Liham Buhat sa Isang Humahanga
Liham Buhat sa Isang Humahanga
KAMAKAILAN isang liham ang tinanggap buhat sa isang humahanga sa isang bansa sa Aprika kung saan ang gawain ng mga Saksi ni Jehova ay bawal. Ang lalaki ay sumulat:
“Mahal na Ginoo,
“Hindi ako magpapaliguy-ligoy pa; nais kong ipaalaala sa inyo na ipinagbawal ng pamahalaan dito ang mga gawain ng inyong relihiyon. Gayon na lamang ang pagkasuya ko!
“Hindi ko na regular na nakukuha ang aking Gumising! Subalit sinasabi ko sa inyo, ang Gumising! marahil ang pinakamagaling na magasing kailanma’y nakilala ko. Pinapayuhan nito ang mga mambabasa kung paano matagumpay at wastong mapangangasiwaan ang kanilang mga sarili, sa legal at espirituwal na paraan. Ito’y isang bagay na kamangha-mangha.
“Pupusta ako na walang lektyurer sa unibersidad ang nakaaalam ng higit o detalyadong nagtuturo na gaya nito. Masahol pa ang aming ‘mga pastor.’ Gayunman sinasabi ng aming pamahalaan na ang mga magasing ito at ang kahawig na mga magasin, na lubhang nakapagtuturo, ay bawal. Bakit? Sapagkat ang mga tagapaglathala nito ay hindi sumasaludo sa bandila. Magaling.
“Ngunit isang tanong: Kung may isang sumasaludo at pagkatapos ay nilulustay ang salapi ng bansa, tumatanggap ng suhol, umiiwas sa buwis, pumapatay, at iba pa, masasabi bang ang isang iyon ay tapat? Iyan ang ginagawa ng aming ‘mga Kristiyano.’ Sumasaludo sila sa mga bandila sa parada at dinadala pa nga ang mga ito sa kanilang mga dako ng pagsamba upang sumaludo rito sa dakong iyon. Mga Kristiyano raw! Alam ko, hindi ako sakdal o mabait man sa paningin ng Diyos. Subalit hindi ito ang paraan.
“Kayong mga Saksi ay hindi sumasaludo sa bandila, hindi tumatanggap ng pagsasalin ng dugo, hindi nagdiriwang ng Pasko at Pasko ng Pagkabuhay at lalong hindi gumagawa ng krimen, hindi naglulustay ng pera, hindi tumatanggap ng suhol, hindi pumapatay. At hindi nangangalunya o nakikiapid. Banggitin mo ang mga bisyo, at ang mga Saksi ay tiyak na tatanggi.
“Inaasahan at idadalangin ko na harinawang maunawaan ng pamahalaan at ipagkaloob sa inyong relihiyon ang kalayaan nitong mangaral.”