Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Kailangan Mo ba ng Air-Condition?

Kailangan Mo ba ng Air-Condition?

Kailangan Mo ba ng Air-Condition?

ITO ay isang mainit, maalinsangang araw. Ang araw ay walang-awang tumatama sa iyo habang ikaw ay papauwi na ng bahay. Subalit nang buksan mo ang pintuan sa harap ng inyong bahay, isang malamig, nakagiginhawang hangin ang sumasalubong sa iyo. A-h-h-h-h, air-condition na hangin! Anong laking ginhawa!

Subalit sabihin nang ito’y isang malamig, tagginaw na araw, at pagbukas mo sa pinto ng inyong bahay, isang mainit, nakagiginhawang hangin ang sumasalubong sa iyo. Sinasabi mo ba sa iyong sarili: ‘Ah-h-h-h, air-condition na hangin’?

Marahil hindi. Gayumpaman, ito’y angkop na tugon. “Ang air-conditioning,” paliwanag ng World Book Encyclopedia, “ay nagpapalamig sa hangin kapag mainit ang panahon. Pinaiinit nito ang hangin kapag malamig ang panahon.”

Gayunman, ang terminong “air-conditioning” ay karaniwang ikinakapit sa pagpapalamig sa hangin sa isang kulong na kapaligiran, ito man ay isang bahay, isang gusaling tanggapan, isang awditoryum, isang sinihan, isang kotse, bus, tren, o iba pang kulong na espasyo. Gayunman, higit pa ang ginagawa ng air-condition kaysa baguhin lamang ang temperatura ng hangin; kinokontrol din nito ang galaw, linis, at kaumiduhan, o kahalumigmigan ng hangin.

Nagpapahirap

Ngunit ano ang pinagmumulan ng labis na init at kaumiduhan sa isang kulong na kapaligiran? Mangyari pa, ang pangunahing pinagmumulan ng init ay kadalasang ang araw. Gayunman, ikaw at ang iba pang tao na kasama mo sa bahay, opisina, kotse, o sa iba pang kulong na dako ay may pananagutan rin. Ito’y dahilan sa tayong mga tao ay mga makinang gumagawa-ng-init at kaumiduhan. Mientras mas maraming lakas ang ginagamit natin, mas maraming init at kaumiduhan ang nagagawa natin. Kahit na kung tayo’y mauupong tahimik, ang ating mga katawan ay gumagawa ng ilang antas ng init at kaumiduhan.

Kaya upang tayo’y maging komportable, ang init at kaumiduhan na inilalabas natin ay kailangang alisin sa katulad na bilis na ito’y inilalabas. Kung ito’y napakabilis na inaalis, tayo’y giginawin. Kung ito nama’y aalisin nang mabagal, tayo naman’y init na init. Upang alisin lamang ang init at kaumiduhan na gawa ng isang taong tahimik na nakaupo sa isang malaking silid ay nangangailangan, ayon sa teknikal na mga termino, ng halos tatlong tonelada ng pagpapalamig, o 36,000 Btu (British thermal unit) sa isang oras.

Ang isang Btu ay humigit-kumulang katumbas ng init na inilalabas ng isang nagliliyab na posporo. (Bilang paghahambing, ang 252 calories ay katumbas ng init ng isang Btu.) Kaya, ang init na inilalabas ng isang taong nakaupo ay halos katumbas niyaong 360 nagliliyab na posporo! At nakadaragdag pa sa matinding init na ginagawa ng isang pangkat ng mga tao sa isang kulong na dako ay ang init na likha ng mga ilaw at iba pang elektrikal na kagamitan na maaaring umaandar. Kaya ang pakinabang ng air-conditioning ay madaling mauunawaan.

Mga Bentaha at Disbentaha

Bukod pa sa paggawa sa kapaligiran sa loob na kalugud-lugod, ang air-condition ay maaaring maging kapaki-pakinabang sa iyong kalusugan, lalo na kung ang kasangkapan ay wastong ginagamit at pinananatili. Maaari nitong alisin ang bungang-araw, at yamang karaniwang sinasala nito ang pollen, maaari itong magbigay ng ginhawa sa mga pinahihirapan ng hay fever. Lalo na sa mga may edad na, ang katamtamang temperatura ay kapaki-pakinabang sa kalusugan, gayundin ang pagpapalit sa dating hangin ng sariwang hangin at ang pag-aalis ng dumi at alikabok, na ginagawa ng air-condition.

Gayunman, kasabay nito, ang modernong air-conditioning, na ginagamit ang paraang refrigeration, ay maaaring pagmulan ng mga problema sa kalusugan. Marami ang nagkasakit dahil sa lubhang pagkakaiba ng temperatura sa labas na mahigit sa apatnapung digris Celsius at sa malamig na temperatura sa loob na dalawampu’t-anim na digris Celsius dahil sa air-condition. Sa katunayan, sa kadahilanang ito tinanggihan ng ilan ang paggamit ng modernong air conditioner pabor sa mga bentilador na ikinakabit sa kisame at maliwanag na nakinabang bunga nito.

Sa kabilang dako, ang air-conditioning ay sinasabing nakatulong sa mas maraming produksiyon ng mga manggagawa sa opisina. Nakatutulong din ito sa mga delegadong dumadalo sa mga kombensiyon sa loob ng isang arena o awditoryum na maging atentibo. Walang alinlangang sasang-ayon ka na isang pagpupunyagi ang manatiling alisto kapag ang mga pasilidad na iyon ay mainit at maalinsangan.

Mahalaga rin ang air-condition sa matagumpay na pagtakbo ng maraming industriya. Sa industriya ng pagkain, ang gamit ng air-condition ay mahalagang bagay. Posibleng iimbak ang mga pagkain sa buong taon sa pamamagitan ng paghadlang sa pagtubo ng baktirya na nagiging sanhi ng pagkabulok. Iniingatan nitong amagin ang arina sa mga panaderya. At ginagamit rin ito sa paggawa ng keso. Noon ang kesong Roquefort ay maaari lamang gawin sa ilang kuweba sa Pransiya na may malamig, mamasa-masang hangin. Subalit sa tulong ng air-condition, na tinutularan ang kapaligiran sa mga kuweba, ang kahawig na mga keso ay maaaring gawin saanman.

Gayunman, ang modernong gamit ng air-condition ay nagpangyari rin ng kamatayan at sakit sa marami. Halimbawa, noong 1976, noong panahon ng isang kombensiyon ng American Legion, 182 Legionnaires ang nagkaroon ng maglao’y tinawag na Legionnaires’ disease, at 29 ang namatay. Tungkol sa pagkalat ng sakit na ito, ganito ang sabi ng The New Encyclopædia Britannica: “Pinaghihinalaang ang nadumhang tubig sa sentral air-conditioning units ay maaaring siyang nagkalat ng Legionella pneumophilia sa maliliit na patak nito sa paligid na atmospera.” Ang mga sistema ng sentral air-conditioning na hindi gaanong namamantensiyon ay nakatulong sa pagdumi ng hangin na siyang dahilan ng iba pang karamdaman.

Pagtugon sa Pangangailangan

Maraming tao ang nakadarama ng tunay na pangangailangan ng air-condition. Noon, ang basang mga banig na yari sa dayami ay ibinibitin sa mga bintana o pinto sa tag-araw, at ang pumapasok na hangin ay pinalalamig habang pinasisingaw nito ang halumigmig. Mga 500 taon na ang nakalipas, ginawa ang unang mekanikal na pamaypay. Nagdulot ito ng ginhawa mula sa init sa pamamagitan ng pagpapaikot sa hangin. Kahit na sa ngayon nasusumpungan ng maraming tao na kailangan lamang nila ang bentilasyon na inilalaan ng isang mahusay na bentilador upang manatiling malamig sa tag-araw.

Sa tulad-disyertong mga lugar kung saan ang kaumiduhan ay mababa, marami ang nagtatamasa ng isang hindi magastos na paraan ng pagpapalamig. Sa gayong sistema, ang hangin sa labas ay sinisipsip ng isang basang banig na yari sa tela, at ang hangin sa gayon ay lumalamig bago ito pumasok sa gusali. Gayunman, sa uring ito ng pagpapalamig ang hangin sa loob ng bahay ay kailangang hayaang makaalis sa bilis na kahawig ng pagpasok ng malamig na hangin. Karaniwang sapat na ang ilang bintanang bahagyang nakabukas. Gayunman, ang uring ito ng paggamit ng air-condition ay napatunayang hindi kasiya-siya dahil ang nilalamang halumigmig ng hangin ay itinataas sa hindi maginhawang antas.

Kaya, ang pangangailangang ito ay natugunan nang makagawa ng isang paraan kamakailan upang palamigin ang hangin. Sa katunayan, ang simulaing nagpapatakbo sa isang modernong air conditioner ay kahawig niyaong refrigerator na gamit sa bahay upang panatilihing malamig ang pagkain. Sa gayon, ang gusaling naka-air-condition​—marahil ang inyong tahanan o opisina—​sa wari’y, nagiging isang malaking refrigerator.

Upang palamigin ang hangin sa loob, ang mainit na hangin ay pinalalamig habang ito ay pinaiikot. Upang gawin ito, isang likido ngunit madaling sumingaw na refrigerant ang pinaiikot sa isang set ng evaporator coils. Habang ipinapasa ng isang blower ang manit na hangin sa mga coil na ito, ang refrigerant ay sumisingaw at kinukuha ang init, sa gayo’y pinalalamig ang hangin. Ang nakondisyong hangin na ito ay saka ibinabalik sa dakong pinalalamig. Ang ilan sa halumigmig ay inaalis din kapag ang hangin ay lumamig; ito’y nagiging tubig sa malamig na mga evaporator coil at saka tumutulo palabas.

Samantala, ang refrigerant, na sumingaw dahil sa pagsagap nito ng init, ay dumaraan sa isang compressor. Doon ito ay napi-pressurize. Saka ito pilit na pinadaraan sa mga condenser coil, kung saan inilalabas nito ang init at nagbabalik sa likidong kalagayan. Ang init ay inilalabas sa gusali, at ang refrigerant ay muling umiikot sa evaporator coils upang ipagpatuloy ang proseso ng pagpapalamig.

Ang proseso ng pagkondisyon sa hangin sa pamamagitan ng refrigeration ay bago. Isang yunit ng air-condition para sa ginhawa ng tao ay unang ginamit sa isang sinihan noong 1922. Ang unang sistema ng air-condition para sa tren ay ikinabit noong 1931, at noong 1939 ang mga yunit ng air-condition ay inilagay sa mga kotse. Nang sumunod na taon, ang mga yunit ng air-condition ay ipinakilala sa mga bus. Ang mga bahay at mga apartment ay nagsimulang gumamit ng air-condition noong 1930’s.

Ang pangangailangang nadarama ng mga tao para sa air-condition ay maliwanag na nagkakaiba. Gayunman, iba-iba ang temperaturang nasusumpungan ng karamihan ng mga tao na komportable. Ang temperatura mula 22 digris Celsius hanggang 26 digris Celsius ay karaniwang maginhawa, na may kaunting kaumiduhan mula 40 porsiyento hanggang 60 porsiyento. Kapag ang panahon ay malamig upang mangailangan ng pag-iinit, karamihan ng mga tao ay magiging komportable kapag ang temperatura ay mula 22 digris Celsius hanggang 24 digris Celsius.

Sa kabilang dako, kapag mainit sa labas, karamihan ay magiging komportable kapag pinananatili ng air-condition ang temperatura sa loob na 24 digris Celsius hanggang 27 digris Celsius. Subalit kung ang temperatura sa labas ay napakainit at ang isa ay madalas maglabas-masok, makabubuting panatiling mas mataas ng kaunti ang temperatura sa loob alang-alang sa kalusugan ng isa.

Kailangan Mo ba Ito?

Kaya, depende sa inyong kalagayan, ang air-condition ay maaaring magbigay sa iyo ng mas maginhawang kapaligiran. Oo, may ilang dako sa daigdig kung saan ito ay hindi kailangan o ninanasa. O ang pagbili ng isang air conditioner ay hindi mo kaya.

Gayunman, maaaring ipasiya mo na ang mga pakinabang na makukuha mo sa air-condition ay sulit sa gastos na kinakailangan upang magkaroon nito. Kung ang yunit ay wasto ang pagkakapili, laki, pagkakabit, pinaaandar, at minamantensiyon, maaari itong maglingkod sa iyo sa loob ng mahabang panahon sa kaunting halaga at, oo, magdulot sa iyo ng higit na ginhawa.