Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Isang Liham ng Pagpapahalaga

Isang Liham ng Pagpapahalaga

Isang Liham ng Pagpapahalaga

MGA ilang buwan na ang nakalipas ang magasing Gumising! ay tumanggap ng isang liham buhat sa isang kabataang estudyante kung saan kaniyang sinabi ang sumusunod:

“Ang inyong mga babasahin ay lubhang nakapagtuturo, madaling basahin at intindihin, napapanahon, at nakapagpapasiglang babasahin na kailanman’y nabasa ko. Ito’y nagdadala ng katotohanan tungkol sa Salita ng Diyos sa metikulosong anyo. Inihahatid nito ang kasalukuyang mga pangyayari na may pang-unawa at pag-asa sa hinaharap.

“Ang bokabularyong ginagamit ay madaling basahin ng mga kabataan, mas madaling basahin kaysa ibang magasin, ensayklopedia, at mga reperensiyang aklat. At ito’y napapanahon. Madalas akong mag-isip tungkol sa isang bagay, at pagkatapos ay naroon ang sagot sa susunod na labas.

“Bilang isang estudyante sa high school, kailangan kong gumawa ng maraming pananaliksik para sa mga report at iba’t ibang project, na nangangailangan ng maraming reperensiyang aklat. Dito totoong kapaki-pakinabang ang inyong mga magasin. Nagagalak akong sabihin na ang impormasyon sa karamihan ng mga project ko ay galing sa mga magasin. Wari bang tuwing nangangailangan ako ng isang paksa para sa isang project, naroon ito sa magasin. O kapag ako’y may pinag-aaralan sa eskuwela, isang artikulo tungkol sa paksang iyon mismo ang naroon upang tulungan akong maunawaan ito.

“Halimbawa, kailangan ko ng isang paksa para sa isang project sa siyensiya na hinihiling na isali namin sa Science Fair. Ito’y binubuo ng tatlong poster, isang report, at isang modelo. Kaya naipasiya kong gumawa ng isang paksa na pinagtatakhan ng maraming tao ngayon: ang “greenhouse effect.” Tinalakay ito sa Setyembre 8, 1989, na Gumising! Ginamit ko ang ilustrasyon sa pahina 2 para sa ideya ko sa isang poster at ang ilustrasyon sa pahina 7 para sa isa pa. Ang ikatlong poster ay tungkol sa mga suson ng atmospera. Ginamit ko rin ang impormasyon sa mga artikulo sa aking report. Naibigan ng lahat ang aking project at ang paraan ng paglalahad ko nito, lalo na ang aking guro sa biolohiya. Binigyan niya ako ng A, at ako ay tumanggap ng unang gantimpala sa aking bahagi tungkol sa Ecology and Conservation.

“Pagkatapos, noong Marso, kailangan ko ng isang paksa para sa takdang-aralin ko sa First Aid. Nakita ko sa Marso 22, 1990, na Gumising! ang isang artikulo tungkol sa hika at ang paggamot dito. Naipasiya kong gamitin ang larawan sa pahina 17 para sa poster at ang impormasyon para sa isang report. Tumanggap din ako ng A sa project na ito.

“Sa aming klase sa American History, pinag-aralan namin ang sinaunang mga sibilisasyon, gaya ng Maya, Aztec, at Inca, at alam mo ba, pagdating ko ng bahay isang gabi, ang Mayo 8, 1990, na Gumising! ay naghihintay sa akin sa mailbox. Inilabas ko ito sa balot nito upang tingnan ang mga nilalaman nito at nakita ko ang isang artikulo sa pahina 13, na tinatalakay ang sibilisasyon ng Maya. Tuwang-tuwa ako. Agad-agad kong binasa ang artikulo at binigyan ko ng isang kopya nito ang aking guro sa history.

“Salamat sa lahat ng napapanahong impormasyong ito, na talagang ginagawang isang karanasan sa pag-aaral ang paggawa ng mga project na ito at isang kagalakan sa halip na isang pabigat. Oo, ang mga magasin ay parang mahalagang mga hiyas. Kailanma’y hindi ko titigilan ang pagbasa nito. Ang mga ito’y talagang kapaki-pakinabang, lalo na sa mga kabataang gaya ko, na madaling magambala. Sa pagbabasa ng mga magasin, pati na ang mga artikulo sa ‘Ang mga Kabataan ay Nagtatanong,’ kami’y napatitibay taglay ang lakas na alisin ang mga pang-abalang ito at itutok ang aming mata sa gantimpalang buhay na walang-hanggan. Maraming-maraming salamat sa inyong pagpapagal sa paghahanda ng mga magasing ito para sa aming pang-unawa at kasiyahan.”​—Isinulat.