Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Dapat ba Akong Sumali sa Koponán sa Paaralan?

Dapat ba Akong Sumali sa Koponán sa Paaralan?

Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .

Dapat ba Akong Sumali sa Koponán sa Paaralan?

“Ang paglalaro ay nakatutuwa at kapana-panabik. Kay inam ng pakiramdam ko. Kapag ika’y bata at sa wakas ay masumpungan mong magaling ka sa isang bagay, ayaw mong sayangin ito.”​—Robert.

MARAHIL ikaw man ay nasisiyahang maglaro sa isang koponán sa isports. Gusto mo ang ehersisyo, pakikipagkaibigan, at katuwaan. Baka nangangarap ka pa ngang maging sikat, iniisip ang mga sigaw ng karamihan habang inihahagis mo ang bola sa basket, sinasalo ang bola, o ang goal na nagpapanalo sa inyong koponán.

Anuman ang dahilan ng iyong kasiglahan sa isports, maraming kabataan ang nasisiyahan dito. Nasisiyahan silang sumali lalo na sa koponán ng isports, gaya ng football, soccer, basketball, baseball, at hockey. Ang The Education Digest ay nagsasabi: “Mahigit na 5.2 milyon estudyante [sa E.U.] ang nasangkot sa mga atletiks sa high school noong 1986-87 taon ng pag-aaral, ang pinakamarami sa apat na taon. At, ang mga high school ay nagdagdag ng bagong mga isport sa nakalipas na 10 taon, marami ay inaayos para sa mga babae.”

Kung Bakit Napakapopular

Ang popularidad na tinatamasa ng isports ay ipinahihiwatig sa mga salita ng isang pantas na tao noong una na nagsabi: “Ang kaluwalhatian ng mga binata ay ang kanilang kalakasan.” (Kawikaan 20:29) Ang isports ay nagbibigay ng nakagiginhawang paglalabas ng kalakasan at enerhiya na sagana sa mga taon ng kabataan. Ito ay maaaring maglaan ng nakalulusog na mga hamon kapuwa sa katawan at sa isipan. Ang paglahok sa isports ay maaari ring maging nakapagpapasigla at nakatutuwa, isang pahinga mula sa rutina ng gawain sa eskuwela at mga gawain pagkatapos ng klase.

Karagdagan pa, ang iba ay nangangatuwiran na ang paglalaro sa koponán sa isports ay nakabubuti sa pagkatao. Sabi ng The High School Survival Guide, ni Barbara Mayer: “Ang pagsasanay at diwa ng pagtatalaga na hihilingin sa iyo ay magtuturo sa iyo kung paano bibigyan ang iyong sarili ng isang mahalagang tunguhin. . . . Ang pakikibahagi sa isports ay makatutulong sa iyo na maging isang lider.”

Gayunman, hindi lahat ng kabataan ay may gayong marangal na motibo sa paglalaro ng isports. Ang kaluwalhatian, katanyagan, at prestihiyo ay malakas na mga pangganyak din. “Kung kasali ka sa koponán,” gunita ni Reggie, “ikaw ay itinuturing na isa sa kahanga-hangang lalaki sa paaralan.”

Kinikilala ng Bibliya na “ang ehersisyo ng katawan ay may pakinabang.” (1 Timoteo 4:8, Today’s English Version) At wari ngang ang pagsali sa isang koponán sa paaralan ay isang paraan upang makamit ang gayong pakinabang. Gayunman, nasumpungan ng maraming kabataan na ang mga disbentaha ng pagsali sa isang koponán sa paaralan ay karaniwang nakahihigit sa mga pakinabang.

Ang “Negatibong Panig”

Ang magasing Seventeen ay nag-uulat: “May negatibong panig sa isports, kung saan higit na pinahahalagahan ng mga tao ang pagwawagi. Para sa coach, ang panalo ay maaaring umakay sa isang pagtaas sa ranggo o paglabas sa telebisyon. Para sa isang magulang, ang panalo ay maaaring mangahulugan ng pagmamalaki tungkol sa kaniyang anak o ang mga magulang ay maaaring makadama ng tagumpay gayong ito nama’y tagumpay ng bata. Para sa isang manlalaro, ang panalo ay maaaring mangahulugan ng mga alok na pagiging iskolar, ang ikaw ay mabanggit sa isang ulat ng balita, ang paghanga ng mga kaklase at kapitbahay.”

Pinapangarap din ng ilang manlalaro sa paaralan ang maging propesyonal na mga manlalaro. “Napangarap kong maglaro sa kampeonato sa lungsod o sa estado at sa wakas ay maging propesyonal,” sabi ng kabataang si Gerald. “Nakikita ko ang aking sarili na yumayaman, nag-aanunsiyo ng maraming produkto, napapasama sa hall of fame, maging huwaran, at idini-date ang pinakamagandang babae sa paaralan.”

Hindi kataka-taka, kung gayon, na ang isports sa maraming paaralan ay nilalaro na may halos buhay-at-kamatayang pagkaapurahan! Ang katuwaan at kalakasan ng katawan ay naglalaho sa likuran. Gaya ng pagkakasabi ng Seventeen: “Walang anu-ano pinawawalang-halaga ng pagwawagi ang katapatan, gawain sa eskuwela, kalusugan, kaligayahan, at karamihan ng iba pang mahahalagang aspekto ng buhay. Ang pagwawagi ay nagiging pinakamahalaga, at tumitindi ang panggigipit.”

Dahil sa lumalaganap na saloobing manalo-sa-lahat-ng-paraan, hindi kataka-taka na isang daluyong ng mga pinsala ang sumalot sa mga atletiks sa paaralan. Ang karahasan ng mga manlalaro, tagahanga, at maging ng mga magulang kung minsan ang kasama sa mga laro. At ang paggamit ng mga drogang nagpapabuti sa pagtatanghal ng isang atleta, gaya ng steroids, ay lumalaganap kahit sa gitna ng mga manlalarong tinedyer.

Kaya bagaman ang paglalaro sa isang koponán ay may ilang limitadong pakinabang, maaari rin itong isapanganib ng labis-labis na espiritu ng paligsahan, mga guniguni ng malaking kayamanan, at isang maka-akong pagnanasa para sa kaluwalhatian. Ang mga bagay na ito ay malinaw na salungat sa payo na Bibliya na ‘huwag magpapaligsahan sa isa’t isa,’ huwag ibigin ang salapi, at huwag maghangad ng personal na kaluwalhatian. (Galacia 5:26; Kawikaan 25:27; 1 Timoteo 6:10) Ang pagsali sa isang koponán sa paaralan ay maaaring maglantad sa iyo sa hindi kanais-nais na mga impluwensiya sa napakatinding paraan.

Panggigipit ng Kasama

Kadalasang pinupuri ng mga guro ang mga pagkakataong iniaalok ng isports upang magkaroon ng malapit na ugnayan sa mga kasama. Balintuna, ang pagkakataong ito mismo ang naghaharap ng problema sa mga kabataang Kristiyano. Ang Bibliya ay nagsasabi: “Ang masasamang kasama ay sumisira ng kapaki-pakinabang na ugali.”​—1 Corinto 15:33; 2 Corinto 6:14.

Tapatan, anong uri ng mga kasama ang malamang na makasama mo sa isang locker room ng koponán? Isang kabataan ang umamin: “Napakaraming pagmumura at panunungayaw. Laging pinag-uusapan ng mga lalaki ang mga babae at nagdadala pa sila ng pornograpikong mga aklat na titingnan.” Isa pa, ang pagpapaunlad at pagpapanatili sa espiritu ng koponán ay karaniwang humihiling na ikaw ay sosyal na makisama sa mga kasama mo sa koponán bago at pagkatapos ng mga laro at pagsasanay.

Oo, posibleng mapabilang sa isang koponán at gayunma’y manatiling hindi nakikisangkot sa sosyal na paraan. Subalit gaya ng sabi ng isang 14-anyos na tinedyer na babae: “Ang panggigipit ng kasama ay napakasidhi upang ikaw ay basta maglaro at umuwi ng bahay.” Ang Bibliya sa gayo’y nagtatanong: “Makakukuha ba ng apoy ang tao sa kaniyang sinapupunan at hindi masusunog ang kaniyang suot?” (Kawikaan 6:27) Ginigipit ng kanilang mga kasama sa koponán, nasumpungan ng ilang kabataan ang kanilang sarili sa mga parti kung saan ang alak at droga ay ginagamit, huwag nang banggitin pa ang malalaswang musika at mga kalagayan na maglalagay sa iyo sa kompromiso sa isa na hindi kasekso.

Isaalang-alang ang karanasan ng isang kabataang nagngangalang Robert. Aniya: “Pagkatapos sumali sa koponán, napakaraming problema. Nariyan ang matinding panggigipit na mapasangkot sa pagtatalik bago pakasal, droga, pag-inom ng nakalalasing na inumin, at pagpunta sa magugulong parti. Talagang hindi ako makapaniwala na ang mga bagay na iyon ay kaugnay ng paglalaro ng isports sa high school. Sa court at maging sa labas ng court, ikaw ay inaasahang lumakad, magsalita, at kumilos na gaya ng iba pang mga lalaki.”

Hindi rin dapat kaligtaan ang epekto ng pakikibahagi sa isports sa iyong rutina ng espirituwal na mga gawain. (Hebreo 10:23-25) “Kadalasan, ang mga laro at praktis ay salungat sa mga pulong Kristiyano,” sabi ng kabataang si Gerald.

Nakalulusog na Mapagpipilian

Mangyari pa, ang ibang atletikong pagsasanay ay maaaring ibigay sa panahon ng eskuwela bilang bahagi ng regular na kurikulum, at wala namang masama sa pagdalo ng isang kabataang Kristiyano sa gayong mga klase. Higit pa riyan, iba-iba naman ang mga kalagayan sa iba’t ibang lupain. Gayumpaman, karaniwang iniiwasan ng mga kabataang Saksi ni Jehova ang pagkasangkot sa ekstrakurikular na isports sa paaralan. Ngayon, hindi ito nangangahulugan na ikaw bilang isang kabataang Kristiyano ay hindi maaaring masiyahan sa isports. Gayunman, ito’y nangangahulugan na ikaw ay maaaring kumuha ng ilang pagkukusa.

Halimbawa, maaaring ipakipag-usap mo sa iyong mga magulang ang tungkol sa pagpaplano ng isang pamamasyal, gaya ng isang piknik. Ito’y maaaring maglaan ng isang okasyon para sa inyong pamilya at mga kaibigan na masiyahan sa ilang kaaya-ayang mga gawain sa isports. O maaaring anyayahan mo ang ilang kabataang Kristiyano na magsama-sama at magbisikleta, maglaro ng bola, o magtakbuhan hanggang sa kasiyahan ng inyong puso.

Gayunman, mahalaga na iwasan ang espiritu ng labis-labis na kompetisyon. Ang pagkakaroon ng opisyal, ng mga koponán na isinaayos ng awtoridad ay waring gumagatong sa espiritu ng manalo-sa-anumang-paraan kahit na kung ang lahat ng manlalaro ay mga Kristiyano. Kaya karaniwang nakabubuting panatilihing di-pormal ang mga bagay. Sa katunayan, kadalasang isang mahusay na ideya na magkaroon ng pamamahala ng nakatatanda.

Ipagpalagay na, ang di-pormal na mga laro ay maaaring walang gaanong katuwaan na gaya ng organisadong isports sa paaralan. Subalit maaari ka pa ring masiyahan. Ipinasiya ni Robert na umalis sa koponán ng kaniyang paaralan. Subalit sabi niya: “Nasisiyahan pa rin ako sa paglalaro ng isports. Higit ngayon kaysa kailanman. Kapag ako’y naglalaro ng isports ngayon, hindi ito upang manalo anuman ang halaga, ni napupuno man ako ng espiritu ng paligsahan.”

Gunitain ang sinabi ni apostol Pablo sa binatang si Timoteo: “Ang pagsasanay sa katawan ay mapapakinabangan nang kaunti,” susog pa niya, “ngunit ang maka-Diyos na debosyon ay mapapakinabangan sa lahat ng bagay.” Maliwanag, ang pagiging atleta ay hindi siyang layunin ng isang Kristiyano sa buhay. Kaya panatilihing timbang ang isports. Bakit mo sasayangin ang panahon na mas kapaki-pakinabang mong magagamit sa pagpapaunlad ng iyong espirituwalidad? Tandaan: Ang maka-Diyos na debosyon ay “may pangako ng buhay ngayon at sa darating.”​—1 Timoteo 4:8.

[Larawan sa pahina 15]

Ang espiritung manalo-sa-anumang-paraan ay nangingibabaw sa maraming isports sa paaralan