Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Epilepsiya

Epilepsiya

Epilepsiya

ISANG talamak na sakit ng sentral na sistema nerbiyosa na kakikitaan ng mga kumbulsiyon o pagkawala ng malay, at marahil ang dalawa. Ang sakit na ito ay nauugnay sa di-normal na gawain ng utak. Ang grabeng sumpong ng kumbulsiyon na may kasamang paghihimatay ay tinatawag na grand mal, samantalang ang mas banayad na anyo, mga atake na panandalian lamang, ay tinatawag na petit mal, ang mga ito ang dalawang pangunahing uri ng epilepsiya. Ang isang epileptiko ay isang taong pinahihirapan ng epilepsiya.

Noong araw kasunod ng pagbabagong-anyo, pinagaling ni Jesu-Kristo ang isang epileptiko na hindi napagaling ng kaniyang mga alagad. (Mateo 17:14-20) Mula sa kaniyang pagkabata ang batang lalaking ito ay may “pipi’t binging espiritu” na, kabilang sa iba pang mga bagay, ay naghahagis sa kaniya sa pana-panahon sa kumbulsiyon; ito’y sinasamahan pa ng pagbubula ng bibig. Sinaway ni Jesus ang demonyo, ito’y lumabas, at ang bata’y gumaling.​—Marcos 9:14-29; Lucas 9:37-43.

Bagaman sa kasong ito ang gawain ng demonyo ay nauugnay sa mga sintomas ng epilepsiya, ang epilepsiya ay karaniwan nang may likas na mga dahilan, at hindi ipinahihiwatig ng Kasulatan na ito ay karaniwang dahil sa inaalihan ng demonyo. Bagkus, ang Mateo (4:24) ay nag-uulat na dinala ng mga tao ang mga maysakit pati na ang mga taong “inaalihan-ng demonyo at epileptiko,” dinidistinggi ang dalawang uring ito ng mga tao na pinagaling ni Kristo.

Ang katagang Ingles na “epilepsy” ay hinango sa salitang Griego na e·pi·le·psiʹa, literal na nangangahulugang “atake o sumpong.” Gayunman, ang e·pi·le·psiʹa ay hindi ginagamit sa Bibliya. Bagkus, para sa sakit na ito ginagamit ng Mateo (4:24) ang mga anyo ng salitang Griego na se·le·ni·aʹzo·mai, na ibig sabihin, sa literal, “sumpungin.” Samantala ay ginagamit naman ng King James Version ang “lunatik,” ang ilang modernong salin naman ay gumagamit ng “(mga) epileptiko” sa Mateo 4:24; 17:15.​—AS; NW; RS.

Kawili-wili, ang The International Standard Bible Encyclopaedia ay nagsasabi: “Ang orihinal na kahulugan ng katagang seleniazomai, ‘sumpungin,’ ay nauugnay sa popular na paniwala, malaganap at nananatili, na ang buwan, sa ilang anyo nito, ay nakapipinsala sa mga tao, lalo na sa kaso ng mga sakit na pana-panahon o paulit-ulit. Walang impormasyon upang matiyak kung baga, sa panahon ng B[agong] T[ipan], ang partikular na salitang ito ay kinakatawan ng buháy at aktibong paniniwala o lumilipas sa gamit kung saan nawawala ang orihinal na metapora, at ang salita ay basta nagpapahiwatig ng bagay na ipinakikilala nang walang kinalaman sa ideyang isinasama sa etimolohiya. Ginagamit pa rin natin ang salitang ‘lunatik’ upang ipakahulugan sa isang tao na may sakit sa isip, bagaman malaon na tayong hindi naniniwala sa impluwensiya ng buwan sa gayong mga kaso.”​—Inedit ni J. Orr, 1960, Tomo III, p. 1941.

Ang paggamit ni Mateo sa mga anyong se·le·ni·aʹzo·mai ay hindi nangangahulugan na siya ay naniniwala sa mga pamahiin na nag-uugnay sa sakit na iyon sa ilang anyo ng buwan. Maliwanag, ginagamit lamang niya ang katagang Griego na karaniwang ginagamit noon upang ipakilala ang isang epileptiko. Gayundin, ang mga sintomas na inilarawan ni Mateo, Marcos, at Lucas na nasa kaso ng batang lalaki ay tiyak na yaong mga sintomas na nauugnay sa epilepsiya.