Ang mga Bagà—Isang Kababalaghan ng Disenyo
Ang mga Bagà—Isang Kababalaghan ng Disenyo
MAAARI kang mabuhay nang walang pagkain sa loob ng ilang linggo. Maaari kang mabuhay nang walang tubig sa loob ng ilang araw. Ngunit kung pipigilin mo ang iyong paghinga, mahihirapan ka pagkaraan lamang ng ilang segundo. At sa loob lamang ng apat na minuto na walang oksiheno ay maaaring magdulot ng pinsala sa utak at kamatayan. Oo, ang oksiheno ay mahalagang pangangailangan ng katawan ng tao!
Malamang na wala kang gaanong kontrol sa kalidad ng hangin na iyong nilalanghap. Gayumpaman, kailangan mo ng hangin, at kailangan mo ito ngayon! Paano ka mabubuhay kapag ang hangin ay napakalamig o napakainit o napakatuyo o napakadumi? Paano mo inaalis ang sumusustini-sa-buhay na oksiheno mula sa gayong hangin, at paano nararating ng oksiheno ang bawat bahagi ng iyong katawan? Paano mo inaalis sa iyong katawan ang carbon dioxide, isang gas? Lahat ng ito ay nangyayari dahil sa iyong mga bagà na kahanga-hanga ang pagkakadisenyo.
Isang Sulyap sa mga Bagà
Ang iyong mga bagà ay dalawang pangunahing sangkap sa paghinga. Tamang-tamang naroroon sa loob ng iyong rib cage, ito’y nasa magkabilang panig ng puso. Ang iyong kanang bagà ay may tatlong bahagi, o lobe, at ang iyong kaliwang bagà ay may dalawang bahagi. Ang bawat bahagi ay tila hindi umaasa sa iba. Dahil dito, nagagawang tanggalin ng mga seruhano ang isang maysakit na bahagi nang hindi isinasakripisyo ang gamit ng iba pang bahagi. Sa unang sulyap sa kayarian ng himaymay ng bagà para bang ito’y kahawig ng isang espongha.
Ang mga bagà ay umaabot pababa sa diaphragm, isang malakas na piraso ng kalamnan na naghihiwalay sa dibdib mula sa tiyan. Ang diaphragm ang pinakamahalagang kalamnan sa paghinga, nakatutulong sa patuloy na paglaki at pagliit ng mga
bagà. Mula sa diaphragm, ang iyong mga bagà ay umaabot pataas hanggang sa pinaka-puno ng iyong leeg. Isang manipis na lamad ang tumatakip sa bawat bagà. Ang lamad na ito, o pleura, ang siya ring sumasapin sa loob ng pinaka-dingding ng dibdib. Ang puwang sa pagitan ng dalawang suson ng lamad na pleura ay punô ng madulas na likido. Ang likidong ito ay nagpapangyari sa mga bagà at sa rib cage na madaling dumulas, nang hindi nagkikiskisan, sa panahon ng paghinga.Mga 25 hanggang 30 iba’t ibang uri ng selula sa mga bagà ang ngayo’y nakilala na ng mga siyentipiko. Ang sarisaring kalamnan at mga nerbiyos, buto at kartilago, mga ugat, likido, hormones, at mga kemikal ay pawang gumaganap ng mahahalagang bahagi sa pag-andar ng mga bagà. Bagaman ang ilang bahagi ng bagà ay hindi pa rin lubusang maunawaan ng mga siyentipiko, ating kilalanin ang ilan sa maraming bahagi na nauunawaan na.
Isang “Punungkahoy” na Daanan ng Hangin
Ang iyong daanan ng hininga ay pangunahin nang isang serye ng kabit-kabit na mga tubo at mga daanan. Bago marating ng hangin ang iyong bagà, malayu-layo rin ang lalakbayin nito. Una, ang hangin ay dumadaloy mula sa iyong ilong o bibig tungo sa lalaugan (pharynx), o lalamunan. Ang lalaugan ay ginagamit kapuwa sa paglunok ng pagkain at sa paghinga. Upang huwag makapasok ang pagkain at inumin sa inyong daanan ng hangin, isang maliit na nakikilos na takip na tinatawag na epiglottis ang bumabara sa pasukan kapag ikaw ay lumulunok.
Ang hangin ay saka dumaraan sa gulung-gulungan (larynx), kung saan naroon ang iyong mga kuwerdas vocales. Susunod ay ang halos 11.5 centimetro-ang-haba na lalagukan (trachea), o windpipe, pinagtibay ng halos 20 hugis-C na pangkat ng mga kartilago sa buong kahabaan nito. Ang lalagukan ay saka nagsasanga sa dalawang dalawa’t kalahating centimetrong mga tubo na tinatawag na main bronchi. Ang isang bronchus ay pumapasok sa kaliwang bagà, ang isa ay pumapasok sa kanang bagà. Sa loob ng mga bagà ang mga tubong ito ay nagsasanga pa.
Ang pagsasangang ito ay paulit-ulit na nagaganap sa loob ng mga bagà hanggang sa isang kayarian na katulad ng isang punungkahoy ang nag-aanyo, na may katawan, mga sanga, at maliliit na sanga. Mangyari pa, sa bawat pagsasanga ang mga daanan ng hangin ay lumiliit nang lumiliit. Ang hangin ay saka pumapasok sa maliliit na sanga, isang netwrok ng maliliit na daluyan na tinatawag na mga bronchiole, bawat isa’y may diyametro na halos isang milimetro. Ang mga bronchiole ay umaakay tungo sa mas maliliit pang tubo, na naghahatid sa hangin sa mga 300 milyong maliliit na air sac na tinatawag na alveoli. Ang mga air sac ay kumpul-kumpol at kahawig ng nakabiting kumpol ng mga ubas o maliliit na lobo. Dito nagwawakas ang tulad-punong sistema ng daanan ng hangin at nararating ng hangin ang pangwakas na patutunguhan nito.
Ang Pangwakas na Pasukan
Kapag narating na nito ang pangwakas na pasukan nito, ang hanging iyong nilalanghap ay nasa loob ng napakanipis na dingding ng alveoli. Ito’y sumusukat lamang ng 0.5 micrometro sa diyametro. Ang papel na ginagamit sa magasing ito ay halos 150 ulit na kasingkapal ng mga dingding ng alveoli!
Bawat isa sa pagkaliliit na alveoli ay natatakpan ng mga daluyan ng dugo na tinatawag na pulmonary capillaries. Ang capillaries na ito ay napakakipot anupa’t isang pulang selula ng dugo lamang ang makadaraan dito sa isang panahon! At ang mga dingding ay napakanipis anupa’t ang carbon dioxide sa dugo ay maaaring tumagos sa alveoli. Ang oksiheno, naman, ay nagdaraan sa ibang direksiyon. Lumalabas ito sa alveoli upang tanggapin ng pulang mga selula ng dugo.
Bawat isa sa mga pulang selula ng dugo, o corpuscles, ay naglalakbay nang isahan, nananatili sa loob ng pulmonary capillaries sa loob ng halos
tatlong-kapat ng isang segundo. Ito ay mahabang panahon upang ang carbon dioxide at ang oksiheno ay magpalitan ng lugar. Ang kilos na ito ng mga gas ay sa pamamagitan ng isang prosesong tinatawag na diffusion. Pagkatapos ang dugong nagdadala ng oksiheno ay nagdaraan sa mas malalaking ugat sa baga, sa wakas ay nakararating sa kaliwang panig ng puso, kung saan ang dugo ay binobomba sa buong katawan bilang ang gatong ng buhay. Lahat-lahat, kumukuha ng halos isang minuto upang ang lahat ng dugo sa iyong katawan ay dumaan sa masalimuot na idinisenyong sistemang ito!Ngayon na narating na ng hangin ang pangwakas na patutunguhan nito, paano ito lumalabas sa mga bagà taglay ang karga nitong carbon dioxide? May pangangailangan ba para sa ikalawang set ng mga daanan ng hangin na gagamitin para sa palabas na paghinga? Isang kababalaghan sa disenyo, ang “punungkahoy” na ito ng mga daluyan ng hangin sa iyong bagà ay ginagamit kapuwa para sa pumapasok na hangin at para sa lumalabas na hangin. Kapuna-puna, habang inaalisan mo ng carbon dioxide ang iyong bagà sa pamamagitan ng palabas na paghinga, magagawa mo ring payanigin ang iyong kuwerdas vocales, sa gayo’y lumilikha ng tunog na mahalaga sa pagsasalita.
“Quality Control”
Habang ang hangin na iyong nilalanghap ay nagdaraan sa iyong ilong at bibig, ito sa katunayan ay pinoproseso ng isang quality-control na istasyon. Kung ang hangin ay napakalamig, ito ay agad na iniinit sa isang hustong temperatura. Kung ang hangin ay napakainit, ito ay pinalalamig. Ano ang nangyayari kung ang hangin ay napakatuyo? Ang mga tabi ng iyong ilong, ng mga nasal sinus, ng lalamunan, at ng iba pang daanan ay nasasapinan ng likidong tinatawag na uhog. Sa panahong ang hangin ay makarating sa pinakamalayong dako sa iyong mga bagà, ang kahalumigmigan nito ay halos 100 porsiyento. Kawili-wili, kapag ikaw ay humihinga na palabas, ibinabalik ng hangin ang mahigit na kalahati ng kahalumigmigan nito sa uhog.
Ang sistemang ito ng quality-control ay kinabibilangan din ng isang masalimuot ng panala ng hangin. Sa isang araw, halos 9,500 litro ng hangin ang nagdaraan sa mga bagà. Ang hanging ito ay karaniwang naglalaman ng nakahahawang mga bagay, nakalalasong mga piraso, mga usok, o iba pang karumihan. Gayunman, ang iyong sistema ng paghinga ay idinisenyo upang alisin ang karamihan ng mga tagapagparuming ito.
Sa simula, ginagawa ng mga balahibo at mucous membrane sa iyong ilong ang kanilang bahagi sa paghuli sa mas malalaking butil ng dumi. Pagkatapos, mayroon kang milyun-milyong pagkaliliit, tulad-balahibong tumutubo sa mga tabi ng iyong daanan ng hangin. Ang mga ito ay tinatawag na cilia. Parang mga sagwan, ito’y paroo’t paritong kumukumpas sa bilis na halos 16 na ulit sa isang segundo, itinutulak ang maruming uhog mula sa mga bagà. Ang iyong mga bagà ay umaasa rin sa mga paglilingkod ng pantanging mga selula, tinatawag na alveolar macrophages, idinisenyo upang patayin ang baktirya at siluin ang mapanganib na mga bagay.
Sa gayon, ang hangin na iyong nilalanghap ay kinondisyon at sinala na bago pa ito makarating sa pinakamaselang mga himaymay sa iyong bagà. Tunay, isang kababalaghan ng disenyo!
Isang Automatikong Sistema
Di-gaya ng pagkain at tubig, ang oksiheno ay maaaring kunin sa kapaligiran nang walang gaanong pagsisikap sa iyong bahagi. Sa bilis na mga 14 na paghinga sa bawat minuto, ang isang malusog na pares ng bagà ay automatikong kumukuha ng oksiheno sa hangin. Kahit na sa panahon ng pagtulog
ang iyong mga bagà ay patuloy na nagtatrabaho nang wala kang pangangasiwa.Mapipili mo ring pansamantalang gawing neutral ang pagkilos ng automatikong sistemang ito. Kaya, maaari mong kusang supilin ang iyong paghinga sa haba na gusto mo. Tutal, gusto mo bang patuloy na kumilos ang automatikong paghinga samantalang ikaw ay lumalangoy sa ilalim ng tubig? Sa bilis na 14 na paghinga sa isang minuto, magkaroon ka kaya ng sapat na panahon upang makatakas sa isang silid na punô ng usok sa panahon ng isang sunog kung hindi mo kayang pigilin ang iyong paghinga? Mangyari pa, ang automatikong sistemang ito ay hindi maaaring pigilin sa loob ng mahabang panahon. Pagkaraan ng ilang minuto, ang iyong mga bagà ay tiyak na babalik sa kanilang automatikong pagkilos.
Subalit ano ang nagpapakilos sa mga kalamnan na palakihin o paliitin ang iyong mga bagà sa panahon ng automatikong pagkilos na ito? Ang sentro ng pagkontrol ay nasa utak. Dito ay sinusubaybayan ng pantanging mga tagatanggap ang antas ng carbon dioxide sa katawan. Kapag maraming carbon dioxide, ang utak ay nagpapadala ng mga mensahe sa pamamagitan ng isang network ng mga nerbiyos, na nagpapakilos naman sa angkop na mga kalamnan ng paghinga.
Ito ang nagbibigay ng kamangha-manghang pakikibagay sa iyong sistema ng paghinga. Ang mga bagà ay maaaring bumagay kahit sa biglaang mga pagbabago sa iyong gawain. Halimbawa, sa panahon ng isang masiglang ehersisyo, ang iyong katawan ay maaaring gumamit ng halos 25 ulit na dami ng oksiheno at gumawa ng mga 25 ulit na dami ng carbon dioxide na gaya ng ginagawa nito kapag ito ay nagpapahinga. Gayunman, halos binabago karakaraka
ng iyong mga bagà ang dalas at lalim ng iyong paghinga upang tumbasan ang iyong patuloy na nagbabagong mga pangangailangan ng oksiheno.May iba pang masalimuot na mga kontrol na nagpapangyari sa mga bagà na kumilos nang wasto. Halimbawa, ang ilang kalamnan na ginagamit sa paghinga ay ginagamit rin sa iba pang layunin, gaya ng paglulon at pagsasalita. Ang mga gawaing ito ay pinananatiling timbang upang ito ay hindi makasagabal sa iyong paghinga. At lahat ng ito ay ginagawa nang hindi mo namamalayan. Oo, nang kusa!
Mangyari pa, maraming bagay ang maaaring magkadiperensiya sa mga bagà, lalo na kung mahina ang iyong resistensiya. Upang banggitin lamang ang ilang karamdaman, nariyan ang hika, brongkitis, emphysema, kanser sa bagà, punô ng tubig ang baga, pleurisy, pulmunya, tuberkulosis, at marami pang impeksiyon dahil sa baktirya, virus, at fungus.
Ngunit ang mga karamdamang ito ay hindi bunga ng may depekto o hindi mahusay ang pagkakadisenyo ng mga bagà. Karamihan ng mga sakit sa bagà ay bunga ng pagkalantad sa mga tagapagparumi, alikabok, at mga singaw na itinatambak ng tao sa kapaligiran. Angaw-angaw ngayon ang pinahihirapan ng kanser sa bagà, brongkitis, at emphysema dahil sa paninigarilyo at iba pang nagpapahirap-sa-sarili na mga pag-abuso sa sistema ng paghinga.
Gayunman, sa ilalim ng normal na mga kalagayan, ang iyong mga bagà ay nakahihigit sa iba bilang isang kababalaghan ng disenyo at bilang isang buháy na bantayog sa Dakilang Disenyador, ang Diyos na Jehova! Tunay, gaya ng pagkakasabi rito ng salmista, tayo ay ‘kagila-gilalas na ginawa sa kakila-kilabot na paraan.’—Awit 139:14.
[Kahon sa pahina 22]
Bakit Nangyayari Ito?
Pagbahín: Isang hindi sinasadya at marahas na paglabas ng hangin sa bibig at sa ilong. Ang mga dulo ng nerbiyos sa ilong ang nagpapangyari sa iyo na bumahín upang maalis mo ang nakaiinis na bagay sa loob ng iyong ilong. Ang malamig na hangin ay maaari ring pagmulan ng pagbahín. Ang isang pagbahín ay maaaring gumawa ng mabilis na hangin ng hanggang 166 kilometro isang oras at maglabas ng hanggang 100,000 maliliit na patak ng uhog at pagkaliliit na mga organismo. Sa kadahilanang ito, malibang takpan mo ang iyong bibig at ilong, ang iyong pagbahín ay maaaring makapinsala sa ibang tao.
Pag-ubo: Isang biglang pagpapalabas ng hangin, inaalis sa baga ang nakapipinsalang mga bagay kapag ang sapin sa daanan ng hangin ay nangangati. Ang pag-ubo ay maaari ring sadyain upang linisin ang lalamunan o ang bronchi. Tulad ng pagbahín, ang pag-ubo ay maaari ring magkalat ng mikrobyo na nagdadala ng sakit.
Pagsinok: Isang bigla, di-sinasadyang paglanghap ng hangin dahil sa pabugsu-bugsong pagliit ng diaphragm. Ang pabigla-biglang pagliit na ito ng diaphragm ay maaaring dahil sa iritasyon ng mga sangkap na malapit sa diaphragm. Ang sumpong ay kumukuha ng hangin tungo sa mga baga sa pamamagitan ng gulung-gulungan, tinatamaan nito ang epiglottis, na nagiging dahilan ng pagyanig ng kuwerdas vocales. Ito ang lumilikha ng tunog na hik.
Paghilik: Isang malakas na tunog na ginagawa sa panahon ng pagtulog, karaniwan na dahil sa paghinga ng tao sa pamamagitan ng kaniyang bibig. Ang malambot ng himaymay sa itaas ng bibig malapit sa lalamunan ay nanginginig samantalang dumaraan ang hangin. Ang labi, pisngi, at butas ng ilong ay maaari ring manginig. Kung ikaw ay natutulog nang nakatihaya, ang bibig ay nahihilig na bumuka, at hinaharangan ng dila ang daanan ng hangin. Ang pagtulog nang nakatagilid ay maaaring magpatigil sa paghilik.
Paghikab: Isang di-sinasadyang malalim na paghinga na ipinalalagay na pagtugon sa dumaraming carbon dioxide sa mga bagá. Ang paghikab ay tinutukoy bilang isang nakahahawang ugali dahil sa simbuyo na maghikab kapag nakita o narinig mo ang isa na humihikab. Hindi maipaliwanag ng mga siyentipiko ang kababalaghang ito.
[Mga dayagram sa pahina 23]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
Lalaugan
Lalagukan
Main bronchi
Kanang bagà
Nasal sinuses
Epiglottis
Larynx
Kuwerdas vocales
Kaliwang bagà
Larawan ng isang bronchiole
Pulmonary capillaries
Alveoli