.
Sa nakalipas na mga ilang taon, isang bagong teoriya ang lumitaw bilang resulta ng masusing siyentipikong imbestigasyon. Ito’y nangangailangan ng “pagtutulungan sa pagitan ng dalawang pinagmumulan ng syrinx” at ng pakikibahagi ng lalagukan bilang isang daanan na nagpapataginting, o nagpapatunog. Ang lumalabas na larawan ay isa na kinasasangkutan ng “malapit na pakikibagay sa pagitan ng mga pangyayari sa syrinx at ng mga kaayusan sa daanan ng boses. Ang pakikibagay na ito ay idinisenyo upang magkaroon ng kagyat na pagbabago ng taginting, na kadalasa’y dapat na napakabilis at tamang-tama, upang makatugma ang nagbabagong huwaran ng tunog na lumalabas sa syrinx.” Kung ang bawat “boses” ay pakikinggan nang bukod, ang ilan sa mga nota sa pinagsamang awit ay hindi masusumpungan.
Ang kakayahan ng isang ibong umaawit na baguhin ang tagasala ng boses nito ay tinatalakay ni Stephen Nowicki sa isang artikulo sa Nature: “Maaaring baguhin ng isang ibon ang tagasala ng boses nito sa ilang paraan: halimbawa sa pamamagitan ng pagbabagu-bago sa haba ng lalagukan, sa pagsisikip sa gulung-gulungan, o sa pagpapakambong sa lalamunan at tukâ nito. Ang mga pagbabagong iyon ng kaayusan ay katulad ng mga kilos ng ulo na karaniwang nakikita sa mga ibong umaawit.” Si Nowicki ay naghihinuha: “Salungat sa dating mga teoriya, ang awit ng ibon ay dapat malasin bilang ang tugma-tugmang tunog ng ilang sistema ng mga nerbiyos na nagpapangyari sa sabay-sabay na pagkilos.”
Ipinakita ng mga mananaliksik ang pagkakaiba sa pagitan ng mga tinig ng ibon at ng mga sipol na ginagamit ng mga ibong umaawit. Si N. H. Fletcher, sumusulat sa Journal of Theoretical Biology, ay nagsasabi na ang dalisay na huni ng mga sipol ng ibong umaawit ay waring hindi nanggagaling sa nanginginig na mga lamad sa syrynx kundi isang ganap na kakaibang mekanismo, marahil ay “ginawa sa pamamaraang aerodinamiko, walang tulong ng mekanikal na kumikilos na ibabaw.” Ang malalambing na nota na ginagamit ng ilan sa mga virtuoso ay humahamon pa rin sa unawa.
Ganito naman ang sabi ni Jeffrey Cynx ng Rockefeller University Field Center: “Ang mga mambabasa ay maaaring matuwa o mapahiya na matuklasang ang kadalubhasaan sa ganap na tono ay masusumpungan sa mga ibong umaawit. . . . Sinubok namin ng mga kasamahan ko ang maraming uri ng mga ibong umaawit upang kilalanin ang ganap na tono, at nasumpungan namin ang kakayahang ito ay palasak sa kanila.”
Maganda sa Kanila, Maganda sa Atin
“Habang pinag-aaralan ng mga siyentipiko ang mga gawi ng hayop,” sina Stephen Nowicki at Peter Marler ay sumulat sa Music Perception, “madalas na ang ating pansin ay nakatuon sa gawain at ebolusyunaryong kahulugan ng awit ng ibon bilang isang hudyat ng komunikasyon anupa’t nakaliligtaan natin ang magagandang damdamin ng paghanga na dulot nito sa atin bilang isang uri ng likas na musika.” Saka nila nagugunita na ang ilang mga siyentipiko noong 1920’s at pagkatapos niyon “ay nagmungkahi na ang awit ng ibon ay dapat malasin bilang sinaunang sining, maganda mula sa punto de vista ng ibon gayundin sa ating punto de vista.”
Ang mga awit na pabulong ng mga inahing ibon sa pugad, ang mga duweto ng musikerong mga wren sa kagubatan, ang saganang awit ng skylark ng katutubong sining, ang bowerbird kapag ginagaya nang husto ang isang agila anupa’t ang inahing manok at ang kaniyang mga sisiw ay nagsisipagtago, ang awit ng mockingbird sa madaling araw, at lahat ng ito ay sumasapit sa tugatog sa dakilang koro sa bukang-liwayway na pinupuno ang labas ng bahay ng musika! Tunay, higit pa ito sa mga estadistika at mga sonagram. Ang pagtatanghal ng mga ibon ay maaaring humamon sa ating pang-unawa sa kung paano nila ginagawa ito, subalit pinatitindi lamang ng misteryong iyan ang ating taos-pusong pagpapahalaga sa kahanga-hangang mga virtuoso ng mga ibong umaawit at sa Diyos na gumawa sa kanila!
[Mga larawan sa pahina 16, 17]
Kanang itaas, pakanan: Red-browed finch, satin bowerbird, song sparrow, variegated wren, eastern meadowlark
[Credit Line]
Philip Green
[Credit Line]
Philip Green
[Credit Line]
J. P. Myers/VIREO/H. Armstrong Roberts
[Credit Line]
Philip Green
[Credit Line]
T. Ulrich/H. Armstrong Roberts
[Picture Credit Line sa pahina 15]
Paul A. Berquist