Supilin ang Telebisyon Bago Ka Masupil Nito
Supilin ang Telebisyon Bago Ka Masupil Nito
ANG telebisyon ay napakaraming potensiyal. Nang hinihimok ng industriya ng TV sa Amerika ang nagpapaunlad na mga bansa na gumamit ng TV, ito’y nag-alok ng mga pangitain ng isang sakdal na huwarang dako sa pamamagitan ng TV. Ang buong bansa ay magiging mga silid aralan, na kahit na ang pinakaliblib na dako ay makapanonood sa mga programang pang-edukasyon sa mahahalagang paksa na gaya ng mga pamamaraan sa pagsasaka, pangangalaga sa lupa, at pagpaplano ng pamilya. Ang mga bata ay maaaring matuto tungkol sa physics at kemistri at makinabang sa lumalawak na pagpapalitan ng kultura.
Mangyari pa, ang mga pangitaing iyon ay naglaho sa sumunod na katotohanan ng komersiyal na telebisyon—subalit hindi ganap na naglaho. Kahit na si Newton Minow, tagapangulo ng Federal Communications Commission na binansagan ang telebisyon na “isang pagkalaki-laking iláng,” ay umamin sa pahayag ding iyon noong 1961 na ang TV ay may ilang dakilang tagumpay at kalugud-lugod na libangan sa karangalan nito.
Tiyak na totoo pa rin iyan ngayon. Ang mga balita sa TV ay nagbibigay sa atin ng pinakahuling balita tungkol sa mga pangyayari sa daigdig. Ang mga programa sa TV tungkol sa kalikasan ay nagbibigay sa atin ng mga sulyap sa mga bagay na maaaring hindi natin makita sa ibang paraan: ang magandang kilos ng hummingbird na isinapelikula sa mabagal na kilos, na para bang lumalangoy sa himpapawid; o ang kakatuwang sayaw ng isang latag ng mga bulaklak na isinapelikula sa paraang time-lapse photography, na biglang sumusulpot mula sa lupa sa sarisaring kulay. Nariyan din ang kultural na mga pangyayari, gaya ng ballet, mga symphony, at mga opera. At mayroon ding mga dula, pelikula, at iba pang programa—ang ilan ay may kalaliman at maliwanag na pagkaunawa, ang iba naman ay basta mahusay na libangan.
May mga programang pang-edukasyon para sa mga bata. Ang National Institute of Mental Health ay nag-uulat na kung paanong ang mga bata ay maaaring matuto ng pagiging agresibo mula sa mararahas na palabas sa TV, maaari rin silang matutong maging magandang-loob, palakaibigan, at may pagpipigil-sa-sarili mula sa mabubuting halimbawa sa telebisyon. Ang mga programa sa kung paano kikilos sa mga kagipitan o emergency ay nakaligtas pa nga ng buhay ng mga bata. Kaya, ganito ang sulat ni Vance Packard sa Our Endangered Children: “Ang nasusuya o naliligalig na mga magulang na inilalagay ang kanilang mga set ng TV sa bodega ay malamang na labis-labis ang reaksiyon,
maliban na lamang kung hindi na nila masupil ang kanilang mga anak.”Pagsupil
Maliwanag, ang pinag-uusapan man natin ay tungkol sa mga adulto o sa mga bata, ang susi ay simple lamang—pagsupil. Sinusupil ba natin ang TV, o tayo ba ang sinusupil ng TV? Gaya ng iminumungkahi ni G. Packard, para sa iba ang tanging paraan upang masupil ang TV ay alisin ito. Subalit ang marami naman ay nakasumpong ng mga paraan upang masupil ang TV samantalang pinakikinabangan pa rin ang mahahalagang gamit nito. Ang sumusunod ay ilan sa mga mungkahi.
✔ Sa loob ng isa o dalawang linggo, maingat na irekord ang panonood ng TV ng inyong pamilya. Sumahin ang mga oras sa katapusan ng linggo at tanungin ang sarili kung sulit ba ang panahong kinukuha ng TV.
✔ Panoorin ang mga programa sa TV—hindi basta manood ng TV. Suriin ang listahan ng mga palabas sa TV at tingnan kung may anumang palabas na karapat-dapat panoorin.
✔ Ireserba at ingatan ang ilang mga panahon para sa pag-uusap at pagsasama-sama ng pamilya.
✔ Ang ilang mga dalubhasa ay nagbababala laban sa pagpapahintulot sa mga bata o sa mga tinedyer na magkaroon ng TV sa kanilang silid. Maaaring mahirapan ang mga magulang na subaybayan kung ano ang pinanonood ng isang bata.
✔ Ang isang VCR (videocassette recorder), kung kayang bumili ng isa nito, ay maaaring makatulong. Sa pag-arkila ng mabuting mga videotape o sa pamamagitan ng pagti-tape ng may kalidad na mga programa at panonood nito kapag maluwag sa panahon, magagamit mo ang VCR upang supilin kung ano ang nasa inyong TV—at kung kailan bubuksan ang inyong TV. Gayunman, mag-ingat. Kung hindi masusupil, maaari lamang paramihin ng VCR ang panahong ginugugol sa harap ng TV o buksan ang daan para sa imoral na mga videotape.
Sino ang Guro Mo?
Ang tao ay isa ngang makina sa pagkatuto. Ang ating mga sangkap sa pandamdam ay laging sumasagap ng impormasyon, nagpapadala sa ating utak ng isang baha ng mahigit na 100,000,000 piraso ng impormasyon sa bawat segundo. Sa paano man maaari nating impluwensiyahan ang nilalaman ng bahang iyon sa pagpapasiya kung ano ang ipakakain natin sa ating mga pandamdam. Gaya ng inilalarawan nang husto ng kuwento ng TV, ang isip at espiritu ng tao ay maaaring marumhan ng kung ano ang ating pinanonood kung papaanong madaling marumhan ang ating katawan ng kung ano ang ating kinakain o iniinom.
Paano tayo matututo tungkol sa daigdig sa paligid natin? Anong mga pinagmumulan ng impormasyon ang pipiliin natin? Sino o ano ang ating magiging guro? Ang mga salita ni Jesu-Kristo ay nagbibigay ng maliwanag na kaisipan tungkol sa bagay na ito: “Ang estudyante ay hindi nakahihigit sa kaniyang guro, datapuwat ang bawat isa na lubusang nasanay ay magiging katulad ng kaniyang guro.” (Lucas 6:40, New International Version) Kung gugugol tayo ng napakaraming panahon sa telebisyon bilang ating guro, baka tularan natin ito—itaguyod ang mga pagpapahalaga at mga pamantayang kinakatawan nito. Gaya ng pagkakasabi rito ng Kawikaan 13:20: “Siyang lumalakad na kasama ng mga pantas ay magiging pantas, ngunit siyang nakikitungo sa mga mangmang ay mapapariwara.”
Kahit na kung ang TV ay hindi nagdadala ng mangmang o imoral na mga tauhan sa inyong tahanan, kulang pa rin ito ng isang bagay na mahalaga. Kakaunti ng lumalabas sa TV ang nakatutugon sa isang pangangailangan na karaniwan sa lahat ng tao: ang espirituwal na pangangailangan. Ang TV ay maaaring mahusay sa pagpapakita kung nasa anong kahina-hinayang na kaguluhan ang daigdig na ito, subalit ano ba ang ginagawa nito upang sabihin sa atin kung bakit waring hindi mapamahalaan ng tao ang kaniyang sarili? Maaaring mahusay ito sa pagpapakita sa atin ng mga kagandahan ng nilalang, subalit ano ang ginagawa nito upang ilapit tayo sa ating Maylikha? Maaari tayong dalhin nito sa apat na sulok ng mundo, subalit masasabi ba nito sa atin kung baga ang tao ay maaaring mamuhay roon sa kapayapaan?
Walang “bintana sa daigdig” ang kompleto nang hindi sinasagot ang mahahalagang espirituwal na mga katanungang iyon. Iyan mismo ang gumagawa sa Bibliya na napakahalaga. Nag-aalok ito ng isang “bintana sa daigdig” mula sa pangmalas ng ating Maylikha. Ito’y idinisenyo upang tulungan tayo na maunawaan ang ating layunin sa buhay at bigyan tayo ng matibay na pag-asa sa hinaharap. Ang nakasisiyang mga kasagutan sa lubhang nakaliligalig na mga katanungan sa buhay ay agad na makukuha. Ang mga ito’y naghihintay roon upang basahin sa walang katapusang kahali-halinang mga pahina ng Bibliya.
Ngunit kung hindi nating susupilin ang TV, saan tayo makasusumpong ng panahon?