Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mula sa Aming mga Mambabasa

Mula sa Aming mga Mambabasa

Mula sa Aming mga Mambabasa

Pangglobong Kapatiran Talagang pinahahalagahan ko ang impormasyon sa labas na Disyembre 8, 1990. Ako’y nakatira sa isang pamilya kung saan may pagtatangi sa lahi, at ito ay kadalasang nakaiinis sa akin. Matagal na akong naghihintay ng impormasyong gaya nito upang ibahagi sa kanila. Maliwanag ang pagkakalahad at diretso sa punto, ang mga artikulo ay tiyak na kapaki-pakinabang sa pagtulong sa kanila na maunawaan kung bakit dapat nating tularan ang halimbawa ng Diyos ng hindi pagtatangi.

T. C., Estados Unidos

Tahanang Nababahagi sa Relihiyon Maraming salamat sa artikulong “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Paano Ako Makapamumuhay sa Isang Tahanang Nababahagi sa Relihiyon?” (Enero 22, 1991) Habang sama-sama naming binabasa ng mga anak ko ang artikulo, nadama namin na para bang talagang nauunawaan ninyo kung gaano kahirap ang kalagayang gaya nito. Inilarawan nito ang maraming problemang personal na nakakaharap namin sa amin mismong tahanan. Talagang nakapagpapatibay-loob na tumanggap ng praktikal na payo mula sa Kasulatan!

D. H., Estados Unidos

Ako man ay lumalaki sa isang tahanang nababahagi sa relihiyon. Tulad ng lalaking sinipi sa artikulo, kung minsan naaawa ako sa tatay ko dahil sa siya ay naiiwang mag-isa sa bahay kapag kami ay nagtutungo sa mga pulong Kristiyano. Kung minsan natutukso akong ikompromiso ang aking pananampalataya. Gayunman, pagkatapos mabasa ang artikulong ito, naipasiya ko na bagaman dapat akong maging mabait at mataktika sa aking tatay, ako rin ay maingat na iiwas sa espirituwal na mga patibong.

J. O., Hapón

Pagtanggap ng Pagpuna Mula nang ako’y maging Kristiyano, ang aking mga magulang ay naghahanap ng mga bagay upang punahin ako. Ito ay talagang nakayayamot. Subalit ipinakita sa akin ng inyong artikulong “Naiinis Ka bang Tumanggap ng Pagpuna?” (Pebrero 8, 1991) kung paano mapagtatagumpayan ang kalagayang ito.

M. M., Estados Unidos

Kagyat na Kasiyahan Nais kong sabihing ‘salamat!’ sa mga artikulo hinggil sa kagyat na kasiyahan. (Enero 22, 1991) Ako’y nakikipagpunyagi sa kaisipang ito, dahil sa anim na oras isang araw na panonood ng telebisyon noong aking kabataan. Ang pagbasa sa mga artikulo ay nagbago sa aking pangmalas.

R. D., Estados Unidos

Paninigarilyo Nasumpungan ko ang isang kopya ng Gumising!, na tumatalakay tungkol sa paninigarilyo, sa isang booth ng telepono. (Hulyo 8, 1989) Ang bungo na nasa pabalat ay talagang nakatatawag ng pansin! Apat na taon na akong huminto ng paninigarilyo, subalit ipinasa ko ang magasin sa isa sa mga anak kong lalaki na nagsisigarilyo. May tatlo pa akong mga anak na lalaki na kailangan ding huminto sa paninigarilyo. Ang mga artikulo ay talagang nakapagtuturo at tuwiran. Bagaman hindi ako kabilang sa inyong relihiyon, iginagalang ko ito.

P. T., Estados Unidos

Ang aking guro ay malakas manigarilyo, at tuwing kakausapin niya ako, siya’y amoy sigarilyo. Natandaan ko ang artikulo na may sampung paraan upang ihinto ang paninigarilyo. Binigyan ko ng isang kopya ang aking guro at pagkaraan ng tatlong buwan ay tinanong ko siya kung siya ba ay huminto na sa paninigarilyo. Sinabi niya sa akin na sa tulong ng magasin at ng pagsisikap sa bahagi niya, siya ay huminto na. Siya ay nanigarilyo sa loob ng 25 taon.

B. O., Estados Unidos

Mga Sambahayan ng Nagsosolong Magulang Ako’y isang nagsosolong magulang, at dahil sa panggigipit sa pagpapalaki at paglalaan para sa aking mga anak na ako lamang mag-isa, para bang buhos na buhos ako sa kung paano nakaapekto sa akin ang mga bagay na ito, kadalasa’y nadarama kong ako’y nag-iisa. Ang inyong artikulong “Paano Ako Liligaya sa Piling ng Isa Lamang Magulang?” (Disyembre 22, 1990) ay nakatulong sa akin na makita ang mga bagay-bagay sa ibang anggulo​—sa paningin ng aking mga anak. Natanto ko na hindi lamang ang aking mga damdamin at mga pangangailangan ang dapat kong isaalang-alang.

P. G. B., Estados Unidos