Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Lagi bang Tinatapos ng Bawat Araw ng Paglalang ang Sinimulan Nito?

Lagi bang Tinatapos ng Bawat Araw ng Paglalang ang Sinimulan Nito?

Ang Pangmalas ng Bibliya

Lagi bang Tinatapos ng Bawat Araw ng Paglalang ang Sinimulan Nito?

SA PANA-PANAHON, ang mga Saksi ni Jehova ay tumatanggap ng mga tanong tungkol sa pagkakasunud-sunod ng paglalang gaya ng inilalahad sa kanilang aklat na Life​—How Did It Get Here? By Evolution or by Creation? Ang ilan sa mga tanong na ito ay tungkol sa kaibhan sa pagitan ng pagkakasunud-sunod ng paglalang ayon sa aklat at ang pagkakasunud-sunod ayon sa sinasabi ng karamihan ng mga heologo.

Bilang halimbawa, mapapansing itinatala ng mga heologo ang mga ibon na lumitaw pagkatapos ng mga mammal, samantalang ipinakikita ng aklat na Creation, sa pahina 37, ang mga ibon ay lumitaw bago ang mga mammal.

Kapansin-pansin, bagaman inaakala ng maraming heologo na ang mga ibon ay dumating pagkatapos ng mga mammal, ang iba ay naniniwala na ang mga mammal ay lumitaw pagkatapos ng mga ibon. Isang halimbawa ng huling banggit ay masusumpungan sa aklat na Evolution, ni Colin Patterson, pahina 132. Ipinahihiwatig nito na ang katibayan mula sa fossil record ay hindi kapani-paniwala.

Subalit lagi bang tinatapos ng bawat araw ng paglalang sa Genesis kabanata 1 kung ano ang sinimulan nito sa araw na iyon, o ang mga pangyayari ba ay nagpatuloy pagkatapos ng araw na ito ay simulan? Salig sa Bibliya, sinasabi ng aklat na Creation na ang lumilipad na mga kinapal ay nilalang bago lumitaw ang mga mammal. Ang salitang Hebreo na isinaling “lumilipad na mga kinapal” sa Genesis 1:20 ay ‛ohph at maaaring kasali rito ang may pakpak na lumilipad na mga insekto at lumilipad na mga reptilya, gaya ng mga pterosauro. Malamang na ang unang mga insekto ay nauna sa mga kinapal na gaya ng pterosauro, at ang lumilipad ng mga reptilyang ito ay maaaring lumitaw bago ang mga ibon at mga mammal.

Hindi detalyadong inirerekord ng ulat ng paglalang ng Bibliya ang lahat ng mga gawang paglalang ng Diyos na Jehova. Basta inililista nito nang sunud-sunod ang ilan sa mahahalagang pangyayari kung tungkol sa paghahanda sa lupa para sa mga nabubuhay na bagay at ipinakikita ang maayos na paglitaw ng iba’t ibang uri ng buhay-halaman at buhay-hayop. Kasuwato ng paraang iyon, hindi hiwalay na itinatala ng rekord ng Genesis ang lumilipad na mga insekto, lumilipad na reptilya, at mga ibon kundi pinagsasama-sama ito sa ilalim ng panlahat, sakop-lahat na katagang Hebreo na isinaling “lumilipad na mga kinapal.”

Sa Bibliya ang di-ganap na katayuan ng mga pandiwang Hebreo na ginamit sa Genesis kabanata 1 ay nagpapahiwatig na ang paglalang ay isang nagpapatuloy na gawain ng Diyos. At ang mga araw ng paglalang sa Genesis kabanata 1 ay hindi 24-oras na mga araw, kundi ito’y umaabot ng mahigit na libu-libong taon.​—Tingnan ang Life​—How Did It Get Here? By Evolution or by Creation?, pahina 26-7.

Halimbawa, binabanggit ng Genesis 1:3 ang tungkol sa paglalang ng liwanag sa unang araw. Ayon sa salin ni J. W. Watts, ang talatang iyon ay kababasahan: “At sinabi ng Diyos, ‘Magkaroon ng liwanag ’; at unti-unting nagkaroon ng liwanag.” Gayunding larawan ang ibinibigay ng salin ni Benjamin Wills Newton tungkol sa patuloy na pag-unlad ng isang proseso minsang ito’y magsimula: “At ang Diyos ay patuloy na nagsabi [panghinaharap], Magkaroon ng Liwanag, at patuloy na nagkaroon [panghinaharap] ng Liwanag.” (Ang mga panaklong ay kay Newton; ang mga italiko sa dalawang teksto ay sa amin.) Ang liwanag na tumagos sa ibabaw ng lupa ay unti-unting tumindi, at ang proseso ay nagpatuloy sa hinaharap.​—Tingnan ang New World Translation of the Holy Scriptures​—With References, lathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc., Apendise 3C, pahina 1572-3.

Hindi natapos ang unang araw sa “paglalang” ng liwanag kung tungkol sa lupa. Mangyari pa, ang pinagmumulan nito ay umiral na bago pa ang unang araw na iyon subalit hindi nakikita sa ibabaw ng lupa. (Genesis 1:1) Nakita lamang noong unang araw ang pagtagos ng kalat na liwanag sa ibabaw ng lupa, dahil sa pagnipis ng humahadlang na mga suson na bumabalot sa lupa na parang ‘pamigkis.’ (Job 38:9) Ang liwanag sa ibabaw ng lupa ay unti-unting sumikat sa pagnipis ng nakasasagabal na mga suson.

Noong ikalawang araw ng paglalang, pinangyari ng Diyos na magkahiwalay ang tubig sa ibabaw ng lupa at yaong tubig sa itaas nito, nagpangyaring magkaroon ng kalawakan, o atmospera, sa pagitan ng mga tubig sa ibabaw at ng mga tubig sa ibaba. Gaya ng pagkakasabi rito ng salin ni Watts ng Genesis 1:6, 7: “At nagpatuloy ang Diyos, na nagsasabi, ‘Magkaroon ng kalawakan sa gitna ng tubig, at mahiwalay ang tubig sa kapuwa tubig.’ Kaya, sinimulang paghiwalayin ng Diyos ang tubig na nasa ilalim ng kalawakan sa tubig na nasa ibabaw ng kalawakan; at unti-unting nagkagayon.” (Amin ang italiko.) Kung papaanong nakita noong unang araw ang paglitaw ng liwanag sa ibabaw ng lupa subalit hindi sa pangwakas na kalagayan nito, gayundin naman na nakita ng ikalawang araw ang pasimula ng kalawakan. Ang kompletong kalagayan ay hindi agad-agad na naabot.

Ang salin ni Watts sa Genesis 1:9, 11, ay nagsasabi tungkol sa ikatlong araw: “At ang Diyos ay nagpatuloy, na nagsasabi, ‘Mapisan ang tubig sa silong ng langit sa isang dako, at lumitaw ang tuyong lupa’; at unti-unting nagkagayon. At ang Diyos ay nagpatuloy, na nagsasabi, ‘Sibulan ang lupa ng damo, pananim na nagkakabinhi, at mga punungkahoy na namumunga ayon sa kani-kaniyang uri na taglay ang kaniyang binhi sa ibabaw ng lupa’; at unti-unting nagkagayon.” (Amin ang italiko.) Ang paggamit sa salitang “unti-unti” ay nagpapahiwatig ng progresibong gawaing paglalang, na kabaligtaran ng isang pangyayari sa isang yugto sa daloy ng panahon.

Noong ikaapat na araw ay nakakita ng malaking pagbabago: “At nagpatuloy ang Diyos, na nagsasabi, ‘Magkaroon ng mga tanglaw sa kalawakan ng langit upang maghiwalay sa araw at sa gabi, at ang mga ito’y magiging tanda at bahagi ng panahon at ng mga araw at ng mga taon. At ang mga ito’y magiging tanglaw sa kalawakan ng langit upang tumanglaw sa ibabaw ng lupa’; at unti-unting nagkagayon. At sinimulang lalangin ng Diyos ang dalawang malaking tanglaw, ang mas malaking tanglaw ay upang magpuno sa araw, at ang maliit na tanglaw ay upang magpuno sa gabi, nilikha rin niya ang mga bituin.”​—Genesis 1:14-16, Watts, amin ang italiko.

Ngayon, sa kauna-unahang pagkakataon, ang mas matinding sikat ng liwanag ay nakarating sa ibabaw ng lupa. Ang pinagmumulan ng liwanag​—ang araw at ang buwan at mga bituin—​ay makikita mula sa ibabaw ng lupa. Sa ulat noong unang araw ng paglalang, ang salitang Hebreo para sa liwanag ay ’ohr, liwanag sa pangkalahatang diwa; subalit noong ikaapat na araw, ito ay ma·’ohrʹ, ibig sabihin ay pinagmumulan ng liwanag.

Ang ikalimang araw ay kinakitaan ng paglikha sa mga anyo ng buhay na nabubuhay sa tubig, maliwanag pati ang malalaking reptilya sa dagat. Ang ulat ng Genesis ay kababasahan: “At ang Diyos ay patuloy na nagsabi: ‘Bukalan ng sagana ang tubig ng mga gumagalaw na kinapal na may buhay at magsilipad ang mga kinapal sa itaas ng lupa sa luwal na kalawakan ng himpapawid.’ At sinimulang lalangin ng Diyos ang malalaking hayop sa dagat at ang bawat may buhay na kinapal na gumagalaw, na ibinukal na sagana ng tubig, ayon sa kani-kaniyang uri, at ang lahat ng may pakpak na kinapal na lumilipad ayon sa kani-kaniyang uri. At nakita ng Diyos na ito ay mabuti.” (Genesis 1:20, 21) Pagkatapos, ito rin ang panahon kung kailan nagsimulang umiral ang lumilipad na mga kinapal. Ang paglikha sa “bawat may pakpak na kinapal na lumilipad ayon sa kani-kaniyang uri” ay nagpatuloy pagkatapos ng pagsisimula ng panahon ng paglalang na iyon noong ikalimang araw.

Ang Genesis 2:19 ay waring tumutukoy sa progresibong paglalang ng mga kinapal na lumilipad, sapagkat ang sabi nito: “Patuloy na inanyuan ng Diyos na si Yahweh mula sa lupa ang lahat ng hayop sa parang at ang lahat ng ibon [“lahat ng kinapal na lumilipad,” NW] sa himpapawid at pinagdadala sa lalaki upang maalaman kung anong itatawag niya sa mga iyon.”​—Watts, amin ang italiko. a

Kaya ang ulat ng Bibliya tungkol sa Genesis kabanata 1 ay nagpapahiwatig na ang malawak na mga uri ng buhay-halaman at buhay-hayop ay nagsimulang lalangin ng Diyos nang ang lupa ay gawing angkop para sa gayong uri ng buhay. Ang pagpuno sa malawak na mga uring ito ng maraming indibiduwal na uri ng buhay, gaya ng “mga kinapal na lumilipad,” ay progresibo, nagpapatuloy na gawain ng Diyos. Ang nagpapatuloy na gawain ng Diyos ay maaaring nagpatuloy kahit na pagkatapos ng araw ng paglalang kung saan ito sinimulan.

Ang ulat ng heolohiya ay hindi kompleto at nasa ilalim ng interpretasyon ayon sa teoretikal na mga hilig niyaong nagsisikap na maayos ang sala-salabid na katotohanan. Gaya ng ipinakikita sa aklat na Creation, ang Bibliya ay walang pagbabagong wasto kung tungkol sa siyentipikong mga bagay, pati na sa pagkakasunud-sunod ng paglalang.

[Talababa]

a Tingnan ang “All Scripture Is Inspired of God and Beneficial,” edisyong 1990, lathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc., pahina 287.

[Blurb sa pahina 13]

Ang progresibong gawain ng paglalang ay ipinakikita sa paggamit ng salitang “unti-unti”

[Blurb sa pahina 14]

Ang paglalang ng iba’t ibang uri ng buhay ay isang progresibong gawain ng Diyos

[Mga larawan sa pahina 15]

Ang liwanag ay unang lumitaw sa lupa noong unang araw, subalit patuloy na lumiwanag sa kasunod na mga araw

Unang Araw

Ika-2 Araw

Ika-3 Araw

Ika-4 na Araw

[Picture Credit Line sa pahina 12]

Bettmann Archive