Pagdalaw sa Great Barrier Reef
Pagdalaw sa Great Barrier Reef
Ng kabalitaan ng Gumising! sa Australia
Ang tuwang-tuwang usapan ng mga turista ay tumindi habang ang lantsang pampasahero ay bumabagal sa dulo ng 29-kilometrong paglalakbay nito mula sa Cairns. Ang nakahahawang bungisngisan ng isang grupo ng mga batang babae ay nagbabadya ng kanilang pananabik—sila ay tutuntong na sa Green Island, isang pangunahing atraksiyon sa Great Barrier Reef ng Australia.
‘Subalit ano ba ang isang barrier reef?’ maitatanong mo. ‘At ano ba ang kahanga-hanga sa isang ito anupa’t marapat ito sa gayong titulo? ’
Kahanga-hanga—Hindi Pagpapalabis sa Katotohanan
Ang Great Barrier Reef ang pinakamalaking sistema ng batuhang korales sa daigdig. Ito’y may haba na mga 2,000 kilometro sa kahabaan ng baybayin ng Queensland, sa gawing hilagang estado ng Australia. Ang indibiduwal na mga batuhan ay iba-iba ang laki, subalit ang ilan sa pinakamalalaki ay hanggang 2 kilometro ang lapad at 24 kilometro ang haba. Ang kabuuang sukat ng Great Barrier Reef Marine Park ay 349,000 kilometro kudrado, na ang layo ay mula 16 na kilometro hanggang mahigit na 300 kilometro sa baybayin ng Australia.
Ang katagang “barrier” ay ginagamit upang ilarawan ang isang batuhan na kahilera ng baybayin subalit sa gawi pa roon ng mas malapit na batuhang korales. Isa pang uri ng batuhan ay ang atoll, nakikilala dahil sa pagkakahawig nito sa isang doughnut, hugis-anilyo na may lagoon sa gitna nito.
Ang klima sa Barrier Reef ay kaaya-aya—mainit sa mga buwan ng taglamig, at tropikal na mainit sa iba pang panahon na may kasamang nakagiginhawang simoy ng hangin-dagat. Kasali rin sa pag-aangkin nitong kahanga-hanga ay ang bahaging
ginagampanan ng batuhang korales bilang isang pagkalaki-laking kanlungan para sa mga ibon at mga hayop sa dagat. Kilala ito sa pagkasarisari ng mga nakakaing isda nito, gaya ng tulingan, grouper, at coral trout, huwag nang banggitin pa ang nahuhuling malalaking isda—ang black marlin, isdang espada, barracuda, at pating.Ang ilan sa kagila-gilalas na mga kabibi ng daigdig ay masusumpungan sa batuhang korales—malalaki rin. Ang dambuhalang mga kabibi na tumitimbang ng mahigit na 230 kilo ay pangkaraniwan. At ang ilan sa pinakamalaking talaba sa daigdig ay naani sa batuhang korales na ito. Kahit na ang kabibi ng perlas ay nakuha sa kahabaan ng gawing hilagang bahagi nito.
Kagila-gilalas din ang kagandahan ng kulay ng korales mismo. Nakikipagpaligsahan dito ang nakasisilaw na mga kulay ng tropikal na isda na sagana sa tubig nito: matitingkad na kulay asul at kahel, itim at ginto, iskarlata at berde. Kahanga-hanga rin ang kakatwang mga hugis ng mga isdang ito, makikita habang sila’y sumisibad o labas-masok sa magaganda, masalimuot na kayarian ng mga korales.
Ang Kababalaghan ng Korales
Ang korales ay “bahay,” o balangkas na yeso, ginagawa ng maliit na hayop-dagat na tinatawag ng polyp. Samantalang buháy, nagtatayo ito ng “bahay” na korales. Kapag namatay ang polyp, iniiwan nito ang balangkas, iniiwan na parang pamana sa hinaharap na mga salinlahi. Sa pagsilang ang pagkaliit-liit na larva ng polyp ay malayang lumalangoy, subalit hindi nagtatagal at ito ay kumakabit sa korales na iniwan ng nauna rito. Ngayong ito’y nakaangkla nang matatag, ito’y lumalaki at nagiging hugis-tubo, na may bibig sa dulo ng tubo kung saan ito ay tinutubuan ng maliliit na galamay. Sa gayon nagsisimulang kumain ang polyp,
ang pagkain nito ay binubuo ng lumulutang at maliliit na mga hayop sa tubig, karaniwang maliliit na crustacean at mga itlog ng isda.Mula sa kalagayang ito patuloy, ito ay masipag na nagtatayo, kumukuha ng asin na calcium sa tubig ng dagat at ibinubuga ang matigas, tulad-yesong bagay upang gawing isang mabatong tasa na pinaka-“paa” nito, o patungan. Ang sunud-sunod na salinlahi ay nagtatayo sa tulad-tasang mga balangkas na ito, na iba’t ibang hugis at kulay ayon sa uri ng korales na nagtatayo rito.
Ang resulta ay isang kapansin-pansing iba’t ibang magagandang korales, na pinagmumulan ng maringal na mga pangalang gaya ng korales na parang lace, kabuting korales, korales na parang sungay ng usa, estrelyang korales, at korales na parang utak, upang banggitin lamang ang ilan. At ang makapigil-hiningang mga kulay ng buháy na mga korales ay maaaring puti, dilaw, berde, kayumanggi, kulay kahel, rosas, pula, murado, asul, o itim.
Kaya ito ang blokeng pinagtatayuan ng Great Barrier Reef: makulay, kaakit-akit na mga korales. At bagaman ang pangunahing mga uring masusumpungan doon ay ang bilugang estrelya at ang mga korales na parang utak gayundin ang maselang korales na parang sungay ng usa, sinasabing hindi kukulanging 350 iba’t ibang klase ng korales ang nasa batuhang korales! Ang kapal ng korales na nag-aanyong batuhan ay iba-iba. Dalawang barena na ibinaon sa isang isla ng korales ay umabot sa lalim na 120 metro bago naabot ang buhangin.
Ang Kagandahan ay nasa Ilalim ng Tubig
Ang mga korales sa ibabaw ay hindi gaanong maganda, binubuo lamang ng patay at basag na mga korales. Ang buháy na mga korales sa ilalim ang may makapigil-hiningang kulay. Kaya, ang tunay na kagandahan ng batuhang korales ay makikita lamang sa pamamagitan ng isang bangkang salamin ang pinaka-sahig o sa pamamagitan ng snorkeling at scuba diving.
Ang tubig sa paligid ng batuhang korales ay sinlinaw ng kristal, anupa’t ang mga bagay na kasinlalim ng 30 metro ay madaling nakikita ng nabighaning mga pasaherong nakaupo sa gilid ng malalaking panel ng salamin sa sahig ng mga bangkang natatangi ang pagkakagawa. Kahit na ang pinakamalalim na korales ay madaling makikita mula sa ibabaw ng tubig, sapagkat ang korales sa mga batuhan ay lumalaki nang husto sa tubig na tinatamaan ng sikat ng araw, at ang pagtatayo ng batuhang korales ay bumabagal habang ang tubig ay lumalalim pa sa 11 metro.
Mga Kaaway ng Batuhang Korales
Kung minsan ang tao mismo ang pinakamahigpit na kaaway ng likas na mga kababalaghan na gaya ng Barrier Reef. Kaya, marami ang natuwa na ipinagbawal ng pamahalaan ng Australia ang regular na pagbubutas sa batuhang korales para sa langis, bagaman may ilang eksperimentong pagbubutas upang tumuklas ng langis na ginagawa roon.
Gayunman, may isa pang “kaaway” na hindi madaling supilin: isang starfish na tinatawag na corona ng mga tinik. Ang pangalan nito ay kinuha sa hitsura nito; mayroon itong kasindami ng 23 kamay na nagsasanga mula sa gitna, parang mga rayos ng gulong. Ito’y natatakpan ng libu-libong matutulis na tinik na nakalalason sa tao. Isa ito sa pinakamalaking starfish sa daigdig, umaabot ng hanggang 70 centimetro sa diyametro.
Ang starfish na korona-ng-tinik ay kumakain ng buháy na korales, yaon ay, mga buháy na polyp na gumagawa pa ng mga korales, at ito ang dahilan ng malaking pinsala sa mga bahagi ng batuhang korales. Ang mga starfish na ito ang naging paksa ng pagtatalo sapol nang una itong mapansin noong 1962.
Ang iba ay nababahala na ang buong Barrier Reef ay nanganganib, at sila’y naglalabas ng mga babala, gaya ng ‘Wala Nang Reef sa Taóng 2000.’ Sa kabilang dako, may mga siyentipiko na nagsasabing ang pagkain ng starfish sa mga korales ay natural at kailangan, itinutulad ito sa pangmatagalang mga pakinabang ng mga apoy sa gubat o sunog sa kagubatan. Itinuturo nila na sa paano man ang pagkain ng starfish sa korales ay hanggang ikatlong bahagi lamang ng batuhang korales.
Anumang opinyon ng isa tungkol sa matinik na starfish na ito at sa pinsalang ginagawa nito sa batuhang korales, ang karamihan ay sumasang-ayon na kailangan pa ang mas masusing siyentipikong pananaliksik. Kaya, sa nakalipas na mga ilang taon, isinasagawa na ang tinatawag na pinakamasusing pag-aaral na kailanma’y isinagawa sa karagatan ng Australia tungkol sa mga hayop sa dagat. Kung ano ang pangwakas na kalalabasan, panahon lamang ang makapagsasabi. Samantala, kung magagawa mong maglakbay sa Australia, ang pagdalaw sa kahali-halina at makulay na Great Barrier Reef ng Australia ay walang alinlangang magpapasidhi ng iyong pagpapahalaga sa mga kababalaghan ng paglalang.
[Mapa/Mga larawan sa pahina 24, 25]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
Great Barrier Reef
AUSTRALIA
[Credit Line]
Mga larawan ng korales: Sa kagandahang-loob ng Australian Overseas Information Service