Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pagmamasid sa Daigdig

Pagmamasid sa Daigdig

Pagmamasid sa Daigdig

“Sinira ng Di-Pagkakasundo”

“Si Jesus ay nanalangin, nang gabi bago siya ipako sa krus, na ang kaniyang mga tagasunod nawa’y ‘magkaisa . . . pinasakdal sa pagkakaisa,’” sabi ng U.S.News & World Report. Sabi pa nito: “Gayunman sa kalakhang bahagi ng kasaysayan nito, ang iglesyang Kristiyano ay sinira ng di-pagkakasundo.” Bilang patotoo nito, ang ikapitong asamblea ng World Council of Churches na ginanap sa Canberra, Australia, nitong nakaraang Pebrero ay nagtapos na may “ilang palatandaan ng pagsulong tungo sa ‘pagkakaisa ng pananampalataya, buhay at patotoo’ na pinakahahangad nito sa loob ng mahigit na apat na dekada.” “Ang kilusang ekumenikal, sa maikli, ay parang huminto,” hinuha ng magasin. “Ang tunay na pagkakaisa ng mga relihiyon ay malamang na hindi mangyari sa hinaharap.” Ang mga delegado na kumatawan sa 300 relihiyon ay hindi lamang lalong nababahagi sa pagtatapos ng komperensiya kundi ang marami ay inis na inis din. May mga insidente pa nga ng seksuwal na panliligalig, “sa katunayan, napakarami anupa’t isang pantanging toldang tinawag na Womanspace ay inilaan bilang isang santuwaryo para sa mga babaing tinatakasan ang atensiyon na ipinakikita ng sariling-istilong mga lalaki ng Diyos,” sabi ng The Sunday Times ng Inglatera.

Misyonerong Panawagan ng Papa

Sa isang 153-pahinang ensiklikal na pinamagatang “Ang Misyonerong Atas ng Simbahan,” inilabas ni Papa John Paul II kamakailan ang isang panawagan para sa mga Katoliko na ipalaganap ang kanilang pananampalataya sa buong daigdig. Sa mga bansang salansang sa gawaing misyonero at ipinagbabawal ang pangungumberte, mahigpit niyang inirekomenda, “Buksan ang mga pinto kay Kristo!” Ang ensiklikal ang unang mahalagang pahayag ng simbahan tungkol sa gawaing misyonero sapol noong 1959. Idiniin ng papa na sa nakalipas na 25 taon, ang bilang ng potensiyal na mga kumberte ay dumoble at patuloy na dumarami. Matindi niyang binatikos yaong inaakala niyang nagpakalabis sa pagpapakita ng simpatiya sa ibang mga relihiyon nang hindi sinisikap na kumbertihin ang kanilang mga miyembro at tinuligsa ang paniniwala na ‘ang isang relihiyon ay mabuti rin na gaya ng iba.’ Kabilang sa mga suliraning nakakaharap ng kilusan ng simbahan sa pagmimisyonero, sabi ng papa, ay ang “nakaraan at kasalukuyang pagkakabaha-bahagi sa gitna ng mga Kristiyano, ang pagtalikod sa Kristiyanismo ng mga bansang Kristiyano, . . . at ang kontra-patotoo ng mga mananampalataya at ang hindi pagsunod ng mga pamayanang Kristiyano sa huwaran ni Kristo sa kanilang mga buhay.”

Siya ba’y Santa?

Iyan ang tanong na nakakaharap ng Iglesya Katolika Romana tungkol kay Reyna Isabella I, isang pinuno ng Espanya noong ika-15 siglo. Sang-ayon sa pahayagang Pranses na Le Monde, may kilusan sa loob ng simbahan na ipahayag na pinagpala si Isabella, na unang hakbang sa paggawa sa kaniya na “santa.” Si Isabella ay kilala sa pagtaguyod sa mga panggagalugad ni Christopher Columbus, na humantong sa pagkatuklas ng Europa sa Amerika noong 1492. Samantalang pinag-aaralan ng Vaticano ang kahilingan na gawing santa si Isabella, kumakalat ang mga pulyeto na naglalarawan sa kaniya bilang isang huwaran para sa mga adolesente, ina, at maging sa mga pinuno ng estado. Gayunman, ang mga Judio at mga Muslim ay nainsulto. Noong pamamahala ni Isabella kasama ng kaniyang asawa nagsimula ang marahas ng Inkisisyong Kastila; daan-daang libong Judio at Muslim ang pilit na kinumberte o ipinatapon. Libu-libo ang pinahirapan at sinunog.

Muling Dumarami ang Tuberkulosis

Ang tuberkulosis ay dumarami sa buong daigdig, ulat ng pahayagang Pranses na Le Monde; ito ngayon ay pumapatay ng halos tatlong milyon katao sa bawat taon. Pagkaraan ng mga dekada ng pag-urong sa bilang, na nagpangyari sa ilang autoridad sa medisina na humula na ang sakit ay maglalaho sa pagtatapos ng siglo, 20 milyon katao sa buong daigdig ang pinahihirapan ngayon ng aktibong mga kaso ng nakahahawang sakit na ito, at 8 milyong bagong mga kaso ang iniuulat taun-taon. Bagaman sangkatlo ng populasyon ng daigdig ang ipinalalagay na nagdadala ng baktirya na sanhi ng tuberkulosis, karamihan ay hindi magkakaroon ng sakit na ito malibang ang sistema ng imyunidad ng katawan ay napinsala sa ilang paraan. Ang kasalukuyang pagtaas ng bilang ng mga kaso ng tuberkulosis ay sinasabing tuwirang nauugnay sa pagkalat ng virus ng AIDS sapagkat ang mga taong may AIDS ay madaling mahawa sa tuberkulosis at maaaring ikalat ito sa iba.

Mga Salin ng Bibliya

Dahil sa karagdagang apat na bagong wika noong 1990, ang kompletong mga Bibliya ay makukuha na ngayon sa 318 mga wika at diyalekto, ulat ni Dr. John D. Erickson, ang panlahat na napiling-kalihim ng United Bible Societies. Ang bagong mga wika ay: Chimborazo Quichua, ng Ecuador; Rongmei Naga, ng India; at Ranau Dusun at Kayan, parehong sa Malaysia. Sa kabuuan o sa bahagi, ang Bibliya ngayon ay inilalathala sa 1,946 na mga wika, isang pagdami ng 18 sa nakaraang taon.

Gamitin o Mawala Ito

Halos kalahati ng 6,000 wika sa daigdig ay “mamamatay sa susunod na 75 hanggang 100 taon,” sabi ng magasing Science. Iyan ay dahilan sa walang mga bata ngayon ang nagsasalita ng mga wikang iyon. Isa pa, 45 porsiyento ng natitirang 3,000 wika ay nanganganib din na malipol habang ang mga grupong nagsasalita nito ay naglalaho o nasasama sa iba pang mga grupo. Iyan ay nag-iiwan lamang sa 300 wika na ligtas​—5 porsiyento ng umiiral na mga wika. Tinalakay ng Linguistic Society of America, na nagharap sa estadistika sa kanilang taunang miting maaga nang taong ito, ang mga paraan upang sagipin ang nanganganib na mga wika. Ang isang lunas na iminungkahi ay ang “magtatag ng mga sentro para sa wika kung saan ang mga bata ay tuturuan at pasisiglahing gamitin ang nanganganib na mga wika.”

Lunas sa Polusyon?

“Ang lungsod ng Mexico ang malamang na siyang may pinakamaruming hangin sa daigdig,” sabi ng The Economist. “Ito ay 2,300 metro sa ibabaw ng antas ng dagat, kaya ang dami ng hangin ay naglalaman lamang ng sangkatlong dami ng oksiheno na tataglayin nito sa antas ng dagat.” Mga 1,200 tonelada ng tagapagparumi sa hangin ang ibinubuga sa hangin araw-araw mula sa mga industriya, pati na sa isang tagadalisay ng langis, at mula sa tatlong milyong kotse. Grabe pa nga sa taglamig kapag sinisilo ng malamig na hangin ang mga tagapagparumi at pinananatili ito sa nakapaligid na kabundukan. Yamang ang mga impeksiyon sa palahingahan ang dahilan ng pinakamaraming kamatayan sa Lungsod ng Mexico, 25 casietas de oxygiena, kahawig ng mga kubol ng telepono, ang ininstala sa gitna ng Lungsod ng Mexico. Wala pang $2, ang mga residenteng nahihirapang huminga ay maaaring pumasok at lumanghap ng dalisay na oksiheno sa loob ng isang minuto. Bagaman isang marangal na pagpapahayag, “ang isang kubol ng oksiheno para sa bawat 800,000 katao ay hindi makagagamot sa sinuman,” sabi ng The Economist.

Mga Mahilig sa Isda

“Gustung-gusto ng mga Hapones ang kanilang sushi,” sabi ng Asiaweek. “Sila’y kumakain ng limang ulit na mas maraming isda kaysa mga Amerikano at halos walong ulit na mas marami kaysa mga taga-Indonesia.” Upang masapatan ang pagkahilig na ito, ang Hapón ay nanghuhuli ng halos 11.5 milyong tonelada ng isda taun-taon sa malalalim na dagat at sa baybay, karagdagan pang 250,000 tonelada sa mga ilog at mga palaisdaan, at nag-aangkat ng karagdagang 2 milyong tonelada. Ang Unyong Sobyet ang pangalawa na may 11.2 milyong tonelada, kasunod ang 9.4 milyong tonelada sa Tsina, na siyang pinakamalakas mag-ani ng isda sa tubig-tabang, karamihan ay inaalagaan sa mga lawa sa nayon. Ang Estados Unidos ang pinakamalakas na tagapagluwas ng isda, gayundin ang pinakamalakas na tagapag-angkat pangalawa sa Hapón. Tungkol sa isang uri ng isda, ang sardinas, ganito ang sabi ng magasin: “Maraming maliliit na klase ng isda ang matatawag na sardinas. Ang natatanging lasa ay nanggagaling sa mga damong-gamot at langis.”

Yapos ng Balyena

Sa loob ng ilang buwan sa bawat taon sa Timog Aprika, ang mga residente sa kahabaan ng baybayin ng Cape of Good Hope ay nakasusumpong ng kasiyahan sa pagmamasid sa pagkalaki-laking mga balyena (karaniwang mga 18 metro ang haba) na nagpapatangay sa agos at sama-samang naglalaro nang pami-pamilya malapit sa dalampasigan. Kamakailan, tuwang-tuwa ang maraming nagmamasid sa mapagmahal na paglalaro ng mag-inang balyena. Ang luluksu-luksong anim-na-toneladang batang balyena ay paulit-ulit na sasampa sa likod ng nanay nito, susubukang magbalanse roon, at babagsak. Sa tuwina, ang nanay ay gugulong at hahawakan ang kaniyang anak sa kaniyang tiyan ng kaniyang mga palikpik. Ito ay “isa sa pinakamagandang pagtatanghal sa siglong ito,” sabi ng maninirahan doon.

Paglutas sa mga Salungatan ng Kuru-kuro sa Kautusang Judio

Sa labas ng bayan ng Jerusalem, isang maliit na gusali ang kinaroroonan ng Institute for Science and Halacha, “kung saan 15 inhinyero at relihiyosong mga iskolar ang nagpapagal upang makasumpong ng mga paraan upang papagkasunduin ang modernong teknolohiya at ang Halacha, ang 3,500-taong-gulang na kalipunan ng relihiyosong kautusang Judio,” ulat ng The Wall Street Journal. “Marami sa mga palaisipang iniharap dito ay tungkol sa Sabbath, pagka hinahadlangan ng Torah ang nangingiling Judio sa pagsasagawa ng ilang uri ng gawain at paggugol ng enerhiya.” Ang paggamit ng mga elebeytor ay nagharap ng isang partikular na problema. Bagaman ang paggawa sa elebeytor na kusang hihinto sa bawat palapag ay lumutas sa problema na pagpindot sa buton, natuklasang ito’y lumilikha ng enerhiya at ginagamit sa ibang gamit kapag ang isang elebeytor na punô ng tao ay pinabagal pababa. Ngayon isang pantanging idinisenyong sistema ang humahadlang sa enerhiyang iyon na gamitin kung Sabbath. Ang iba pang lunas: isang telepono na humahadlang sa halip na lumilikha ng kuryente kapag pinipindot ang mga buton, isang tinta na naglalaho pagkaraan ng tatlong araw upang mapagtagumpayan ng mga ospital ang pagbabawal laban sa di-kinakailangang pagsulat (binibigyan-kahulugan bilang isang permanenteng marka), at isang “bahay” na yari sa cardboard para sa mga kabaong upang ang mga ito’y mailulan sa mga eruplano kung saan isang miyembro ng Kohanim (uring pari) ay naglalakbay, yamang bawal sa kanila na makasama ang bangkay sa iisang silid.

Pagbawas sa mga Panganib sa Paglalakbay

Maraming bagay ang magagawa ng mga pasahero upang bawasan ang grabeng pinsala o kamatayan sa mga aksidente sa himpapawid, sabi ng mga eksperto. Ang isa ay manatiling gising at alisto sa panahon ng paglipad at paglapag at makinig nang husto sa mga tagubiling pangkaligtasan, yamang ang mga plano sa pagtakas ay iba-iba sa mga eruplano. Pagsakay na pagsakay ng isa sa eruplano, makabubuti ring gumawa ng mapa sa isipan ng cabin at isaulo ang bilang ng mga hanay sa pinakamalapit na labasan. Iwasang magsuot ng sintetikong damit, na maaaring matunaw kapag nagkasunog sa cabin. Ang lana ay itinuturing na isang materyales na hindi gaanong nagliliyab. Magsuot ng sapatos na may mababang takong sa panahon ng paglalakbay. Kung magkaroon ng emergency, ibaluktot nang husto ang katawan sa posisyon para sa pagbagsak. Huwag mataranta samantalang lumilikas, at sikaping manatiling mahinahon.