Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pagmamasid sa Daigdig

Pagmamasid sa Daigdig

Pagmamasid sa Daigdig

Pinakamainit na Panahon

Ang dalubhasa sa klima na si James Hansen ay lubhang nakatitiyak na sinimulan nang initin ng “greenhouse effect” ang atmospera ng lupa anupa’t nakipagpustahan siya sa kapuwa mga dalubhasa sa klima na kahit na sa unang tatlong taon ng 1990’s ay magtatala ng pinakamainit na panahon. Kaagad siyang nanalo. Sang-ayon sa tatlong magkakaibang sistema ng pagsukat, ang 1990 ang pinakamainit na taon sa rekord. Gayumpaman, inaakala ng karamihan ng mga dalubhasa sa klima na napakaaga pa upang sabihin kung baga ang greenhouse effect ang may pananagutan sa pinakamainit na temperatura. Sabi nila, hindi sapat ang isang taon upang patunayan ang anumang bagay. Si Hansen ay sumasang-ayon subalit iginigiit niyang batay sa nangyayari ang kaniyang pusta ay tiyak. Sang-ayon sa magasing Science, sinasabi niyang naging napakahirap para sa atmospera na lumamig “sapagkat ito’y pinatitindi ng mga gas na sanhi ng pag-init ng atmospera tungo sa mas mainit na klima.”

Mga Pagpapakamatay sa Norway

Sang-ayon sa World Health Organization, ang bilang ng pagpapakamatay sa Norway ay dumami ng apat na ulit noong nakalipas na 30 taon. Sa kasalukuyan, halos 14 sa bawat 100,000 mga Norwego na ang edad ay 15 hanggang 24 ang nagpapakamatay. Iniulat ng pahayagan sa Oslo na Aftenposten na sa industriyal na bayan ng Gjøvik, mga 15 porsiyento ng kabataang mga pasyente sa ospital ay naroroon dahil sa tangkang pagpapakamatay. Balintuna, sinasabi ng pahayagan na ang Norway ngayon ang pinakamayaman sa mga bansa sa Scandinavia. Sa halip na magdala ng kaligayahan, ang kayamanan ay maaaring nakaragdag pa sa karaniwang damdamin ng kawalang pag-asa. Sinisipi ng Aftenposten ang isang opisyal sa ospital na nagsasabi: “Maaaring itinapon natin ang ating pagkabahala sa iba at itinuon ang ating pansin sa salapi at sa materyal na mga bagay.”

Istilo-ng-Buhay na Pumapatay

Kalahati ng lahat ng kamatayan ay maiiwasan sa pamamagitan ng pagbabago sa istilo-ng-buhay, sabi ni Dr. Ivan Gyarfas, hepe ng cardiovascular disease unit para sa World Health Organization. Ang kanser sa bagà, alta presyon, mga atake sa puso, at atake serebral ang dahilan ng 70 hanggang 80 porsiyento ng lahat ng kamatayan sa industrialisadong mga bansa. Ang mga karamdamang ito ay kadalasang nauugnay sa hindi nakalulusog na mga ugali ng paninigarilyo, hindi matalinong pagkain, at kakulangan ng ehersisyo​—ang istilo-ng-buhay ng tinatawag na mayayaman. Gayunman, ang International Herald Tribune ng Paris ay nag-uulat na ang mga “karamdamang dahil sa istilo-ng-buhay” ang dahilan ngayon ng mula 40 hanggang 50 porsiyento ng lahat ng kamatayan din sa nagpapaunlad na mga bansa. Balintuna naman, wari bang ang istilo ng buhay na karaniwang ipinakikilala na palatandaan ng pag-unlad sa kabuhayan ay tuwirang nauugnay sa pangunahing mga sanhi ng kamatayan sa buong daigdig.

Isang Pagtuligsa kay Pablo

Kalalathala pa lamang ng isang Amerikanong obispong Episcopal, si John S. Spong, ang isang aklat na nagsasabing si apostol Pablo ay isang homoseksuwal. Si Spong ay malaon nang isang kontrobersiyal na tao. Noong 1970’s ikinampaniya niya ang ordinasyon ng mga babae bilang mga ministro. Noong 1980’s iginiit niya sa mga pari na basbasan ang homoseksuwal na mga pagsasama at ordinahin ang isang aktibong homoseksuwal bilang pari. Ngayon, ayon sa The New York Times, sa pagtuturo na si Pablo ay isang homoseksuwal, si Spong “ay umaasang ang mga homoseksuwal ay hindi maasiwa sa relihiyong Episcopal at upang akitin ang mga taong umalis sa simbahan na nag-aakalang ito ay isang naghihingalong institusyon na nakatali sa sinaunang mga kaisipan.” Gayunman, binabanggit ng Times, na “ang pagpuna sa kaniyang tesis o sanaysay tungkol kay Pablo ay galing sa lahat ng panig, sa mga kaibigan at kaaway, sa mga liberal at konserbatibo, Protestante at Katoliko.” Balintuna, iginigiit ni Spong na ang kaniyang mga konklusyon ay batay sa “seryosong pag-aaral ng Bibliya.”

Sekso at ang mga Babaing tinedyer

Ang takot sa AIDS ay maaaring nagpabago sa seksuwal na paggawi ng ilang Amerikano, subalit wala itong gaanong epekto sa mga babaing tinedyer, sang-ayon sa isang pag-aaral kamakailan na isinagawa ng CDC (Centers for Disease Control) ng Atlanta, Georgia, E.U.A. Noong 1970, nang ang “seksuwal rebolusyon” ay nasa kainitan nito, 28.6 porsiyento ng 15- hanggang 19-anyos na mga babae sa Estados Unidos ay iniulat na seksuwal na nakipagtalik bago mag-asawa. Noong 1988, nang ang AIDS ay balitang-balita na, ang bilang na iyan ay tumaas tungo sa 51.5 porsiyento. Ang pagdami ay mas matindi sa pinakabata, ang mga 15-anyos na babae: dumami mula 4.6 porsiyento noong 1970 tungo sa 25.6 porsiyento noong 1988. Nasumpungan din ng pag-aaral ng CDC na mientras mas bata ang babae nang siya’y maging aktibo sa sekso, mas malamang na siya ay magkaroon ng ilang kapareha. Hindi kataka-taka, ang mga babaing tinedyer ay nasumpungan ding may mataas na bilang ng mga sakit na seksuwal na naililipat.

Mapanganib na Pagka-Ina

Taun-taon mahigit na isang milyong babae ang namamatay dahil sa mga komplikasyon sa pagdadalang-tao at panganganak, ulat ng World Health Organization. Gayunman, binabanggit ng magasing World Watch, na maraming eksperto ang naniniwala na ang tunay na bilang ay hindi kukulanging doble niyan. Matindi ang pagpapahirap nito sa hindi gaanong maunlad na mga bansa. Sa taóng ito ay papatay ito ng 1 sa bawat 73 babaing nagdadalang-tao sa Timog Amerika, 1 sa 38 sa Timog Asia, at 1 sa 21 sa Aprika​—kung ihahambing sa 1 sa 10,000 sa gawing hilaga ng Europa. Sinisisi ng World Watch ang mga salik na gaya ng malnutrisyon at saunahing mga pasilidad sa pangangalaga ng kalusugan sa paggawa sa pagka-ina na napakapanganib. Ang aborsiyon lamang ay siyang dahilan ng kamatayan ng 200,000 ina taun-taon. Ipinakikita ng pag-aaral na ang mga batang naulila sa ina ang siya mismong nanganganib sa malnutrisyon at kamatayan, binubuo ang malaking bahagi ng 15,000,000 bata na wala pang limang taóng gulang na namamatay taun-taon sa nagpapaunlad na mga lupain.

Mararahas na Pangkat ng Bangka sa Pangingisda

Isang marahas na paghihimagsik sa isang bangka sa pangingisda ng taga-Taiwan ang nasumpungang nauuso sa mga pangkat ng bangka sa pangingisda, ulat ng magasing Asiaweek. Ayon sa ulat, ang paghihimagsik ay sumiklab pagkaraang ang dalawang tripulante, na takot na takot sa malupit na pagtrato sa mga kamay ng kapitan ng barko, ay nagtangkang magpakamatay sa pamamagitan ng pagtalon sa dagat​—kung saan ipinakuha sila ng kapitan mula sa dagat at lalo pang pinagmalupitan. Ang kasunod na paghihimagsik, na nag-iwan ng hindi kukulanging walo sa mga tripulante na patay, ay maliwanag na hindi natatanging pangyayari. Iniuulat ng Asiaweek na sang-ayon sa Kawanihan sa Pangingisda ng Taiwan, “hindi kukulangin sa 3,000 mangingisda mula sa mga bangka ng Taiwan ang iniulat na patay o nawawala sa nakalipas na sampung taon.” Isang social worker ay nagsabi sa magasin: “Ang bilang ng mga taong pinatay o sapilitang pinalakad sa makapal na tabla ng mga bangkang ito sa pangingisda ay lubhang kataka-taka.”

Ginagawang Nakababagot ang Biyolohiya

Ipinahayag ng isang pangkat ng mga siyentipiko at mga guro kamakailan na ang biyolohiya ay walang kakuwenta-kuwentang itinuturo sa Estados Unidos anupa’t ang kurso ay waring idinisenyo upang sirain ang interes ng mga estudyante sa siyensiya. Sa isang di-pangkaraniwang tahasang report, sinabi ng pangkat na ang mga guro sa biyolohiya ay hindi gaanong nasanay at gumagamit ng mga aklat-aralin na kadalasa’y hindi kawili-wili, mababaw, lipas na sa panahon, at hindi pa nga wasto. Ang mga estudyante ay lumalayo sa mga kursong iyon sa biyolohiya, sabi ng pangkat, “taglay ang paniniwalang ang higit pang pagkalantad sa siyensiya ay isang bagay na hangga’t maaari’y dapat iwasan.” Sinisi ni Dr. Timothy H. Goldsmith, tagapangulo ng pangkat, ang bawat aspekto ng sistema sa edukasyon.

Mga Walang Tahanan sa Alemanya

Mahigit na isang milyon katao sa Pederal na Republika ng Alemanya ang walang tahanan, sang-ayon sa Samahang Aleman para sa mga Taong Walang Tirahan. Sinabi ni Heinrich Holtmannspötter, kalihim ng samahan, na 130,000 sa mga ito ay mga palaboy na walang anumang tirahan. Karamihan sa iba pa na walang tahanan ay mga nandayuhan mula sa ibang bansa o mga taong naghahangad ng asilo sa Alemanya. “Subalit sa lahat halos ng kaso,” sabi ni Holtmannspötter, ang dahilan ng kawalan ng tahanan ay “ang kakulangan ng murang matutuluyan.” Ang pahayagang Aleman na Frankfurter Allgemeine Zeitung ay nag-uulat na ang mga walang tahanan ay lubhang dumami sa nakalipas na mga taon at na ang mga palaboy ngayon ay “isang karaniwang tanawin sa halos lahat ng lungsod sa Alemanya.”

Mga Panganib ng “Bodysurfing”

Ang bodysurfing, ang isport sa tubig na pagsakay sa mga alon ng karagatan, ay hindi laging madali gaya ng nakikita mo, babala ng magasing Amerikano na In Health. Sinuri ni Debbie Goebert, isang epidemiologo sa Pacific Basin Rehabilitation Research and Training Center, ang mga rekord ng ospital sa Hawaii sa mga taóng 1985 hanggang 1988. Natuklasan niya na sa 500 katao na naospital dahil sa mga pinsalang nakuha sa karagatan, ang mga bodysurfer ang dumanas ng karamihan sa pangmatagalang pinsala. Ang kanilang mga pinsala ay mula sa baling buto at napinsalang likod hanggang sa paralisis at ilang kaso pa nga ng pinsala sa utak. Karamihan sa mga napinsala ay mga turistang walang karanasan. Ang In Health ay nagbababala: “Kayo man ay nagbabakasyon sa baybayin ng Hawaii, California, Maryland, o Australia, tanungin sa mga lifeguard kung gaano kalakas ang alon at kung ano ba ang kalagayan sa dalampasigan bago sumalpok ang alon.”

“Balighong Kalupitan”

Natatakot sa dami ng mga kamatayan na dahil sa walang ingat na pagmamaneho ng kotse sa Brazil sa bawat taon, isang editoryal sa pahayagang O Estado de S. Paulo ang nagsabi: “Sa isang panig, isa itong suliranin ng balighong kalupitan, malayang pagpatay, pagtestigo para sa pagkawalang-pananagutan at, sa kabilang panig, isa itong nakasisindak na paghamak sa buhay ng tao.” Ano ba ang ginagawa ng Brazil upang magkaroon ng katinuan ng isip ang walang ingat na mga tsuper? Hinatulan ng isang hukom ang isang 23-anyos na naging dahilan ng kamatayan ng dalawa sa kaniyang mga kaibigan sa isang karera ng kotse sa lansangan na gumugol ng dalawang taon sa pagmamasid ng mga awtopsiya ng mga biktima ng aksidente-sa-trapiko. Isang motoristang nakapatay ng isang 15-anyos na babae at nakasugat ng lima pa ay hinatulang “magtrabaho ng tatlong taon sa isang emergency na ospital, lalo na sa pagtulong sa pangangalaga sa mga biktima ng aksidente.”