Paano Ko Siya Maitataboy?
Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .
Paano Ko Siya Maitataboy?
Si David ang pinakapopular na lalaki sa paaralan. At walang anu-ano, sa pagkainggit ng lahat ng babae sa paaralan, siya ay naging interesado sa iyo! Ilang beses na niyang hiniling na lumabas kayo, at sa tuwina’y tumanggi ka. Subalit sabi sa iyo ni David na walang babaing nagpangyari sa kaniya na makadama ng ganito at na hindi niya tatanggapin ang sagot mong hindi. Ayaw mong saktan ang kaniyang damdamin, subalit alam mo kung ano marahil ang nasa isip niya. Bakit ayaw ka niyang lubayan?
ANG mga dalaga saanman (at kadalasan ang mga binata ngayon) ay pinaliligiran ng mga kamag-aral at mga kasama sa trabaho na nagpapakita sa kanila ng hindi naiibigang romantikong pansin. Kadalasan ang mga pasaring ay katumbas ng maliwanag na paanyayang magsagawa ng seksuwal na imoralidad. Ano ang magiging reaksiyon mo kung mangyari iyan sa iyo?
Sabi ng isang artikulo sa Psychology Today: “Kung sinisimulan ng isang lalaki ang seksuwalidad, sa pamamagitan ng pasaring o kilos ng katawan, dapat mo siyang sabihan agad. Kung hindi mo gagawin iyon, ang hindi mo pagkibo ay magpapalakas-loob sa kaniya na magpatuloy.” Kaya dapat na kumilos ka—subalit ano ang dapat mong gawin?
Kung Bakit Mahirap Tumanggi
Ang dalagang si Sherron ay tahasang umaamin: “Karaniwang madaling tumanggi kapag ang isang lalaki ay pangit.” Ang problema ay, naiibigan nating lahat ang atensiyon. At kung ito’y galing sa isa na hinahangaan o nagugustuhan natin, hindi madaling tumanggi. Subalit tanungin ang iyong sarili: ‘Ang mga tunguhin, espirituwal na pangmalas, at moral kaya ng taong ito ay katulad ng sa akin? ’ (2 Corinto 6:14) Kung hindi, ang pagtugon sa kaniyang mga pasaring ay maaaring maglagay sa iyo sa daan patungo sa kapahamakan.
Gayumpaman, maaaring makaharap mo rin ang matinding panggigipit ng mga kasama na labagin ang iyong relihiyosong mga pamantayan. Ganito ang ulat ng kabataang si Dana: “Ginigipit ako ng mga babaing kasama ko sa trabaho na lumabas na kasama nila sa sayawan; tinatanong nila kung bakit hindi ako nakikipag-date kaninuman.” Kung ikaw ay nag-aaral pa, maaari ka ring himukin ng iyong mga kaklase na lumabas na kasama ng ilang mga lalaki roon. Maaaring madaling panghinain ng uring ito ng panggigipit ang iyong pasiya. Ano ang magagawa mo upang palakasin ito.
Maglagay ng mga Hangganan
Ganito ang sabi ng matandang kasabihan, “Ang pag-iingat ay maigi kaysa lunas.” Sang-ayon si Maria. Sabi niya: “Ipinaaalam ko na ako ay isa sa mga Saksi ni Jehova.” Kapag nalaman ng mga lalaki na ikaw ay may mataas na mga pamantayang moral, malamang na hindi ka nila gambalain.
Ang wastong pag-aayos ay gumaganap din ng1 Timoteo 2:9.
mahalagang bahagi upang huwag makatawag ng di-naiibigang pansin. Natutuhan ito ng isang ehekutiba sa New York nang siya ay magkaproblema sa mga lalaki sa kaniyang dako ng trabaho. Sabi niya: “Bagaman seryoso ako sa aking trabaho, parang hindi gayon ang akala ng iba. Kaya ipinusod ko ang aking buhok, at nagsimula ako magsuot ng mga pang-itaas na yari sa cotton at pormal na salamin at disenteng damit sa trabaho. Nagmukhang seryoso ako, para bang sinasabi kong naririto ako upang magtrabaho, hindi upang umalembong.” Mangyari pa, ang gayong hitsura ay maaaring hindi na kailangan sa iyong kalagayan, subalit ipinakikita nito ang pangangailangan na tiyaking ang iyong damit at ayos ay nagbibigay ng tamang impresyon.—Isa pang mahalagang salik ay ang pinipili mong mga kaibigan. Ang Bibliya ay nagsasabi: “Siyang lumalakad na kasama ng mga pantas na tao ay magiging pantas, ngunit siyang nakikitungo sa mga mangmang [sa moral] ay mapapariwara.” (Kawikaan 13:20) Kaya huwag makisama—o makinig man lamang—sa mga taong nagbibiro ng mga berdeng biro o nagmamalaki ng mga kapilyuhan sa sekso. Kung makikisama ka, ang iba ay maaaring magkaroon ng maling ideya tungkol sa iyo. Sabi ng kabataang si Erika na kapag ang mga usapan ay nawawala na sa lugar, sinasabi niya sa kanila, “Iyan na ang hudyat ko upang umalis,” at nakukuha nila ang punto.
Pagiging “Isang Pader”
Gayunman, kung minsan kahit na ipakilala mong ikaw ay isang Kristiyano ay hindi sapat upang masiraan ng loob ang ibang lalaki. (“Anong pagkakaiba niyon kung ikaw ay isang Kristiyano?” katuwiran ng isang porsigidong binata. “Babae ka pa rin, at ako naman ay lalaki.”) Paano mo pinakikitunguhan ang gayong mga kalagayan? Bueno, isaalang-alang ang halimbawa ng Bibliya tungkol sa dalagang Shulamita. Siya’y niligawan ng isa sa pinakamayaman, pinakamatalino, at pinakamakapangyarihang lalaki na kailanma’y lumakad sa lupa—si Haring Solomon. Gayunman, ang dalaga ay umiibig na sa isang hamak na pastol mula sa kaniyang bayan. Paano niya maitataboy si Solomon?
Sa pasimula, siya ay may tamang pagtantiya sa kaniyang sarili. Aniya: “Ako’y isa lamang rosa sa parang.” (Awit ni Solomon 2:1) Ang pagkakaroon ng gayunding mababang kalooban ay mahalaga sapagkat ang pangunahing kagamitan na ginagamit ng mga nanghihikayat ay pambobola o labis na papuri. Ang Shulamita ay napakahinhin upang maging biktima nito. At nang gamitin ng “mga anak na babae ng Jerusalem” ang panggigipit ng kasama upang pilitin siyang tanggapin si Solomon, pinasumpa niya sila na ‘huwag gisingin o pukawin ang kaniyang pagsinta hanggang sa ibigin niya.’ (Awit ni Solomon 3:5) Kung ipaaalam mo sa iyong mga kasama ang iyong paninindigan maaari rin nitong bawasan ang kanilang panggigipit.
Higit sa lahat, ang dalagang Shulamita ay disididong labanan ang lahat ng pagsisikap ng hari na baguhin ang isip niya. “Ako’y isang pader,” taas-noong nasabi niya. (Awit ni Solomon 8:10) Dapat mong ipakita na ikaw ay matatag pagdating sa di-wastong mga pasaring. Tulad ng Shulamita, dapat mong matutuhang tumanggi. Kung nahihirapan kang gawin iyon, sanayin mong tumanggi sa hindi gaanong seryosong mga kalagayan. Masanay ka sa pagtatanggol ng iyong pinaniniwalaan. Kung gayon pagdating ng seryosong mga kalagayan, magiging mas handa kang pakitunguhan ito.
Hadlangan ang Pasaring na Iyon!
Isaalang-alang natin ngayon ang ilang karaniwang pang-akit na ginagamit ng mga lalaki at paano mo dapat malasin ito:
‘Ginagawa ito ng lahat.’ Huwag kang maniwala rito! Isinisiwalat ng isang surbey ng organisasyon ng Planned Parenthood na 53 porsiyento ng mga 17-anyos na babae sa Estados Unidos ay nagsagawa ng imoralidad sa sekso. Gayunman, may natitira pang 47 porsiyento na hindi nagsasagawa nito—kasama ka! Isa pa, ang mga Kristiyano ay hindi ‘sumusunod sa karamihan’ kapag nilalabag nito ang mga simulain ng Bibliya.—Exodo 23:2.
‘Hindi ka maygulang.’ Mali! Ang mga taong maygulang ay binibigyan-kahulugan ng Bibliya bilang “yaong sa pamamagitan ng kagagamit ay nasanay ang kanilang mga pang-unawa na makilala ang pagkakaiba ng mabuti at ng masama.”—Hebreo 5:14.
‘Utang mo ito sa akin.’ Wala kang pagkakautang sa sekso sa kaninuman—ito man ay isang kaklase, amo, kaibigan, o sino pa man! At walang sinuman ang may karapatang hilingin ito.
‘Oh, magsaya ka sa ngayon. Maaari tayong mamatay bukas!’ Bilang mga Kristiyano, umaasa tayo sa buhay na walang-hanggan sa hinaharap. Hindi natin mapapayagang sirain ng isang sandali ng bawal na kasiyahan sa sekso ang walang-hanggang kaligayahan.—1 Corinto 15:32-34.
Ang gayong maligoy na mga paglapit ay humihiling ng prangka—kung minsan ay tahasan—na tugon. At kapag ang isa ay mapilit, baka kailanganin mong pag-isipan pa kung paano mo sasaguting mas mabisa ang taong iyon. (Kawikaan 15:28) Anuman ang sasabihin mo, ipakita mo na ikaw ay seryoso sa pagtanggi sa kaniyang mga pasaring; huwag kang kumilos na para kang natutuwa o nahihiya.
Ganito pa ang mungkahi ng awtor na si Joyce Jillson: “Kung talagang nais mong permanenteng lumamig ang mga bagay, ipakipag-usap mo ang tungkol sa relihiyon.” Napatunayan itong totoo ng maraming kabataang Kristiyano. Sabi ng isang batang babae: “Kailanma’t may nagpapasaring sa akin, inilalabas ko Ang Bantayan.” Oo, isa sa pinakamagaling na depensa ay ipaunawa sa kanila ang iyong mga paniwala. Ipaalam mo sa tao kung bakit tinatanggihan mo ang kaniyang mga pasaring. Hindi mo siya tinatanggihan bilang isang persona kundi ang tinatanggihan mo ay ang pagkilos na nais niyang gawin. Ang gayong pangangatuwiran ay lalo nang nakatutulong kung ang tao ay isa na dapat mong makaharap araw-araw. Kung siya’y magpakita ng interes sa mensahe ng Bibliya, maaari itong ipagpatuloy ng isang lalaking miyembro ng kongregasyong Kristiyano.
Nakalulungkot nga, na may ilan na hindi nakikinig sa katuwiran. Ang magagawa mo lamang ay sabihin mong malinaw, na hindi ngumingiti, ang iyong katayuan—at saka umalis. Kung magpatuloy pa rin ang panliligalig o ang kalagayan ay hindi mo na kaya, ipakipag-usap ito sa iyong mga magulang. Baka may mga mungkahi sila—o baka ipasiya nilang makialam. Sa ilang kalagayan, baka kailangan mo pa ngang layuan ang situwasyon!—Ihambing ang Genesis 39:12.
Ngayon, maaari mong pagtiisan ang bibigang pag-abuso o panunukso dahil sa iyong paninindigan, subalit huwag kang masiraan ng loob. Tulad ng Shulamita, tatamasahin mo ang kapayapaan ng isip na nagmumula sa paggawa ng tama. (Awit ni Solomon 8:10) Isa pa, hindi lahat ng lalaki ay kikilos nang mapagmalabis. Si Haring Solomon, bagaman tinanggihan ng dalaga, ay hindi nag-isip ng masama tungkol sa kaniya. Sa katunayan, siya’y sumulat ng isa sa pinakamagandang awit ng pag-ibig na kailanma’y naisulat, pinapupurihan ang dalaga! Sa gayunding paraan, igagalang ng karamihan ng mga lalaki ang iyong matatag na paninindigan. At kung hindi nila igalang? Basta patuloy na maging matatag na gaya ng Shulamita. Maging “isang pader” at hindi isang madaling buksang “pinto.” (Awit ni Solomon 8:9) Tandaan: Ang iyong walang-hanggang kapakanan at paggalang-sa-sarili ay nakataya!
[Larawan sa pahina 13]
Paano mo pakikitunguhan ang mga lalaking hindi tumatanggap ng hindi bilang sagot?