Kung Paano Pinagtatagumpayan ng mga Doktor ang AIDS
Kung Paano Pinagtatagumpayan ng mga Doktor ang AIDS
ANG panganib na mahawa ng AIDS sa pamamagitan ng dugo ay nagpangyari sa ilang seruhano na ikapit ang tinatawag ng The New York Times na “bagong baluti sa pag-oopera para sa panahon ng AIDS.” Para sa seruhano kasali sa baluti ang “boots na yari sa goma, mahabang water proof na epron, dalawang pares ng guwantes, sleeve protector na hindi tinatagos ng tubig at mga salamin sa mata.” At para sa partikular na madugong mga kaso, sabi ng Times, “isang helmet na may bumabalot na panakip sa mukha.”
Mahalaga, sa pagtatapos ng 1990, ang Federal Centers for Disease Control ay nagsabi na sa 153,000 iniulat na kaso ng AIDS, 637 ay mga manggagamot, 42 ay mga seruhano, 156 ay mga dentista at mga hygienist, at 1,199 ay mga nars.
Ang AIDS ay unang nakilala noong 1981. Sa ilang panahon apektado nito yaon lamang mga bakla at mga sugapa sa droga na nahawa sa pamamagitan ng nahawaang mga hiringgilya. Subalit ang pagkalat nito sa mga babae ay mabilis. Iniulat ng World Health, ang magasin ng WHO (World Health Organization), sa labas nito ng Nobyembre-Disyembre 1990: “Ang bilang ng mga babae [sa buong daigdig] na inaasahang magkakasakit ng AIDS sa susunod na dalawang taon ay lalampas sa kabuuang bilang ng lahat ng kaso ng AIDS na iniulat ng WHO sa unang dekada ng epidemya.”
Sa Estados Unidos, iniulat ng Federal Centers for Disease Control na noong dakong huli ng 1990, 15,696 katao na mahigit 50 anyos ang nagkaroon ng mga sintomas ng AIDS. Malaking bilang iyan kung ihahambing sa 2,686 na mga kaso ng AIDS sa mga bata na wala pang 13 anyos, isang pangkat ng mga biktima ng AIDS na tumanggap ng mas malaking publisidad.
Paano nakukuha ng mas matatanda ang AIDS? Nakukuha ito ng karamihan bunga ng homoseksuwal na gawain. Gayunman, ayon sa The New York Times, “halos 17 porsiyento ng mga biktima ay nagkaroon ng virus nito sa pamamagitan ng isinaling dugo na may AIDS.” Iyan ang dahilan ng halos kasindami ng mga kaso ng AIDS sa gitna ng mga matatanda dahil sa mga pagsasalin ng dugo gaya ng kabuuang bilang ng mga kaso ng AIDS sa mga bata na wala pang 13 anyos!