Isang Bagong Panahon Para sa mga Judio at mga Kristiyano?
Isang Bagong Panahon Para sa mga Judio at mga Kristiyano?
“Ang pag-uusig ay hihinto kapag pumasok ang Papa sa sinagoga.”—Isang kawikaang Judio.
NOONG Abril 13, 1986, si Papa John Paul II ang kauna-unahang papang Romano na pumasok sa isang Judiong bahay ng pagsamba. Sa tunog ng masigabong palakpakan, muling pinagtibay ng papa na “pinagsisisihan [ng iglesya Katolika] ang pagkapoot, mga pag-uusig at pagtatangi sa anumang panahon at ng sinuman laban sa mga Judio.” Sinabi niya na ang kaniyang ‘pagdalaw ay upang pagtagumpayan ang dating di matuwid na mga opinyon at ganap na kilalanin ang iisang espirituwal na pamana na umiiral sa pagitan ng mga Judio at mga Kristiyano.’
Nitong nakalipas ng mga taon hinangad din ng iba pang mga relihiyon ng Sangkakristiyanuhan na makipagkasundo sa mga Judio. Noong Hunyo 1987 ang mga relihiyong Presbiteriano sa E.U. ay naglabas ng isang dokumento na nagpapahayag ng pagsisisi sa malaon nang pagkasangkot ng iglesya sa “mga saloobin at mga kilos na laban sa mga Judio.” Kasunod ng pagkilos na iyan, ang United Church of Christ ay nagpasa ng isang resolusyon. Ipinahayag nito na ang “Judaismo ay hindi hinahalinhan ng Kristiyanismo” at na “ang tipan ng Diyos sa mga Judio ay hindi pa napawalang-bisa.”
Ang Sangkakristiyanuhan at ang “Holocaust”
Ano ang nasa likuran ng pambihirang mga pagsisikap na ito? Walang iba kundi isang pagtatangka sa bahagi ng Kristiyanismo na ilayo ang sarili mula sa Nazi Holocaust (lansakang pagpatay ng mga Nazi sa mga Judio). Noong mga taon pagkatapos ng Digmaang Pandaigdig II, sinikap ng karamihan ng mga lider ng relihiyon na waling-bahala ang mga kakilabutan ng Holocaust na isinagawa ng nag-aangking mga Kristiyano. Gayunman, nauunawaan ng mga Judio ang mga implikasyon ng nakababagabag na katotohanang ito.
Sa paglipas ng mga taon, ang mga nakaligtas sa Holocaust ay malayang nagpahayag ng kanilang mga opinyon. Iniharap ng mga aklat, magasin, at mga palabas sa pelikula ang mga kilabot sa piitang kampo. Itinuon din ng pakikipagbaka ng Estado ng Israel upang manatili ang pansin ng daigdig sa pamayanang Judio. Bunga nito, ang Sangkakristiyanuhan ay lalo pang binatikos. Gaya ng isinulat ni G. Peter Fleck sa The Christian Century: “May malaking pagkakamali sa . . . isang relihiyon at sa isang sibilisasyon na maaaring magdala at payagan ang gayong kasuklam-suklam na bagay [gaya ng Holocaust]. At tiyak na may mali sa relihiyon na lubusang nagsawalang-kibo at hindi kumilos noong panahon ng malaking takot.”
Ang Judiong mga lider ay sumasang-ayon. Si Rabbi Stuart E. Rosenberg ay nagtatanong kung bakit, pagkatapos ng Digmaang Pandaigdig II, ‘iilang relihiyon o ang kanilang mga lider ang nakakita na may kaugnayan sa pagitan ng malao’t patuloy na kasaysayan ng pagkapoot sa Judio ng mga Kristiyano at ng pangwakas na bunga ng Nazismo—ang sadyang pagpatay sa sangkatlo ng bayang Judio.’ Napansin niya na maraming miyembro ng simbahan ang “nagwalang-bahala, o, masahol pa nga, tahimik na tinanggap ang kamatayan ng anim na milyon sa Europa na sakop ni Hitler bilang isang hatol ng Diyos dahil sa ‘pagtanggi ng mga Judio kay Jesus.’ ”—The Christian Problem.
At sabi ni Elie Wiesel sa kaniyang aklat na A Jew Today: “Paano ipaliliwanag ng isa ang bagay na si Hitler o si Himmler ay hindi kailanman itiniwalag ng iglesya? Na hindi kailanman naisip ni Pius XII na ito ay mahalaga, huwag nang sabihing mahalagang-mahalaga, na isumpa ang mga piitang kampo ng Auschwitz at Treblinka? Na sa gitna ng mga sundalong S.S. isang malaking katumbasan ay mga mananampalataya na nanatiling tapat sa kanilang mga kaugnayang Kristiyano hanggang sa wakas? Na may mga pumatay ng tao na nangumpisal sa
pagitan ng walang awang mga pagpatay? At na sila ay pawang galing sa mga pamilyang Kristiyano at tumanggap ng edukasyong Kristiyano?”Kaya nga, hindi kataka-taka na ang mga lider ng relihiyon ay pinilit na muling tasahin ang kanilang katayuan sa Judaismo. Isang bagong teolohiya sa Sangkakristiyanuhan sa gayon ang lumilitaw kung saan ang mga Judio ay hindi na binabanggit bilang ‘mga pumatay kay Kristo’ o bilang ‘isang isinumpang bayan’ kundi kinikilala at dinadakila. May usapan pa nga na ang Kristiyanismo at ang Judaismo ay maaaring maging ‘iba’t ibang landas patungo sa Diyos.’
Pasimula ng Isang “Bagong Panahon”?
Ang mga pangyayaring ito ay tinawag ng ilan bilang ang pasimula ng “isang ganap na bagong panahon sa mga kaugnayan” sa pagitan ng mga Judio at mga Kristiyano. Ipinahayag pa nga ni Rabbi Leon Klenicki na ang mga Judio ay dapat ngayong “mag-isip tungkol sa kahulugan ni Jesus at ng misyon ng Kristiyanismo bilang isang paraan upang dalhin ang lahat ng sangkatauhan sa Diyos.” Susog pa niya: “Marahil ang hinihiling ng Diyos ay isang tulung-tulong na pakikipagsapalaran.”—The New York Times, Hulyo 24, 1988.
Subalit hindi lahat ay lubhang optimistiko. Nakikita ng mga teologo ng ebanghelyo sa Sangkakristiyanuhan ang bagong liberal na pangmalas ng Judaismo bilang isang pagtalikod sa saligang doktrinang Kristiyano. Maraming Judiong lider ay nag-aalinlangan din sa bagong mga mungkahi sa kapayapaan, nauunawa ang mga ito na malabo at nagkakasalungatan, o basta isang bagong balatkayo sa dating taktika sa pagsisikap na kumbertihin ang mga Judio.
Upang magkaroon ng tunay na pagkakaisa, ang mga Judiong lider ay naniniwala na dapat na maliwanag na talikuran ng Sangkakristiyanuhan ang dati nitong mga patakaran tungkol sa pagkapoot sa mga Judio, pati ang bahagi nito sa Holocaust. Hinihiling nila sa mga lider ng simbahan na lubusang alisin ang ideya na ang mga Judio ang may pananagutan sa kamatayan ni Jesus. Nais nilang kilalanin ang Judaismo bilang isang mahalagang paraan ukol sa kaligtasan, hindi lamang isang pambungad sa Kristiyanismo. Nais nilang ihinto ng Sangkakristiyanuhan ang lahat ng mga pagsisikap na kumbertihin ang mga Judio. At katapusan, hinihiling ng marami na lubusang kilalanin at itaguyod ng Sangkakristiyanuhan ang Estado ng Israel.
Ngunit gaya ng ipakikita ng susunod na artikulo, kahit na isagawa ang pambihirang mga hakbang na iyon, mananatili pa rin ang napakalaking agwat sa pagitan nila.
[Larawan sa pahina 4]
Hindi maikakaila ng Sangkakristiyanuhan ang papel niya sa Holocaust
[Credit Line]
Bundesarchiv Koblenz