Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

“Ako ang Mata Niya at Siya ang Nagsisilbing Paa Ko”

“Ako ang Mata Niya at Siya ang Nagsisilbing Paa Ko”

“Ako ang Mata Niya at Siya ang Nagsisilbing Paa Ko”

SI José Luis Escobar at Artemio Duran ay naglilingkod bilang hinirang na mga matanda sa isang kongregasyong Kristiyano ng mga Saksi ni Jehova sa Mexico. Si José Luis ay bulag, at si Artemio ay hindi makalakad.

Nang siya ay 16-anyos, si José Luis ay mahilig sa boksing. Isang araw siya ay inanyayahang pumalit sa isang propesyonal na boksingero sa isang laban. Sa ikaapat na round, ang dalawa ay nabugbog nang husto anupa’t ang laban ay itinigil. Bagaman ang panalo ay ipinagkaloob kay José Luis, ang bugbog na tinanggap niya ay nagbunga ng pagkabulag niya.

Si José Luis ay nagtungo sa iba’t ibang doktor at dinalaw rin niya ang mga espiritista. Subalit walang nakatulong sa kaniya. Nawalan ng pag-asa, ilang beses niyang tinangkang magpakamatay. Nang maglaon siya ay natagpuan ng mga Saksi ni Jehova, natutuhan niya ang mga katotohanan sa Bibliya, at sa wakas ay inialay ang buhay niya sa Diyos. Siya ay nabautismuhan noong Agosto 1974.

Sa kabilang dako naman, si Artemio ay nasangkot sa isang grabeng aksidente sa kotse noong 1981. Ito’y nangyari samantalang siya’y nakatira at ilegal na nagtatrabaho sa Estados Unidos. Siya’y dinalaw sa ospital ng mga kinatawan ng iba’t ibang pangkat ng relihiyon at sinabi sa kaniya na siya ay pinarurusahan ng Diyos dahil sa kaniyang masamang paraan ng pamumuhay. Nang maglaon si Artemio ay natagpuan din ng mga Saksi ni Jehova. Siya’y nag-aral ng Bibliya, gumawa ng kinakailangang mga pagbabago sa kaniyang buhay, at siya’y nabautismuhan noong Mayo 1984.

Ngayon ang dalawang lalaking ito ay magkasama sa iisang kongregasyong Kristiyano. Palagi silang magkasama sa bahay-bahay na ministeryo, magkasamang gumagawa ng mga pagdalaw na muli sa interesadong mga tao, at magkasamang dumadalaw sa mga miyembro ng kongregasyon upang patibayin sila sa espirituwal na paraan. Itinutulak ni José Luis ang silyang de gulong samantalang si Artemio naman ang nagtuturo sa kaniya kung saan pupunta. Binabanggit ni Artemio na sila ay isang yunit: “Ako ang mata niya at siya ang nagsisilbing paa ko.”