Tsismis—Kung Paano Iiwasang Masaktan ang Sarili at ang Iba
Tsismis—Kung Paano Iiwasang Masaktan ang Sarili at ang Iba
HABANG may tao, may tsismis. Kahit na sa sakdal na bagong sanlibutang inihula sa Bibliya ay malamang na mayroon pa ring tsismis. a (2 Pedro 3:13) Ang di-pormal, di-sinasadyang usapan tungkol sa mga kaibigan at mga kakilala ay isang mahalagang bahagi ng paraan ng pakikipag-usap natin sa isa’t isa at nagpapanatili ng isang mabuting kaugnayan.
Gayumpaman, walang anumang katuwiran para sa nakasasakit, may malisyang tsismis, o paninirang-puri! Ang gayong uri ng usapan ay nakasasama at nakapipinsala; maaari pa nga nitong sirain ang buhay, mga kaugnayan, at reputasyon. Kaya papaano mo iiwasang lumampas sa hangganan ng kung ano ang nararapat at mapasangkot sa nakapipinsalang tsismis? Paano mo maipagtatanggol ang iyong sarili mula rito? Ang ilan sa pinakamainam na payo na kailanma’y ibinigay sa paksang ito ay nasusulat sa Bibliya. Tingnan natin ang ilan lamang sa payong ito.
Tumahimik: Sinasabing ang “usapan ay isang ehersisyo ng isip, ngunit ang pagtsitsismis ay ehersisyo lamang ng dila.” Oo, ang karamihan ng nakapipinsalang pananalita ay nagpapabanaag, hindi ng malisya, kundi ng hindi pag-iisip bago magsalita. Idinadaldal ng iba ang negosyo ng iba; sila’y nagdaragdag, nagpapalabis, at naninira nang hindi iniisip ang mga kahihinatnan. Ibinubunyag nila sa iba ang mga pagkakamali ng kanilang mga kaibigan, asawa, at mga anak nang hindi man lamang iniintindi ang pinsalang ginagawa nila.
Kaya ganito ang payo ng Bibliya: “Sa karamihan ng mga salita ay hindi nagkukulang ng pagsalansang, ngunit siyang nagpipigil ng kaniyang mga labi ay gumagawang may kapantasan.” (Kawikaan 10:19) Sa ibang salita, mag-isip muna bago magsalita. Mag-isip muna bago magsalita ng isang bagay tungkol sa iba. Tanungin ang sarili: ‘Mauulit ko kaya ito sa harap ng taong iyon? Ano ang madarama ko kung sa akin sinabi ito? ’ (Mateo 7:12) Sabi ng Awit 39:1: “Ako’y mag-iingat sa aking lakad upang huwag akong magkasala ng aking dila. Aking iingatan ang aking dila ng paningkaw.”
Sabihin pa, may mga pagkakataon kung saan ang pagtahimik ay maaaring halos imposible. Halimbawa, maaaring may matinding hinala ka ng seryosong pagkakamali na ginawa laban sa iyo at sa iyong pamilya. Maaaring wala kang katibayan, subalit inaakala mong kailangan mong kumilos tungkol dito. Makasisirang-puri ba kung sasabihin mo ito sa isang pinagkakatiwalaang kaibigan o sa isa na may awtoridad? Ikaw ba’y isang may malisyang dalahira kung lalapit ka sa isa para humingi ng payo? Tiyak na hindi. Kinikilala ng Bibliya ang karunungan ng kompidensiyal na usapan. Mangyari pa, ang mabuting pasiya at pagkakatimbang ay mahalaga kapag humahawak ng gayong delikadong mga kalagayan.—Kawikaan 15:22.
Huwag Makinig sa Nakasasakit na Tsismis: Ano ang mangyayari sa ‘malalaking bibig,’ kung walang ‘malalaking tainga’? Yaong laging nakikibahagi sa mangmang na usapan ay bahagi lamang ng problema; yaong nasisiyahan sa pakikinig ay may kasalananKawikaan 17:4 ay nagsasabi: “Ang manggagawa ng kasamaan ay nakikinig sa masasamang labi. Ang sinungaling ay nakikinig sa dilang nagpapangyari ng away.”
din. Ang basta pakikinig ay maaaring mangahulugan ng iyong tahimik na pagsang-ayon at makatulong sa pagkalat ng nakasasakit na tsismis. AngKaya kapag ang usapan tungkol sa isa ay hindi na masupil, baka kailangan mong magpakita ng tibay-loob at magsabi, ‘Ibahin natin ang usapan.’ At kung ang iyong kasalukuyang mga kaibigan ay mahilig makibahagi sa nakapipinsalang tsismis, baka kailangang isaalang-alang mo ang paghanap ng bagong mga kasama. Sabi ng Bibliya: “Ang mapaghatid-dumapit ay hindi kailanman makapag-iingat ng isang lihim. Lumayo ka sa mga taong madaldal.” (Kawikaan 20:19, Today’s English Version) Malamang, pagkatapos ay ikaw naman ang magiging paksa ng usapan.
Huwag Maging Labis ang Reaksiyon sa Tsismis: Karamihan ng tao ay nasisiyahan sa tsismis basta ang tsismis ay hindi tungkol sa kanila. Sa kabilang panig, ipagpalagay nang ikaw ang biktima ng isang pangit na tsismis o maling kuwento. Kung minsan posibleng matunton ang pinagmulan ng kuwento at mahinahong ayusin ang mga bagay-bagay. Subalit kumusta naman kung hindi mo maayos?
Ang iyong paggalit ay walang magagawa. Oo, “siyang nagagalit nang madali ay gagawang may kamangmangan,” sabi ng Bibliya. (Kawikaan 14:17) Kaya ibinigay ni Solomon ang payong ito: “Huwag ka rin namang makinig sa lahat ng mga salita na sinasalita ng mga tao . . . Sapagkat madalas ding nalalaman ng iyong sariling puso na ikaw, ikaw nga, ay sumumpa rin sa mga iba.” (Eclesiastes 7:21, 22) Ang tsismis ay isang katotohanan ng buhay, at kung minsan, malamang na ikaw man ay naging isang aktibong kalahok dito. Sulit bang ikagalit ang bagay na iyon? Mas malamang bang maglaho ito pagkalipas ng ilang panahon? May “panahon ng pagtawa,” at marahil ang pagpapakita na ikaw ay may ugaling mapagpatawa, ang pagtawa rito ay maaaring siyang pinakamainam na paraan upang pawiin ang tsismis.—Eclesiastes 3:4.
Huwag Nang Gatungan ang Apoy: Kung ang kuwento ay basta ayaw mamatay, tanungin ang iyong sarili: ‘Maaari kayang binibigyan ko ang iba ng dahilan upang magtsismis? Ako ba’y gumagawi sa kahina-hinalang paraan, na para bang ako’y may sala? ’ Isaalang-alang ang sumusunod na kalagayan:
◻ Ang mga kamanggagawa ng isang babae ay talikurang tinatawag siyang tamad at hindi maaasahan—kahit na kasiya-siyang isinasagawa niya ang kaniyang mga tungkulin. Bakit ang masamang reputasyon? Sa isang bagay, siya ay nagpapakita ng saloobing walang iniintindi, mapagwalang-bahala na agad binibigyan ng maling
kahulugan na katamaran. Napaka-casual ng kaniyang ayos para sa trabahong kaniyang pinapasukan. Katapus-tapusan, wala siyang ingat sa kaniyang personal na mga tawag sa telepono, malakas magsalita anupa’t nakatatawag-pansin sa lahat ng kawani sa opisina. Kaya, ang tsismis!◻ Isang tindero ang naging paksa ng usapan sa kaniyang maliit na pamayanan. Usap-usapan na siya’y nagtataksil sa kaniyang asawa. Matinding tinanggihan ng lalaki ang maling paratang. Ang dahilan ng tsismis? Ang kaniyang reputasyon sa pagiging masyadong pamilyar sa mga mamimiling babae.
◻ Isang babaing tinedyer ang sinasabing may maluwag na moral. Sinasabi ng iba na siya ay maraming mangingibig at na siya ay gumagamit ng cocaine. Lahat ng kuwento ay mali. Subalit siya’y kilalang nakikisalimuha sa mga taong may kaugnayan sa droga. Labis-labis ang kaniyang pananamit, istilo ng buhok, at meykap.
Kung ikaw ay biktima ng may malisyang tsismis, maaaring makatulong na tiyakin kung ang iyong ugali, ang iyong paraan ng pakikitungo sa iba, pati na ang iyong pananamit at pag-aayos, ay nakadaragdag pa sa tsismis. Marahil ang ilang pagbabago sa iyong istilo ng buhay ay papawi sa mga tsismis. “Kung saan walang gatong ay namamatay ang apoy,” sabi ng Bibliya. (Kawikaan 26:20) Isa pa, kung ang mga kilos mo ay malapit sa hangganan ng pagiging karapat-dapat, nariyan lagi ang tunay na panganib na aktuwal na madulas sa paggawa ng mali—ginagawa mong totoo ang dati-rati’y tsismis lang.—Ihambing ang Galacia 6:7, 8; 1 Corinto 10:12.
“Gawin ang Inyong Sariling Gawain”
Ang tsismis ay nananatili. Gayunman, dapat na maging alisto tayo sa mapangwasak na kapangyarihan nito. Maiiwasan mo ang maraming sama ng loob at dalamhati para sa iyong sarili at sa iba sa pamamagitan ng basta pagsunod sa pantas na mga salitang ito: “Ano mang bagay ang totoo, ano mang bagay ang karapat-dapat pag-isipan, ano mang bagay ang matuwid, ano mang bagay ang malinis, ano mang bagay ang kaibig-ibig, ano mang bagay ang may mabuting ulat, kung may ano mang kagalingan at kung may ano mang kapurihan, patuloy na pag-isipan ninyo ang mga bagay na ito . . . , at ang Diyos ng kapayapaan ay sasa-inyo.”—Filipos 4:8, 9.
Oo, ang Diyos mismo ay interesado sa paraan ng pagsasalita natin sa iba. Si Jesu-Kristo ay nagbabala: “Bawat salitang walang kabuluhang sabihin ng mga tao ay ipagsusulit nila sa Araw ng Paghuhukom; sapagkat sa iyong mga salita ikaw ay ipahahayag na matuwid, at sa iyong mga salita ay hahatulan ka.”—Mateo 12:36, 37; ihambing ang Awit 52:2-5.
Nais mo bang magkaroon ng mabuting kaugnayan sa iba, kapayapaan ng isip, at, higit sa lahat, isang mabuting katayuan sa Diyos? Kung gayon sundin mo ang kinasihang payo ng Salita ng Diyos: “Gawin ninyong inyong tunguhin ang mamuhay nang tahimik at gawin ang inyong sariling gawain.” (1 Tesalonica 4:11) Magpakita ng interes sa iba, subalit gawin iyon sa mabait, marangal na paraan. Sa gayon makalalayo ka sa may malisya, nakapipinsalang tsismis.
[Talababa]
a Para sa higit pang impormasyon, tingnan ang aklat na Maaari Kayong Mabuhay Magpakailanman sa Paraiso sa Lupa, inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc., kabanata 19.
[Larawan sa pahina 9]
Umalis sa nakasasakit na usapan
[Larawan sa pahina 10]
Ang iyo bang hindi maingat na paggawi ay nagbibigay-dahilan sa mga tao na itsismis ka?