Ang Kapangyarihan ng Tsismis
Ang Kapangyarihan ng Tsismis
ANG pagpapakamatay ng dalaga ay nakagitla sa tahimik na bayang Ingles. Higit pang nakasisindak ang konklusyon ng hurado: ‘Siya ay pinatay ng walang saligang tsismis!’ Maliwanag, ang pangalan ng dalaga, ang kaniyang reputasyon, at nang dakong huli ang kaniyang buhay ay sinira ng may masamang hangaring walang kuwentang usapan.—Rumor and Gossip—The Social Psychology of Hearsay, ni Ralph L. Rosnow at Gary Alan Fine.
Bagaman ang mga resulta ay bihirang kalunus-lunos na gaya niyaon, walang alinlangan na ang tsismis ay may nakasisindak na kapangyarihan. Sa isang panig, maaaring ipalagay ito bilang isang karaniwang paraan ng pagpapalitan ng kapaki-pakinabang na impormasyon. Sa kabilang dako, maaari itong ituring na siyang dahilan ng kaguluhan sa gobyerno, pagkakabaha-bahagi ng mga pamilya, at pagkasira ng mga karera.
Ang tsismis ang siyang dahilan ng hindi pagkatulog sa gabi, sama ng loob, at hindi pagkatunaw ng pagkain. At walang alinlangang ito ay nagdulot sa iyo ng personal na dalamhati noong minsan. Sa katunayan, ang manunulat na si William M. Jones ay nagbabala na sa daigdig ng negosyo, “dapat mong tanggapin ang posibilidad na sa landasin ng iyong karera may magsisikap na sirain ang iyong reputasyon.”
Ang negatibong tsismis ay halos hindi sinasang-ayunan sa buong sansinukob. Sa gitna ng mga Seminole na mga Indyan sa Estados Unidos, “ang pagsasalita ng masama tungkol sa sinuman” ay inuuri na katulad ng pagsisinungaling at pagnanakaw. Sa isang pamayanan sa Kanlurang Aprika, ang mga tagapagdala ng balita ay nanganganib na maputol ang kanilang mga labi, o masahol pa, sila’y nanganganib na patayin! Oo, sa buong kasaysayan, may mga hakbang na isinagawa upang sugpuin ang tsismis.
Sa pagitan ng ika-15 at ika-18 siglo, ang tinatawag na ducking stool ay popular na ginamit sa Inglatera, sa Alemanya, at, nang maglaon, sa Estados Unidos upang hiyain ang mga dalahira na ihinto ang kanilang nakapipinsalang kadadaldal. Ang isang nasumpungang maysala ay itatali sa isang silya at paulit-ulit na ilulublob sa tubig.
Bagaman ang ducking stool ay hindi na ginagamit na gaya ng pangaw at pangawan, isang pakikipagbaka laban sa tsismis ay isinasagawa kahit sa modernong panahon. Noong 1960’s, halimbawa, ang tinatawag na mga sentro sa pagsugpo-ng-tsismis
ay itinatag sa Estados Unidos upang tumugon sa mga tsismis na makapipinsala sa mga gawain ng gobyerno. Ang katulad na mga paglilingkod ay umiral sa Hilagang Ireland at sa Inglatera. Mga batas ay ipinasa upang sugpuin ang tsismis na idinisenyo upang pinsalain ang ekonomiya ng ilang pinansiyal na mga institusyon.Sa kabila ng gayong mga pagsisikap, ang tsismis ay nagpapatuloy. Ito’y buháy at lumalakas. Ang batas o ang ano pa mang paraan ng tao ay hindi nagtagumpay sa pagpawi sa nakapapasong kapangyarihan nito. Ang tsismis ay nasa lahat ng dako. May tsismis sa magkakapitbahay, tsismis sa opisina, tsismis sa tindahan, tsismis sa parti, tsismis sa pamilya. Nalalampasan nito ang lahat ng kultura, lahi, at sibilisasyon, at ito’y lumalago sa lahat ng antas ng lipunan. Sabi ng isang eksperto: “Ang tsismis ay napakapangkaraniwan na tulad ng paghinga.” Sabi rin niya: ‘Ito’y bahagi na ng kalikasan ng tao.’
Totoo, kadalasan nang isinisiwalat ng tsismis ang masamang bahagi ng kalikasan ng tao, ang bahagi na nasisiyahan sa pagdulot ng kahihiyan sa pangalan, pagpilipit sa katotohanan, at sa pagsira sa buhay. Gayunman, ang tsismis ay hindi naman likas na masama. May positibong panig sa di-sinasadyang usapan. At ang pagkaalam kung saan ang hangganan sa pagitan ng nakapipinsala at hindi nakapipinsalang tsismis ang susi upang huwag mabiktima ang iba—at maging biktima mismo.
[Larawan sa pahina 4]
Ang paggamit ng “ducking stool” ay isang paraan ng lokal na mga gobyerno upang pakitunguhan ang mga dalahira
[Credit Line]
Historical Pictures Service